Paghahanap ng mga Bagong Kaibigan
Dave J. Green, England, United Kingdom
Ilang taon pagkatapos ng misyon ko, lumipat ako sa isang lungsod na wala akong kakilala. Nagtungo ako sa institute na umaasang magkaroon ng mga bagong kaibigan at makasalamuha ang iba pang mga young single adult sa lugar, tulad ng ginawa ko noon.
Gayunman, sa simula ay nahirapan ako. Wala namang masungit, pero tila walang gaanong aktibidad, at kung minsan ay nalulungkot ako at lumalayo sa mga magkakakilala na. Taliwas dito, mabilis akong nagkaroon ng mabubuting kaibigan sa labas ng Simbahan.
Kung minsan ay parang mas madali pang huwag na lang pumunta sa institute. Wala akong sasakyan, kaya kailangan kong maglakad o magbisikleta linggu-linggo para makarating doon. Nakakita na ako ng mabubuting kaibigan sa ibang lugar na kapareho ko ang interes. At ang isa pa, nakatapos na ako sa institute.
Gayunman, habang iniisip ko ang lahat ng dahilang ito para huwag pumunta, naalala ko kung gaano ako lumakas noon dahil sa mga aral na natutuhan ko at mga naging kaibigan ko sa institute. Pinalakas ng institute ang aking patotoo at tinulungan akong mas maunawaan ang plano ng Panginoon para sa akin. Nagpasiya akong dumalo pa rin, at natutuwa ako sa ginawa ko. Noong taong iyon ay unti-unti akong nagkaroon ng mabubuting kaibigan sa institute. Tumanggap ako ng mga paanyaya sa mga pagtitipon at sa paglipas ng panahon ay lalo akong nakilahok.
Sa simula ay mahirap dumalo sa institute sa isang bagong lugar, pero dahil patuloy akong dumalo, nagkaroon ako ng maraming espirituwal na pagpapala at mga kaibigan na hindi ko sana natanggap kung hindi ko ginawa iyon.