Dobleng Pagpapala
Nagbago ang buhay ko magpakailanman nang magpunta kaming mag-asawa sa doktor para ipasuri ang kasarian at paglaki ng sanggol sa aking sinapupunan. Napaluha ako sa galak nang matuklasan naming kambal ang isisilang ko. Ngunit nauwi sa kalungkutan ang mga luha ko nang ipaliwanag ng doktor na maraming kumplikasyon kaya baka mamatay ang kambal bago pa man maisilang. Iminungkahi ng doktor na wakasan na ang pagdadalantao ko. Sabi niya mapanganib na ituloy pa ito at darating sa puntong kailangan kong magpa-ospital.
Sa kabila ng mga panganib, nagpasiya kaming ituloy ang aking pagdadalantao.
Sa kotse habang pauwi natanto ko na malala ang sitwasyon. Inisip ko kung paano ko iiwanan ang aking asawa at tatlo naming anak at magtatagal ako sa ospital. Ang malaman na maaaring isilang nang kulang sa buwan ang aming kambal—at baka hindi mabuhay—ay napakabigat para sa akin. Hindi ko tiyak kung makakayanan ko ang pagsubok na ito.
Napanatag lang ako nang makatanggap ako ng priesthood blessing mula sa aking asawa at sa biyenan ko. Natanto ko na anuman ang mangyari, magiging maayos ang kalagayan ko at ng aking pamilya. Dama ko ang pagmamahal ng aking Tagapagligtas at alam ko na sasamahan Niya kami sa galak o kalungkutan.
Kalaunan, nagpaalam ako sa aking pamilya at pumasok sa ospital nang hindi ko alam kung hanggang kailan. Laging may nakasubaybay sa pintig ng puso ng mga sanggol para matiyak na ligtas ang mga ito. Masakit sa akin ang makitang bumabagal ang pintig ng puso nila, at inisip ko kung makakayanan pa nila hanggang sa maisilang sila pagsapit ng 34 na linggo. Sa pagsapit ng 25½ linggo, bumagal nang husto ang pintig ng puso ng isang sanggol, at halos huminto na ito. Nagpasiya ang mga doktor na kung hindi babalik sa normal ang pintig ng puso nito, cesarian section ang gagawin para maisilang ang kambal sa loob ng ilang minuto. Natakot ako nang marinig kong tinawag ng nurse ang asawa ko at sinabi sa kanya na inihahanda na ako para operahan at nakaantabay na ang grupo ng mga doktor na susuri sa bagong silang na mga sanggol.
Alam ko na para malagpasan ang pagsubok na ito, kailangan ko ang tulong ng Ama sa Langit. Tahimik akong nagdasal, nagsumamong makaligtas ang aming anak, nang sa gayon ay mabigyan ng sapat na panahon ang kambal na lumaki sa aking sinapupunan. Hiniling ko rin na mapanatag ako. Muli akong napayapa, tulad ng nadama ko nang tumanggap ako ng priesthood blessing. Hindi ko alam kung mabubuhay o mamamatay ang mga anak namin, pero alam ko na anuman ang mangyari, kung babaling ako sa Panginoon, tutulungan Niya akong dalhin ang aking pasanin. Ang nangyari, bumalik sa normal ang pintig ng puso ng sanggol, at hindi na kinailangan ang operasyon.
Nagtagal pa ako sa ospital nang dalawang buwan, at maraming beses kaming nag-alala tungkol sa pabagu-bagong pintig ng puso ng aming mga anak. Pero sa kabutihang-palad, hindi bumagal ang pintig ng puso ng sinuman sa kambal na gaya ng dati. Ang mga anak naming sina John at Jacob ay isinilang nang 33 linggo. Magkabuhol nang walong beses ang mga pusod nila, at ang pusod ni John—ang sanggol na bumagal ang pintig ng puso—ay nakaikot nang dalawang beses sa kanyang leeg. Nanatili sa intensive care unit ng ospital ang aming kambal para maisaayos ang temperatura ng kanilang katawan at paghinga. Sa kabila ng magiging mga problemang kaakibat ng pagsilang nang kulang sa buwan, naiuwi sina John at Jacob pagkaraan lamang ng 19 na araw.
Humahakbang-hakbang na ngayon ang aming kambal, at walang negatibong epekto ang pagsilang nila nang kulang sa buwan. Nagpapasalamat ako na ang pangyayaring nagsimula bilang pagsubok ay naging isa sa mga pinakamalaking pagpapala sa buhay ko. Nabigyan ako ng dalawang malulusog na anak, at tumibay ang aking patotoo sa kapangyarihan ng mga priesthood blessing at panalangin. Nagpapasalamat din ako na maalala ang kapayapaan at pagmamahal na nadama ko sa pagkabatid na alam ng Panginoon ang aking sitwasyon. Nalaman ko noon na, sa tulong ng Panginoon, magkakaroon tayo ng lakas na makayanan ang ating mga pagsubok.