Pananampalatayang Matatawid ang Ilog
“Siya’y nagsugo mula sa itaas, kinuha niya ako; sinagip niya ako sa maraming tubig. Iniligtas niya ako sa aking malakas na kaaway” (Awit 18:16–17).
Huminto si Rafael Mateo at ang kanyang anak, si Whalincon (kilala bilang si “Whally”), sa kadilimam ng isang maunos na hapon at sinuri ang rumaragasang tubig ng ilog na umapaw dahil sa ulan. Pauwi noon sina Rafael, unang tagapayo sa branch presidency, at Whally, ang elders quorum president ng branch, matapos ang araw ng Linggong puno ng mga miting sa chapel nila sa San José de Ocoa sa Dominican Republic.
Basang-basa na sila mula sa paglalakad sa bumubuhos na ulan at pagtawid sa binahang Río Ocoa na lumikha ng mapanganib na harang sa pagitan ng chapel at ng bahay nila. Tuwing tagtuyot, ang 6-na-kilometro (4-na-milya) ng paglalakad pababa mula sa chapel sa isang panig ng lambak at paakyat sa bahay nila sa kaitaasan ng kabilang panig ay karaniwang inaabot ng isang oras. Ngunit kapag umaapaw ang ilog tuwing tag-ulan, tatlong oras ang layo ng iniikutang 15-kilometro (9-na-milya) ni Rafael at ng kanyang pamilya, para makakita ng isang lugar kung saan matatawid nila ang ilog nang ligtas.
Napakaraming beses nang nadaanan ni Rafael ang landas na iyon. Natawid na niya ang ilog araw-araw sa loob ng 12 taon para makarating sa trabaho. Ang pagkatawag sa kanya bilang branch president dalawang buwan matapos mabinyagan, isang tungkuling hinawakan niya sa loob ng anim na taon, lalo pang napadalas ang pagdaan niya roon. Pagkaraan niyon natawag naman siyang elders quorum president. Pagkatapos ay ibinalik siya sa branch presidency.
Ngunit mapanganib pa rin kahit sanay ka na sa ilog, at ang mabilis na agos ng umapaw na mga ilog ay maaaring makamatay tulad ng malaking ilog na dinadaluyan nito. Hindi pa katagalan, tinangay ng isang umaapaw na ilog ang isang kapitbahay, at namatay ito sa rumaragasang agos pababa sa makitid na daan nito.
Nag-atubili ang mag-ama sa may pampang ng ilog; pagkatapos ay lumusong si Rafael. Hindi malawak ang ilog, ngunit dahil puno ito ng tubig, masyado itong malalim. Ang malamig at rumaragasang tubig ay hanggang tuhod muna niya, pagkatapos hanggang baywang na, at di naglaon ay lubog na siya hanggang dibdib.
Alam ni Rafael na nasa panganib siya. Madulas at hindi pantay ang ilalim ng ilog, at nanganganib siyang matangay ng malakas na agos. Sa kalagitnaan, ubos-lakas niyang sinikap na manatiling nakatayo, at nalaman niya na hindi niya kayang sumulong o umurong.
Nang maisip niyang napakahina na niya para labanan pa ang agos, naramdaman niya na may nagtulak sa kanya mula sa likod kaya’t napunta siya sa kabilang pampang. Nang makarating siya sa kabila, saka lang niya nalaman na ang sumagip sa kanya ay hindi si Whally, na nasa kabilang pampang pa.
Ipinalagay niya na sinagip siya ng kapangyarihan ng Tagapagligtas ding iyon na sumagip sa kanya mula sa panganib ng iba pang mga pagsubok, kapwa pisikal at espirituwal.
“Maraming beses ko nang inihanda ang sarili ko sa paglusong sa ilog nang hanggang dibdib sa paglilingkod sa Panginoon,” sabi ni Brother Mateo. “Pero malaki ang utang na loob ko sa Panginoon. Hindi lang oportunidad na mapaglingkuran Siya ang ibinigay Niya sa akin kundi pati pagtitiis sa paglilingkod.”
Gaya ni Haring David, alam ni Brother Mateo na “kinuha ako [ng Tagapagligtas], sinagip niya ako sa maraming tubig. Iniligtas niya ako sa aking malakas na kaaway” (Awit 18:16–17).
Natulungan siya ng patotoong iyan na makayanan ang mga pagsubok na mas di-kapansin-pansin ngunit kasing totoo ng pagtawid ng ilog sa maunos na hapong iyon kasama si Whally.
Sa kabila ng gastos sa biyahe, nabuklod sa templo sina Brother Mateo; kanyang asawang si Altagracia; at ang tatlo sa kanilang mga anak noong 2001. Mula noon nagsakripisyo na silang mag-ipon nang sapat para mabisita ang templo kahit dalawang beses lang sa isang taon.
Sulit ang pagod at mga sakripisyo, kapwa pisikal at espirituwal, para kay Brother Mateo.
“Hindi mahirap kapag alam mo ang layunin,” sabi niya. “Ipinaglalaban natin ang isang bagay na mas dakila kaysa makamundong mga bagay.”