Paghanap ng Paboritong Himno
Noon pa man ay pinapaalalahanan na ng aming mission president ang mga misyonero sa Ghana Accra Mission na “manatiling nakatuon.” Kilala siya sa paggamit ng mga katagang ito. Sa isa naming zone conference, nagmungkahi siya ng mga paraan para magawa ito, at ang isang mahalagang punto sa kanyang listahan ay magkaroon ng paboritong himno.
Sinabihan niya kami na pumili ng isang paboritong himno, isaulo ito, at kantahin ito kapag nariyan ang tukso o kalungkutan. Maghapon kong inisip ang sinabi niyang ito.
Nangungulila ako sa pamilya ko. Wala akong kapamilyang lumiham sa akin nitong mga huling araw, at nalungkot ako. Di na ko masyadong nakatuon sa gawain. Ito ang sandaling kailangan kong pumili ng isang himnong magpapasigla sa akin. Marami akong alam na himno sa berdeng imnaryo natin, pero alin doon ang pinakagusto ko?
Nang gabing iyon, kinuha ko ang isang lumang imnaryo at binuklat ang tupi-tuping mga pahina, at naghanap ng isang himnong makapagpapanatag sa akin. Agad akong nagkaroon ng ideya. Nadalaw ni Elder Sheldon F. Child ng Pitumpu, na noon ay Africa West Area President, ang grupo namin sa missionary training center at nagsalita siya tungkol sa Pagbabayad-sala. Nagwakas siya sa pagsasabing, “Kung nauunawaan ninyong lahat na mga kabataang misyonero ang Pagbabayad-sala ng ating Panginoong Jesucristo, hindi na kailangan ang mga patakaran sa misyon.”
Iyon ang uri ng himnong kailangan ko. Hindi na ako nalilito. Kung may isang himno ako tungkol sa Pagbabayad-sala, madarama ko ang pag-ibig ng aking Tagapagligtas, mapapanatag, at mananatiling nakatuon sa ipinagagawa Niya sa akin.
Sa huli ay pinili ko ang himno bilang 78, “Buhay ang Aking Manunubos.”
Ngayon ay nagpapasalamat ako sa aking mission president sa kanyang matalinong payo. Kabisado ko na ngayon ang isang paboritong himno, na pinagninilay ko lagi at kinakanta sa oras ng kalungkutan, pagsubok, at paghihirap. “Buhay ang aking Manunubos. Kayligayang ito’y matalos. … S’ya ay nabuhay na muli.”