Linggo ni Ben
“Pinagpala ng Panginoon ang araw ng sabbath, at pinabanal ito” (Mosias 13:19).
Ipinatong ni Ben ang braso niya sa maletang katabi niya sa kotse. Inihatid siya sa kotse nina Inay at Itay papunta sa bahay ni Lolo. Titira si Ben sa lolo niya nang isang buong linggo. Walang mga kuya, walang bunsong kapatid na babae—si Ben at si Lolo lang.
Kinausap na ni Ben si Lolo tungkol sa pagsasama nila nang isang linggo. Sabi ni Lolo linggo ni Ben iyon at magagawa nila ang lahat ng paboritong gawin ni Ben. Dumungaw sa bintana si Ben. Wala ba siyang nalimutang iempake? Naempake niya ang suwerte niyang sumbrerong pamingwit, kanyang sunglasses, at mga paboritong aklat.
“Tandaan mo,” sabi ni Inay mula sa upuan sa harap, “Hindi miyembro ng ating simbahan si Lolo. Mabuting tao siya at mabuting lolo. Pero may ilang bagay sa bahay niya na maaaring kakaiba sa iyo.”
“Gaya po ng ano?” Alam ni Ben na hindi nagsisimba ang lolo niya. Pero hindi niya naisip kung paano ito naging kakaiba.
“Baka kailangan mong ipaalala sa kanya na hindi ka umiinom ng iced tea,” sabi ni Itay.
“Opo,” sabi ni Ben.
“Hindi ka makakasimba sa Linggo, pero mapapanatili mong banal ang araw ng Sabbath sa ibang mga paraan,” sabi ni Inay.
“Opo,” sabi ni Ben.
Pagdating nila sa bahay ni Lolo, hinihintay na sila ni Lolo sa balkon. Si Ben ang unang bumaba mula sa kotse. “Lolo!”
“Kumusta ang paborito kong siyete anyos?” Niyakap nang mahigpit ni Lolo si Ben. “Handa ka na ba para sa iyong espesyal na linggo? Ikaw ang pipili ng gagawin nating dalawa.”
“Puwede po ba tayong mamingwit?” tanong ni Ben. “Dinala ko po ang suwerte kong sumbrerong pamingwit.”
“Oo naman,” sabi ni Lolo.
“At puwede po ba tayong pumunta sa zoo?” tanong ni Ben. “Dinala ko po ang sunglasses ko.”
“Oo naman,” sabi ni Lolo.
“At puwede po ba tayong magbasa?” tanong ni Ben. “Dinala ko po ang mga paborito kong aklat.”
“Sige,” sabi ni Lolo. “At palagay ko kailangan nating mamili para makapili ka ng laruan sa tindahan.”
“Wow,” sabi ni Ben. “Magiging masaya ang linggong ito!”
Pagsapit ng Biyernes, namingwit sina Lolo at Ben.
Pagsapit ng Sabado, nagpunta sa zoo sina Lolo at Ben.
Kinabukasan, nagluto ng mga pancake si Lolo para sa almusal. “Ngayon tayo mamimili,” sabi ni Lolo.
“Yehey!” sigaw ni Ben. “Anong klaseng laruan ang dapat kong kunin?”
At naalala ni Ben—na Linggo nga pala. Paano niya ipalililiwanag kay Lolo na hindi puwedeng bumili sa araw ng Linggo?
Matapos mag-almusal nagdasal si Ben sa kanyang silid. Humingi siya ng tulong sa Ama sa Langit para maipaliwanag kay Lolo ang tungkol sa pagpapanatiling banal sa araw ng Sabbath.
Matapos magdasal umupo si Ben sa kama niya. Tinawag ni Lolo si Ben, “Magsasapatos lang ako, at aalis na tayo.”
Bumuntung-hininga si Ben at tumayo. Nakita niyang nagtatali ng sintas ng sapatos si Lolo.
“Lolo, salamat po dahil isinama ninyo ako sa pamimingwit at sa zoo. Pero palagay ko dapat po tayong magpahinga ngayon.”
“Ano ang ibig mong sabihin?” tanong ni Lolo. “Nangako akong mamimili tayo.”
“Alam ko po, pero puwede po bang sa ibang araw na lang?”
“Ayos ka lang ba? Maysakit ka ba?”
“Wala po, Lolo,” sabi ni Ben. “Linggo po kasi ngayon. Sa bahay namin hindi po kami namimili sa araw ng Linggo.”
Hindi umimik si Lolo.
“Puwede po bang dito na lang tayo sa bahay?” tanong ni Ben. “Maaari po tayong maglakad-lakad. Maaari po tayong magbasa ng mga aklat.”
Ngumiti si Lolo kay Ben. “Oo naman,” wika nito. “Linggo mo ito, kaya ikaw ang magpapasiya.”
Niyakap nang mahigpit ni Ben si Lolo. “Sabi ko na nga ba magiging masaya ang linggong ito,” sabi ni Ben.