2015
Panalangin: Regalo ng Isang Ina
September 2015


Ating mga Tahanan, Ating mga Pamilya

Panalangin: Regalo ng Isang Ina

Ang awtor ay naninirahan sa Guatemala.

Sa kabila ng pagrerebelde ng aking anak, hindi ako tumigil na ipagdasal siya.

A woman at her bed praying.

Panalangin, ni Walter Rane

Noon lamang ako nanalangin nang husto nang tumuntong sa edad na 17 ang isa sa mga anak kong lalaki. Nagsimula siyang magkaroon ng ilang pag-aalinlangan tungkol sa ebanghelyo, at kung minsan ay nagrerebelde siya at ayaw makinig. Lagi naming sinasabing mag-asawa na magsimba siya, ngunit maraming beses siyang tumanggi. Nagdaos kami ng mga family home evening, nagbasa ng mga banal na kasulatan, at nanalangin bilang pamilya, ngunit madalas niyang piliing huwag makibahagi. Hindi ko matandaan kung ilang beses akong lumuhod at humiling sa ating Ama sa Langit na antigin ang kanyang puso at tulungan siyang magpatuloy sa tamang landas.

Nang sumunod na dalawang taon, marami siyang tagumpay at kabiguan. Sinuportahan ako ng mga lider ng Simbahan at kinausap nila siya, pero tila walang saysay ito. Sa huli umalis siya sa bahay namin.

Sa buong panahong iyon hindi ako tumigil kailanman na ipagdasal siya. Kung minsan sinasabi sa akin ng asawa ko, na napagod na, “Hayaan mo na siya. May kalayaan siyang pumili.” Ngunit iisa ang lagi kong isinasagot: “Hindi. Hindi ako mawawalan ng pag-asa.”

Kalaunan nagpunta sa bahay ang aming anak. Humingi siya ng tawad sa akin at sinabing, “Inay, gusto ko na pong umuwi.” Pinag-isipan naming mag-asawa ito, ngunit matapos pag-usapan ito, pumayag kami. Nang makauwi na siya, nakita namin ang kanyang matibay na determinasyong magbago. Naging aktibo siya sa Simbahan at nakibahagi sa mga aktibidad. Kalaunan ay tinawag siyang maglingkod bilang guro sa Primary, isang karanasan na naging espesyal para sa kanya.

Isang araw nagsabit ako ng isang Poster mula sa Liahona na nagsasabing, “Huwag hayaang humadlang sa inyo ang mga pag-aalala o pag-aalinlangan sa paglilingkod sa full-time na misyon.”1 Dalawang buwan nang nakasabit iyon sa kuwarto niya, nang isang araw ay bigla niyang sinabi sa akin, “Inay, gusto ko pong magmisyon sa katapusan ng taon.” Kamangha-mangha iyon. Umiyak kaming mag-asawa, at siyempre sinuportahan namin siya habang naghahanda siyang magpunta sa templo at magmisyon. Patuloy pa rin akong nananalangin, na pinasasalamatan na ngayon ang Ama sa Langit sa pag-antig sa puso ng aking anak.

Pagkaraan ng ilang buwan sa kanyang misyon, isinulat niya sa akin sa isa sa kanyang mga sulat, “Inay, nagkaroon po ako ng malaking patotoo tungkol sa panalangin, salamat po sa inyo. Alam ko po na lagi ninyo akong ipinagdarasal, at ngayo’y nasa misyon ako dahil inantig ng Panginoon ang puso ko, hindi dahil sa napakabait ko. Salamat po, Inay. Ibahagi po ninyo sa mga miyembro ang tuntuning ito na nagpabago sa buhay ko.”

Ngayo’y tapat nang nakapaglingkod sa misyon at nakabahagi sa isang kagila-gilalas na gawain ang aking anak. Labis akong nagpapasalamat sa Ama sa Langit sa pagdinig sa aking mga dalangin sa buong panahong ito at sa pag-antig sa puso ng aking anak, na nagpabalik sa kanya sa tamang landas.

Tala

  1. “Gawin ang Susunod na Hakbang,” Liahona, Hunyo 2009, 31.