Sinimulan Kong Ipagdasal si Ruth
June Foss, Utah, USA
Matapos maranasan ang ilang di-inaasahang obligasyong pinansyal bilang dalaga, alam ko na kailangan kong makahanap ng isa pang trabaho. Hindi nagtagal, lumapit sa akin si Marty, isang babae sa aking ward, at humingi ng tulong. Papunta sila ng kanyang asawa sa misyon, kaya kinailangan niyang magbitiw sa trabaho. Ipinaliwanag niya na tinulungan niya kada Sabado ang isang matandang babae, si Ruth, na nakatira sa isang pabahay. Inialok sa akin ni Marty ang trabaho niya at sinabi sa akin na babayaran ni Ruth ang pagtatrabaho ko.
Nang sumunod na Lunes, ipinaliwanag nina Marty at Ruth ang mga gagawin ko, at nagsimula ako sa trabaho makalipas ang ilang araw. Nagsimula ako sa pagtitipon ng maruruming damit ni Ruth at pag-aakyat nito sa labahan. Halos kasisimula ko pa lang, biglang pumasok si Ruth at sinigawan ako. Sinabi niya sa akin na hindi ko dapat labhan ang mga damit niya nang hindi muna nagpapaalam.
Ginawa ko lang naman ang sinabi nila ni Marty na gawin ko. Yamot at nasaktan, pinilit kong huwag maiyak. Sinabi ko sa sarili ko na hindi ko kailangan ng dagdag na alalahanin o problema sa buhay ko. Aalis na sana ako sa sandaling iyon mismo kung hindi lang ako nakapangako kay Marty na aalagaan ko si Ruth habang wala siya.
Linggu-linggo pagalit akong sinigawan ni Ruth sa lahat ng ginagawa ko. Parang hindi ko siya kayang bigyan ng kasiyahan kahit ano pa ang gawin ko.
Sinimulan kong ipagdasal na magkaroon ako ng lakas na matiis si Ruth at ang masasakit niyang pananalita, pero walang nagbago. Pinagsisihan ko pa rin kung bakit ko pa siya tinulungan.
Pagkatapos isang araw ay binago ko ang mga panalangin ko. Tumigil ako sa pagdarasal para sa sarili ko at sinimulan kong ipagdasal si Ruth. Hiniling ko sa Ama sa Langit na tulungan akong maunawaan ang kanyang mga pangangailangan at kung paano ko siya matutulungan.
Mula nang araw na iyon nagbago ang lahat. Lumambot ang puso ko, at mas minahal ko si Ruth. Nagbago rin si Ruth. Nagkuwento na siya tungkol sa kanyang buhay, mga kagalakan, at mga kalungkutan. Sinabi niya sa akin na nangungulila siya sa kanyang pamilya. Sinabi niya sa akin ang magagandang bagay na nagawa niya noong araw pero hindi na niya magawa ngayon. Sinabi niya sa akin na nag-iisa siya at nalulungkot.
Nagsimula akong umasam na makita si Ruth bawat linggo, at inasam din niyang makita ako.
Ang karanasan ko kay Ruth ay nagturo sa akin ng isang mahalagang aral. Nang tunay akong maglingkod nang buong puso, naunawaan ko ang turo ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985) na “sa gitna ng himala ng paglilingkod, nangako si Jesus na kapag nilimot natin ang ating sarili, masusumpungan natin ito” (“Small Acts of Service,” Ensign, Dis. 1974, 2.)