Pakikipagkaibigan
Nang Buong Puso Mo
Mahal at sinasamba ng mga bata sa buong mundo si Jesucristo—katulad mo! Sa buwang ito, kilalanin natin si Ricardo Fortuna ng Santo Domingo, Dominican Republic.
Anuman ang gawin ni Ricardo Fortuna, masigla niya itong ginagawa. Ang walong taong gulang na ito mula sa Santo Domingo sa Dominican Republic ay parang propesyonal kung maglaro ng baseball. Nakikipaglaro siya sa kanyang kaibigan at kuya ng mga laruang trak o labanan ng mga laruang dinosaur. Tuwang-tuwa siya kapag inaanyayahan siya ng nanay niya sa kusina para magluto ng tostones (pritong plantain).
Sabik sumali si Ricardo sa family home evening. Taimtim siyang nagdarasal kasama ang kanyang pamilya umaga’t gabi. Basa siya nang basa ng kanyang mga banal na kasulatan. At nais sana niyang dumalo sa Primary nang hindi lang minsan sa isang linggo! Anuman ang gawin ni Ricardo, buong puso niya itong ginagawa.
May isang bagay na ginagawa si Ricardo nang buong puso—minamahal niya ang Panginoon. Alam niyang isang kautusan iyon dahil nabasa niya iyon sa Biblia: “Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo” (Mateo 22:37).
“Ibig sabihin mahalin mo Siya nang husto,” sabi ni Ricardo. Lalong nakikita ang pagmamahal na iyan sa apartment ng kanyang pamilya nang ipagdiwang nila ang Pasko. Bawat gabi nagbabasa ng mga banal na kasulatan ang pamilya tungkol sa pagsilang ng Tagapagligtas. Ang ilan sa mga ito ay kuwento tungkol sa nangyari sa Banal na Lupain. Ang ilan naman ay kuwento tungkol sa nangyari sa Bagong Daigdig.
Sabi ni Ricardo mahalagang alalahanin si Jesucristo sa Pasko dahil sa araw na iyon ipinagdiriwang ng mga tao ang Kanyang pagsilang. “Pero mahalagang isipin si Jesus araw-araw at sundin ang Kanyang halimbawa,” wika niya. “Dapat nating alalahanin na tinuruan Niya tayo tungkol sa Ama sa Langit at kung paano Siya sambahin at na isinugo rin Niya sa atin ang Espiritu Santo.”
May nakasabit na malaking dibuho o painting ng Tagapagligtas sa harapang pintuan ng apartment ng pamilya Fortuna. Kahit saang panig ng silid ka magtungo, makikita mo Siya. “Naaalala naming isipin Siya,” sabi ni Ricardo, “hindi lamang tuwing Pasko kundi sa buong taon.”
Paboritong Banal na Kasulatan ni Ricardo
Gustung-gusto ni Ricardo ang Mga Saligan ng Pananampalataya, lalo na ang ikalima, na mabibigkas niya muy rápidamente (nang napakabilis). “Naniniwala kami na ang tao ay kinakailangang tawagin ng Diyos, sa pamamagitan ng propesiya, at ng pagpapatong ng mga kamay ng mga yaong may karapatan, upang ipangaral ang Ebanghelyo at mangasiwa sa mga ordenansa niyon,” pagbanggit niya. “Sinasabi nito sa atin na tinatawag ng Panginoon ang mga lider ng Kanyang Simbahan at na itinuturo natin ang ebanghelyo nang may karapatan.”
Masarap na Pagkain
Matagal gawin ang paborito niyang pagkain, ang tostones, pero para kay Ricardo sulit ang bawat minuto nito. Maingat na babalatan at hihiwain ng mag-ina ang mga plantain, na mukhang saging pero hindi matamis. Ipiprito nila ito sa mainit na mantika, palalamigin, at dahan-dahang tatapik-tapikin para matuyo. At ito ang paboritong bahagi ni Ricardo. Ilalagay niya ang bawat hiwa sa isang sangkalan na yari sa kahoy at pipitpitin ito. Pagkatapos ay muling ipiprito ang bawat hiwa. Gusto niyang kumain ng tostones lalo na kapag may sausage.
Mabubuting Halimbawa
Madalas makipaglaro si Ricardo sa bunso niya kapatid na si Marcus, at sa isa pang kaibigan niyang si Manuel, isang Banal sa mga Huling Araw na nakatira sa kabilang apartment. Alam niya na ang tunay na magkaibigan ay hinihikayat ang bawat isa na gawin ang tama. “Dahil ako ang ginagawa nilang halimbawa, dapat ko silang pakitaan ng mabuting halimbawa,” wika niya.
Malapit din si Ricardo sa kanyang nanay at tatay. “Mahal ko ang aking mama at papa,” wika niya. “Tinutulungan nila ako, at nakikipaglaro sila sa akin. Tinuturuan nila ako, at binabasahan. Kasama ko silang nagdarasal tuwing umaga at gabi.”
Ginagawa rin niyang halimbawa si Pangulong Thomas S. Monson. “Alam ko na siya ay propeta ng Diyos at sinasabi niya ang salita ng Diyos,” sabi ni Ricardo. “Alam ko na nagdarasal siya at nagbabasa ng kanyang mga banal na kasulatan, kaya dapat ko ring gawin iyon.”
At sabi ni Ricardo si Jesucristo ang pinakadakilang halimbawa. “Tinuturuan Niya tayong gawin ang tama, maging masunurin, magdasal nang wasto, at maging mapitagan at magalang.”