Mga Hanbuk ng Simbahan—ang Nakasulat na Orden ng mga Bagay-bagay
Habang sinusunod natin ang mga hanbuk at ginagamit ang pinagsama-samang karunungang inaalok nito, tutulungan tayo ng Panginoon at ng mga pinaglilingkuran natin na “mapuspos sa kanya.”
Bilang returned missionary, abala sa pagsisimula ng isang pamilya at sa sarili kong kumpanya, tinawag akong maging pangulo ng isang malaki-laking branch na may maraming matatapat at matatandang miyembro. Nadama ko ba na ako ay handa, sanay, at edukado para magsimulang maglingkod? Hindi! Mayroon akong mababait na tagapayo na nakakausap ko tungkol sa mga isyu. Ngunit sapat ba ang tulong nila? Hindi!
Inaasahan ng Panginoon “ang bawat tao [na] matuto ng kanyang tungkulin” (D at T 107:99), at inaasahan Niya tayong “papagyamanin sa [ating] isipan … ang mga salita ng [Diyos]” (D at T 84:85). Pagkatapos ay inaasahan Niya tayong magtiwala sa inspirasyon ng Espiritu Santo—ang espesyal na kaloob na iyon na ibinibigay sa lahat ng miyembro na may pangako ng patuloy na patnubay at paghahayag.
Nang gunitain ko ang tungkuling iyon at ang iba pang mga tungkulin, natanto ko na bukod sa Espiritu Santo at sa mga banal na kasulatan, ang nakatulong talaga sa akin ay ang mga hanbuk ng Simbahan! Ang mga ito ay magandang pagkunan ng impormasyon—bilang gabay sa aking unang pag-aaral at mahalagang sanggunian sa pagganap ko sa tungkulin.
Bakit Natin Kailangan ang mga Hanbuk ng Simbahan?
Itinuro ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol na, “Bagama’t ang mga hanbuk ay hindi katulad ng mga banal na kasulatan, kinakatawan ng mga ito ang pinakabagong pakahulugan at tagubilin ng pinakamataas na mga awtoridad ng Simbahan.”1 Idinagdag ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang mga awtoridad na iyon—ang Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawang Apostol—ay kalalakihang may “kahusayan, karanasan, at mahabang paghahanda.”2
Sa gayon, mababanaag sa mga hanbuk ng Simbahan ang pinagsama-samang karunungan—na nagmula sa subok at napatunayan nang mga karanasan—ng mga propeta at apostol. Itinuturo sa atin ng karunungang iyan ang pinakamainam na paraan para makamit ang magagandang resulta sa pagsasakatuparan ng misyon ng Simbahan sa paglipas ng panahon. Ipinayo ng Panginoon, “Masigasig na maghanap at turuan ang bawat isa ng mga salita ng karunungan; oo, maghanap kayo sa mga pinakamabubuting aklat ng mga salita ng karunungan” (D at T 88:118; 109:7). Tiyak na ang karunungan sa mga hanbuk ay nagpapagindapat sa kanila bilang “pinakamabubuting aklat.”
Ang mga Hanbuk ay Tumutulong sa Atin na Maipatupad ang mga Patakaran, Pamamaraan, at Programa
Ipinahayag ni Pangulong Thomas S. Monson na kung wala ang mga hanbuk, “halos imposibleng mapanatili ang integridad ng mga patakaran, pamamaraan, at programa ng Simbahan.” Dagdag pa niya, “Sa nakalipas na mga taon, kinailangan naming iwasto ang maraming pagtatangka ng mga lider, na may mabubuting intensyon, na baguhin ang ilang programa ng Simbahan.
Sinabi ni Pangulong Monson na kapag hindi sinunod nang wasto ng mga lider ang mga pamamaraan, “dapat pagtibayin [ng] Unang Panguluhan ang nagawa o kaya’y ipaulit ito.” Sa madaling salita, kung binabalewala natin ang mga hanbuk, maaaring makaragdag pa tayo sa gawain ng Unang Panguluhan.
“Sa halos lahat ng [pagkakataon],” sabi niya, “kung babasahin, uunawain, at susundin lamang ng mga lider ang hanbuk, hindi mangyayari ang ganitong mga problema. … Hindi kayo magkakamali kapag ginamit ninyo ang mga hanbuk.”3
Idinagdag pa ni Pangulong Monson na anuman ang tungkulin natin sa pamumuno, ang mga hanbuk ay puno ng impormasyon at patnubay na tumutulong sa atin na maglingkod nang epektibo, maunawaan ang wastong pamamalakad sa Simbahan, matutuhan at magampanan ang ating mga tungkulin (tingnan sa D at T 107:99), at maghanda para sa darating na mga katungkulan sa pamumuno.
Itinuturo sa mga Hanbuk Kung Ano ang Mahalaga
Itinuturo sa mga hanbuk na bagama’t “nasa mga magulang ang mahalagang responsibilidad na tulungan ang kanilang mga anak na maghandang makabalik sa Ama sa Langit,” ang “Simbahan [ng Tagapagligtas] ay naglalaan ng mga organisasyon at paraan para maituro ang ebanghelyo ni Jesucristo sa lahat ng anak ng Diyos.” Itinuturo din sa mga hanbuk na ang Simbahan “ay naglalaan ng awtoridad ng priesthood na mangasiwa sa mga ordenansa ng kaligtasan at kadakilaan sa lahat ng karapat-dapat at handang tanggapin ang mga ito.”4
Ang buod ng doktrina sa pangangasiwa ng Simbahan ay matatagpuan sa unang tatlong kabanata ng Handbook 2: Administering the Church:
-
Mga Pamilya at ang Simbahan sa Plano ng Diyos
-
Mga Alituntunin ng Priesthood
-
Pamumuno sa Simbahan ni Jesucristo
Dapat nating pag-aralang mabuti ang tatlong kabanatang ito. Ipinapaalala nito sa atin na ang Simbahan “ay inorganisa ng Diyos upang tumulong sa Kanyang gawain na isakatuparan ang kaligtasan at kadakilaan ng Kanyang mga anak.”5 Ginagawa ito sa pamamagitan ng mga aktibidad, oportunidad, at programa sa paglilingkod, pagpapala, at personal na pag-unlad na nakatuon sa mga banal na responsibilidad na suportahan at palakasin ang mga indibiduwal at pamilya.
Ang mga responsibilidad na ito ay “kinabibilangan ng pagtulong sa mga miyembro na ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo, pagtitipon sa Israel sa pamamagitan ng gawaing misyonero, pangangalaga sa mga maralita at nangangailangan, at pagtulong sa kaligtasan ng mga yumao sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga templo at pagsasagawa ng nakapagliligtas na mga ordenansa.”6
Kapag naunawaan natin ang buod na ito ng doktrina, ang layunin at papel na ginagampanan ng lahat ng tungkulin sa Simbahan ay nagiging malinaw: “Ang mga priesthood at auxiliary leader at teacher ay nagsisikap na tulungan ang iba na maging tunay na mga alagad ni Jesucristo.” Bukod pa rito, “ang mga organisasyon at programa ng Simbahan ay umiiral upang pagpalain ang mga indibiduwal at pamilya at hindi iyon mismo ang layunin ng mga ito.”7
Ang mga hanbuk ay batay sa doktrinang nasa mga banal na kasulatan, kabilang na ang payo ng Tagapagligtas kay Pedro: “Kung makapagbalik ka nang muli, ay papagtibayin mo ang iyong mga kapatid” (Lucas 22:32).
Ang mga Hanbuk ay Nag-aanyaya ng Paghahayag
Habang tinutulungan ang isang di-gaanong aktibong miyembro na makabalik sa Simbahan, nirepaso ng bishop ng miyembro ang kabanata tungkol sa pagdisiplina sa Simbahan sa Handbook 1: Stake Presidents and Bishops. Matapos makipag-usap sa kanyang stake presidency, ipinasiya ng bishop na magdaos ng disciplinary council.
“Nagpulong muna kami bilang bishopric at nirepaso namin ang hanbuk para ipaalala sa aming sarili ang mga wastong tuntunin at tukuyin ang mga puntong nauugnay sa kaso,” sabi ng bishop. “Nadama namin nang matindi ang Espiritu ng Panginoon na tumutulong sa amin habang kinakausap namin ang miyembro.”
Kalaunan, matapos manalangin ang bishopric para sa tulong ng Panginoon, nadama ng isa sa mga tagapayo na dapat nilang basahin ulit nang malakas ang nauugnay na mga bahagi ng Handbook 1. Nang matapos sila, tinanong ng bishop ang bawat tagapayo kung ano ang rekomendasyon niya.
“Bishop, baka magulat kayo, pero ito ang nadarama ko,” sabi ng unang tagapayo sa paggawa ng kanyang rekomendasyon. Gayon din ang nadama ng pangalawang tagapayo, maging ng bishop.
“Ang pagbabasa ng hanbuk sa bawat isa ay nagtulot sa Espiritu na liwanagin ang aming isipan,” paggunita ng bishop. “Ang mga alituntunin ay naging mas malinaw tungkol sa kung paano sila nauugnay sa sitwasyong ito, at bawat isa sa amin ay ginabayan sa sagot na iyon. Handang-handa na kaming maglaan ng angkop na payo para matulungan ang aming mahal na kapatid na bumalik kay Cristo.”
Tulad ng natuklasan ng bishopric na ito, ang mga tagubiling matatagpuan sa mga hanbuk ng Simbahan “ay maaaring mag-anyaya ng paghahayag kung ginagamit ang mga ito para unawain ang mga alituntunin, patakaran, at pamamaraang gagamitin habang hinihingi ang patnubay ng Espiritu.”8
Ang mga Hanbuk ay Tumutulong sa Atin na Pagpalain ang mga Pinaglilingkuran Natin
Kapag binasa, inunawa, at sinunod natin ang mga hanbuk, nagiging pagpapala ang mga ito sa mga pinaglilingkuran natin.9 Isang pagbabago sa patakaran na nakabalangkas sa Handbook 2, halimbawa, ang nakatulong sa isang bishop na pagpalain at palakasin ang isang ama na nag-akala na hindi niya maoorden ang kanyang 12-taong-gulang na anak sa Aaronic Priesthood.
Nakasaad sa kabanata 20, “Ang mga bishop at stake president ay may kalayaang tulutan ang mga mayhawak ng priesthood na hindi lubos na karapat-dapat sa templo na magsagawa ng o makibahagi sa ilang ordenansa at basbas,” kabilang na ang mga binyag at ordenasyon sa Aaronic Priesthood.10 Dahil wala siyang temple recommend, inakala ng amang ito na hindi niya maoorden ang kanyang anak. Ngunit ang kanyang bishop, “sa patnubay ng espiritu,”11 ay nagbigay ng pahintulot pagkatapos ng interbyu.
“Ang karanasang iyan ay nagpabago sa kanyang buhay,” sabi ng kanyang kasalukuyang bishop. “Bahagi ito ng proseso ng kanyang pagiging marapat sa templo, ng pagkabuklod sa kanyang asawa sa templo, at pagkabuklod sa kanila ng kanilang mga anak.”
Kaluwagan at Pag-aangkop—sa Loob ng mga Wastong Hangganan
Ang pagpapanatiling magkakapareho ng mga alituntunin, patakaran, at pamamaraan sa Simbahan “ay maghahatid ng impluwensya ng Espiritu Santo sa buhay ng mga lider at miyembro,” sabi ni Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol.12 Ngunit sa isang pandaigdigang Simbahan kung saan nahaharap ang mga miyembro sa iba’t ibang kalagayan sa pulitika, lipunan, at ekonomiya, ang ilang branch at ward ay maaaring walang sapat na mga miyembro, pamunuan, at kabuhayan para isagawa ang buong programa ng Simbahan. Ang iba pang mga yunit ay maaaring nahaharap sa mga isyu na may kinalaman sa mga sitwasyon ng seguridad, transportasyon, komunikasyon, at kabuhayan ng pamilya.
Nililinaw ng kabanata 17 sa Handbook 2 “kung saan kailangan ang pagkakapare-pareho” gayundin ang “mga sitwasyon na maaaring umangkop sa lokal na kalagayan” sa paglalagay ng mga tauhan at mga programa sa auxiliary at sa format at dalas ng mga pulong at aktibidad ng pamunuan. Ang pag-aangkop ay dapat lamang gawin, mangyari pa, matapos hangarin ng mga lider ang patnubay ng Espiritu Santo.13
Kapag ginawa nila ito, “lahat ng ward at branch, anuman ang kanilang laki o kalagayan, ay maaari ding maranasan ang Espiritu ng Panginoon nang gayon katindi.”14
Nakasulat na Orden ng mga Bagay-bagay
Ang mga hanbuk ay naglalaan sa atin ng matatawag na “nakasulat na orden ng mga bagay-bagay.”
Ang Handbook 1, na para sa mga bishop at stake president, ay ibinabalangkas “ang mga pangkalahatang responsibilidad ng mga stake president at bishop” at naglalaan ng “detalyadong impormasyon tungkol sa mga patakaran at pamamaraan,”15 mula sa mga templo, kasal, at paglilingkod ng missionary sa gawaing pangkapakanan, pagdisiplina ng Simbahan, at pananalapi.
Ang Handbook 2, na makukuha (kahit sa LDS.org) ng lahat ng lider ng Simbahan, ay binabawasan ang pagkakumplikado ng mga programa ng Simbahan habang tinutulutan, tulad ng nakasaad sa itaas, ang kaluwagan at kaunting pag-aangkop sa lokal na kalagayan. Ito “ay isang gabay para sa mga miyembro ng ward at stake council”16 at sa kanilang mga auxiliary sa pangangasiwa sa Simbahan at sa gawain ng kaligtasan.
Ang magkakasamang karunungang matatagpuan sa mga hanbuk ay inorganisa sa paraan na madali itong ma-access at ginagamit para lumikha ng isang kultura ng tunay na paglilingkod na dapat umiral sa lahat ng ward at stake ng Simbahan ng Tagapagligtas. Ngunit para makamtan ang karunungang iyan, kailangan nating pag-aralan ang mga hanbuk, matuto mula sa mga ito, sikaping ipamuhay ang mga alituntunin nito, at isagawa ang mga alituntuning iyon! Ang magiging resulta ay liwanag, pag-unawa, at pangmatagalang pagpapalang matuklasan ang pinakamagandang paraan para mapaglingkuran ang ating mga kapatid.
Tungkol sa ating paglilingkod sa Simbahan, napansin ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Kapag pinaglingkuran natin ang iba at minahal sila na katulad ni Cristo, may magandang nangyayari sa atin. Ang ating sariling espiritu ay gagaling, mas dadalisay, at mas lalakas. Tayo ay nagiging mas masaya, mas payapa, at mas madaling makaramdam sa mga bulong ng Banal na Espiritu.”17
Ang mga Hanbuk ay Tumutulong sa Atin na Makita ang Buong Larawan
Sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2015, isinalaysay ni Elder Rafael E. Pino ng Pitumpu ang kuwento kung paano nainis ang isa sa kanyang mga anak habang binubuo ang isang jigsaw puzzle. “Sa wakas ay natuto siyang bumuo ng puzzle,” paggunita ni Elder Pino, “nang maunawaan niya na bawat maliit na piraso ay may lugar sa buong larawan.”18
Saanmang katungkulan tayo maglingkod sa Simbahan, ang mga hanbuk, gaya ng larawan sa kahon ng isang jigsaw puzzle, ay binibigyan tayo ng isang pananaw—ang huling larawan. Gagabayan tayo ng larawang iyon at mas mauunawaan natin kung ano ang nais ipagawa sa atin ng Panginoon sa ating paglilingkod sa Kanya. Kapag sinunod natin ang mga hanbuk at ginamit ang magkakasamang karunungang alok ng mga ito, tutulungan tayo ng Panginoon at ang mga pinaglilingkuran natin na “mapuspos sa kanya” (Mga Taga Colosas 2:10).
Ang mga hanbuk ay mananatiling mahalagang bahagi ng pangangasiwa sa Simbahan at pagpapala sa mga miyembro at lider anuman ang dumating na mga pagbabago sa format at nilalaman nito. Tulad ng sabi ni Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, ang mga hanbuk “ay magiging yaman sa inyo kapag ginamit ninyo [ang mga ito] para akayin ang iba na piliin ang landas tungo sa buhay na walang hanggan. Iyan ang layunin [ng mga ito].”19