2009
Isang Uliran ng mga Nagsisisampalataya
Enero 2009


2009 Tema ng Mutwal

Uliran ng mga Nagsisisampalataya

“Ikaw ay maging uliran ng mga nagsisisampalataya, sa pananalita, sa pamumuhay, sa pagibig, sa pananampalataya, sa kalinisan” (I Kay Timoteo 4:12).

Makakagawa ba ng kaibhan sa mundo ang impluwensya ng isang matwid na binata o dalaga? Ang sagot ay oo!

Ipinagkatiwala sa inyo ng Tagapagligtas na si Jesucristo ang Kanyang pangalan, na tinanggap ninyo sa binyag. Tiwala Siya na kakatawanin ninyo ang Simbahan at inyong pamilya sa mabuting pamumuhay na may pasasalamat. Sinabihan Niya kayo na maging “uliran ng mga nagsisisampalataya,” isang taong maglalapit sa ibang mga tao sa Kanya, gagawa ng mga himala, at tutulungan Siyang itayo ang kaharian ng Diyos sa lupa.

Ang 2009 tema ng Mutwal ay nasa I Kay Timoteo 4:12, kung saan nagpayo si Apostol Pablo sa kanyang batang kaibigang si Timoteo. Angkop din sa inyo ngayon ang turo ni Pablo kay Timoteo dahil kayo, gaya ni Timoteo, ay sumasampalataya! “Kayo’y mga piling espiritung isinilang sa panahong ito” na naipanumbalik na ang ebanghelyo ni Jesucristo. Kayo’y bahagi ng isang itinakdang henerasyon na may “mga responsibilidad sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos.”1 Maiimpluwensyahan ninyo ang buong mundo sa lakas ng inyong pananampalataya at matwid na halimbawa. Alam ni Pablo na magagawa iyon ni Timoteo, at alam naming magagawa ninyo iyan!

Binigyan tayo ni Pangulong Thomas S. Monson ng napakagandang payo kung paano maging “uliran ng mga nagsisisampalataya.” Sabi niya: “Sa bawat gagawing desisyon sagutin ang mga tanong na ito: Ano ang ginagawa nito sa akin? Ano ang magagawa nito para sa akin? At huwag pairalin sa isipan ang, ‘Ano ang iisipin ng iba?’ at sa halip ay, ‘Ano ang iisipin ko sa sarili ko?’ Makinig sa marahan at banayad na tinig. Alalahanin na may isang awtoridad na nagpatong ng kanyang mga kamay sa inyong ulunan noong kumpirmasyon ninyo at sinabing, ‘Tanggapin ang Espiritu Santo.’ Buksan ang inyong puso, maging ang inyong kaluluwa mismo, sa espesyal na tinig na nagpapatotoo sa katotohanan.”2

Ang mga nagsisisampalataya ay may lumalagong personal na patotoo kay Jesucristo, kinikilala nila ang malaking pagpapala ng personal na patotoo, at hangad nilang ibahagi ang kaalaman nila sa iba. Maaari kayong magpatotoo sa pamamagitan ng inyong pananalita at halimbawa.

Itinuro din ni Pangulong Monson: “Kapag nakatanim na mabuti, ang inyong patotoo sa ebanghelyo … ay makaiimpluwensya sa lahat ng ginagawa ninyo sa buhay. Ipaaalam nito sa inyo kung paano gugugulin ang inyong oras at kanino makikihalubilo. Maaapektuhan nito ang pakikitungo ninyo sa inyong pamilya, at pakikisalamuha sa iba. Magdudulot ito ng pagmamahal, kapayapaan, at galak sa inyong buhay.”3

Nabubuhay kayo sa isang mundo na umaagaw sa inyong oras at pansin. Marami kayong problema at maraming impluwensya sa paligid ninyo. Kung minsan nalilito kayo kung ano ang gagawin at kung ano ang tama. Bawat linggo ay may pagkakataon kayong makibahagi ng sacrament at magpanibago ng inyong tipan na “laging aalalahanin [ang Tagapagligtas] at susundin ang kanyang mga kautusan” (D at T 20:77). Kapag ginagawa ninyo ito, ipinakikita ninyo sa Ama sa Langit ang kahandaan ninyong taglayin sa inyong sarili ang banal na pangalan ng Kanyang Anak. Makikita ng iba sa inyong mga pananalita at kilos na talagang tinutupad ninyo ang inyong mga tipan. Sa pagpapanibago at pagtupad ng inyong mga tipan, gagabayan kayo ng Espiritu Santo at “magsasabi sa inyo ng lahat ng bagay na dapat ninyong gawin” (2 Nephi 32:3).

Palalakasin din kayo ng mga pamantayan sa Para sa Lakas ng mga Kabataan at tutulungan kayong maging matatag na halimbawa. Kapag ipinamuhay ninyo ang mga pamantayang ito, sasainyo ang patnubay at palagiang pagsama ng Espiritu Santo. Ang inyong mga iniisip at ginagawa ay magiging kaiba sa mundo, at ang inyong halimbawa ay makaiimpluwensya sa iba. “Gaganda ang pakiramdam ninyo sa inyong sarili at magiging mabuti kayong impluwensiya sa buhay ng iba.”4 Liligaya kayo, at mapapalapit sa inyo ang inyong mga kaibigan at pamilya dahil sa liwanag at kaligayahang nababanaag sa inyo.

Kaya ang tanong namin sa inyo, “Makagagawa ba ng kaibhan sa mundo ang isang binata o dalagang nagsisikap ipamuhay ang ebanghelyo at maging karapat-dapat na halimbawa ng mga nagsisisampalataya?” Nalalaman namin nang buong puso na ang sagot ay isang mariing oo! Naniniwala kami na kapag dalisay ang inyong mga iniisip, sinasabi, at ginagawa, makagagawa kayo ng kaibhan. Naniniwala kami sa inyo!

Mga Tala

  1. Para sa Lakas ng mga Kabataan (2002), 2–3.

  2. Thomas S. Monson, “Maging Isang Halimbawa,” Liahona at Ensign, Mayo 2005, 113.

  3. Liahona at Ensign, Mayo 2005, 114.

  4. Para sa Lakas ng mga Kabataan, 2.

Mga paglalarawan nina Craig Dimond, John Luke, at Christina Smith