Mensahe ng Unang Panguluhan
Ating Iparinig ang Ating Tinig na Nagbababala
Dahil mabait ang Panginoon, tumatawag Siya ng mga tagapaglingkod para balaan ang mga tao sa panganib. Ang panawagang iyon na magbabala ay lalo pang pinag-igting at binigyang-halaga ng katotohanan na ang pinakamahahalagang babala ay tungkol sa mga panganib na hindi pa iniisip ng mga tao na totoo. Halimbawa ay si Jonas. Tinanggihan niya noong una ang tawag ng Panginoon na balaan ang mga tao ng Nineve na hindi nakakakita sa panganib ng kasalanan. Alam niya na tinanggihan na ng masasamang tao sa nagdaang mga panahon ang mga propeta at sa ilang pagkakataon ay pinapatay pa ang mga ito. Subalit nang humayo si Jonas nang may pananampalataya, pinagpala siya ng Panginoon ng kaligtasan at tagumpay.
Matututo rin tayo sa ating mga karanasan bilang mga magulang at anak. Tayong mga magulang ay nakadama na ng takot sa panganib na hindi pa nakikita ng ating mga anak. May ilang dalanging napakataimtim tulad ng sa isang magulang na gustong malaman kung paano ilalayo sa panganib ang isang anak. Nadama na ng karamihan sa atin ang pagpapala ng pakikinig at pagsunod sa nagbababalang tinig ng isang magulang.
Naaalala ko pa nang mahinahon akong kausapin ng nanay ko isang Sabado ng hapon noong bata pa ako nang magpaalam akong gawin ang isang bagay na akala ko ay makatwiran pero alam niyang mapanganib. Mangha pa rin ako sa kapangyarihang ipinagkaloob sa kanya, na alam kong nagmula sa Panginoon, para baguhin ang isip ko sa iilang salita. Ang naaalala ko, sabi niya: “Ah, palagay ko kaya mo ngang gawin iyan. Pero nasa iyo ang pagpapasiya.” Ang tanging babala ay ang pagbibigay-diin niya sa mga salitang kaya at pagpapasiya. At sapat nang babala iyon sa akin.
Ang kapangyarihan niyang magbabala sa iilang salita ay nagmula sa tatlong bagay na alam ko tungkol sa kanya. Una, alam kong mahal niya ako. Ikalawa, alam kong napagdaanan na niya ang gayong mga sitwasyon at napagpala sa paggawa ng tamang pasiya. At ikatlo, nabanggit na niya sa akin ang tiyak niyang patotoo na napakahalaga ng pagpapasiyang kailangan kong gawin kaya sasabihin sa akin ng Panginoon ang dapat kong gawin kung magtatanong ako sa Kanya. Pagmamahal, halimbawa, at patotoo: mahalaga ang tatlong bagay na iyon sa aking pagpapasiya sa araw na iyon, at sa tuwing pagpapalain akong pakinggan at sundin ang babala ng isang lingkod ng Panginoon.
Ang kakayahan nating antigin ang iba sa pamamagitan ng ating tinig na nagbababala ay mahalaga sa lahat ng pinagtipanang alagad ni Jesucristo. Narito ang utos sa bawat miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw: “Masdan, isinugo ko kayo upang magpatotoo at balaan ang mga tao, at nababagay lamang sa bawat tao na nabigyang-babala na balaan ang kanyang kapwa” (D at T 88:81).
Ang Tungkulin Nating Magbabala
Ang tungkuling balaan ang ating kapwa ay nasa ating lahat na nakipagtipan sa binyag. Dapat nating kausapin ang mga kaibigan at kamag-anak na di-miyembro tungkol sa ebanghelyo. Layon nating anyayahan silang magpaturo sa mga full-time missionary, na tinawag at itinalagang magturo. Kapag nagpasiya ang isang tao na tanggapin ang paanyaya nating magpaturo, nalikha ang isang “referral” na may dakilang pangako, isang taong mas malamang na magpabinyag at manatiling tapat pagkatapos.
Bilang miyembro ng Simbahan, asahan ninyo na hihingi ng pagkakataon ang mga full-time o ward o branch missionary na tulungan kayong ilista ang mga taong mababahaginan ninyo ng ebanghelyo. Imumungkahi sa inyo ng mga misyonero na mag-isip ng mga kamag-anak, kapitbahay, at kakilala. Hihilingin nilang magtakda kayo ng araw na sisikapin ninyong maihanda ang tao o pamilya na magpaturo sa mga misyonero. Naranasan ko na iyan. Dahil tinanggap ng aming pamilya ang paanyayang iyan ng mga misyonero, mapalad akong isagawa ang binyag ng isang balo na mahigit 80 anyos na, na tinuruan ng mga misyonera.
Nang ipatong ko ang aking mga kamay sa kanyang ulo upang ikumpirma siyang miyembro ng Simbahan, nadama kong dapat kong sabihin na ang pasiya niyang magpabinyag ay magpapala sa mga henerasyon ng kanyang pamilya, na sumunod at nauna sa kanya. Kahit pumanaw na siya, nasamahan ko pa sa templo ang kanyang anak na lalaki nang ibuklod ito sa kanya.
Maaaring naranasan na ninyo ito sa mga taong inanyayahan ninyong magpaturo, kaya alam ninyong may ilang pangyayari sa buhay na mas kasiya-siya. Ang mga salita ng Panginoon ay totoo para sa mga misyonero at sa ating lahat: “At ngayon, kung ang inyong kagalakan ay magiging malaki sa isang kaluluwa na inyong nadala sa akin sa kaharian ng aking ama, anong laki ng inyong kagalakan kung makapagdadala kayo ng maraming kaluluwa sa akin!” (D at T 18:16).
Tutulungan at hihikayatin tayo ng mga misyonero, ngunit ang pagdalas ng gayong mga sandali sa bautismuhan at sa templo ay nakasalalay nang malaki sa pananaw natin sa ating tungkulin at sa ipapasiya nating gawin tungkol dito. Hindi gagamitin ng Panginoon ang salitang magbabala kung walang panganib. Subalit kakaunti sa mga kakilala natin ang nakadarama nito. Nasanay na silang balewalain ang dumaraming katibayan na humihina na ang lipunan at wala na sa kanilang buhay at pamilya ang kapayapaang minsan ay inakala nilang posible. Dahil sa kahandaang iyon na balewalain ang mga tanda ng panganib, madali ninyong iisiping: “Bakit ko kakausapin tungkol sa ebanghelyo ang sinumang mukhang kuntento na? Ano ang panganib sa kanila o sa akin kung wala akong gagawin o sasabihin?”
Maaaring mahirap makita ang panganib, pero totoo ito, kapwa para sa kanila at sa atin. Halimbawa, may sandali sa mundong darating na lahat ng nakilala ninyo sa buhay na ito ay malalaman ang nalalaman ninyo ngayon. Malalaman nila na ang tanging daan para mabuhay magpakailanman kasama ang ating mga pamilya at sa piling ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo ay ang piliing pumasok sa pasukan sa pamamagitan ng binyag sa kamay ng mga taong may awtoridad mula sa Diyos. Malalaman nila na ang tanging paraan para magkasama ang mga pamilya magpakailanman ay tanggapin at tuparin ang mga sagradong tipang ibinigay sa mga templo ng Diyos sa daigdig na ito. Malalaman nilang alam ninyo. At maaalala nila kung inialok ninyo sa kanila ang inialok ng ibang tao sa inyo.
Madaling sabihing, “Hindi pa oras.” Pero may panganib sa pagpapaliban. Ilang taon na ang nakararaan nagtrabaho ako para sa isang lalaki sa California. Tinanggap niya ako; mabait siya sa akin; parang mataas ang pagtingin niya sa akin. Ako lang siguro ang tanging Banal sa mga Huling Araw na kilalang-kilala niya. Hindi ko na maalala ang mga pagdadahilan ko sa paghihintay ng mas magandang pagkakataong makausap siya tungkol sa ebanghelyo. Naaalala ko lang na nalungkot ako nang malaman ko, matapos siyang magretiro at mapalayo ako ng tirahan, na naaksidente silang mag-asawa sa kotse nang hatinggabihin sila ng uwi sa bahay nila sa Carmel, California. Minahal niya ang kanyang asawa. Minahal niya ang kanyang mga anak. Minahal niya ang kanyang mga magulang. Minahal niya ang kanyang mga apo, at mamahalin niya ang kanilang mga anak at nanaising makapiling sila magpakailanman.
Ngayon, hindi ko alam kung ano ang magiging sitwasyon ng lahat ng tao sa mundong darating. Pero palagay ko magkikita kami, tititigan niya ako, at mababasa ko sa kanyang mga mata ang tanong: “Hal, alam mo pala. Bakit hindi mo sinabi sa akin?”
Kapag naiisip ko siya at ang balo na bininyagan ko at ang pamilya nito na ngayon ay mabubuklod sa kanya at sa isa’t isa, nais kong pagbutihin pa ang ginagawa ko. Nais kong madagdagan ang kakayahan kong anyayahan ang mga tao na magpaturo. Sa hangaring iyan at pananampalatayang tutulungan tayo ng Diyos, mapagbubuti natin ito.
Una sa Lahat ang Pagmamahal
Laging nauuna sa lahat ang pagmamahal. Bihirang sumapat ang isang gawa ng kabaitan. Inilarawan ng Panginoon ang pagmamahal na dapat nating madama, at dapat itong madama sa atin ng ating mga inaanyayahan, sa mga salitang gaya nito: “Ang pagibig ay mapagpahinuhod,” at “lahat ay binabata, lahat ay pinaniniwalaan, lahat ay inaasahan, lahat ay tinitiis” (I Mga Taga Corinto 13:4, 7).
Nakita ko na ang kahulugan ng “mapagpahinuhod” at “lahat ay tinitiis.” Lumipat ang isang pamilya sa bahay na malapit sa amin. Bago ang bahay, kaya naging bahagi ako ng grupo ng mga Banal sa mga Huling Araw na ilang gabing nag-landscape sa bakuran. Naaalala ko ang huling gabi, nakatayo ako sa tabi ng lalaking may-ari nang matapos kami. Tiningnan niya ang ginawa namin at sinabi sa amin na nangakatayo sa malapit, “Ito ang ikatlong bakurang inayos ninyong mga Mormon para sa amin, at palagay ko ito ang pinakamaganda.” Pagkatapos ay mahina ngunit mariin niyang sinabi sa akin ang malaking kasiyahan niya sa pagiging miyembro sa sarili niyang simbahan, na madalas naming pag-usapan sa nagdaang mga taon habang doon siya nakatira.
Sa buong panahong iyon, nagpatuloy ang mga kabaitang ipinakita sa kanya at sa kanyang pamilya, dahil talagang napamahal sila sa kanilang mga kapitbahay. Isang gabi pag-uwi ko ay nakita ko ang isang trak sa harapan ng bahay nila. May nagsabi sa akin na lilipat sila sa ibang estado. Lumapit ako para alamin kung may maitutulong ako. Hindi ko nakilala ang lalaking nakita ko na nagkakarga ng mga kagamitan sa trak. Mahina niyang sinabi habang palapit ako, “Hello, Brother Eyring.” Hindi ko siya nakilala dahil siya iyong anak, na ngayo’y malaki na, na tumira doon, nag-asawa, at lumipat ng bahay. At dahil sa pagmamahal ng marami sa kanya, siya ngayon ay binyagan nang miyembro ng Simbahan. Hindi ko alam ang wakas ng kuwentong iyon dahil hindi iyon magwawakas. Pero alam ko na nagsimula iyon sa pagmamahal.
Ikalawa, kailangan nating maging mas mabubuting halimbawa ng ipinagagawa natin sa iba. Sa nagdidilim na mundo, magiging mas mahalaga ang utos na ito ng Tagapagligtas: “Lumiwanag na gayon ang inyong ilaw sa harap ng mga tao; upang mangakita nila ang inyong mabubuting gawa, at kanilang luwalhatiin ang inyong Ama na nasa langit” (Mateo 5:16).
Karamihan sa atin ay mapagpakumbabang iniisip na maaaring napakalamlam ng maliit nating kandila ng halimbawa para mapansin. Pero kayo ng inyong pamilya ay minamasdan nang higit kaysa akala ninyo. Nagkaroon ako noon ng pagkakataong dumalo at magsalita sa mga miting kasama ang halos 300 ministro at lider ng iba pang mga simbahan. Mag-isa kong kinausap ang lahat ng puwedeng kausapin ko. Tinanong ko sila kung bakit pinakinggan nilang mabuti ang mensahe ko, nang isalaysay ko ang pinagmulan ng Simbahan, ang Unang Pangitain ng batang si Joseph Smith at ang mga buhay na propeta. Sa bawat sitwasyon, halos iisa ang sagot nila. Ikinuwento nila ang isang tao o pamilya—mga miyembro ng Simbahan na kilala nila. Madalas kong marinig, “Sila ang pinakamatinong pamilyang nakilala ko.” Madalas nilang mabanggit ang isang gawain sa komunidad o pagtugon sa kalamidad na isinagawa ng mga miyembro ng Simbahan sa isang pambihirang paraan.
Hindi pa nalalaman ng mga taong nakilala ko sa mga miting na iyon ang katotohanang nasa doktrina, ngunit nakita na nila ang bunga nito sa buhay ng mga miyembro, kaya nga handa silang makinig. Handa silang pakinggan ang mga katotohanan ng Panunumbalik—na ang mga pamilya ay mabubuklod magpakailanman at mababago ng ebanghelyo ang likas nating pag-uugali. Handa sila dahil sa inyong mga halimbawa.
Ang ikatlong bagay na dapat nating pagbutihin ay mag-anyaya nang may patotoo. Bubuksan ng pagmamahal at halimbawa ang daan, ngunit kailangan pa rin nating buksan ang ating bibig at magpatotoo. Tinutulungan tayo ng simpleng katotohanan: ang katotohanan at pagpapasiya ay hindi mapaghihiwalay. May ilang pagpapasiyang magagawa ang lahat ng anak ng ating Ama sa Langit para maging karapat-dapat sa isang patotoo tungkol sa mga espirituwal na katotohanan, at kapag alam na natin ang isang espirituwal na katotohanan, dapat tayong magpasiya kung iaayon natin dito ang ating buhay. Kapag pinatototohanan natin ang katotohanan sa ating mga mahal sa buhay o kaibigan, dapat nating iparating sa kanila ang mga pagpapasiyang dapat nilang gawin kapag alam na nila mismo ang katotohanan. May dalawang mahahalagang halimbawa: ipabasa sa isang tao ang Aklat ni Mormon at mapapayag ang isang tao na magpaturo sa mga misyonero.
Para malaman natin kung totoo ang Aklat ni Mormon, dapat natin itong basahin at gawin natin ang pasiyang matatagpuan sa Moroni: manalangin para malaman kung ito ay totoo (tingnan sa Moroni 10:3–5). Kapag nagawa na natin iyan, makapagpapatotoo tayo sa ating mga kaibigan mula sa sarili nating karanasan na magagawa nila ang pasiyang iyan at malalaman ang katotohanang iyon. Kapag nalaman nila na ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos, mahaharap sila sa isa pang pagpapasiya: kung tatanggapin nila ang paanyaya ninyong magpaturo sa mga misyonero. Para makapag-anyaya nang may patotoo, kailangan ninyong malaman na ang mga misyonero ay tinawag bilang mga lingkod ng Diyos.
Makakamtan ninyo ang patotoong iyan sa pagpapasiyang anyayahan ang mga misyonero sa bahay ninyo para maturuan ang inyong pamilya o mga kaibigan. Malugod na tatanggapin ng mga misyonero ang oportunidad na iyan. Kapag naupo kayo sa tabi nila habang nagtuturo sila, tulad ko, malalaman ninyo na sila ay inspirado ng kapangyarihang higit pa sa kanilang edad at pinag-aralan. Sa gayon, kapag inanyayahan ninyo ang iba na magpasiyang magpaturo sa mga misyonero, mapapatotohanan ninyo na ituturo nila ang katotohanan at nagmumungkahi sila ng mga pasiyang aakay tungo sa kaligayahan.
Isang Katiyakan
Marahil mahihirapang maniwala ang ilan sa atin na sapat na ang pagmamahal natin o mabuti na ang buhay natin o sapat na ang kapangyarihan nating magpatotoo para tanggapin ng ating mga kapitbahay ang mga paanyaya natin. Ngunit alam ng Panginoon na maaari nating maramdaman iyon. Pakinggan ang Kanyang nakahihikayat na mga salita, na iniutos Niyang ilagay sa unang bahagi ng Doktrina at mga Tipan, nang utusan Niya tayo: “At ang tinig ng babala ay mapapasalahat ng tao, sa pamamagitan ng mga bibig ng aking mga disipulo, na aking mga pinili sa mga huling araw na ito” (D at T 1:4).
Pagkatapos ay pakinggan ang paglalarawan Niya ng mga katangian ng mga disipulong iyon—natin: “Ang mahihinang bagay ng sanlibutan ay magsisilabas at bubuwagin ang mga makapangyarihan at ang malalakas” (D at T 1:19).
At pagkatapos: “Nang ang kabuuan ng aking ebanghelyo ay maihayag ng mahihina at ng mga pangkaraniwang tao sa mga dulo ng daigdig” (D at T 1:23).
At narito pa: “At yayamang sila ay nagpakumbaba sila ay maaaring gawing malakas, at pagpalain mula sa kaitaasan” (D at T 1:28).
Ang pagtiyak na iyan ay ibinigay sa mga unang misyonero sa Simbahan at sa mga misyonero ngayon. Ngunit ibinigay din iyan sa ating lahat. Dapat tayong manalig na magmamahal tayo nang sapat at sapat ang pag-antig ng ebanghelyo sa ating buhay para ang paanyaya nating magpasiya ay marinig na tila nagmumula sa Gurong pinagmumulan ng paanyayang iyon.
Siya ang perpektong halimbawa ng dapat nating gawin. Nadama na ninyo ang Kanyang pagmamahal at pagmamalasakit kahit di kayo tumutugon, tulad ng di pagtugon ng mga tinuturuan ninyo ng ebanghelyo. Paulit-ulit Niya kayong inaanyayahan na magpaturo sa Kanyang mga lingkod. Maaaring hindi ninyo ito nadama sa pagbisita ng mga home teacher at visiting teacher o sa pagtawag ng bishop, ngunit iyon ay mga paanyaya Niya sa inyong magpatulong at magpaturo. At lagi nang nililinaw ng Panginoon ang mga ibubunga nito at tinulutan tayong magpasiya para sa ating sarili.
Ang itinuro ng lingkod ng Panginoon na si Lehi sa kanyang mga anak ay lagi nang totoo para sa ating lahat: “At ngayon, mga anak ko, nais ko na kayo ay umasa sa dakilang Tagapamagitan, at makinig sa kanyang mga dakilang kautusan; at maging matapat sa kanyang mga salita, at piliin ang buhay na walang hanggan, alinsunod sa kalooban ng kanyang Banal na Espiritu” (2 Nephi 2:28).
At mula rin kay Jacob natanggap natin ang panghihikayat na ito na gawin ang obligasyon nating magpatotoo, tulad ng nararapat, na ang pagpapasiyang magpaturo sa mga misyonero ay pagpapasiyang pumasok sa daan tungo sa buhay na walang hanggan, ang pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos: “Samakatwid, magalak sa inyong mga puso, at tandaan ninyo na kayo ay malayang makakikilos para sa inyong sarili—ang piliin ang daan ng walang hanggang kamatayan o ang daan ng buhay na walang hanggan” (2 Nephi 10:23).
Pinatototohanan ko na tanging pagtanggap at pamumuhay lamang ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ang naghahatid ng kapayapaang ipinangako ng Panginoon sa buhay na ito at ng pag-asa ng buhay na walang hanggan sa mundong darating. Pinatototohanan ko na binigyan tayo ng pribilehiyo at obligasyong ibigay ang katotohanan at mga pagpapasiyang hahantong sa mga pagpapalang iyon sa mga anak ng ating Ama sa Langit, na ating mga kapatid. Si Jesus ang Cristo, Siya ay buhay, at ito ay Kanyang gawain.