2009
May Pag-asa sa Haiti
Enero 2009


May Pag-asa sa Haiti

Ang diwa ng misyonero ay buhay at masigla sa kapuluang ito, at determinado ang sumisibol na henerasyon na panatilihin itong gayon.

Sina Dieuveut Demosthène, 18, at Robenson Marcel Laroque Jean, 19, ay matalik na magkaibigan. At nais nilang manatiling magkaibigan. Magpakailanman.

“Magkapitbahay kami noon, at magkalaro kami sa basketball,” paliwanag ni Robenson. “Sumapi ako sa Simbahan noong 16 anyos ako, at di nagtagal ay sinabihan ko si Dieuveut na dapat sumapi na rin siya. Nagdasal ako nang husto, at nagtiyaga. Tingnan ninyo ngayon, matatag na siyang miyembro ng Simbahan. Ipinagmamalaki ko siya.”

“Maraming beses akong niyaya ni Robenson,” sabi ni Dieuveut, “at kalaunan ay pumayag ako. Laging napakaganda ng mga sinasabi niya, para bang nauunawaan niya ang lahat. Kaya hindi ako nainis sa paanyaya niya; pambihira iyon. Di nagtagal nagpaturo na ako sa mga misyonero, at sumapi ako sa Simbahan noong 17 anyos ako.”

Ang Uliran

Iyon ang ulirang paraan para magawa ang gawaing misyonero—magkaibigang nagbabahagi ng ebanghelyo sa mga kaibigan at nagbibigay ng mga referral sa mga misyonero para maturuan. “Simula sa akin—na mag-isa sa Simbahan—ngayon ay dalawa na kami, at patuloy kaming magkasama sa gawaing ito,” sabi ni Robenson. Bunga ng kanilang mga pagsisikap, isa sa mga kuya ni Dieuveut at isa pa niyang kaibigan ang sumapi sa Simbahan. Ang isa ay naging dalawa, at ang dalawa ay naging apat.

Sina Robenson at Dieuveut, mula sa Centrale Ward, Port-au-Prince Haiti North Stake, ay halimbawa ng nangyayari sa gawaing misyonero sa Haiti simula nang ilikas ang mga dayuhang misyonero noong 2005 dahil sa kaguluhan sa pulitika. Umasa ang Haiti Port-au-Prince Mission sa lakas ng mga miyembro nito at nasumpungan nila ito. Ngayon tanging mga taga-Haiti ang nagmimisyon sa Haiti, at inaasahan ng mga tinedyer na maglilingkod sila pagsapit nila sa tamang edad. Bago pa sila matawag sa full-time mission, naglilingkod, nagtuturo na sila sa mga kapitbahay at kaibigan.

“Saanman kayo makakita ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Haiti, malalaman ninyo na taga-Haiti ang mga miyembro,” sabi ni Farah Jean-Baptiste, 18, isa ring kabataang babae sa Centrale Ward. “Malakas na panghikayat sa mga kabataan ang makita na responsable tayo sa kinabukasan ng Simbahan dito.”

“Nahihikayat ang mga kabataang lalaki at babae sa Simbahan dito na sundin ang Tagapagligtas,” sabi ng 17-taong-gulang na kaibigan ni Farah sa ward nila, si Nathalie LaGuerre. “Nais naming tahakin ang Kanyang landas, para makita ang pagsulong ng Kanyang gawain. Kaya nga tuwang-tuwa kami kapag nakikita namin ang mga misyonerong taga-Haiti na naglilingkod sa Haiti. Masigla sila at masaya, at pagkatapos ng misyon nila ikinukuwento nila sa amin ang magandang karanasan nila. Pagkatapos ay inaanyayahan nila kami para maranasan din iyon at simulan na ngayon sa pamamagitan ng pagbabahagi ng ebanghelyo sa aming mga kaibigan.”

Sabi niya kahit walang obligasyon sa priesthood ang mga kabataang babae na maglingkod sa full-time mission tulad ng mga lalaki, “nakikita rin namin na maraming pagpapalang dumarating sa mga naglilingkod. Napagpapala ninyo ang iba, at pinasisigla kayo nito. Pinatatatag kayo nito para sa mga hamong makakaharap ninyo sa buhay, at ikinakapit kayo sa ebanghelyo. Ipinakikita nito na kayo ay tunay na alagad ni Jesucristo, na kayo ay saksi sa Kanya, at sinusunod ninyo ang Kanyang halimbawa.”

Ang Pag-asa

“Marami ang umaasam sa kaharian ng Diyos dito sa Haiti,” sabi ni President Gh. Ghammald Francillon ng Port-au-Prince Haiti North Stake. “Talagang gusto ng mga kabataan na makapagmisyon. Kasama sa mga priyoridad nila ang misyon habang lumalaki sila, at inuuna pa ito kaysa pag-aaral sa kolehiyo. Kung makikita ninyo ang mga misyonero sa lansangan, magtanong lang kayo, at sasabihin nila sa inyo na iniwan nila ang pag-aaral dahil tinawag sila sa gawain ng Panginoon.”

Binanggit niya ang mga pagpapala sa sarili niyang tahanan dahil returned missionary ang kanyang asawa. Sabi niya ang mas matatag na mga pamilya at lider ay tuwirang bunga ng paglilingkod ng misyonero. “Isipin ninyo,” sabi niya, “ang kauuwian ng Simbahan natin dito sa loob ng 15 hanggang 20 taon, kung maraming taga-Haiti na magmimisyon sa Haiti!” Sabi niya “nadarama [ng mga miyembro] ang pagmamahal at suporta ng napakarami, mula sa propeta at mga General Authority at mula sa mga nakauwing misyonero mula sa ibang bansa na naglingkod dito noon. Pero sa ngayon 100 porsiyento ang taga-Haiti sa mission, pati na ang mission president, si Fouchard Pierre-Nau, isang nakauwing misyonero na naglingkod sa Haiti mga 10 taon na ang nakararaan.”

Ang Kinabukasan

Inisip ng ilang tao na baka mahirapan ang Simbahan dito kung walang tulong mula sa ibang bansa. “Pero hindi ako nag-alala kahit kailan,” sabi ng misyonerong si Elder J. Henry Michel, na kasalukuyang naglilingkod sa Haiti Port-au-Prince Mission. “Hinding-hindi mabibigo ang Simbahan. Simbahan ito ni Jesucristo, kaya hindi ito mabibigo.”

Bagkus, sabi ni Dieuveut, kapag natanto ng mga tao ang kaligayahang hatid ng ebanghelyo, patuloy na lalago ang Simbahan sa Haiti. “Talagang nagpapasalamat ako kay Robenson sa pagbabahagi ng ebanghelyo sa akin,” sabi niya, “kaya nga gusto kong ibahagi ang ebanghelyo sa iba. Noong nakaraang linggo itinanong ko sa aking sarili, alam ko ba noon ang kahulugan ng kagalakan? Ngayon kasi, kahit salat ako sa mga materyal na bagay na gusto ko, laging payapa ang kalooban ko. Malaki ang pag-asa ko na mapapalapit ako sa aking Ama sa Langit.”

“Sinisikap ko nang maging misyonero,” sabi ni Robenson. “Bawat araw dala ko sa backpack ko ang ilang kopya ng Aklat ni Mormon, para ipamigay lang sa iba. Marami sa kanila ang nakaaalam na miyembro ako ng Simbahan, at sabik akong ibahagi ang aking patotoo. Malaking oportunidad ang makapag-full-time mission para maglingkod sa Diyos sa pamamagitan ng paglilingkod sa Kanyang mga anak. Hangad kong makapagmisyon.”

Sabi ni Dieuveut madalas niyang kausapin ang mga nakauwing misyonero. “Sinabi nila sa akin kung paano pinagpala ng Panginoon ang mga tao sa tulong ng mga misyonero, at gusto kong makibahagi sa mga pagpapalang iyon. Sinabi nila sa akin kung paano sila nabuhay sa misyon, kung gaano sila kasaya doon. Gayundin, pagkatapos ng kanilang misyon, sila ay karapat-dapat at mabubuting halimbawa. Gusto kong maging ganoon.”

Ano ang magiging kinabukasan namin? “May plano ang Ama sa Langit para sa Haiti,” sabi ni Dieuveut. “Binibigyan niya ng oportunidad ang mga miyembro dito na maging matatag. Mga taga-Haiti ang nagtuturo sa mga taga-Haiti, at pagpapalain kami nito.”

Di magtatagal at matatanggap ni Robenson ang tawag niyang magmisyon, at umaasa siyang sa Haiti ito. Hindi magtatagal susunod na rin si Dieuveut at umaasa rin siyang makapaglilingkod siya sa kanyang lupang sinilangan. Pero sa Haiti man sila matawag o sa ibang bansa, alam nila na darami ang kanilang mga kaibigan sa Simbahan at magpapatuloy pa rin ang pagkakaibigan nila. Dahil kapag magkakaibigan kayo sa ebanghelyo, magkakaibigan kayo sa kawalang-hanggan.

Yumayabong ang pag-asa ng mga kabataang Banal sa mga Huling Araw na gaya nina Robenson Jean, Dieuveut Demosthène, Nathalie LaGuerre, at Farah Jean-Baptiste, na naniniwalang babaguhin ng ebanghelyo ang kanilang buhay at pati na ang kanilang bansa. Mula sa tuktok ng burol sa Port-au-Prince kung saan inilaan ang lupain para sa pangangaral ng ebanghelyo at sa buong bansa, nakangiti ang mga Banal sa mga Huling Araw na taga-Haiti at naghahanda para sa hinaharap.

Itaas: Kausap ng mission president at ng kanyang asawa ang mga elder na naglilingkod sa mission office. Hinihikayat ni President Pierre-Nau ang mga kabataang Banal sa mga Huling Araw na simulan na ngayong ibahagi ang ebanghelyo. “Mga misyonero na kayo,” sabi niya. Itaas: Masaya si President Francillon ng Port-au-Prince Haiti North Stake sa piling ng kanyang asawa at mga anak. Sabi niya pinagpapala ng Simbahan ang mga kabataan sa maraming paraan.

Kasali ang mga kabataan sa Haiti sa mga klase ng Young Women at mga korum ng priesthood. Hindi lang nila naaalala ang mga pangakong ginawa nila sa binyag, kundi namumuhay pa sila ayon sa mga pangakong iyon araw-araw.

Mga larawang kuha ni Richard M. Romney