Sabay-sabay na pag-aralan ang Bagong Tipan sa taong ito!
Noong gabi bago ipinako sa krus si Jesus, hiniling Niya sa dalawa sa Kanyang mga disipulo na maghanda ng hapunan. Pagkatapos ay inanyayahan Niya ang Kanyang mga Apostol na magpunta. Sa hapunang iyon, na tinawag na Huling Hapunan, binigyan ni Jesus ang Kanyang mga disipulo ng espesyal na paraan upang lagi Siyang alalahanin. Mababasa natin ang tungkol dito sa Bagong Tipan:
“At [si Jesus] ay dumapot ng tinapay, at nang siya’y makapagpasalamat, kaniyang pinagputulputol [ito], at ibinigay sa kanila, na sinasabi, Ito’y aking katawan, na ibinibigay dahil sa inyo: gawin ninyo ito sa pagaalaala sa akin.
“Gayon din naman ang saro, pagkatapos na makahapon, na sinasabi, Ang sarong ito’y ang bagong tipan sa aking dugo, na nabubuhos nang dahil sa inyo” (Lucas 22:19–20).
Kapag kumakain at umiinom tayo ng sakramento, ginagawa natin ang ginawa noon ng mga Apostol sa Huling Hapunan. Ang tinapay ay nagpapaalala sa atin ng katawan ni Cristo at kung paano Siya pisikal na nagdusa para sa atin. Ang tubig ay nagpapaalala sa atin ng Kanyang dugo na ibinuhos para sa atin.
Ang mga panalangin ng sakramento ay nagpapaalala din sa atin sa mga pangakong ginawa natin nang nabinyagan tayo—na laging aalalahanin si Jesucristo. Kapag nakikinig kayo sa mga panalangin ng sakramento, isipin kung ano ang ginawa ninyo sa linggong iyon para maalala si Jesus. Paano ninyo Siya maaalaala sa darating na linggo?