2015
Hindi Taga Sanglibutan
September 2015


Hindi Taga Sanglibutan

Ang manindigan bilang miyembro ng Simbahan ni Cristo ay maaaring mahirap sa panahon ngayon, ngunit maaari tayong maging kabilang sa mundong ito nang hindi naiimpluwensyahan nito.

Naiisip ba ninyo kung saan nanggaling ang ekspresyon na “nasa sanglibutan ngunit hindi taga sanglibutan”? Ito ay hindi lamang sawikain o matalinong paggamit ng mga salita—kundi talagang ito ay mula kay Jesucristo.

Isipin ninyo ang gabi bago ang Kanyang Pagpapako sa Krus. Siya ay nakipagpulong sa Kanyang mga Apostol, hinugasan ang kanilang mga paa, tinuruan sila, at pinangasiwaan ang sakramento. Nang gabing iyon, nanalangin Siya nang malakasn sa Kanyang Ama para sa mga Apostol:

“Hindi ko idinadalangin na alisin mo sila sa sanglibutan, kundi ingatan mo sila mula sa masama.

“Hindi sila taga sanglibutan, na gaya ko naman na hindi taga sanglibutan. …

“Kung paanong ako’y iyong sinugo sa sanglibutan, sila’y gayon ding sinusugo ko sa sanglibutan” (Juan 17:15–16, 18).

Ang Tagapagligtas mismo ay buong buhay na namuhay sa sanglibutan ngunit hindi bilang taga sanglibutan. Siya ay tinukso, ngunit Siya ay hindi nagpatangay sa tukso. Iniwasan Niya ang masama. Nakihalubilo Siya sa mga disipulo at sa mga nananalig gayundin sa mga makasalanan at mapagkunwari. Siya ay isang halimbawa sa lahat.

Ngunit hindi lamang Niya basta iniwanan ang Kanyang mga disipulo ng mahigpit na bilin na, “Kung nagawa ko, magagawa ninyo ito.” Sa halip, Siya ay naging mahabagin. Nanalangin Siya sa Ama para tulungan sila. Hindi Niya ipinagdasal na alisin ang mga hamon sa kanilang buhay. Sa Kanyang buhay sa lupa at sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta at apostol ngayon, itinuro ng Tagapagligtas na mahalaga para sa atin na impluwensyahan sa kabutihan ang mundo.

Ang mga kabataan mula sa iba’t ibang panig ng mundo ay palaging nahaharap sa mga hamon habang sila ay naglilibot sa mga bulwagan ng paaralan, nakikihalubilo sa mga kaibigan, at nakikibahagi sa iba pang mga aktibidad. Ngunit dahil tinutulungan sila ng Tagapagligtas at nasa puso nila ang ebanghelyo, nakahanap sila ng mga paraan na huwag mapabilang sa kasamaan ng mundo. Basahin kung paano pinipili ng ilan sa kanila na sundin ang halimbawa ng Tagapagligtas.

Maging Sabik sa Paggawa

A Young woman holding open scriptures. She is looking up and smiling.

Kapag nahaharap ako sa tukso, itinatanong ko sa sarili ko, “Ano ang gagawin ni Jesus sa ganitong sitwasyon?” o “Mas ilalapit ba ako nito sa selestiyal na kaharian?” Pumupunta ako sa seminary tuwing umaga kahit talagang pagod ako dahil tinutulungan ako nito na espirituwal na umunlad. Ang pagbabasa ko ng mga banal na kasulatan, na may layuning matuto ng bagong kaalaman o bagay na tutulong sa akin na maging mas mabuting tao, ay pinagmumulan ng patnubay na tumutulong sa akin. Kapag pinanatili nating banal ang araw ng Sabbath at nagpunta tayo sa ating mga aktibidad, mas madaraig natin si Satanas. Kapag sabik tayong nag-abala sa gawain ng Panginoon, matutulungan Niya tayo sa lahat ng mahihirap na sitwasyong nararanasan natin.

Brenda H., 17, Minnesota, USA

Humugot ng Lakas mula sa Iba

Young women walking together.  They are smiling and laughing.  They are dressed in Sunday clothes.

Patuloy kong sinusunod ang aking mga pamantayan sa pakikibahagi sa mga aktibidad kasama ang mga kaibigan ko sa simbahan. Siyempre iniimbita ko sa mga aktibidad ang mga kaibigan ko na hindi miyembro para makita nila at maunawaan kung bakit gusto kong sundin ang mga pamantayang ito. Ang mga magulang ko at ang kuya ko ay mabubuting halimbawa sa akin. Marami rin akong mabubuting kaibigan na hindi kabilang sa Simbahan na mabubuting halimbawa sa akin. Marami silang magagandang katangian na gusto ko ring taglayin.

Celina W., 15, Germany

Magsalita Kayo

Sa Denmark itinuturing na kakaiba kapag ikaw ay nagsimba, hindi uminom ng alak, at may matataas na pamantayan. Ngunit naranasan ko na kung hindi ka nahihiyang magsalita tungkol sa mga bagay na pinahahalagahan mo, mabilis mong makukuha ang respeto ng mga kaibigan mo. Nakita ko na iniisip ng mga tao na kahanga-hanga kapag inaalagaan ng mga tao ang kanilang sarili sa ganoong paraan.

Emma K., 18, Denmark

Ibahagi ang Inyong Liwanag

Young men playing rugby.

Ilang taon na ang nakararaan sumali sa isang linggong tournament ang aming rugby team. Ibig sabihin nito ay pitong araw kaming malalayo sa tahanan, mga magulang, at mga lider ng Simbahan. Dahil sa paaralan ng Simbahan kami nag-aaral, lahat ng nasa team namin ay mga miyembro ng Simbahan. Halos bawat gabi sa linggong iyon, ang iba pang mga team sa hotel namin ay nagpa-party sa kanilang mga silid at nagpapatugtog nang malakas, nagsasayawan, nag-iinuman, naninigarilyo, at nagsisigawan gamit ang masasamang salita. Ang team namin ay nakatipon sa isang silid at ginagawa ang nakagawiang pag-aaral ng mga banal na kasulatan at mga debosyonal sa gabi. Masarap sa pakiramdam na gawin ang tama kahit hindi kami sinasabihan ng aming mga magulang. Matapos kaming mapansin nang may pagtataka ng ibang pang mga team, nakuha namin ang respeto nila. Tahimik sila kapag alam nilang nagdaraos kami ng mga debosyonal sa gabi. Tila naging interesado sila sa ginagawa namin, at may ilan pang sumama sa amin sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan at pagdarasal.

Hindi namin naipanalo ang tournament nang linggong iyon, pero nanalo kami sa ibang paraan. Nagawa naming paningningin ang aming liwanag, at dahil sa aming halimbawa, nakapagpabago kami ng mga puso at isipan.

Elisara E., 20, Samoa