Sulit ang Seminary!
Maaaring kailangan dito ang kaunting sakripisyo, ngunit alam ng mga kabataang ito na maaaring maging malaking pagpapala ang seminary.
Ano ang isang bagay na karaniwan sa mga kabataang Banal sa mga Huling Araw sa iba’t ibang panig ng mundo? Sila ay mga estudyante sa seminary! Ang mga kabataan ay dumadalo sa seminary sa iba’t ibang paraan. Ang ilan ay gumigising nang alas-5:00 n.u. para dumalo bago pumasok sa eskuwela, samantalang ang iba ay dumadalo sa pagitan ng kanilang regular na mga klase sa eskuwela. Bihirang dumadalo ang ilang estudyante tuwing Sabado o gumagamit ng Skype para makisali.
Isinasakripisyo man nila ang pagtulog o mga football game tuwing Sabado, mahigit 390,000 kabataan sa buong daigdig ang masayang nakikibahagi sa seminary. Narito ang sinasabi nila tungkol sa mga pagpapala ng seminary:
“Hindi ko iniisip na binabawasan nito ng isang oras ang pagtulog ko; iniisip ko na isang oras ito para espirituwal kong maihanda ang sarili ko.”
Megan C., 17, California, USA
“Dahil sa seminary, lumakas nang husto ang aking patotoo, at mas tiyak ang kaalaman ko tungkol sa mga banal na kasulatan. Ang patotoo ko tungkol sa sakripisyo ng Tagapagligtas sa Getsemani ay mas malakas dahil sa seminary.”
Vina C., 17, Hong Kong, China
“Seminary ang lugar kung saan lagi kong nadarama ang Espiritu. Sa bahay namin ako lang ang aktibong miyembro, pero lubos ang suporta ng mga magulang ko. Dahil sa seminary, lumalago ang kaalaman ko.”
Amanda L., 17, Utah, USA
“Seminary ang nagpapatibay sa iyo sa nangyayari sa buong maghapon. Kung sa palagay ko may darating na masasamang ideya, maaari kong isipin ang lesson sa seminary. Ang impluwensya nito ay hindi lang sa oras ng seminary.”
Eric G., 15, Ipswich, England
“Talagang mahalagang dumalo sa seminary dahil mas marami tayong matututuhan tungkol sa ating Simbahan at mapapatatag natin ang ating kaugnayan sa Ama sa Langit. Gusto ko ang seminary dahil mas marami akong malalaman tungkol sa kasaysayan ng Simbahan at talagang malalaman ko na totoo ang ebanghelyo at na talagang mahal ako ng Ama sa Langit at ni Jesucristo!”
Breck M., 17, Kentucky, USA
“Gustung-gusto ko ang seminary dahil tinutulungan ako nitong magdesisyon. Sa mga klase nadarama ko ang Espiritu ng Panginoon at may katibayan ako na ito ang ebanghelyo ni Jesucristo. Walang dahilan para hindi mo ito mahalin. Alam ko na ang pag-aaral ko sa loob ng apat na taong ito ay makakatulong sa pagmimisyon ko.”
Karolina O., 16, João Pessoa, Brazil