“Nalaman Ko sa Aking Sarili”
Gusto ba ninyong malaman sa inyong sarili ang katotohanan ng ebanghelyo? Pag-ibayuhin sa seminary ang inyong kaalaman sa ebanghelyo.
Ang “nalaman ko sa aking sarili” ay limang simpleng salitang sinambit ni Propetang Joseph Smith sa kanyang ina matapos niyang maranasan ang Unang Pangitain (Joseph Smith—Kasaysayan 1:20). Ang mga salitang ito ay naglalaman ng malaking aral para sa atin ngayon. Itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson: “Kayo man ay 12 o 112 taong gulang—o anumang edad—malalaman ninyo sa inyong sarili na totoo ang ebanghelyo ni Jesucristo.”1
Para matulungan kayong “malaman sa inyong sarili,” ang mga estudyante sa seminary sa buong mundo ay kinukumpleto na ngayon ang dalawang karagdagang kailangang gawin para makatapos sa seminary: (1) basahin ang nakaatas na mga talata sa banal na kasulatan para sa kurso at (2) ipasa ang dalawang pagsusuri sa pag-aaral sa bawat kurso. Narito ang paraan kung paano mapapalakas ng mga bagong hinihiling sa pagtatapos ang inyong patotoo:
Basahin at pag-aralan ang mga talata sa banal na kasulatan para sa kurso.
Habang pinag-aaralan ninyo ang mga talata, madarama ninyo ang impluwensya ng Espiritu na hihikayat sa inyong palalimin ang inyong paniniwala. Matapos kumpletuhin ang mga talatang kailangang basahin sa huling taon niya sa seminary, ibinahagi ng isang estudyante na mas marami siyang natutuhan dahil “talagang binasa niya ang mga talata—hindi lang niya basta binasa ang mga ito kundi pinag-aralan pa ito.”
Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kahulugan ng pag-aaral: “Kapag sinabi kong ‘pag-aralan,’ ang ibig kong sabihin ay … nagbabasa kayo ng ilang talata, tumitigil sandali para pag-isipan ito, muling binabasa ang mga talata, at habang pinag-iisipan ang kahulugan nito, ay nagdarasal kayong maunawaan ito, nag-iisip ng mga tanong, naghihintay ng espirituwal na mga paramdam, at isinusulat ang damdamin at kabatirang dumarating para mas matandaan ito at matuto pa kayo.”2
Magagamit ninyo ang mga pagsusuri sa pag-aaral para suriin kung ano ang natutuhan ninyo.
Ang isang pagsusuri sa pag-aaral ay parang tanong ng anghel ng Panginoon kay Nephi: “Ano ang namamasdan mo?” (1 Nephi 11:14). Ang tanong ay naghikayat kay Nephi na suriin at ipahayag kung ano ang natutuhan niya.
Ang mga pagsusuri sa pag-aaral ay may tatlong bahagi: mga tanong na multiple-choice at isang essay question, na minamarkahan, at isang personal na pagsusuri sa inyong mga paniniwala, na hindi minamarkahan. Matapos kumuha ng isang pagsusuri sa pag-aaral, sinabi ng isang estudyante, “inaasam ko ito dahil gusto kong malaman ang natutuhan ko sa seminary.” Isa pang estudyante ang nagsabi na ang pagsusuri sa pag-aaral ay “tutulong sa inyo na maunawaan kung ano na ang natutuhan ninyo sa ebanghelyo at kung ano pa ang kailangan ninyong matutuhan.”
Magiging mas epektibo pa ang mga pagsusuri kapag nagtuon kayo sa mga doktrina at alituntunin ng ebanghelyo na siyang batayan ng mga tanong sa pagsusuri sa pag-aaral. Matapos talakayin ng isang klase sa seminary ang mga doktrina sa likod ng mga tanong, sinabi ng isang estudyante na, “Nag-iba ang pananaw ukol sa test o pagsusulit at naging talakayan ito at nagpapatatag ng patotoo. Nakatulong ito para tumibay ang natutuhan ninyo.”
Maaari kayong matuto na gustuhing malaman sa inyong sarili.
Ang malaman sa ating sarili na totoo ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ay maaaring maging isa sa pinakamagaganda at lubhang kasiya-siyang karanasan sa buhay.3 Sabi ng isang estudyante, “Nasiyahan ako na mas nakatuon ako at natanto na kailangan kong maging mas responsable bawat araw sa halip na basta magpunta at maupo at makinig pero hindi naman nakikibahagi.”
Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kahalagahan ng pag-aaral: “Ang matutong maging mahilig sa pag-aaral ang pinakamahalaga sa ebanghelyo ni Jesucristo, mahalaga sa ating kasalukuyang espirituwal at personal na paglago, at lubos na kailangan sa mundo na ating tinitirhan, pinaglilingkuran, at pinagtatrabahuhan ngayon at sa hinaharap.”4
Habang lalo kayong nagsisikap, lalo kayong masisiyahan at matututo.