2009
Pagpapayaman ng Pag-aaral Ninyo ng Doktrina at mga Tipan
Enero 2009


Pagpapayaman ng Inyong Pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan

May magandang oportunidad sa taong ito para lahat tayo ay tumanggap ng malalaking pagpapala sa pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan—isang kagila-gilalas na aklat ng paghahayag na isinulat sa ating panahon at para sa ating panahon.

Daniel K Judd
A. Roger Merrill
William D. Oswald

A. Roger Merrill (gitna), pangulo; Daniel K Judd (kaliwa), unang tagapayo; at William D. Oswald, pangalawang tagapayo.

Kung minsan tinutukoy na hanbuk ng Pagpapanumbalik ng Panginoon, ang Doktrina at mga Tipan ay naglalaman ng “magiliw subalit matatag na tinig ng Panginoong Jesucristo, na minsan pa ay nangungusap na muli sa dispensasyon ng kaganapan ng panahon.”1

Napamahal na nang husto sa maraming miyembro ang aklat na ito. Sabi ng isang miyembrong babae, “Nakakatulong ang mga partikular na paghahayag sa mga tao sa Doktrina at mga Tipan. Maipamumuhay ko ang mga paghahayag.” Sabi naman ng isa, “Natutulungan ako ng Doktrina at mga Tipan na makaugnay sa mga sitwasyong nakakaharap ko dahil hindi ito gaanong makaluma.” Isang miyembrong lalaki ang nagsabi, “Gusto ko ang Doktrina at mga Tipan dahil tinutulungan ako nito na maunawaan ang priesthood.”

Pinatototohanan namin na ang Doktrina at mga Tipan ay tunay na tinig ng Panginoon sa ating panahon sa bawat anak ng Diyos at darating ang malalaking pagpapala sa mga taong nag-aaral nito. May apat na mungkahi rin kami para maging mas makabuluhang karanasan ang pag-aaral ninyo ngayong taon at may ilang paraan para makatulong ang Sunday School.

Basahin ang Aklat mula Simula Hanggang Wakas

Ang Doktrina at mga Tipan at Kasaysayan ng Simbahan Gabay sa Pag-aaral ng Miyembro ng Klase ay humihikayat sa mga miyembro na “basahin ang Doktrina at mga Tipan mula simula hanggang wakas”2 sa taong 2009, at tapusin ang mga takdang-babasahin bawat Linggo, na nakaayos ayon sa paksa.

Ang pag-aaral sa ganitong paraan ay tumutulong sa atin na maunawaan ang konteksto ng mga bahaging pinag-aralan at ng mga bahagi mismo. Inihahanda rin tayo nito na makilahok sa makabuluhang talakayan sa klase ng Sunday School—na sa huli ay maglalaan ng dagdag na ideya at inspirasyong magagamit natin sa ating personal na buhay at sa pamilya.

Sa araw-araw ninyong pag-aaral ng mga banal na kasulatan, makakatulong kung maglalaan kayo ng isa o dalawang araw bawat linggo na basahin nang pahapyaw ang tatalakayin sa klase at saka ninyo ituloy ang pagbabasa ng Doktrina at mga Tipan mula simula hanggang wakas.

Magbasa nang May mga Tanong sa Isipan

Nalaman ni Brother Renzo Molly Barrios Matias, ng Guatemala, ang kapangyarihan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan sa pagtanggap ng personal na paghahayag sa sarili niyang buhay.

“Pagkaraan ng Hurricane Mitch sa Central America noong 2001 at nawasak ang lahat, marami akong tanong,” sabi niya. “Sa paghahanap ng sagot, nagpunta ako sa isang kaibigang nirerespeto ko nang husto. Sabi niya, ‘Basahin mo ang mga banal na kasulatan. Makikita mo roon ang pinakaangkop na sagot sa mga tanong mo.’

“Binago nito ang buhay ko,” sabi ni Brother Matias. “Matapos pag-aralan ang mga banal na kasulatan nang matagal, nakita ko ang kasagutan sa mga tanong ko. Nakita ko na may kahulugan nga ang buhay ko. Noon ako nagpasiyang maglingkod sa full-time mission.”

Di nagtagal naglingkod si Elder Matias sa Honduras Tegucigalpa Mission, at tinulungan ang iba na matuklasan ang bisa ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan.

Ang pagbabasa nang may natatanging mga tanong sa isipan ay nag-aanyaya sa Panginoon na magbigay-inspirasyon at turuan tayo sa ating mga pagsubok at oportunidad. Maaari ninyong isulat ang mga tanong na isasama ninyo nang may panalangin sa pag-aaral ninyo ng mga banal na kasulatan. Kapag nakatanggap kayo ng mga sagot, maaari kayong magkaroon ng inspirasyong ibahagi ang ideyang iyon sa Sunday School. Sumisigla ang mga miyembro ng klase kapag naririnig nila ang isa’t isa na angkop na nagpapatotoo kung paano ginagamit ng Panginoon ang mga banal na kasulatan para magbigay ng personal na patnubay at inspirasyon.

Maghanap ng mga Pagkakaugnay, Huwaran, at Tema

Iminungkahi ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol na sa lahat ng pag-aaral natin ng mga banal na kasulatan, naghahanap tayo ng mga pagkakaugnay, huwaran, at tema.3

Ang isang halimbawa ng pagkakaugnay sa Doktrina at mga Tipan ay ang pagkakaugnay ng ating pagsunod at ng mga ipinangakong pagpapala. “Ako, ang Panginoon, ay nakatali kapag ginawa ninyo ang aking sinabi; subalit kapag hindi ninyo ginawa ang aking sinabi, kayo ay walang pangako” (D at T 82:10). Nagiging mas makabuluhan ang pag-aaral natin ng mga banal na kasulatan kapag nakilala natin ang pagkakaugnay na ito at ipinasiya nating sundin ang utos sa atin ng Panginoon.

Isang huwaran sa Doktrina at mga Tipan ang makikita sa aklat mismo. Nakasaad sa pambungad, “Ang mga banal na paghahayag na ito ay natanggap bilang kasagutan sa panalangin, sa panahon ng pangangailangan, at ito ay mula sa mga pangyayari sa tunay na buhay na kinasasangkutan ng mga tunay na tao.”4 Ang mga paghahayag ay personal at kasagutan sa partikular na mga tanong hinggil sa mga bagay na batid ng Ama sa Langit na “magiging pinakamahalaga” (D at T 15:6; 16:6) sa bawat tao.5 Ang huwarang ito ng paghahanap at pagtanggap ng personal na paghahayag ay isang bagay na masusundan natin sa sarili nating buhay.

Isa sa pinaka-karaniwang mga tema sa buong banal na kasulatan ay “Masigasig akong hanapin at inyo akong matatagpuan; humingi, at kayo ay makatatanggap; kumatok, at kayo ay pagbubuksan” (D at T 88:63). Ang mga temang tulad nito ay naghihikayat sa atin na tumanggap ng mas malaking responsibilidad para matuto tayo habang binabasa at pinag-iisipan natin ang mga salita ng Diyos.

Kahit hindi puro kuwento ang mababasa sa Doktrina at mga Tipan, makikita rito ang mga pagkakaugnay, huwaran, at tema. Isa sa mga pagpapala ng sama-samang pagtalakay ng mga banal na kasulatan sa Sunday School ay higit nating nababatid ang mga ideyang ito kapag ibinabahagi natin ang ideya natin at pinakikinggan ang mga ideya ng iba.

Hangaring Mapatibay at Magkasamang Magsaya

Sinabi ng Panginoon na kapag kapwa natututo at nagtuturo sa isa’t isa ang mga miyembro ng Simbahan sa pamamagitan ng Espiritu, “sila ay kapwa pinagtitibay at magkasamang magsasaya” (D at T 50:22). Nagiging makapangyarihan ang pagtuturo at inspirado sa pag-aaral kapag nauunawaan ng mga guro at mag-aaral na ang tunay na guro sa anumang klase sa Simbahan ay ang Espiritu Santo at ang partisipasyon sa klase ay nag-aanyaya sa Espiritu na magpatotoo.

Sa pandaigdigang pagsasanay sa pamumuno noong Pebrero 2007 tungkol sa pagtuturo at pag-aaral, inanyayahan tayo ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol na tumanggap ng mas malaking responsibilidad sa pag-aaral ng ebanghelyo. Pagkatapos ay ipinamalas niya kung paano maaanyayahan ng mga inspiradong guro ang mga miyembro ng klase na maging aktibo sa halip na hindi makibahagi sa mga talakayan sa klase.

Sabi ni Elder Holland, “Kung tutulungan natin ang mag-aaral na gawin ang responsibilidad nila na matuto, at kung magpapatotoo tayo sa mga katotohanang itinuro natin, pagtitibayin ng Diyos sa ating mga puso at sa mga puso ng ating mga estudyante ang mensahe ng ebanghelyo ni Jesucristo.”6

Kapag mapanalanging nag-aral ang mga miyembro ng klase sa buong linggo at pagkatapos ay nagbasa ng mga banal na kasulatan at nagbahagi ng mga ideya, magpapatotoo ang Espiritu Santo at dadalhin “sa puso” (2 Nephi 33:1) ng bawat miyembro ng klase ang talagang kailangan niyang malaman at gawin (tingnan sa 2 Nephi 32:3–5).

Isang Personal na Paanyaya

Sa pag-aaral at pagkatuto natin mula sa Doktrina at mga Tipan ngayong taon, tatatag ang ating pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at lalakas ang ating patotoo kay Joseph Smith bilang propeta ng Diyos sa Pagpapanumbalik. Bubuksan ng Panginoon ang ating pang-unawa, at mas magiging bahagi ng ating buhay ang mga banal na kasulatan.7

Sa pagsisimula nitong bagong taon, inaanyayahan namin kayong samahan kami habang masayang “[sinasaliksik] ang mga kautusang ito [sa Doktrina at mga Tipan], sapagkat ang mga ito ay tunay at tapat, at ang mga propesiya at pangako na nasa mga ito ay matutupad na lahat” (D at T 1:37).

Mga Tala

  1. Pambungad sa Doktrina at mga Tipan.

  2. Doktrina at mga Tipan at Kasaysayan ng Simbahan Gabay sa Pag-aaral ng Miyembro ng Klase (1999), Pambungad, 3.

  3. Tingnan sa David A. Bednar, “Isang Imbakan ng Tubig na Buhay” (Church Educational System fireside para sa mga young adult, Peb. 4, 2007), www.ldsces.org.

  4. Pambungad sa Doktrina at mga Tipan.

  5. Para sa iba pang mga halimbawa ng natatanging personal na paghahayag, tingnan sa D at T 7–9; 11–12; 14–17.

  6. Jeffrey R. Holland, “Pagtuturo at Pag-aaral sa Simbahan,” Liahona, Hunyo 2007, 73; Ensign, Hunyo 2007, 105. Ang brodkast ay makukuha sa ilang wika sa www.lds.org. Mag-klik sa “Gospel Library,” “Additional Addresses,” pagkatapos ay sa “Worldwide Leadership Training: Teaching and Learning.”

  7. Tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:73–74. Matapos mabinyagan, sina Joseph Smith at Oliver Cowdery ay “napuspos ng Espiritu Santo.” Ang isipan nila noon ay “naliwanagan, [at] nagsimulang mabuksan sa [kanilang] mga pang-unawa ang mga banal na kasulatan.”

Ang mabisang pagtuturo at inspiradong pag-aaral ng ebanghelyo ay nagaganap kapag nauunawaan ng mga guro at mag-aaral na ang tunay na guro sa alinmang klase sa Simbahan ay ang Espiritu Santo at ang partisipasyon sa klase ay nag-aanyaya sa Espiritu na magpatotoo.

Mga paglalarawan ni Craig Dimond

Doktrina at mga Tipan at Kasaysayan ng Simbahan

Gabay sa Pag-aaral ng Miyembro ng Klase