2009
Ang Lubhang Kapaki-pakinabang na Kaalaman
Enero 2009


Ang Pinaka Kapaki-pakinabang na Kaalaman

Mula sa isang mensahe sa debosyonal sa Brigham Young University–Idaho noong Hunyo 8, 2004. Para sa buong teksto ng mensahe sa Ingles, tingnan ang www.byui.edu/Presentations/transcripts/devotionals/2004_06_08_christensen.htm.

Maaaring alam ng ilan sa inyo na pamilyar sa Oxford University na ito ang pinakamatandang unibersidad sa mundo. Ang gusaling tinirhan ko noong estudyante pa ako ay itinayo noong 1410—magandang tingnan, hindi maginhawang tirhan. Pagdating ko sa Oxford, natanto ko na mahihirapan akong maging aktibong miyembro ng Simbahan. Ang Rhodes Scholarship Trust, na nagbigay sa akin ng scholarship, ay maraming aktibidad para sa mga tumanggap ng scholarship.

Nang tingnan ko kung gaano ko kagustong maging aktibo sa simbahan, natanto ko na hindi ko alam kung totoo ang Aklat ni Mormon. Ilang beses ko na itong nabasa pero kadalasan ay bilang isang takdang-aralin—mula sa mga magulang ko o sa isang guro sa Brigham Young University. Pero sa pagkakataong ito kailangan ko talagang malaman kung totoo nga ang Aklat ni Mormon. Kaya nagpasiya akong ilalaan ko ang bawat gabi mula alas-11:00 hanggang alas-12:00 sa pagbabasa ng Aklat ni Mormon para alamin kung totoo nga ito.

Inisip ko kung kaya ko bang mag-ukol ng gayon karaming oras dahil marami akong kailangang gawin sa academic program, sa pag-aaral ng applied econometrics. Sisikapin ko sanang tapusin ang programa sa loob ng dalawang taon, samantalang tatlong taon bago natapos ng karamihan ang programa. Hindi ko alam kung mapaglalaanan ko ng isang oras sa isang araw ang gawaing ito.

Pero sa kabila nito ginawa ko iyon. Nagsimula ako nang alas-11:00 sa pamamagitan ng pagluhod sa panalangin malapit sa maliit na heater sa pader na bato, at nagdasal ako nang malakas. Sinabi ko sa Diyos kung gaano ko kagustong malaman kung totoo ang Aklat ni Mormon. Sinabi ko sa Kanya na kung ihahayag Niya sa akin na ito ay totoo, layon kong ilaan ang buhay ko sa pagtatayo ng Kanyang kaharian. Sinabi ko sa Kanya na kung hindi ito totoo, kailangan ko ring matiyak iyon dahil ilalaan ko naman ang buhay ko sa pagtuklas sa kung ano ang totoo.

Binasa ko ang unang pahina ng Aklat ni Mormon. Pagdating ko sa dulong ibaba ng pahina, tumigil ako. Pinag-isipan ko ang nabasa ko sa pahinang iyon, at itinanong ko sa sarili, “Isinulat kaya ito ng isang nagdudunung-dunungan na nagtatangkang linlangin ang mga tao, o talagang isinulat ito ng isang propeta ng Diyos? At ano ang kabuluhan nito sa buhay ko?” Pagkatapos ay inilapag ko ang aklat at lumuhod sa panalangin at muling nagsumamo sa Diyos, “Ipaalam po sana Ninyo sa akin kung totoo ang aklat na ito.” Pagkatapos ay naupo ako sa isang silya, dinampot ang aklat, binuklat ang pahina, binasa ito, tumigil sa dulong ibaba, at muling ginawa iyon. Ginawa ko ito sa loob ng isang oras bawat gabi, gabi-gabi, sa malamig at malungkot na kuwarto sa Oxford.

Isang gabi, nang umabot ako sa mga kabanata sa dulo ng 2 Nephi, nagdasal ako, umupo sa silya, at binuklat ang aklat. Biglang dumating sa kuwartong iyon ang isang kalugud-lugod, masigla, magiliw na Diwang pumalibot sa akin at pinuspos ang aking kaluluwa, at nilukob ako ng damdamin ng pagmamahal na di ko akalaing madarama ko. Nagsimula akong umiyak. Habang binabasa ko ang mga salita sa Aklat ni Mormon sa pagitan ng mga luha, nakikita ko ang katotohanan sa mga salitang iyon na akala ko noon ay hindi ko mauunawaan. Nakikita ko ang mga kaluwalhatian ng kawalang-hanggan, at nakikita ko kung ano ang inilaan sa akin ng Diyos bilang isa sa Kanyang mga anak. Buong oras na nanatili sa akin ang Diwang iyon at tuwing ikalawang gabi habang nagdarasal at nagbabasa ako ng Aklat ni Mormon sa kuwarto ko. Laging bumabalik ang Diwang iyon, at binago nito ang aking puso at buhay magpakailanman.

Naalala ko ang pagtatalo sa kalooban ko, sa pag-iisip kung makapag-uukol ako ng isang oras bawat araw maliban pa sa pag-aaral ng applied econometrics para alamin kung totoo ang Aklat ni Mormon. Siguro minsan sa isang taon ko nagagamit ang applied econometrics, pero ang kaalaman ko na ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos ay maraming beses kong ginagamit araw-araw sa buhay ko. Sa lahat ng pag-aaral na tinapos ko, iyan ang lubhang kapaki-pakinabang na kaalamang natamo ko.

Para sa inyo na maaaring nakasandig pa sa mga patotoo ng iba, inaanyayahan ko kayong maglaan ng isang oras araw-araw at alamin sa sarili ninyo kung totoo ang Aklat ni Mormon, dahil babaguhin nito ang inyong puso tulad ng ginawa nito sa akin. At balang-araw makababalik kayo sa lugar na tinirhan ninyo noong inihayag ito ng Diyos sa inyo at maituturo ito sa inyong mga anak at asawa at masasabing, “Iyan ay isang sagradong lugar dahil diyan ko nalaman na si Jesus ang Cristo.”

Dahil hangad kong gampanang mabuti ang aking tungkulin at makilala si Jesucristo, mapapatotohanan ko na alam ko nang buong katiyakan na Siya ang Anak ng Diyos, na Siya ay buhay. Alam ko nang buong katiyakan na kilala at mahal Niya ang bawat isa sa atin.

Inaanyayahan ko kayong maglaan ng isang oras araw-araw at alamin sa inyong sarili kung totoo ang Aklat ni Mormon, dahil babaguhin nito ang inyong puso.

Ang isa sa mga pinakamahalagang bagay na matututuhan ninyo sa inyong pag-aaral ay ang malaman sa inyong sarili na ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos.

Larawan ng Aklat ni Mormon na kinunan ni John Luke; background ng Lushpix/Unlisted Images Inc.

Itaas: Paglalarawan ni Frank Helmrich.