2009
Maging Matatag at Di Natitinag sa Pananampalataya
Enero 2009


Mensahe sa Visiting Teaching

Maging Matatag at Di Natitinag sa Pananampalataya

Ituro ang mga banal na kasulatan at siping tutugon sa mga pangangailangan ng mga kapatid na inyong binibisita. Patotohanan ang doktrina. Anyayahan ang mga tinuturuan ninyo na ibahagi ang kanilang nadama at natutuhan.

Mosias 5:15: “Maging matatag at huwag matitinag, laging nananagana sa mabubuting gawa, upang si Cristo, ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan, ay matatakan kayong kanya, upang kayo ay madala sa langit, upang kayo ay magkaroon ng walang hanggang kaligtasan at buhay na walang hanggan.”

Paano Ako Magiging Matatag at Di Natitinag sa Pananampalataya?

3 Nephi 6:14: “Nahati ang simbahan sa buong lupain maliban sa ilan-ilan sa mga Lamanita na nagbalik-loob sa totoong pananampalataya; at ayaw nilang iwanan ito, sapagkat sila ay matitibay, at matatatag, at di matitinag, bukal sa loob nang may buong pagsusumigasig sa pagsunod sa mga kautusan ng Panginoon.”

Julie B. Beck, Relief Society general president: “Ang mga babaeng Banal sa mga Huling Araw ay dapat maging matatag at di natitinag sa kanilang pananampalataya. Kaya nila at dapat silang magpakahusay sa pamumuhay at pagbabahagi ng kanilang patotoo sa Panginoong Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo. Ginagawa natin ito kapag:

“1. Nakikipagtipan tayo sa Kanya at tinutupad ang mga ito.

“2. Karapat-dapat at sumasamba sa Kanyang mga templo.

“3. Pinag-aaralan ang Kanyang doktrina sa mga banal na kasulatan at mga salita ng mga propeta.

“4. Nagiging marapat, kinikilala, at sumusunod sa Espiritu Santo.

“5. Ibinabahagi at ipinagtatanggol ang Kanyang ebanghelyo.

“6. Taimtim na nananalanging mag-isa at kasama ang pamilya.

“7. Nagdaraos ng family home evening.

“8. Sumusunod sa mga alituntunin ng sariling pagsisikap at masinop na pamumuhay.

“Ito ang makabuluhang mga bagay na dapat unahin bago gawin ang mga di-makabuluhang bagay. Ang mga ito ay simple at mahahalagang gawain na parang halos karaniwang bagay lang. … Walang makagagawa nito para sa atin—ito ay mga personal na gawain at gawi na nagpapakitang tayo ay matatag at di natitinag pagdating sa mga wastong bagay” (“Ang Pinakamainam na Nagagawa ng mga Babaeng Banal sa mga Huling Araw: Pagiging Matatag at Di Natitinag,” Liahona at Ensign, Nob. 2007, 109–10).

Cheryl C. Lant, Primary general president: “Dumarating ang ating personal na pagbabalik-loob kapag sinimulan nating mamuhay ayon sa kagustuhan ng Diyos—matatag at di matitinag sa pagsunod sa lahat ng kautusan, hindi iyong mga madadali lamang sundin. Ito ngayon ay nagiging isang paraan ng pagdadalisay habang nagpupunyagi tayong gawing mas maganda ang bawat araw kaysa sa lumipas na araw” (“Mabubuting Tradisyon,” Liahona at Ensign, Mayo 2008, 14).

Bakit Ako Dapat Maging Matatag at Di Natitinag sa Pananampalataya?

Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang inyong pananampalataya at kaalaman sa panunumbalik ng ebanghelyo ay magbibigay sa inyo ng lakas na maging tapat at tunay sa mga pakikipagtipan ninyo sa Panginoon, at masayang magbahagi ng inyong mga kalakasan at talento sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos dito sa lupa! Ang inyong patotoo kay Jesucristo ang pinakamahalagang pundasyong susuporta sa inyo, na matatag at di natitinag, sa mga alituntunin ng kabutihan, anuman ang mga pagsubok at tuksong dumating sa hinaharap” (“Steadfast in Christ,” Ensign, Dis. 1993, 52).

Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Hindi ninyo maiisip [ngayon] kahit kaunti kung ano ang maisasakatuparan ninyo sa buhay dahil sa desisyong iyon na maging matatag sa pagsunod sa Panginoon. Ang inyong mahinahon, matatag na desisyon na mamuhay nang matwid ay sasamahan ng inspirasyon at kapangyarihan na hindi ninyo mauunawaan sa ngayon” (“Making the Right Decisions,” Ensign, Mayo 1991, 34).

Paglalarawan ni Henrik Als; background ni Shannon Gygi Christensen