2009
Pagtuklas sa Diyos
Enero 2009


Pagtuklas sa Diyos

Noong halos 18 anyos ako, nagpunta ako sa maliit na bayan ng Soldotna, Alaska, para magtrabaho habang bakasyon. Ito ang unang karanasan kong mapalayo sa amin. Nakipag-ayos ang mga magulang ko na makapagtrabaho ako at makitira sa pamilya ng matalik nilang kaibigan, ang mga Wrights, na may-ari ng tindahan ng mga grocery sa lugar. Umasa akong kikita nang sapat para sa pag-aaral ko sa kolehiyo. Umasa rin akong makauwi na may sagot sa tanong na paulit-ulit na pumapasok sa isipan ko: Totoo bang may Diyos?

Kailangan kong makatanggap ng sagot para sa sarili ko. Kaya ipinasiya kong manalangin gabi-gabi at itanong sa Diyos kung Siya ba ay tunay? Kahit paano nadama ko na kung totoong may Diyos, sasagutin Niya ang panalangin ko. Kung wala akong matatanggap na sagot, malalaman ko na wala ngang Diyos. Simple lang, naisip ko.

Sa tahanan ng mga Wrights, kasama ko sa kuwarto ang anak nilang si Lisa. Nakabakasyon siya mula sa Brigham Young University at kasama kong nagtrabaho sa tindahan ng mga grocery. Sa simula pa lang ay humanga na ako kay Lisa. Maganda siya, matalino, tiwala sa sarili, at masigasig sa buhay. Nang bakasyong iyon halos oras-oras kaming magkasama araw-araw.

Gustung-gusto kong makinig kay Lisa tungkol sa buhay-kolehiyo. Mukhang masaya at napakalaya niya sa buhay. Naisaayos at nabalanse ni Lisa ang kanyang buhay, at nasa tamang lugar ang mga priyoridad niya.

Nadagdagan ang paghanga ko kay Lisa habang minamasdan ko ang pagbabasa niya ng mga banal na kasulatan araw-araw at pagdarasal araw at gabi. Gusto kong tanungin si Lisa kung paano siya nagkaroon ng pananampalataya sa Diyos pero ikinahiya ko ang kawalan ko ng pananampalataya. Natatandaan kong nakahiga ako, nag-iisip kung ano ang ipinagdasal ni Lisa sa Diyos.

Gabi-gabi akong lumuhod sa tabi ng kama ko at umusal ng maikling panalangin, na tinatanong sa Diyos kung nariyan Siya. Subalit wala akong nadamang anumang espesyal o espirituwal. Wala akong narinig na tinig. Walang nagbago sa pakiramdam ko matapos manalangin tulad ng dati. Patuloy ko itong ginawa gabi-gabi sa loob ng dalawang buwan. Dahil nawawalan na ng pag-asa, lalong nadagdagan ang pagdududa ko sa Diyos.

Isang gabi, nang sobra ang pangungulila ko sa pamilya ko, napaluha ako. Gusto kong malapit ako sa pamilya ko, mga kaibigan, at pamilyar na kapaligiran. Sa pagnanais na may makausap na nakakikilala at nagmamahal sa akin, lumuhod ako at nagdasal. “Diyos ko, talagang kailangan ko Kayo ngayon,” pagsisimula ko. Nang sumunod na ilang minuto, ibinuhos ko ang tunay kong damdamin sa aking Ama sa Langit. Sinabi ko sa Kanya ang lahat. Kinausap ko Siya na para bang naniniwala ako na naroon Siya.

Nag-init ang pakiramdam ko. Nadama ko na parang bumaba ang Ama sa Langit at niyakap Niya ako. Hindi na ako nag-iisa. Nabalutan ako ng pagmamahal at kapayapaan. Nabatid ko na may Diyos.

Inisip ko kung bakit mahigit dalawang buwan ang lumipas bago ko natanggap ang sagot sa aking panalangin. Jeremias 29:13 ang nagbigay sa akin ng kasagutan: “At inyong hahanapin ako, at masusumpungan ako, pagka inyong sisiyasatin ako ng inyong buong puso.”

Natanggap ko rin ang sagot sa aking panalangin matapos sabihin ang tunay kong damdamin. Nanalig ako sa pag-iral ng Diyos. Buong kataimtiman akong nagsumamo sa aking pagdarasal.

Nagbago ang buhay ko dahil sa gabing iyon. Nagmisyon ako at nakasal sa templo. Patuloy na lumalago ang pananampalataya ko na may Diyos.

Madalas kong gunitain ang bakasyong iyon sa Alaska. Kung hindi sa halimbawa ni Lisa, hindi siguro ako nagtiyaga sa mga buwang iyon ng pagdarasal. Sumuko na siguro ako at tuluyang hindi na natuklasan ang pagmamahal ng aking Ama sa Langit. Walang hanggan ang pasasalamat ko kay Lisa at sa kanyang halimbawa. Tinulungan niya akong makilala ang Diyos at madama ang pagmamahal Niya sa akin.

Paglalarawan ni Julie Rogers