Mga Mensahe mula sa Doktrina at mga Tipan
Tiwala sa Harap ng Diyos
Kapag dinagdagan natin ang ating pananampalataya at katapatan, lalo tayong mapapalapit sa ating Ama sa Langit.
Ang kuwento ni Propetang Joseph Smith na naghahangad na malaman kung sa aling simbahan siya sasapi sa gitna ng “pagtutunggalian ng mga pangkat … ng mga relihiyoso” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:11) ay isang kuwento ng inspirasyon at pag-asa para sa lahat ng tapat na naghahangad sa katotohanan. Kaylaking kaaliwan marahil para kay Joseph—isang di-kilalang batang 14 anyos na may simpleng tanong at tapat na harangin—na mabasa ang sumusunod na talata mula sa Biblia: “Kung nagkukulang ng karunungan ang sinoman sa inyo, ay humingi sa Dios, na nagbibigay ng sagana sa lahat at hindi nanunumbat; at ito’y ibibigay sa kaniya” (Santiago 1:5).
Ang talatang ito ay naglalaan ng magandang ideya sa dapat na uri ng pakikipag-ugnayan natin sa ating Ama sa Langit. Tunay ngang ang talatang ito ay nagpapahayag ng magiliw na awa at maaaring gawin ng ating mapagmahal na Ama sa isang anak na nagtanong sa Kanya. Karaniwan ay hindi sinasagot ng Ama ang mga dalangin sa pamamagitan ng mga pangitain, tulad ng ginawa Niya sa Sagradong Kakahuyan, ngunit sumasagot Siya sa paraang magdudulot ng malaking kaaliwan at kapayapaan. Iyan ang pangako Niya sa atin—ang magbigay nang sagana at hindi nanunumbat, o nagpaparusa.
Noong bata pa ako, nagkaroon ako ng maraming oportunidad para subukan ang pangakong ito. Pinatototohanan ko na ang pangakong ito ay tiyak. Nawalan man ako ng laruan o barya o ng iba pang mahalagang pag-aaring tila walang kabuluhan sa matatanda, sinagot ng Ama sa Langit ang aking mga dalangin at pinayapa ang aking isipan. Tandang-tanda ko pa na tiwala ako na darating ang sagot. Gayon ang pananampalataya ng isang bata. Gayon ang pananampalataya ng batang si Joseph Smith.
Ang gayong pananampalataya ay naaayon sa mga kundisyong binabatayan sa pagsagot sa mga dalangin, tulad ng sinasabi sa sumusunod na talata: “Humingi siyang may pananampalataya, na walang anomang pag-aalinlangan” (Santiago 1:6).
Habang tumatanda ako, nalaman ko na lalong mahirap sumampalataya nang walang pag-aalinlangan. Nagtatanim ang mundo ng mga binhi ng pagdududa at maling palagay sa ating mga puso’t isipan. Sa gayon, ang babala ng Tagapagligtas na tayo ay “maging tulad sa maliliit na bata” (Mateo 18:3) ay naging isang panghabambuhay na mithiin para sa akin. Nalaman ko na ang pananampalataya “na kasinglaki ng butil ng binhi ng mostasa” (Mateo 17:20) ay abot-kamay ko kung minsan ngunit hindi ko rin maabot kung minsan.
Paano tayo palagiang sasampalataya nang ganito? Ang sumusunod na payo ay naglalaan ng ideya sa matwid na hangaring ito: “Yaong sa Diyos ay liwanag; at siya na tumatanggap ng liwanag, at nagpapatuloy sa Diyos, ay tumatanggap ng marami pang liwanag; at ang liwanag na yaon ay lumiliwanag nang lumiliwanag hanggang sa ganap na araw” (D at T 50:24).
Iyan ang prosesong pinagdaanan ni Propetang Joseph Smith. Gaya ng ibang nauna sa kanya, pinatunayan niya ang kanyang sarili sa pamamagitan ng palagiang pagsampalataya at matwid na paggamit ng kalayaang pumili sa paglipas ng panahon. Patuloy siyang sumampalataya sa Diyos, tumanggap siya ng higit na liwanag, at lalo itong nagliwanag nang nagliwanag hanggang sa ganap na araw.
May isang pangyayari sa buhay ng Propeta na malaki ang impluwensya sa akin noong binatilyo ako:
“Isang hatinggabi nakahiga si Joseph at mahimbing na natutulog dahil sa kapaguran. … Makaraan ang ilang sandali biglang binuksan ng galit na mga mandurumog ang pintuan at … sinunggaban siya at kinaladkad palabas ng bahay nang magtitili si Emma. …
“… Isang grupo ang nagtipon … para magpulong. … Nang matapos ang pagpupulong, ipinahayag ng namumunong mga mandurumog na hindi nila siya papatayin kundi huhubaran siya at hahagupitin at susugatan ang kanyang laman. … Pinalo nila ng sagwan na umuusok sa alkitran ang kanyang mukha at tinangka nilang isaksak ito sa kanyang lalamunan. …
“Nang iwanan nila si Joseph, tinangka nitong bumangon, ngunit muli siyang nalugmok sa sakit at kapaguran. Gayunman, nagawa niyang alisin ang alkitran sa kanyang mukha para makahinga siya nang maayos. …
“Nang makakuha ng panakip sa katawan, pumasok ng bahay ang Propeta, at ginugol ang gabi sa paglilinis ng kanyang katawan at paggagamot sa kanyang mga sugat. …
“Kinaumagahan, dahil Sabbath, nagtipon ang mga tao sa dating oras ng pagsamba. Dumating doon ang ilan sa mga mandurumog. …
“Puro bugbog at sugat, nagtungo si Joseph sa pulong at tumayo sa harap ng kongregasyon, mahinahon at matapang na hinarap ang mga nandumog sa kanya noong gabi. Ipinangaral niya ang isang napakabisang sermon at sa araw ding iyon ay nagbinyag ng tatlong sumasampalataya sa Simbahan.”1
Hindi ko maubos-maisip ang sakit at hirap na siguradong tiniis ni Propetang Joseph. Sapat ang dahilan niya para hindi mangaral kinabukasan, ngunit ito at ang marami pang ibang karanasang tulad nito o mas malala pa rito ay hindi naging dahilan para talikuran niya ang kanyang responsibilidad. Kung gayon, paano tayo mangangatwiran kung tatalikuran natin ang ating tungkulin dahil sa kaunting hirap o abala?
Kapag dinagdagan natin ang ating pananampalataya at katapatan, lalo tayong mapapalapit sa ating Ama sa Langit.
“Kung magkagayo’y tatawag ka, at ang Panginoon ay sasagot; ikaw ay dadaing, at siya’y magsasabi, Narito ako” (Isaias 58:9).
“Sa gayon ang iyong pagtitiwala ay lalakas sa harapan ng Diyos; at ang doktrina ng pagkasaserdote ay magpapadalisay sa iyong kaluluwa gaya ng hamog mula sa langit.
“… At sa walang sapilitang pamamaraan ito ay dadaloy sa iyo magpakailanman at walang katapusan” (D at T 121:45–46).
Pribilehiyo para sa akin ang magpatotoo na si Joseph Smith ay isang propeta ng Diyos. Dahil naghangad siya ng karunungan sa Sagradong Kakahuyan at nagsumigasig pagkatapos, tinatamasa natin ang kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo. Ang sumusunod na papuri ni Pangulong John Taylor (1808–87), na isinulat noong siya ay miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, ay malinaw na naglalarawan sa ginawa ni Propetang Joseph Smith para sa ating lahat: “Si Joseph Smith, ang Propeta at Tagakita ng Panginoon, ay nakagawa nang higit pa, maliban lamang kay Jesus, para sa kaligtasan ng mga tao sa daigdig na ito, kaysa sa sinumang tao na kailanman ay nabuhay rito. … Siya ay nabuhay na dakila, at siya ay namatay na dakila sa paningin ng Diyos at ng kanyang mga tao; at gaya ng karamihan sa hinirang ng Panginoon noong mga sinaunang panahon, ay tinatakan ang kanyang misyon at kanyang mga gawain ng kanyang sariling dugo” (D at T 135:3).
Nawa’y palagian nating gamitin nang buong talino ang ating kalayaang pumili at, gaya ni Propetang Joseph Smith, sumampalataya tayo nang walang pag-aalinlangan anuman ang ating mga sitwasyon upang ang ating pagtitiwala ay “[lumakas] sa harapan ng Diyos.”