Oras ng Pagbabahagi
Ako ay may Ama sa Langit, na Nagmamahal sa Akin
“Kayong lahat ay mga anak ng Kataastaasan” (Awit 82:6).
Paano ninyo tunay na malalaman na kayo ay anak ng Diyos? Maraming bata ang hindi nakaaalam na sila ay may Ama sa Langit, na nagmamahal sa kanila at makakatulong sa kanila. Maraming bata ang hindi nakaaalam na nabuhay sila sa piling ng Ama sa Langit bago sila isinilang sa mundo. Hindi nila alam na maaari silang magdasal sa Kanya. Tulad ninyo, nalimutan na nila kung ano ang pakiramdam ng manirahan sa langit.
Kayo ay may mga banal na kasulatan, propeta, Espiritu Santo, at pamilyang magtuturo at magpapaalala sa inyo kung ano ang pakiramdam ng makapiling ang Ama sa Langit bilang Kanyang anak. Itinuturo sa mga banal na kasulatan na sa langit ay tumanggap kayo ng mga unang aral at inihanda kayo upang pumarito sa mundo (tingnan sa D at T 138:56). Itinuturo din nila na ang Espiritu Santo ay “nagpapatotoo kasama ng ating espiritu, na tayo’y mga anak ng Dios” (Mga Taga Roma 8:16). Ang mga awiting “Ako ay Anak ng Diyos” (Aklat ng mga Awit Pambata, 2–3) at “I Lived in Heaven” (Children’s Songbook, 4), ay magpapaalala sa inyo kung sino kayo at saan kayo nanggaling.
Nais ng Ama sa Langit na alalahanin ninyo na Siya ang Ama ng inyong espiritu; Siya ang lumikha sa inyo. Kapag nagdarasal kayo, isamo sa Ama sa Langit na tulungan kayong alalahanin na kayo ay Kanyang anak. Matutulungan kayo ng Espiritu Santo na mag-isip at kumilos bilang anak ng Diyos.
Aktibidad
Gupitin ang pananda sa pahina K4, at idikit ito sa makapal na papel. Itupi sa gitna. Pagdikitin ang mga likod, at butasan sa ibabaw. Talian ng laso o pisi ang butas. Gamitin ang panandang ito sa inyong mga banal na kasulatan para maalala ninyo na kayo ay may Ama sa Langit, na nakakikilala sa inyo, nagmamahal sa inyo, at laging pakikinggan at sasagutin ang inyong mga dalangin.
Mga Ideya sa Oras ng Pagbabahagi
-
Gamit ang Primarya 6, pahina 2, maghanda ng mga drowing at wordstrip ng mga larawan sa plano ng kaligtasan at idispley ang mga ito nang sunud-sunod. Magsimula sa pagsasabi sa mga bata na mahal tayo ng Ama sa Langit at binigyan tayo ng perpektong plano. Si Jesucristo ang pinakamahalagang tao sa plano, at kung susundin natin Siya, makakabalik tayo sa piling ng ating Ama sa Langit. Hatiin sa apat na grupo ang Primary, at atasan ang bawat grupo ng magkakaibang bahagdan [phase] ng pag-iral. Mamigay ng papel, mga lapis o krayola, mga reperensya sa banal na kasulatan, at isang awitin o aksyon (nakalista sa ibaba). Ipabasa sa bawat grupo ang kanilang mga banal na kasulatan, pagkatapos ay ipadrowing ang isang bagay na nangyayari sa bahagdang iyon ng plano. Kapag handa na ang mga grupo, ituro nang sunud-sunod ang plano ng kaligtasan, gamit ang mga grupo para tulungan kayong ituro ang bawat bahagi. Buhay bago isilang: D at T 138:56; Moises 4:2; Abraham 3:22–23 (aksyon: itaas ang mga kamay at bumulong ng, “Yehey!”). Buhay sa mundo: Abraham 3:24–25; Mga Saligan ng Pananampalataya 1:3 (awit: “Mga Kautusan sa Tuwina ay Sundin,” Aklat ng mga Awit Pambata, 68–69). Daigdig ng mga espiritu: Alma 40:11–14; D at T 138:30–32. Mga kaharian ng kaluwalhatian: telestiyal—D at T 76:81; terestriyal—D at T 76:71; selestiyal—D at T 76:92–96 (awit: “Mag-anak ay Magsasamang Walang Hanggan,” Aklat ng mga Awit Pambata, 98).
-
Ipakita ang larawan ng isang templo. Itanong: “Ano ang naiisip ninyo kapag nakakakita kayo ng templo o larawan ng templo? Sa palagay ninyo bakit nagpapagod ang mga tao para panatilihing maganda at malinis ang templo?” Ipaliwanag na ang templo ay isang sagrado at banal na lugar.
Tulungan ang mga bata na maisaulo ang I Mga Taga Corinto 3:16. Ipaliwanag na kagaya ng templo, ang ating katawan ay sagrado at banal. Kailangan nating alagaan ito nang husto. Ipakita ang Gospel Art Picture Kit 114 (Tinatanggihan ni Daniel ang Pagkain at Alak ng Hari). Ikuwento ang nangyari kay Daniel at sa kanyang mga kaibigan nang ituring nilang templo ang kanilang katawan (tingnan sa Daniel 1:5–20). Magdispley ng mga bagay na sumasagisag sa pagtulog, mabuting pagkain, ehersisyo, kalinisan, at kadisentehan (mga halimbawa: unan, prutas, bola, suklay, kurbata). Sabihin sa mga bata na ipasa-pasa ang mga ito habang kinakanta nila ang isang awitin tungkol sa mga templo. Itigil nang madalas ang tugtog, at anyayahan ang mga batang may hawak ng isang bagay na sabihin kung ano ang magagawa nila para maituring na templo ang kanilang katawan. Magpatotoo na kagaya ng templo, ang ating katawan ay sagrado at banal.