2009
Sa mga Kabataang Lalaki ng Aaronic Priesthood
Enero 2009


Sa mga Kabataang Lalaki ng Aaronic Priesthood

Young Men general presidency

Charles W. Dahlquist (gitna), pangulo; Dean R. Burgess (kaliwa), unang tagapayo; at Michael A. Neider, pangalawang tagapayo.

Ipinaalala ni Pablo kay Timoteo ang isang bagay na napakahalaga—mahalaga kay Timoteo at sa bawat maytaglay ng Aaronic Priesthood: “Huwag mong pabayaan ang kaloob na nasa iyo, na sa iyo’y ibinigay sa pamamagitan ng hula, na may pagpapatong ng mga kamay” (I Kay Timoteo 4:14). Ang sinasabi ni Pablo ay tungkol sa kahalagahan ng priesthood.

Ano ang ibig sabihin ng “huwag pabayaan” ang ating priesthood? Una, ibig sabihin nito ay mamuhay nang marapat sa mga pagpapalang dumadaloy sa pamamagitan ng priesthood. Tinitiyak natin na ang ating mga iniisip, sinasabi, at ginagawa ay dalisay. Namumuhay tayo sa paraang tayo ay “isang uliran ng mga nagsisisampalataya” sa lahat ng ating ginagawa: nagdarasal at nagbabasa ng mga banal na kasulatan araw-araw, dumadalo sa seminary, nagbabayad ng ikapu, at hangga’t maaari, pumupunta sa templo upang magpabinyag para sa mga patay.

Ikalawa, ibig sabihin nito ay gampanang mabuti ang tungkulin sa priesthood—gamitin ang priesthood para maglingkod at pagpalain ang buhay ng iba. Magagawa natin ito sa pamamagitan ng pagganap sa mga tungkulin sa priesthood; paglilingkod sa tao at korum; o pagtulong sa isang tao sa tahanan, paaralan, o trabaho na nangangailangan ng mabait na pananalita, ngiti, o tapik sa balikat.

Ikatlo, ibig sabihin ay pag-alam tungkol sa priesthood at mga tungkulin nito. Basahin at pagnilayan ang mga talata tungkol sa priesthood, lalo na ang Alma 13 at mga bahagi 13, 20, 84, 107, at 121 ng Doktrina at mga Tipan. Basahin ang mga mensaheng ibinigay sa sesyon ng priesthood sa pinakahuling pangkalahatang kumperensya, at saka tanungin ang inyong sarili, “Paano ko maipamumuhay ang natutuhan ko para magampanan ang aking tungkulin sa priesthood?”

Mahal namin kayo. May tiwala kami sa inyo. Sa pagsisikap ninyong gampanan ang tungkulin ninyo sa priesthood, mas magiging handa kayong maglingkod sa Panginoon bilang full-time missionary, at tulad ng pangako ni Pablo kay Timoteo, ang inyong paglilingkod at halimbawa ay magpapala sa buhay ninyo at ng mga nasa paligid ninyo. Nawa’y pagpalain kayo ng Diyos sa inyong mga pagsisikap.