2015
Nadama Ko ang Kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo Nang …
September 2015


Nadama Ko ang Kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo Nang …

Ibinahagi ng mga young adult ang kanilang mga karanasan sa paggamit ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas.

Young woman kneeling by her bed praying.  Shot in Brazil.

Itaas: paglalarawan ni Janae Bingham; kanang ibaba: paglalarawan ni Alexandre Borges

Tinulungan Ako ng Tagapagligtas sa Masasaya at Malulungkot na Sandali

Ang araw ng aking binyag ay parang panaginip—masayang-masaya at sabik na sabik akong magsimula sa buhay nang malinis. Gayunman, hindi nagtagal ay nakipagtalo na ako sa mga kapatid ko. Naaalala ko na nalungkot ako na nagkamali ako kaagad gayong katatapos ko lang mabinyagan at makumpirma; naaalala ko rin na nang magsisi ako, nakadama ako ng panibagong sigla. Kaya natutuhan ko sa murang edad na ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay nagpapalaya sa akin mula sa kasalanan.

Habang patuloy kong nauunawaan ang ebanghelyo, nalaman ko na ang Pagbabayad-sala ay hindi lamang isang bagay na gagamitin tuwing magkakasala ako. Ang Pagbabayad-sala ay maaaring maging bahagi ng buhay ko sa mga oras ng pagsubok, kagalakan, pighati, o tagumpay. Kapag hindi ko madama na tanggap ako ng mga kabarkada ko, nagdarasal ako sa Ama sa Langit at pinasisigla Niya ako, ipinapaalala sa akin na nadama rin ng Kanyang Anak ang mga bagay na ito. Kapag may nagawa akong maganda, mas nagagalak ako kapag naiisip kong nagagalak ang Tagapagligtas, dahil nadama rin Niya iyon.

Abby McKeon, Utah, USA

Natuto Akong Umasa sa Panginoon

Maraming taon kong nadama na nag-iisa ako at pinabayaan. Nahirapan akong pigilin ang masasamang hangarin na nag-akay sa akin na magkasala, at paulit-ulit akong nakagawa ng mali at kahihiyan. Salamat na lang at tinuruan ako ng isang mapagmahal na bishop tungkol sa papel na ginagampanan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas para akuin ang mga kahinaan, pasakit, at kalungkutan at maging ang kasalanan. Natuwa ang bishop ko nang umunlad ako at pinanatag ako nang magkamali ako.

Nalaman ko na ang intelektuwal na kaalaman tungkol sa Tagapagligtas ay hindi sapat—kailangan kong magdasal sa Ama sa Langit at laging magsisi sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Nang gawin ko ito, mas nasunod ko ang mga utos ng Diyos at mas napalapit ako sa Tagapagligtas.

Bagama’t nahihirapan pa rin akong umiwas sa tukso, batid kong makakaasa ako nang lubos sa aking Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Habang nakatayo ako sa bato na aking Manunubos, ang aking kahinaan ay maaaring maging kalakasan. Tulad ni Pablo masasabi ko, “Kaya’t bagkus akong magmamapuri na may malaking galak sa aking kahinaan upang manahan nawa sa akin ang kapangyarihan ni Cristo. … sapagka’t pagka ako’y mahina, ako nga’y malakas (II Mga Taga Corinto 12:9–10).

Jacob H. Taylor, Idaho, USA

Young adult male studying in Bolivia

Nakaranas Ako ng Pagbabago ng Puso

Noong hayskul ako hindi ako talaga interesado sa ebanghelyo. Sa misyon, unti-unti kong nalaman kung ano talaga ang pagmimisyon at hinangad ko ang kapangyarihan at pag-unlad na maidudulot nito sa buhay ko kung tunay akong karapat-dapat. Sa huli, ang kasalanan at kalungkutan sa nagawa kong mga pagkakamali ay nagpahirap sa akin, at gusto kong makalaya—maging malinis at mas mabuting kasangkapan sa kamay ng Panginoon. Matapos makipag-usap sa mission president ko, umuwi ako para pag-ukulan ng panahon ang pagsisisi.

Pag-uwi ang isa sa mga pinakamahirap na panahon ng buhay ko. Sinimulan kong ibahin ang paraan ko ng pagbabasa ng mga banal na kasulatan, na talagang inuunawa at ipinamumuhay ito. Kahit ginagawa ko ang lahat nang “tama,” pasan ko pa rin ang bigat ng kasalanan. Pagkatapos ay sinimulan kong ituon ang aking pansin kay Cristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala, kung paano Siya magiging aking Tagapagligtas at kung paano matutubos ng Kanyang walang-hanggang Pagbabayad-sala ang aking kaluluwa. Isang gabi habang pinag-iisipan ang lahat ng natutuhan ko mula sa mapanalanging pag-aaral na iyon, nadama ko na inantig ng Espiritu ang puso ko, pinagaling ang aking kaluluwa, at binigyan ako ng kapanatagan. Nakadama ako ng seguridad at pagmamahal, at hindi na nabagabag pa.

Noong kauuwi ko lang, inakala ko na pagbabago lamang ng puso ang kailangan para makapagsisi. Ngayon alam ko nang kailangan ko ng panahon para magsisi—ang pagbabago ay dumarating nang dahan-dahan at unti-unti. Kailangan dito ang mahabang pagsisikap na baguhin ang ating mga puso, hangarin, at gawi upang maging higit na katulad ni Cristo. Hindi natin kayang bigla na lang magbago, ngunit dahil sa Pagbabayad-sala, mangyayari ito nang lubusan.

Hindi ibinigay ang pangalan, Georgia, USA

Natuto Akong Magpatawad

May isang sandali sa buhay ko na nasaktan ang damdamin ko na nakaapekto sa lahat ng aspeto ng buhay ko. Hindi ako makatuon sa mga klase o homework ko, naapektuhan ang relasyon ko sa mga roommate ko, at palagi akong naiiyak. Higit sa lahat, nahirapan akong patawarin ang taong nakasakit ng damdamin ko—at lalo akong nagalit dahil nahirapan akong magpatawad.

Sa huli, nagpasiya akong wakasan na ang lungkot at galit ko. Ayoko nang dalhin pa ang pasaning iyon. Nagsumamo ako sa Ama sa Langit na tulungan akong magpatawad. Bago ko namalayan, nakayanan ko na ang sakit. Hindi ito naglaho, pero nakayanan ko ito. Dahil sa karanasang ito nalaman ko na ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay hindi lamang tayo tinutulutang magsisi; tinutulungan din tayo nitong gumaling. Nang ilapit ko sa Ama sa Langit ang aking mga pasanin, nang may pagpapakumbaba at tapat na puso, tinulungan Niya akong dalhin ang sakit, dusa, at pighating pasan ko.

Dani Lauricella, California, USA

Nakadama Ako ng Pag-asa sa Hinaharap

Nang magdiborsyo ang mga magulang ko, nadama ko na nawalang lahat ang pag-asa kong maging walang hanggan ang aking pamilya. Napakahirap na sandali iyon sa buhay ko. Gayunman, kahit hindi madali sa akin na matanto ito, ang pagsubok na iyon ay nagdulot ng di-inaasahang pagpapala sa aking pamilya. Ang isa, nabinyagan ang nanay ko!

Lalo ko ring nakilala ang aking Tagapagligtas. Para makayanan ko ang lungkot, nagpasiya akong bisitahin ang tiyahin ko sa Peru, kung saan nakilala ko ang isang bagong kaibigang nagpalakas sa akin nang husto. Kami ng kaibigan kong iyon ay madalas mag-aral ng mga banal na kasulatan nang magkasama at sa isang espesyal na okasyon habang pinag-uusapan namin ang ilang paksa ng ebanghelyo, labis kong nadama ang pagmamahal sa akin ng Tagapagligtas. Ang damdaming iyon ay katulad ng tinig ng aking Tagapagligtas na nagsasabi sa akin, “Noon pa man ay kasama mo na ako; hindi mo lang napapansin.”

Ngayon alam ko nang nais ng ating Tagapagligtas na tulungan tayo at na Siya ay palagi nating kasama. Kung minsan hinahayaan nating daigin ng ating lungkot ang ating pananampalataya at iniisip natin na nalimutan na Niya tayo, ngunit ang totoo, laging makakatulong sa atin ang Kanyang Pagbabayad-sala.

Liliane Soares Moreira, Bahia, Brazil

Ang Kanyang Perpektong Pagbabayad-Sala

Akala ko noon

Mayroong kulang

Sa Pagbabayad-sala ni Cristo—

Na maililigtas Niya ang lahat ng tao—

Maliban sa akin.

Pero nagkamali ako.

Hindi lang pala iisa ang butas,

Pito pala.

Dalawang butas sa

Kanyang mga Kamay

Kung saan nila Siya ipinako

Sa isang krus

Hiniling ng mga tao

Na Siya’y mamatay

Upang magligtas,

Dalawang butas sa

Kanyang mga pulso

Kung saan nila tiniyak

Na ang bigat ng Kanyang katawan

Ay hindi maging dahilan

Para mapilas

Ang Kanyang mga kamay

Bago matapos

Ang Kanyang pagdurusa

Dalawang butas sa

Kanyang mga paa

Kung saan Siya nakatayo

Bilang saksi sa lahat

Ng matibay na pag-ibig ng Diyos

Para sa bawat isa

Sa Kanyang mga anak,

At isang butas sa

Kanyang tagiliran

Kung saan nila Siya tinusok

Upang matiyak na tapos na

Ang Kanyang gawain.

Pito.

Perpekto.

Pitong perpektong butas

Sa tanging perpektong

Tao sa mundo.

Ang perpektong Pagbabayad-sala

Upang punan ang mga kulang sa ating buhay.

Ang mga butas sa Kanyang katawan

Ay binubuo tayo.

Nagkamali ako.

Mayroong

Mabubuo

Sa Pagbabayad-sala ni Cristo

Para sa akin

Sa kabila ng lahat.

Kasey Hammer, Utah, USA

A young adult woman sitting at a table doing homework.

Napanatag Ako sa Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli

Noong 23 anyos ako, namatay ang lola ko. Kahit naging maganda ang buhay niya, medyo bata pa rin siya, at namatay siya nang mas maaga kaysa inaasahan. Kahit alam ko na mas marami pang nawala sa iba kaysa sa akin at payapa na ang lola ko, masakit pa rin sa akin na hindi ko na siya makikitang muli sa buhay na ito.

Gayunman, sa kalungkutang ito, nadama ko ang pagtulong ng Ama sa Langit at ng Tagapagligtas sa akin. Dinalhan ako ng mababait na visiting teacher at kaibigan ng maiikling liham at masasarap na pagkain, at dumaan sa bahay namin ang isang mabait na kapitbahay para magbigay ng isang aklat na nagkaroon siya ng inspirasyong bilhin para sa amin. Ang aklat ay naglalaman ng mga mensahe ng mga apostol at propeta tungkol sa plano ng kaligtasan at katotohanan ng buhay pagkatapos ng kamatayan.

Habang binabasa ko nang malakas ang mga salita ng mga propeta sa kapatid kong babae nang gabing iyon, nakadama ako ng napakagiliw na kapayapaan sa puso ko. Nalaman ko na dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, lahat tayo ay gagawing malinis at makakapiling natin Siya sa kabilang-buhay. Alam ko na “kanyang pinapangyari ang pagkabuhay na mag-uli ng mga patay” at ang lahat ng bagay—at mga tao—ay manunumbalik sa kanilang wastong kaayusan (Alma 40:3; tingnan din sa Alma 41:2). Alam ko na dahil sa Pagbabayad-sala, lahat ng miyembro ng pamilya ko, pati na ang mga sumakabilang-buhay na, ay maaaring magkasama-sama magpakailanman, at pasasalamatan ko iyan magpakailanman.

Amanda Seeley, Utah, USA