Halina’t Pakinggan ang Tinig ng Isang Propeta
Pagiging Katulad ni Jesucristo
Mula sa mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2005.
Ipinaliwanag ni Pangulong Uchtdorf ang kahulugan ng magkaroon ng mga katangiang tulad ng kay Cristo.
Itinuro ni Jesucristo sa Kanyang mga Apostol sa simula ng Kanyang ministeryo sa lupa, “[Halikayo,] magsisunod kayo sa hulihan ko, at gagawin ko kayong mga mamamalakaya ng mga tao” (Mateo 4:19). Kailangan nating “magsisunod sa Kanya,” at kapag ginawa natin ito, pagpapalain tayo ng Tagapagligtas nang higit pa sa sarili nating kakayahang maging tulad ng nais Niyang kahinatnan natin.
Ang pagsunod kay Cristo ay pagiging higit na katulad Niya. Ito ay pagkatuto mula sa Kanyang pagkatao. Inaanyayahan tayo ng Tagapagligtas na pag-aralan ang Kanyang ebanghelyo sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga turo. Inilarawan ito ng mga propeta noon at ngayon sa apat na salita: “Sundin ang mga kautusan”—walang labis, walang kulang.
Inilalarawan sa mga banal na kasulatan ang ilang katangiang tulad ng kay Cristo na kailangan nating taglayin sa buhay na ito. Kabilang dito ang kaalaman at pagpapakumbaba, pag-ibig sa kapwa at pagmamahal, pagsunod at kasipagan, pananampalataya at pag-asa. Ang mga katangiang tulad ng kay Cristo ay mga kaloob mula sa Diyos. Hindi natin magagawang taglayin ang mga ito kung wala ang Kanyang tulong. Ang isang tulong na kailangan nating lahat ay ibinigay sa atin nang libre sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
Ang pagsampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala ay lubos na pag-asa sa Kanya—pagtitiwala sa Kanyang walang-hanggang kapangyarihan, talino, at pagmamahal. Kung sumasampalataya tayo kay Cristo, sapat ang tiwala natin sa Panginoon para sundin ang Kanyang mga kautusan—kahit hindi natin lubos na nauunawaan ang mga dahilan nito. Sa paghahangad na maging higit na katulad ng Tagapagligtas, kailangan nating umasa, sa landas ng tunay na pagsisisi, sa mga biyaya ni Jesucristo at mga pagpapala ng Kanyang Pagbabayad-sala.
Sa pagtatamo natin ng mga katangiang katulad ng kay Cristo sa sarili nating buhay, nang paunti-unti, kanila “[tayong] dadalhin tulad sa mga pakpak ng mga agila” (D at T 124:18). Kapwa pananampalataya at pag-asa ang magtatawid sa atin sa karagatan ng mga tukso, kabundukan ng mga paghihirap, at ligtas tayong ihahatid pabalik sa ating walang hanggang tahanan at patutunguhan.