Malilimutan Ko Ba ang Aking Nakaraan?
Ang isang positibo at masayang saloobin ay mahalaga sa mga salesman na tulad ko. Subalit ilang taon na ang nakararaan nawalan ako ng pag-asa at hangaring makipag-usap kahit kanino. Totoong nangyari ito isang hapon.
Halata yata sa mukha ko ang pagkainis dahil isa sa mga katrabaho ko, na ilang beses ko nang nakausap, ang nangumusta sa sitwasyon ko. Ipinaliwanag ko na matapos kaming makasal nang anim na taon, nagdiborsyo kaming mag-asawa. Ikaanim na anibersaryo ng diborsyo namin sa buwang ito, kaya ang diborsyo namin ay kasing-tagal na rin ng kasal namin. Gulung-gulo ang puso’t isipan ko, at puno ng pasakit at lumbay ang kaluluwa ko. Alam kong marami akong hindi nakitang pangyayari sa buhay ng mga anak ko, at ang pagkatantong iyon ay labis na pahirap sa akin sa tuwina. Napuno ako ng kalungkutan, at wala akong makitang solusyon—o kahit matanaw na pag-asa—sa hinaharap. Ito, sabi ko sa katrabaho ko, ang kabayaran ng mga pagkakamaling nagawa ko.
Pagkatapos ay sumagot ang kasamahan ko, na miyembro ng ibang simbahang Kristiyano. “Anong kabayaran ang pinagsasabi mo?” tanong niya. “Binayaran na ni Jesucristo ang katumbas na halaga, kung tunay mong pinagsisihan ang mga kasalanan mo. O hindi mo naaalala kung bakit Siya naparito sa mundo?”
Namangha ako sa sagot niya, at hindi ako nakaimik sa mga sinabi niya. Buong hapon akong naapektuhan niyon. Oo—kahit pagdusahan ko pa ang mga pagkakamali ko, nabayaran na ito ni Jesucristo. Bakit hindi ko ito natanto noon? Alam ko ang doktrina, at alam kong totoo ito. Ang pagkatanto na may bisa sa buhay ko ang Pagbabayad-sala ay nagpadama sa akin ng kapayapaan at kapanatagan na natatandaan ko pa ngayon.
Maraming taon na ang nagdaan mula nang mangyari ito sa trabaho. Nalaman ko na nananatili sa atin habambuhay ang ilang epekto ng ating mga nagawa. Marami sa mga ito ang nakakaapekto sa ating mga mahal sa buhay. Hindi madaling mapawi ang lungkot, pero natulungan ako nitong kilalanin ang aking mga kahinaan at humingi ng tawad sa aking Ama sa Langit at sa mga taong lubhang naapektuhan—ang aking mga anak at ang kanilang ina.
Taliwas sa nadama ko noong hapong iyon, masasabi ko na may kapayapaan at pag-asa na ako ngayon. Alam ko na binayaran na ni Jesucristo ang katumbas na halaga, at wala akong duda tungkol dito dahil nakapagsisi na ako. Pinalakas Niya ako sa mga taong ito ng pagsubok. Kahit patuloy ang mga pagsubok sa buhay ko, alam kong kapag nagsisi ako, bumaling sa Panginoon, at sumunod sa mga kautusan, patuloy Niya akong tutulungan.