Pagtatanghal ng mga Talento
“Datapwat ang pag-ibig sa kapwa-tao ay dalisay na pag-ibig ni Cristo, at iyon ay nagtitiis magpakailanman; at sinumang matagpuang mayroon nito sa huling araw, ay makabubuti sa kanya” (Moroni 7:47).
Tumanaw si Marie sa bintana ng sinasakyang kotse nang pumunta siya at ang kanyang klase sa Primary sa bahay-kalinga. Inisip niya na sana walang nakapuna sa mga batang babae na umiiyak siya.
Nang imungkahi ni Sister Gibson ang pagtatanghal ng mga talento para sa aktibidad sa araw na iyon, tila napakagandang ideya niyon. Bawat bata ay nagplano ng talentong ibabahagi niya. Sinubukan na ni Marie, pero wala siyang maisip na anumang magagawa niya.
Dalawa sa mga batang babae ay tumutugtog ng piyano. Isang bata ang tumutugtog ng biyolin, at ang isa ay kumakanta. Binibigkas ng isa pa ang tulang isinulat niya, at ang matalik na kaibigan ni Marie, si Shelley, ay magsisirko nang patalikod. Hindi magtatanghal si Andrea, pero gagawa siya ng cookies para kainin ng lahat pagkatapos ng pagtatanghal.
Habang lalong iniisip ni Marie ang pagtatanghal ng mga talento, lalo siyang nakukumbinsi na wala siyang anumang talento. Ni hindi niya tiyak kung bakit siya sumama. Sinikap ni Sister Gibson na mapanatag siya, at sinabi sa kanya na hindi pa lang niya natutuklasan ang napakaespesyal na talentong bigay sa kanya ng Ama sa Langit. Pero mahirap para kay Marie na paniwalaan iyon. Hindi niya naiisip na magiging magaling siya sa anumang bagay.
Tahimik sa silid ng pagtitipon sa bahay-kalinga. May matatanda sa lahat ng dako, at lalong kinabahan si Marie dahil doon. Hindi niya alam ang sasabihin sa kanila o kung paano kikilos. Parang ganoon din ang pakiramdam ng iba pang mga bata. Nagsiksikan sila, nahihiyang tumingin-tingin sa paligid hanggang sa sabihin sa kanila ni Sister Gibson kung saan uupo.
Hindi pa rin maganda ang pakiramdam ni Marie nang magsimula ang programa. At pagkatapos ng unang piano solo, narinig niyang may umuubo sa likuran niya. Pumihit si Marie at nakita ang isang babaeng puti na ang buhok na nanginginig ang katawan tuwing uubo.
Tumigil si Marie sa pag-iisip tungkol sa kanyang sarili at nagsimulang mag-alala sa matanda. Tahimik siyang dumukot ng kendi sa kanyang bulsa at lumapit sa babae. Inakbayan niya ang babae at iniabot dito ang munting regalo. Nang abutin ito ng kulubot na kamay at ngumiti ang babae sa kanya, nakadama ng kasiyahan at kapanatagan si Marie.
Nanatili si Marie sa tabi ng babae hanggang matapos ang programa. Hawak niya ito sa kamay at kung minsan ay ikinukuwento dito ang nangyayari. Maganda ang pakiramdam ng makagawa ng isang bagay para sa ibang tao, at hindi na siya nakadama ng pagkaawa sa kanyang sarili.
Nang paalis na sila, niyakap ng babae si Marie at binulungan, “Salamat sa pagkausap mo sa akin. Marunong kang magparamdam ng pagmamahal sa mga tao.”
Nang pabalik na sa simbahan, nagpasalamat si Marie na malaman na may talento rin naman pala siya. Nang maglingkod siya sa iba, nadama niya ang pag-ibig ng Ama sa Langit, at naipadama rin niya sa iba ang Kanyang pagmamahal. Napaka-espesyal na talento iyon.