Taludtod sa Taludtod
I Kay Timoteo 4:12
Sinasabi sa atin ng tema ng Mutwal sa taong ito kung paano magpakita ng halimbawa sa mundo.
Huwag Hamakin ng Sinoman ang Iyong Kabataan
Sinabi ni Pablo kay Timoteo na ang kanyang kabataan ay hindi dapat makasagabal sa pamumuhay ng ebanghelyo at paglilingkod sa Simbahan. Marami nang kabataang nagkaroon ng matitinding espirituwal na karanasan. Hanapin ang mga reperensyang ito upang mabasa ang tungkol sa ilan sa mga ito: I Samuel 17:12–49 (David), 2 Nephi 2:4 (Jacob), Mormon 1:15 (Mormon), at Joseph Smith—Kasaysayan 1:7–20 (Joseph Smith).
Paano ninyo maipapakita ang katapatan ninyo sa ebanghelyo sa panahong ito ng inyong buhay? Isulat ito sa inyong journal.
Halimbawa
“Hindi natin kailangang hintaying mangyari ang isang matinding kapahamakan, isang malaking kaganapan sa mundong tinitirhan natin, o isang espesyal na paanyaya upang maging isang halimbawa—maging isang huwarang pamamarisan. Nasa harapan natin ngayon ang mga oportunidad. Ngunit hindi nagtatagal ang mga ito. Malamang na matagpuan ang mga ito sa sarili nating tahanan at sa araw-araw na ginagawa natin sa buhay. Ipinakita ng ating Panginoon at Guro ang paraan: ‘[Siya ay] naglilibot na gumagawa ng mabuti.’ (Mga Gawa 10:38.) Tunay ngang Siya ang huwarang dapat sundan—maging ang uliran ng mga nagsisisampalataya.
“Gayon ba tayo?”
Pangulong Thomas S. Monson, “An Example of the Believers,” Ensign, Nob. 1992, 98.
Pananalita
Malaki ang disiplina natin sa sarili kapag napigil natin ang ating pananalita (tingnan sa Santiago 3:2). Sa halip na siraan ang iba, dapat makapagbigay-sigla ang ating pananalita (tingnan sa Mga Taga Efeso 4:29; D at T 108:7). Para magawa ito, maaari ninyong isulat, halimbawa, ang mga mithiin na magbigay ng papuri, maging mas mabait sa pakikipag-usap sa mga miyembro ng pamilya, mas lambingan ang tono at mga pahiwatig, at iwasan ang panlalapastangan at masakit na pananalita.
Pakikipag-usap
Ang ibig sabihin ng salitang Griyegong ito ay ugali o asal.
Pag-ibig sa kapwa
“Dapat nating itanim sa ating puso ang binhi ng pag-ibig sa kapwa, ang dalisay na pag-ibig ni Cristo. Siya ang sakdal na huwaran ng pag-ibig sa kapwa. Ang buong buhay niya, lalo na ang kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, ay isang aral ng pag-ibig sa kapwa. Sa bawat kilos niya ay nababanaag ang tiyak at walang-alinlangang pag-ibig sa buong sangkatauhan at sa bawat isa sa atin. Ang kanyang halimbawa ay nagtuturo sa atin na ang pag-ibig sa kapwa ay kusang-loob at malugod na paglimot sa sariling kapakanan para sa ikakabuti ng iba. Naniniwala ako na ang pagsulong natin sa kadakilaan at buhay na walang hanggan ay nakasalalay sa kung gaano natin natututuhan at ipinamumuhay ang alituntunin ng pag-ibig sa kapwa.”
Elder Joseph B. Wirthlin ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Seeds of Renewal,” Ensign, Mayo 1989, 8.
Pananampalataya
Para maging halimbawa ng pananampalataya, sundin ang turo ni Apostol Santiago: “Ako sa pamamagitan ng aking mga gawa ay ipaki[kita ko] sa iyo ang aking pananampalataya” (Santiago 2:18).
Kadalisayan
Basahin ang mga titik ng himnong “Kabanalang Lalo, Aking Kahilingan” (Mga Himno, blg. 80), at pagnilayin ang kahulugan ng pagiging halimbawa ng kadalisayan.