2009
Joseph Smith: Isang Apostol ni Jesucristo
Enero 2009


Joseph Smith: Isang Apostol ni Jesucristo

Hango mula sa isang paglalahad sa Pitumpu.

Elder Dennis B. Neuenschwander

Sa Doktrina at mga Tipan mababasa natin na si Joseph Smith ay “tinawag ng Diyos, at inordenang apostol ni Jesucristo” (D at T 20:2). Ang unang tungkulin ng isang Apostol ay sumaksi o magpatotoo kay Jesucristo. Pinatotohanan ng mga propeta sa lumang tipan ang Kanyang pagparito. Nagbahagi ang mga Apostol sa Bagong Tipan ng personal na pagsaksi sa katotohanan ni Cristo at sa katiyakan ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli. Ang pagsaksing ito ng apostol ang batayan ng kanilang pagtuturo. “Kayo’y magiging mga saksi ko” (Mga Gawa 1:8) ang bilin ni Jesus sa orihinal na Labindalawa. Nagpatotoo si Pedro sa araw ng Pentecostes sa mga Judiong nagtipon “buhat sa bawa’t bansa” (Mga Gawa 2:5) na “ang Jesus na ito’y binuhay na maguli ng Dios, at tungkol dito’y mga saksi kaming lahat” (Mga Gawa 2:32). Gayundin, isinulat ni Pablo sa mga taga-Corinto na “napakita naman [si Jesus] sa akin” (I Mga Taga Corinto 15:8). Ang tiyak na pagsaksi sa katotohanan ni Cristo at ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli ang unang mahalagang bahagi ng patotoo ng apostol.

Ang ikalawang mahalagang bahagi ay nakasentro sa nakatutubos at nakapagliligtas na kapangyarihan ng Tagapagligtas. Itinuro ni Pedro na ang Panginoon “ang pinatotohanan ng lahat ng mga propeta, na ang bawa’t sumasampalataya sa kaniya ay magkakamit ng kapatawaran sa mga kasalanan” (Mga Gawa 10:43).

Kung wala ang dalawang magkaugnay na bahaging ito ng patotoo tungkol kay Cristo, wala ring Apostol. Ang gayong mga patotoo ay nagmumula sa karanasan, banal na utos, at tagubilin. Halimbawa, isinulat ni Lucas na si Cristo sa mga Apostol ay “napakita rin siyang buhay … na napakikita sa kanila sa loob ng apat na pung araw, at nagpahayag ng mga bagay tungkol sa kaharian ng Dios” (Mga Gawa 1:3).

Paano naging marapat si Propetang Joseph Smith sa mga katangiang ito ng apostol? Ang sagot ay “Ganap na ganap.”

Ang Unang Pangitain

Ang pagtuturo kay Joseph Smith bilang apostol ay nagsimula noong 1820. Sa pag-iisip sa mga tanong tungkol sa relihiyon, di naglaon ay nalaman niya na walang paraan para pangatwiranan o ipagpilitan ang opinyon ng isang tao sa isang mapagkakatiwalaang pasiya hinggil sa kawastuhan ng iba’t ibang simbahan o mga doktrina nito. Dahil walang banal na pagpapatunay, isang opinyon na lamang din ang maidaragdag ng batang si Joseph sa umiiral nang “labanan ng mga salita at ingay ng mga haka-haka” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:10). Ngunit nasagot ang mga tanong ni Joseph tungkol sa relihiyon sa personal at pisikal na pagpapakita ng Diyos Ama at ng Kanyang banal at buhay na Anak na si Jesucristo sa—isang karanasang tinaguriang Unang Pangitain.

Gaya ng mga orihinal na Apostol, tuwiran at personal ang karanasan ni Joseph sa Diyos. Hindi kinailangan ang opinyon ng iba o mga pagtalakay ng kapulungan para ipaliwanag ang nakita niya o naging kahulugan nito sa kanya. Noong una ang pangitain ni Joseph ay isang matinding personal na karanasan—isang sagot sa isang natatanging tanong. Gayunman, sa paglipas ng panahon at naliwanagan ng karagdagang karanasan at tagubilin, ito ay naging saligang paghahayag ng Pagpapanumbalik.

Bagaman ang pagpapatunay na ito ng katunayan, pag-iral, at Pagkabuhay na Mag-uli ni Cristo ay nagbigay kay Joseph Smith ng patotoong kailangan para maging apostol, hindi lang iyon ang gustong ituro sa kanya ni Jesus. Ang unang aral sa batang si Joseph ay nagmula sa pagpapatunay sa tiyak, walang kapantay, at banal na kapangyarihan ni Cristo. Kahit paano ay nalaman ni Joseph mismo ang isang kahulugan ng nakatutubos at nakapagliligtas na kapangyarihan ni Cristo nang manalangin siya sa kakahuyan. Nang simulan niyang magdasal, “Nagtipon ang makapal na kadiliman sa aking paligid, at sa wari ko ng sandaling yaon, na tila ako ay nakatadhana sa biglaang pagkawasak” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:15). Gamit ang lahat ng lakas na taglay ni Joseph, sinimulan niyang tumawag sa Diyos upang iligtas siya sa gapos ng kaaway na ito.

“Sa sandaling yaon nang ako ay nakahanda nang pumailalim sa kawalang-pag-asa at ipaubaya ang aking sarili sa pagkawasak … , ako ay nakakita ng isang haligi ng liwanag. …

“Hindi pa natatagalan nang ito’y lumitaw na natuklasan kong naligtas na ang aking sarili mula sa kaaway na gumapos sa akin” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:16–17).

Ang pakikipagharap ni Joseph Smith sa kalaban ay katulad ng karanasan ni Moises, na malalaman ng Propeta ilang taon pagkaraan niyon. Gayunman, di tulad ng batang si Joseph, nakita muna ni Moises ang kadakilaan ng Diyos at saka niya nakaharap ang kapangyarihan ng kalaban bago siya naligtas sa impluwensya nito. (Tingnan sa Moises 1.)

Ang kaibhan ng pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari ay mahalaga. Matanda na si Moises at marami nang alam at malaki na ang impluwensya bago pa nangyari iyon. Sa pagpapakita ng Kanyang dakilang kapangyarihan kay Moises bago nito hinarap ang kalaban, tinulungan ng Panginoon si Moises na higit na maunawaan ang kanyang kahalagahan. Matapos maranasan ang kaluwalhatian ng Diyos, sinabi ni Moises, “Ngayon, sa kadahilanang ito, aking nalaman na ang tao ay walang kabuluhan, siyang bagay na hindi ko inakala kailanman” (Moises 1:10). Nakayanan ni Moises na madaig ang sumunod na mga tukso ng kalaban dahil sa pangyayaring ito.

Si Joseph Smith, sa kabilang dako, ay isang binatang walang karanasan, na paulit-ulit na mahaharap sa kapangyarihan ng kalaban at sa napakaraming problemang hatid nito habambuhay. Sa pagharap muna sa kalaban, at pagkaligtas sa pagsalakay nito nang magpakita ang Ama at ang Anak, natutuhan ni Joseph ang di-malilimutang aral na ito: kahit malaki ang kapangyarihan ng kasamaan, palagi itong aatras kapag nakakita ng kabutihan.

Ang aral na ito ay napakahalaga sa pag-aaral ni Joseph sa pagiging apostol. Kinailangan niya ang kaalamang ito hindi lamang dahil sa personal na mga pagsubok na haharapin niya kundi dahil din sa napakaraming oposisyong makakaharap niya sa pagpapasimula at pamumuno ng Simbahan.

Nagtungo ang batang si Joseph sa kakahuyan na naghahangad ng karunungan, at karunungan nga ang kanyang natanggap. Nagsimula na ang pagtuturo sa kanya na maging apostol. Kabilang sa dakilang mga aral tungkol sa pagiging apostol mula sa Unang Pangitaing ito ang kapwa pisikal na katangian ng Tagapagligtas at ng Ama sa Langit at ang mga una at mahahalagang aral na nauugnay sa Kanilang kapangyarihan—bawat isa ay mahalagang bahagi ng patotoo ng isang apostol.

Ang Aklat ni Mormon

Nagpatuloy ang maagang pagtuturo kay Joseph Smith sa pagiging apostol nang isalin niya ang Aklat ni Mormon. Ang Aklat ni Mormon ay nagbigay ng kaalaman kay Joseph sa “kabuuan ng walang hanggang Ebanghelyo” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:34), mga alituntuning kailangan para makaunawa bago pa maorganisa ang Simbahan. Ipinakita sa Propeta ang maraming “malinaw at pinakamahalaga” (1 Nephi 13:26) na patotoo ng propeta at mga apostol tungkol sa Tagapagligtas, na lahat ay nagsilbing huwaran para sa kanya.

Tunay ngang gumamit ang mga propeta sa Aklat ni Mormon ng mahigit 100 pamagat sa kanilang mga turo tungkol kay Cristo, bawat isa ay nagpaunawa kay Joseph sa banal na tungkulin ng Tagapagligtas.1 Sa pamamagitan ng mga turong ito, nakilala nang husto ni Joseph Smith ang mga sinaunang propeta, at binigyan siya ng ideya tungkol sa banal na layunin ng kanyang mga responsibilidad.

Nililinaw ng Aklat ni Mormon ang kahalagahan sa lahat ng tao ng Pagbabayad-sala ni Cristo. Ang banal na sakripisyo ng Tagapagligtas ay hindi tumigil sa mga hangganan ng Banal na Lupain sa Kanyang panahon o sa mundo ng orihinal na Labindalawang Apostol. Sakop ng Pagbabayad-sala ang lahat ng nilalang ng Diyos—nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap. Siguro nakintal nang husto ang pagtuturo ni Jacob ng “walang hanggang pagbabayad-sala” (2 Nephi 9:7) sa isipan ng batang si Joseph, lalo na kung ihahambing sa mga turong Kristiyano sa panahong iyon.

Ipinaunawa rin ng Aklat ni Mormon ang epekto sa lahat ng tao ng Pagkabuhay na Mag-uli at ng iba pang mga doktrinang kaugnay nito. Ang mga diskurso nina Lehi, Jacob, Haring Benjamin, Abinadi, Alma, Amulek, Samuel ang Lamanita, at Moroni tungkol sa doktrinang ito ay pawang sagana sa tagubilin.

Sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon, tumanggap ng karagdagang mahalagang personal na pagtuturo ang Propeta tungkol sa nakatutubos at nakapagliligtas na kapangyarihan ni Cristo. Noong 1828 kinumbinsi ni Martin Harris si Joseph na ipahiram sa kanya ang unang 116 pahina ng manuskrito ng Aklat ni Mormon. Nang maiwala ni Martin Harris ang mga pahinang iyon, lubhang nawalan ng pag-asa ang Propeta.2 Itinala ng kanyang inang si Lucy Mack Smith na napabulalas si Joseph ng: “Oh, Diyos ko! … Nawala nang lahat! … nawala! Ano ang gagawin ko? Ako’y nagkasala—ako ang siyang nag-udyok sa poot ng Diyos. … Paano pa ako makahaharap sa Panginoon? Ano pang pagkagalit ang hindi nararapat sa akin mula sa anghel ng Kataas-taasang Diyos?”3

Mahigit isang buwang iniwanan ng Panginoon si Joseph sa matinding pagsisising ito.4 Pagkatapos ay dumating ang pag-alo at aral sa pagiging apostol. Sinabi ng Panginoon kay Joseph:

“Ang mga gawain, at ang mga layunin, at ang mga hangarin ng Diyos ay hindi mabibigo, ni mapawawalang-saysay. …

“Sapagkat bagaman ang tao ay makatanggap ng maraming paghahayag, at magkaroon ng kapangyarihang makagawa ng maraming makapangyarihang gawa, ngunit kung siya ay magyayabang sa kanyang sariling lakas, at ipagwawalang-kabuluhan ang mga payo ng Diyos, at sumusunod alinsunod sa mga atas ng kanyang sariling kagustuhan at mga makamundong nasain, siya ay tiyak na babagsak at matatamo niya ang paghihiganti ng isang makatarungang Diyos” (D at T 3:1, 4).

Inilalarawang mabuti ng mga salitang ito ang naranasan ni Joseph Smith noon. Nalaman niya na mahirap ang tungkulin ng apostol at kung sino ang pag-uukulan ng Apostol ng kanyang katapatan, anuman ang mangyari. “Bagaman pinawawalang-kabuluhan ng mga tao ang mga payo ng Diyos,” sinabi kay Joseph, “ikaw ay dapat na naging matapat” (D at T 3:7–8). Kinuha kay Joseph Smith ang mga lamina sa maikling panahon at naturuan ng mahalagang aral. Kasunod nito, ibinalik ang mga lamina, at ipinanumbalik ang tungkulin niya bilang tagapagsalin.

Napakahalaga ng mga aral na natutuhan ni Joseph Smith sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon dahil nakatulong ito sa kanya na umunlad sa kanyang tungkulin bilang apostol! Ang Aklat ni Mormon ang “saligang bato ng ating relihiyon”5 dahil naglalaman ito ng napakaraming patotoo ng mga propeta kay Cristo at nagsisilbing nahahawakang saksi sa Pagpapanumbalik.

Patuloy na Paghahayag at Banal na Kasulatan

Matapos maisalin ang Aklat ni Mormon noong 1829 at maorganisa ang Simbahan noong 1830, nagkaroon ng pagkakataon si Joseph Smith na tumanggap ng patuloy na pag-aaral sa pagiging apostol sa pamamagitan ng pagsasalin ng iba pang banal na kasulatan. Kabilang dito ang tatlong taong pagsasalin ng Biblia at, simula noong 1835, pagsasalin ng aklat ni Abraham. Ang pagsasalin ng Biblia ni Joseph Smith ay nagpalawak sa kanyang pang-unawa sa tungkulin ng mga propeta sa Lumang Tipan at mga Apostol sa Bagong Tipan. Nagbunga rin ito ng karagdagang paghahayag, ang aklat ni Moises.

Ang aklat ni Moises ay nagbigay sa Propeta ng mahalagang kaalaman tungkol sa ministeryo ng Tagapagligtas, pati na ang Kanyang tungkulin sa Paglikha. “Ang Panginoon ay nangusap kay Moises, nagsasabing: … Ako ang Simula at ang Katapusan, ang Pinakamakapangyarihang Diyos; sa pamamagitan ng aking Bugtong na Anak ay nilalang ko ang mga bagay na ito” (Moises 2:1). Sinabi pa Niya, “At mga daigdig na di mabilang ang aking nilalang; … at sa pamamagitan ng Anak aking nilalang ang mga ito, na siyang aking Bugtong na Anak” (Moises 1:33).

Nilinaw ng aklat ni Moises ang kaugnayan ni Cristo sa Ama bago Siya isinilang sa mundo at pinagtibay ang pagkaunawa ng Propeta sa napakataas na kapangyarihan ng kabutihan. Isa sa pinakamagagandang aral sa pagiging apostol na dumating kay Joseph Smith sa paghahayag na ito ay ang katibayan ng pag-ibig ng Diyos. Ito’y lubhang kaiba sa malupit, di mapagpatawad, at mapanghusgang katangian ng Diyos na pinaniwalaan ng napakarami; ang aklat ni Moises ay naghahayag ng isang Diyos na walang hanggan ang pagkahabag. Nakita ni Enoc na ang “Diyos ng langit … ay nanangis” (Moises 7:28) para sa mga hindi tumanggap sa Kanya. Sa pagnanais na malaman kung paano ito nangyari, binigyan ng sagot si Enoc na tila nagmula sa Biblia: “Nagbigay [ako] ng kautusan, na kanilang nararapat mahalin ang isa’t isa, at na kanilang nararapat piliin ako, na kanilang Ama. … Hindi ba nararapat lamang na manangis ang kalangitan, nakikitang sila ay magdurusa?” (Moises 7:33, 37; tingnan din sa Deuteronomio 6:5; Levitico 19:18; Mateo 22:37–39).

Sa pamamagitan ng pagsasalin ng aklat ni Moises, lalo pang nalaman ng Propeta ang nakatutubos at nakapagliligtas na kapangyarihan ng Tagapagligtas. Sabi nga ng Panginoon, ang daigdig na ito ay nilikha “sa pamamagitan ng salita ng aking kapangyarihan” (Moises 1:32) para “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39). Maraming-maraming taon bago pa man ituro ng Tagapagligtas kay Tomas at sa Labindalawa na “Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay: sinoman ay di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan ko” (Juan 14:6), inihayag na Niya kay Moises na “ito ang plano ng kaligtasan sa lahat ng tao, sa pamamagitan ng dugo ng aking Bugtong na Anak, na paparito sa kalagitnaan ng panahon” (Moises 6:62).

Ang Unang Pangitain sa kakahuyan, pagsasalin ng Aklat ni Mormon, pagwawasto ng Biblia, paghahayag ng aklat ni Moises, at pagsasalin ng aklat ni Abraham ang naglatag ng pangunahing pundasyon ng Simbahan, sa pamamagitan ng mabilis na paglawak ng kaalaman at patotoo ni Propetang Joseph Smith tungkol kay Jesucristo.

Ang mga paghahayag na ibinigay sa kanya at tinipon sa Doktrina at mga Tipan ay naglalaman ng napakalaking kaalaman hinggil sa Tagapagligtas. Masasaliksik ng isang tao ang napakaraming paksa at mga kaugnay na sanggunian sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan tungkol kay Jesucristo at hindi pa rin mauunawaan ang lawak ng impormasyon tungkol sa Tagapagligtas na inihatid ni Propetang Joseph Smith sa mundo. Nagpapasalamat akong malaman na si Jesus “sa simula ay kasama ng Ama” (D at T 93:21). Nagpapasalamat akong malaman na “pinagdusahan [Niya] ang mga bagay na ito para sa [akin], upang hindi [ako] magdusa kung [ako] ay magsisisi” (D at T 19:16).

Ang Aking Patotoo Tungkol sa Inihayag ng Propeta

Nagpapasalamat ako sa isa pang bagay tungkol sa ministeryo ng Tagapagligtas na lubhang umaantig sa aking kaluluwa. Sa pag-aaral ng mga pangako ni Malakias, unang pagbisita ni Moroni kay Joseph, mga salita ng Tagapagligtas sa mga Nephita, at pagbisita ni Elijah sa Kirtland Temple, nalalaman ko na mahal ng Diyos ang Kanyang mga anak at naglaan Siya ng daan para makabalik ang bawat isa sa Kanya. Wala akong alam na doktrinang higit na makatarungan, ni turong nagbibigay ng higit na pag-asa kaysa sa pagtubos sa mga patay. Labis akong nagpapasalamat sa mga paghahayag na nagtuturo sa akin na sakop ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ang mga taong nabuhay, nagmahal, naglingkod, at umasa sa mas magandang araw subalit hindi pa nakarinig ng tungkol kay Jesus o nagkaroon ng oportunidad na tanggapin ang Kanyang ebanghelyo. Ang kaalamang ito ay sapat na para mapabalik-loob ako sa ebanghelyo kung wala akong ibang alam. Ito, kahit para sa akin lang, ang pinakamagandang patotoo kay Jesucristo at sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo.

Ano ngayon ang masasabi natin tungkol sa walang-katumbas na nakapagliligtas na kapangyarihan ni Cristo? Yaong natutuhan ni Joseph Smith sa Sagradong Kakahuyan tungkol sa kapangyarihan ng kabutihan sa pagdaig sa kasamaan ay nagbabadya ng mangyayari sa katapusan ng mundo. Kaya inihayag ng Panginoon:

“Ako, pagkaraang maisagawa at matapos ang kalooban niya na kung kanino ay ako, maging ang Ama, hinggil sa akin—na isinagawa ito upang aking mapasuko ang lahat ng bagay sa aking sarili—

“Pinanatili ang lahat ng kapangyarihan, maging sa pagkalupig ni Satanas at ng kanyang mga gawain sa katapusan ng daigdig, at ang huling dakilang araw ng paghuhukom” (D at T 19:2–3).

Ang sarili nating patotoo sa Tagapagligtas ay nahubog sa patotoo at mga turo ni Propetang Joseph Smith. Kung gayo’y nakapagtataka ba na itinuro ng Propeta na “ang mga pangunahing alituntunin ng ating relihiyon ay ang patotoo ng mga Apostol at Propeta, na Siya’y namatay, inilibing, at muling nagbangon sa ikatlong araw, at umakyat sa langit; at ang lahat ng iba pang mga bagay na may kaugnayan sa ating relihiyon ay mga kalakip lamang nito.”6

Ang patotoo ni Joseph Smith bilang apostol tungkol sa banal na katotohanan at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo, gayundin ang kanyang kaalaman sa nakatutubos at nakapagliligtas na kapangyarihan ng Tagapagligtas, ay pinakamainam na mamamalas sa maganda, makapangyarihan, at malinaw na patotoo mismo ng Propeta:

“At ngayon, matapos ang maraming patotoo na ibinigay hinggil sa kanya, ito ang patotoo, na pinakahuli sa lahat, na aming ibibigay tungkol sa kanya: Na Siya ay buhay!

“Sapagkat siya ay aming nakita, maging sa kanang kamay ng Diyos; at aming narinig ang tinig na nagpapatotoo na siya ang Bugtong na Anak ng Ama—

“Na sa kanya, at sa pamamagitan niya, at mula sa kanya, ang mga daigdig ay nililikha at nalikha, at ang mga naninirahan dito ay mga isinilang na anak na lalaki at babae ng Diyos” (D at T 76:22–24).

Labis akong nagpapasalamat na tinawag si Joseph Smith na maging apostol.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Book of Mormon Reference Companion, inedit ni Dennis L. Largey (2003), 457–58.

  2. Tingnan sa Lucy Mack Smith, History of Joseph Smith, inedit ni Preston Nibley (1958), 128–29.

  3. History of Joseph Smith, 128, 129.

  4. Nawala ang 116 na pahina noong Hunyo 1828. Noong Hulyo natanggap ni Joseph Smith ang ngayon ay bahagi 3 ng Doktrina at mga Tipan. Noong Setyembre ibinalik ang mga lamina sa Propeta. Tingnan ang mga pambungad sa kasaysayan sa D at T 3; 10.

  5. History of the Church, 4:461.

  6. History of the Church, 3:30.

Nasagot ang mga tanong ni Joseph tungkol sa relihiyon sa personal at pisikal na pagpapapakita ng Diyos Ama at ng Kanyang banal at buhay na Anak na si Jesucristo.

Ang Aklat ni Mormon ang “saligang bato ng ating relihiyon” dahil naglalaman ito ng napakaraming patotoo ng mga propeta kay Cristo at nagsisilbing nahahawakang saksi sa Pagpapanumbalik.

Labis akong nagpapasalamat sa mga paghahayag na nagtuturo sa akin na sakop ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ang mga yaong nabuhay, nagmahal, naglingkod, at umasa sa mas magandang araw subalit hindi pa nakarinig ng tungkol kay Jesus o nagkaroon ng oportunidad na tanggapin ang Kanyang ebanghelyo.

Joseph Smith Jr., sa kagandahang-loob ng Community of Christ Archives; tagpo mula sa pelikula ng Simbahan na Ang Pagpapanumbalik

Mga Hangarin ng Aking Puso, ni Walter Rane, sa kagandahang-loob ng Museum of Church History and Art

Sa pamamagitan ng Kaloob at Kapangyarihan ng Diyos, ni Simon Dewey

Ipinanunumbalik ni Elijah ang mga Susi ng Kapangyarihang Magbuklod ng Priesthood, ni Robert Barrett