2009
Isang Paanyaya sa mga Kabataang Babae
Enero 2009


Isang Paanyaya sa mga Kabataang Babae

Young Women general presidency

Elaine S. Dalton (gitna), pangulo; Mary N. Cook (kaliwa), unang tagapayo; at Ann M. Dibb, pangalawang tagapayo.

Hindi madali ang maging isang “uliran ng mga nagsisisampalataya.” Araw-araw nating pagsisikapang alalahanin kung sino tayo at kung ano ang ginagawa ng mga nagsisisampalataya. Inaanyayahan namin kayong gawin ang tatlong bagay araw-araw na magpapalakas at tutulong sa inyo na maging isang halimbawa sa inyong pamilya at mga kaibigan. Bilang isang panguluhan, ginagawa namin ang mga bagay na ito—nang buong panahon. Gusto ba ninyong makiisa sa amin?

Una, manalangin araw-araw.

Ikalawa, basahin ang Aklat ni Mormon araw-araw kahit limang minuto lang.

Ikatlo, ngumiti araw-araw.

Inaanyayahan namin kayong ngumiti dahil kayo ay nasa daigdig sa pambihirang panahong ito na naipanumbalik na ang ebanghelyo ni Jesucristo. Naituro sa inyo ng isang propeta ng Diyos na mapupuna ng mabubuting tao sa mundo na kayo “ay namumukod at naiiba sa kanilang paningin—sa masasayang paraan.”1

Isipin ang mangyayari kung araw-araw gagawin ng libu-libong kabataang babaeng tulad ninyo ang tatlong bagay na ito!

Marami sa nagtatagal na mga tagumpay sa buhay ang nakasalalay sa paggawa ng maliliit na bagay nang palagian sa mahabang panahon. Maliliit at simple ang tatlong bagay na ito, pero tandaan, “sa pamamagitan ng maliliit at mga karaniwang bagay ay naisasakatuparan ang mga dakilang bagay” (Alma 37:6). Alam namin na matutuklasan ninyo ang mga pagpapalang dulot ng paggawa ng tatlong bagay na ito araw-araw. At kung makalimot kayo ng isang araw, makapagsisimula kayong muli kinabukasan.

Pinatototohanan namin na kung kayo ay mananalangin, babasahin ang Aklat ni Mormon, at ngingiti araw-araw, pagpapalain kayo sa inyong mga pagsisikap at magiging uliran o halimbawa kayo ng mga nagsisisampalataya—isang kabataang babaeng kayang gumawa ng kaibhan sa mundo.

Tala

  1. Spencer W. Kimball, “The Role of Righteous Women,” Ensign, Nob. 1979, 104.