Ang Templo at ang Likas na Orden ng Kasal
Ito ang pangalawa sa dalawang artikulo ni Elder Hafen na tumutulong sa paggunita ng ika-20 anibersaryo ng “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo.” Ang unang artikulo ay inilathala sa isyu ng Agosto 2015 ng Liahona.
Mula sa mensaheng, “Marriage, Family Law, and the Temple,” na ibinigay sa J. Reuben Clark Law Society Annual Fireside sa Salt Lake City noong Ene. 31, 2014.
Ang templo ang taling nagbibigkis sa langit at lupa.
Kapag nililito tayo ng naguguluhang kultura tungkol sa kahulugan ng kasal, maaaring kaagad nating isuko ang ating sarili at ang isa’t isa. Ngunit may pag-asa pa. Matutulungan tayo ng walang-hanggang huwaran ng templo na madaig ang kalituhan sa panahong ito.
Tuwing pupunta tayo sa templo, naitutuon tayong muli sa likas na kaayusan ng sansinukob, pati na ang likas na orden ng kasal. Tulad ng mga marino noong una, tinitingnan natin ang kalangitan para malaman ang ating patutunguhan—at ginagawa natin iyan sa pamamagitan ng templo. Isinulat ng scholar na si Hugh Nibley na isang Banal sa mga Huling Araw:
“Ang templo ay itinayo upang maging sagisag ng mga alituntunin ng pag-oorganisa ng sansinukob. Ito ang paaralan kung saan natututo ang mga mortal tungkol sa mga bagay na ito. …
“… Ang templo sa lupa [ay] nasa gitna ng lahat ng bagay, … na napapaligiran ng lahat ng bagay, ang taling nagbibigkis sa langit at lupa.”1
Sa gayon, ang templo ay may kapangyarihang iukit sa ating puso ang mga batas ng Diyos tungkol sa kasal at pamilya.
Ang Kasal nina Eva at Adan
Una nating nalaman ang mga turo sa templo tungkol sa kasal nina Eva at Adan—ang pangunahing kuwento sa templo. Minsa’y tinanong ako ng isang kaibigan, “Kung si Cristo ang sentro ng ebanghelyo at ng templo, bakit hindi itinuturo ng endowment sa templo ang kuwento ng buhay ni Cristo? Ano itong tungkol kina Eva at Adan?”
Nadama ko na ang buhay ni Cristo ay salaysay tungkol sa pagkakaloob ng Pagbabayad-sala. Ang kuwento tungkol kina Eva at Adan ay tungkol sa pagtanggap ng Pagbabayad-sala, sa gitna ng kung minsan ay matitinding oposisyon sa buhay.
Sina Eva at Adan ang unang mga taong tumanggap sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Sila rin ang mga unang magulang na nakadama ng pagmamahal na dulot ng pagsilang ng isang anak, nagsakripisyo sa pagpapalaki ng anak na nagpalakas ng espirituwalidad, at nagdalamhati nang makitang hindi ginagamit nang matalino ng mga anak ang kanilang kalayaan.
Binigyan tayo ni Amang Lehi ng konteksto sa doktrina para maunawaan ang kanilang karanasan—at ang sa atin. Sinabi niya sa atin na kung hindi kumain sina Eva at Adan mula sa punungkahoy ng kaalaman, sila “ay nanatili [sana] sa halamanan ng Eden. …
“At sila’y hindi sana nagkaroon ng mga anak; anupa’t sila sana ay nanatili sa kalagayan ng kawalang-malay, walang kaligayahan, sapagkat hindi sila nakakikilala ng kalungkutan; hindi gagawa ng mabuti, sapagkat hindi sila nakakikilala ng kasalanan. …
“Si Adan ay nahulog upang ang tao ay maging gayon; at ang tao ay gayon, upang sila ay magkaroon ng kagalakan” (2 Nephi 2:22–23, 25).
Kaya, sa kabalintunaan, ang kasalanan, kalungkutan, at mga anak ang tumutulong sa paglikha ng konteksto para matutuhan kung ano ang kahulugan ng kagalakan—na ginawang posible ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
Dahil sa Pagbabayad-sala, maaari tayong matuto sa ating mga karanasan nang hindi kinapopootan dahil sa mga ito. At ang pagtanggap ng Pagbabayad-sala, tulad ng ginawa nina Eva at Adan, ay hindi lamang isang doktrinang nagbubura ng mga itim na marka; ito ang pinakamahalagang doktrina na nagtutulot sa mga tao na umunlad. Kaya nga, ang sakripisyo ni Cristo ay hindi lamang nagbalik sa kanila sa Eden ng kawalang-muwang. Disin sana’y iyon ay naging salaysay na walang balangkas at pag-unlad ng pagkatao. Sa halip, nilisan nila ang halamanan na magkahawak-kamay at sumulong, nang magkasama, patungo sa mundo na tinitirhan natin ngayon.
Ang pangunahing kuwento sa templo ay sadyang tungkol sa ikinasal na mag-asawa na nagtulungan para makayanan ang patuloy na oposisyon sa buhay na ito. Sapagkat sa pagharap lamang sa matitinding oposisyon nila matututuhang maunawaan ang tunay na kagalakan.
Pag-isipan natin ang dalawang implikasyon mula sa kuwento nina Eva at Adan tungkol sa pagkaunawa natin sa pag-aasawa. Una ay ang positibong pananaw ng Panunumbalik tungkol sa Pagkahulog. Alam natin na matalinong nagpasiya sina Eva at Adan sa halamanan dahil ang mortalidad lamang ang makapaglalaan ng karanasang kailangan upang maisakatuparan ang plano ng Diyos para sa kanila—at para sa atin. Sa kabilang banda, itinuturo ng tradisyonal na Kristiyanismo na ang desisyon ni Eva ay malaking pagkakamali, na nagdala ng poot ng Diyos sa buong sangkatauhan. Itinuturo pa rin ng ilang simbahang Kristiyano na dahil ang kababaihan ay mga anak ng hangal na si Eva, ang mga babae ay dapat umasa sa kanilang mga asawa.
Sa matinding pagtugon laban sa ideyang ito, halos lahat ng mga tao ngayon ay nagsasabing ang babae ay hindi dapat umasa sa kanyang asawa. At, para patas, idaragdag nila, ang lalaki rin ay hindi dapat umasa sa kanyang asawa. Ngunit kapag ang mag-asawa ay hindi umaasa sa isa’t isa, tinatanggap lamang nila ang sinasabi sa ngayon na “walang kasunduan at pakialaman sa isa’t isa,” at iniiwan ng tao ang asawa kapag nahirapan na—o kapag nagsimula nang magkaroon ng problema.
Alin ang tama: umasa o hindi umasa? Wala sa mga ito. Ang ipinanumbalik na ebanghelyo—hindi tulad ng turo ng iba pang Kristiyano—ay nagtuturo na ang pasiya nina Eva at Adan sa halamanan ay hindi pagkakamali o aksidente; sa halip, ito ay kusa, at maluwalhati ang ibinunga, na bahagi ng plano ng kaligtasan. Sa gayon itinuturing ng Panunumbalik si Eva—at lahat ng kababaihan—na mga dakilang nilalang na may pantay na pananagutan sa kalalakihan.
Kaya nga, si Eva ay hindi umaasa kay Adan; at hindi rin naman siya nagsasarili. Sa halip, sina Eva at Adan ay magkaugnay sa isa’t isa. Sila ay “magkasama na may pantay na pananagutan” na “tinutulungan ang isa’t isa” sa lahat ng ginagawa nila.2
Pag-aalay ng Bagbag na Puso sa Altar
Pangalawa, nang lisanin nina Eva at Adan ang halamanan, iniutos ng Panginoon na magtayo sila ng altar at mag-alay ng mga hain na hayop. Pagkaraan ng maraming araw itinanong ng anghel kay Adan kung bakit siya nag-alay ng mga hain. Sagot niya, “Hindi ko batid, maliban sa iniutos sa akin ng Panginoon.” Pagkatapos ay sinabi ng anghel sa kanya, “Ang bagay na ito ay kahalintulad ng sakripisyo ng Bugtong na Anak” (Moises 5:6–7).
Sa gayon, ang mga hayop na inialay nina Eva at Adan ay mga simbolo na nagtuturo sa kanila ng gagawing pagsasakripisyo ng Ama sa Kanyang Anak sa hinaharap. At itinuro ng anghel sa kanila na ang sakripisyo ni Cristo at ang plano ng pagtubos ay magbibigay ng kahulugan at layunin sa lahat ng pagsalungat sa kanila—sa katunayan, sa lahat ng kanilang karanasan sa mortalidad.
Pumupunta ang ilan sa atin sa templo ngayon na parang gaya noong unang mag-alay ng mga hain sina Eva at Adan—dahil iniutos ito sa atin, nang hindi nalalaman ang dahilan. Ang simpleng pagsunod ay talagang mas mabuti kaysa hindi pagsasagawa ng mga ordenansa. Ngunit ang Panginoon, na nagsugo ng anghel, ay gustong ipaalam sa kanila ang dahilan—at naniniwala ako na gusto Niyang malaman natin ang dahilan.
Ang mga ordenansa ba sa templo ngayon ay “kahalintulad [rin] … ng Bugtong na Anak”? Isipin kung paanong ang mga altar ng templo, gaya ng altar nina Eva at Adan, ay mga altar ng panalangin, sakripisyo, at mga tipan. Isipin ang lawak ng sakripisyo sa lahat ng tipan ng endowment.
Mula noong maisakatuparan ni Cristo ang Kanyang misyon na magbayad-sala, hindi na tayo nag-aalay ng mga hayop, ngunit nakipagtipan tayo na mag-aalay ng hain. Sa paanong paraan? Itinuro ni Cristo sa mga Nephita, “Mag-aalay kayo bilang pinaka-hain sa akin ng isang bagbag na puso at nagsisising espiritu” (3 Nephi 9:20; tingnan din sa 2 Nephi 2:7).
Ang pag-aalay ng mga hayop ay sagisag ng pagsasakripisyo ng Ama sa Anak, ngunit ang paghahain ng bagbag na puso at nagsisising espiritu ay sumasagisag sa pagsasakripisyo ng Anak ng Kanyang sarili. Isinulat ni Elder James E. Talmage (1862–1933) ng Korum ng Labindalawang Apostol na “namatay si Jesus sa bagbag na puso.”3 Kahalintulad nito, iniaalay natin ngayon ang ating sarili—ang ating bagbag na puso—bilang isang personal na hain.4 Sinabi ni Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang tunay at personal na hain ay hindi paglalagay ng hayop sa altar. Sa halip, ito ay kahandaang ilagay ang kasamaang nasa atin sa ibabaw ng altar at hayaan itong matupok!”5
Habang naglilingkod kamakailan bilang pangulo ng St. George Utah Temple, may ibubuklod ako noon na magkasintahan. Nang anyayahan ko sila na lumapit sa altar at hinawakan ng kasintahang lalaki sa kamay ang kanyang mapapangasawa, natanto ko na sila ay maglalagay sa ibabaw ng dambanang iyon ng hain nila na sariling mga bagbag na puso at nagsisising espiritu—isang di-makasariling pag-aalay ng kanilang sarili sa isa’t isa at sa Diyos sa pagtulad sa sakripisyo ni Cristo para sa kanila. At para sa anong layunin? Upang sa pamamagitan ng habambuhay na pagsasakripisyo para sa isa’t isa—ibig sabihin, pagsisikap na mamuhay nang tulad Niya—sila ay maging mas katulad Niya.
Sa gayong pamumuhay araw-araw, bawat isa sa kanila ay mapapalapit sa Diyos, na lalong maglalapit sa kanila sa isa’t isa. Kaya, ang pagtupad sa mga tipan ng ordenansa ng pagbubuklod ay magpapabanal hindi lamang sa kanilang pagsasama kundi sa kanila ring puso at buhay.
Ang pagkaunawang ito sa pag-aasawa ay ibang-iba sa umiiral na pananaw tungkol sa pag-aasawa sa panahong ito. Sa Kanyang talinghaga tungkol sa mabuting pastol, inilarawan ni Jesus ang isang upahan—isang taong binabayaran para pangalagaan ang mga tupa. Kapag dumating ang lobo, sabi Niya, ang upahan ay “pinababayaan ang mga tupa, at tumatakas.” Bakit tumatakas ang upahan? Dahil hindi siya ang may-ari ng mga tupa. Sa kabilang banda, sinabi ni Jesus tungkol sa kanyang Sarili, “Ako ang mabuting pastor. … Ibinibigay ko ang aking buhay dahil sa mga tupa.” (Tingnan sa Juan 10:11–15.)
Ngayon iniisip ng maraming tao ang pag-aasawa bilang di-pormal na kasunduan sa pagitan ng dalawang upahan. Kapag ang upahan ay nakadama ng panganib sa ilang lobo ng kaguluhan, tumatakas lamang ito. Bakit nga naman magpapakahirap ang isang upahan lamang, at isasapanganib ang kanyang buhay?
Ngunit kapag inialay natin ang bagbag na puso at nagsisising espiritu sa pagsasama nating mag-asawa na kahalintulad ng Mabuting Pastol, nangangako tayong ibibigay ang ating buhay para sa mga tupa ng ating mga tipan, isang araw o kahit isang oras sa bawat pagkakataon. Inaanyayahan tayo ng prosesong ito na di-makasariling pasanin sa ating sarili ang mga paghihirap at kagalakan ng ating kabiyak at mga anak, na tinutularan sa ating limitadong kakayahan ang pagpasan ng Tagapagligtas sa ating mga paghihirap.
“Ikaw man ay maghirap sa lahat ng kanyang paghihirap” (D at T 30:6), sinabi ng Panginoon kay Peter Whitmer tungkol sa kanyang missionary companion na si Oliver Cowdery. Inulit ni Isaias ang katagang iyan sa paglalarawan kay Cristo at sa mga taong tinutubos Niya: “Sa lahat nilang kadalamhatian ay nagdadalamhati siya, … at kaniyang … kinalong silang lahat noong araw” (Isaias 63:9; tingnan din sa D at T 133:53).
Isang temple worker, na ang asawa ay pumanaw pagkatapos dumanas ng malubhang sakit sa loob ng ilang taon, ang nagsabi sa akin, “Akala ko alam ko na kung ano ang pagmamahal—mahigit 50 taon kaming nagkasama. Pero nito lang nakaraang ilang taon ko natuklasan sa pagsisikap na alagaan siya kung ano ang tunay na pagmamahal.”
Sa pakikibahagi sa mga paghihirap ng kanyang asawa, natuklasan ng lalaking ito ang malalim na bukal ng pagkahabag sa kanyang puso na hinding-hindi madarama ng isang upahan. Ang natuklasang iyon ay nagdulot ng nagpapabanal na proseso ng pagiging katulad ng Mabuting Pastol—sa pamumuhay at pagmamalasakit na gaya ng ginawa Niya. Hindi ito nagkataon lamang, ang uring iyan ng pamumuhay ay naglalaan ng hindi matutumbasang lakas para sa kapakanan ng ating lipunan.
Pag-aasawa at Tunay na Kagalakan
Itinanong ng isang kaibigan kamakailan, “Gaano kaperpekto ang pamumuhay natin para matanggap ang mga dakilang pangako ng pagbubuklod sa templo?” Kilalang-kilala ng mag-asawa ang isa’t isa, lalo na ng mga naghahangad sa walang-hanggang pagpapala, na balang-araw ay tapat nilang maiisip kung namumuhay sila nang halos perpekto na—o kung gayon ang pamumuhay ng kanilang asawa.
Gusto ko ang sagot na ibinigay sa pamamaalam ni Moroni: “Kung inyong pagkakaitan ang sarili ng lahat ng kasamaan, at iibigin ang Diyos nang buo ninyong kakayahan, pag-iisip at lakas, kung magkagayon ang kanyang biyaya ay sapat sa inyo, upang … kayo ay maging ganap kay Cristo” (Moroni 10:32; idinagdag ang pagbibigay-diin). Ang isang paraan para alisin sa ating sarili ang kasamaan ay manatiling malapit sa templo, dahil sa mga ordenansa nito “ang kapangyarihan ng kabanalan ay nakikita” (D at T 84:20; idinagdag ang pagbibigay-diin). Dagdag pa rito, ang ibigin ang “Diyos nang buo [nating] kakayahan” ay nangangahulugang pagmamahal sa abot ng ating makakaya, at hindi sa ilang mahihirap at hindi makamtan na antas ng pagiging perpekto.
Kapag ipinagkait natin sa ating sarili ang kasamaan at tapat na iibigin ang Diyos nang lubos hangga’t makakaya natin, ang nagpapasakdal na biyaya ni Cristo ang magkukumpleto sa pagiging sakdal natin. Sinabi sa isang liham ng Unang Panguluhan na isinulat noong 1902 kung ano ang kahihinatnan ng sakripisyo ni Cristo lakip ang sarili nating sakripisyo: “Matapos makamit ang perpektong kalagayan ng buhay wala nang hahangarin ang tao kundi ang mamuhay ayon sa [kabutihan], kabilang dito ang nagbuklod sa kanila bilang mag-asawa. … Ang mga magtatamo ng una o selestiyal na pagkabuhay na muli ay kailangang dalisay at banal, at magkakaroon din sila ng perpektong katawan. … Bawat lalaki at babae na umabot sa hindi masambit na kalagayang ito ng buhay ay magiging kasingganda ng mga anghel na nakapaligid sa trono ng Diyos; … sapagkat ang mga kahinaan ng laman ay nadaig at naiwaksi; at sila kapwa ay nakaayon sa batas na nagbuklod sa kanila.”6
May kilala akong isang babae na mga 50 taon nang kasal sa templo. Matapos magkaroon ng mga anak silang mag-asawa, ang magulong buhay ng lalaki ay humantong sa kanilang pagdidiborsyo at pagkatiwalag nito sa Simbahan. Pagkatapos ay tinalikuran naman ng babae ang Simbahan at pinili ang maling landas. Kalaunan pumanaw ang kanyang dating asawa. Nakilala ko siya nang dalhin siya ng kanyang anak na babae sa aking opisina para malaman kung muling makakapasok ang kanyang ina sa templo.
Matapos ang payapang pag-uusap tungkol sa kung ano ang matututuhan mula sa karanasan nang hindi kinapopootan dahil dito, pinag-usapan namin ang proseso ng pagsisisi, muling pagpapabinyag, at ang pagpapanumbalik ng mga pagpapala ng templo. Pagkatapos ay sinabi ko sa kanya na ang pagpapanumbalik ng ordenansa ay magpapanumbalik din sa kanyang pagbubuklod sa templo. Handa na ba siya para dito?
Ang unang nagsalita ay ang anak. “May bipolar disorder ako,” sabi niya. “Ang anak kong lalaki ay may bipolar disorder din. Mas alam na namin ngayon ang tungkol sa kapansanang iyon, at umiinom kami ng mga gamot na makatutulong. Kung gugunitain ko ang nakaraan, naniniwala ako na may bipolar disorder din ang aking ama, at malamang na nakaapekto iyon sa maraming mahihirap na pinagdaanan ng aming pamilya. Hindi ko siya huhusgahan.”
Marahang sumagot ang ina, “Kung talagang makakabalik ako sa templo balang-araw, handa akong maibalik ang mga pagbubuklod sa akin.”
Habang pinagmamasdan ko sila na naglalakad sa pasilyo, natanto ko na ang templo at ang kapangyarihan na magbuklod ni Elijah ay pinagmumulan ng pagkakasundo, hindi lamang ibinabaling ang puso ng mga anak at magulang sa isa’t isa kundi ibinabaling din ang puso ng mga mag-asawa sa isa’t isa. Kalaunan tumanggap ako ng mensahe na muling nabinyagan ang ina.
Pinatototohanan ko na ang orden ng kasal na ibinigay ng Diyos kina Eva at Adan ay sulit anuman ang kapalit nito—upang mahanap ito, maitatag ito, at mapanatili ito sa ating buhay. Pinatototohanan ko na ang mga mag-asawa na nagsisikap na mamuhay na tulad ng Mabuting Pastol ay matutuklasan, at maibibigay sa isa’t isa, ang mas saganang buhay na puno ng tunay na kagalakan.