2015
Pagpapala sa Ating mga Anak sa Pamamagitan ng Pagpapatibay ng Ating Pagsasama Bilang Mag-asawa
September 2015


Pagpapala sa Ating mga Anak sa Pamamagitan ng Pagpapatibay ng Ating Pagsasama Bilang Mag-asawa

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Ang kalidad ng pagsasama ninyong mag-asawa ay nakakaimpluwensya sa inyong mga anak, alam man ninyo ito o hindi. Kapag mas pinatibay ninyong mag-asawa ang inyong pagsasama, pagpapalain ang inyong mga anak.

Family talking and laughing together at the beach in Peru.

Isang araw nagte-therapy session ako sa isang tinedyer na inilagay sa panganib ang sarili niyang buhay kamakailan sa pagsali sa mapanganib na gawain. Nakausap ko na dati ang kanyang mga magulang at sinikap kong alamin ang kanyang damdamin at pag-unawa sa mga ugnayan ng kanyang pamilya. Nang magtanong ako tungkol sa mga magulang niya, tumitig siya sa mga mata ko at walang pag-aatubiling sumagot, “Ayaw ng mga magulang ko sa isa’t isa.”

Itinanong ko kung paano niya nalaman iyon, dahil paulit-ulit na nasabi sa akin ng kanyang mga magulang na hindi sila kailanman nag-away at natitiyak daw nila na hindi alam ng kanilang mga anak ang problema nilang mag-asawa. Ito ang lagi kong naririnig sa maraming mag-asawa bilang marriage and family therapist.

“Halata naman po,” sagot niya. Ipinaliwanag niya na nag-aalala siya palagi na maaaring mawasak ang kanyang pamilya. Lumuluhang ipinagtapat niya na nagpahina ito sa kanyang katawan at na hindi siya makatulog at makapasok sa eskuwela. “Naiisip ko po iyon palagi,” sabi niya.

Labis akong nalungkot habang nakaupo sa tapat niya at pinag-isipan ko ang sitwasyon na napakapamilyar na sa akin. Alam ko na mahal siya ng kanyang mga magulang at gusto nilang gawin ang lahat para tulungan siya, subalit nag-alala ako na hindi nila napansin kung gaano kasakit sa kanya at sa iba pa nilang mga anak ang kanilang di-pagkakasundo bilang mag-asawa.

Nakasaad sa pagpapahayag tungkol sa pamilya na ang “mag-asawa ay may banal na tungkuling mahalin at kalingain ang bawat isa at ang kanilang mga anak.”1 Kung minsan ay nag-aalala ako na ang bahaging “ang kanilang mga anak” ang napagtutuunan ng pansin at nakakaligtaan ang bahaging “ang bawat isa.”

Sa aking propesyon, nakita ko ang napakalaking sakripisyo ng mga miyembro ng Simbahan para sa kanilang mga anak upang tulungan silang magtagumpay. Ang mga magulang na ito ay nagtuturo ng mabubuting espirituwal na gawain sa kanilang mga anak, tulad ng panalangin, pag-aaral ng banal na kasulatan, at pagsisimba. Hinihikayat nila ang mga anak na makapagtapos ng pag-aaral at magkaroon ng mga kasanayang maghahanda sa kanila para sa magandang kinabukasan. Gayunman, nangangamba ako na hindi napapahalagahan ng ilan ang napakahalagang bagay na naibibigay ng napakataas na kalidad ng pagsasama ng mag-asawa sa paghahanda ng mga kabataan para sa mga walang-hanggang layunin.

Maraming mag-asawa ang nagtutuon ng kanilang pansin sa mga bagay na makabuluhan ngunit walang gaanong ginagawa para patibayin ang kanilang pagsasama. Masigasig ang ilan na baguhin ang kanilang iskedyul para dumalo sa pagtatanghal ng mga anak ngunit tila hindi nag-uukol ng oras para makipagdeyt sa asawa. Habang abala tayo sa pagpapalaki ng mga anak, pagpapahusay ng propesyon, at pagtupad sa mga tungkulin sa Simbahan, madaling kaligtaan ang pagsasama ng mga mag-asawa at kung minsan ay maaari pa ngang magkaroon ng pagtatalo, poot, at pagtataksil.

Kapag lalo pang naunawaan ng mag-asawa ang malakas na impluwensya ng kanilang pagsasama sa kanilang mga anak, nagiging malinaw kung gaano kaepektibo ang mga pakinabang na dulot nito kapag masigasig na pinangalagaan at pinatibay ng mga mag-asawa ang kanilang pagsasama.

Ang Kalidad ng Pagsasama ng Mag-asawa ay Nakakaimpluwensya sa mga Anak

A family in Brazil walking together outdoors.

Naniniwala ako na hangad ng halos lahat ng mag-asawang Banal sa mga Huling Araw na maging maligaya at matagumpay ang kanilang pagsasama, at hanga ako sa antas ng katapatang ipinakikita ng karamihan sa kanila. Sa pangkalahatan, ang mga Banal sa mga Huling Araw na pumasok sa walang-hanggang tipan ng kasal (tingnan sa D at T 131:2) ay iginagalang ang tipang iyan at kadalasang nagtitiis ng maraming hirap para mapanatiling buo ang kanilang pagsasama.

Gayunman, kung minsan ay may nakakausap akong mga mag-asawa na mas nagpapakita ng seguridad kaysa kalidad. Mali ang akala ng ilang mag-asawa na kung hindi lang sila magtatalo sa harap ng kanilang mga anak, hindi malalaman ng mga anak ang di-pagkakasundo ng mga magulang. Malakas ang pakiramdam ng mga bata at karaniwan ay nadarama nila na may hindi magandang nangyayari, na hahantong sa kawalan ng tiwala. Ang kawalan ng pagtatalo ay hindi epektibong kapalit ng matibay na pagsasama.

Sinasabi sa isang pagsasaliksik tungkol sa kalidad ng pagsasama ng mag-asawa at mga anak na ang mataas na kalidad ng pagsasama ng mag-asawa ay nagpapaibayo ng kapanatagan ng damdamin at kapakanan ng mga anak.2 Sa aking propesyon, saksi ako sa katotohanan na labis na naaapektuhan ng kalidad ng pagsasama ng mga magulang ang mga anak. Ang tuntuning ito ay makikita sa mga salita ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985): “Ang pag-aasawa … [ay] may kinalaman hindi lamang sa panandaliang kaligayahan, kundi sa kagalakang walang hanggan. Naaapektuhan nito hindi lamang ang mag-asawa, kundi pati ang kanilang pamilya at lalung-lalo na ang kanilang mga anak at mga anak ng kanilang mga anak sa paglipas ng maraming henerasyon.”3 Madalas kong ipaliwanag sa mga tao na hindi lamang nila binubuo ang sarili nilang pagsasamang mag-asawa kundi lalo na ang magiging pamilya ng kanilang mga anak at apo.

Idinagdag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang paghina ng konsepto na ang kasal ay permanente at mahalaga ay napakalawak ng epekto. Dahil sa impluwensya ng pagdidiborsyo ng sarili nilang mga magulang o ng popular na mga ideya na ang kasal ay pagkaaliping hadlang sa katuparan ng mithiin ng isang tao, iniiwasan ng ilang kabataan ang pag-aasawa. Maraming nag-aasawa na ayaw magbigay ng lubos na katapatan, at tinatakbuhan ang una pa lang na mabigat na problema.”4

Bilang marriage clinician, masasabi ko na ang mga nasa hustong gulang, na ang mga magulang ay nagdiborsyo o may mababang kalidad ng pagsasama, ay kadalasang walang tiwala sa kanilang sariling kakayahan na palakasin at mapanatili ang maligaya at matagumpay na pagsasama ng mag-asawa. Kadalasan ay napakasensitibo nila sa anumang hindi nila pagkakasundong mag-asawa at sinisikap na iwasan ang pagtatalo, na kung minsan ay humahadlang sa lalo pang pagkakalapit nila. Karaniwan na sa akin ang pag-iyak ng mga anak kapag naaalala nila ang sakit na nadama nila sa pagkawasak ng pagsasama ng kanilang mga magulang. Ang tiwala sa asawa ay naglalaho sa mga pamamahay na hindi nagkakasundo ang mag-asawa.

Pagpiling Pagandahin ang Kalidad ng Pagsasama ng Mag-asawa

Malaki ang kinalaman ng gagawing pagpapasiya sa pagpapaganda ng kalidad ng pagsasama ng mag-asawa. Sinabi ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol na “maaaring piliin ng magkasintahan na nagmamahalan ang pinakamataas na kalidad na kasal o ang mas mababang uri na hindi magtatagal.”5

Sumulat ang marriage clinician at researcher na si William J. Doherty tungkol sa kahalagahan ng pagkakaroon ng katapatan nang may kasigasigan, o aktibong pagsisikap na mas patibayin ang pagsasama ng mag-asawa: “Kahit lubos ang katapatan natin sa ating asawa, hindi nauunawaan ng marami sa atin na guguho ang pagsasama kung hindi natin patuloy na patitibayin ito. … Ang katapatan na walang pagsusumigasig ay matatag lang ngunit hindi kasiya-siyang pagsasama.”6 Maraming mag-asawa ang nagpapahayag ng lubos na katapatan at katatagan ngunit kakaunti ang pagsisikap, kung mayroon man, na maging maligaya sa pagsasama. Nakalulungkot makita ang paghina ng ugnayan ng mag-asawa gayong may potensyal naman itong mas mapalakas pa.

Pagmamahal sa Inyong Asawa

Nang magbigay ng mensahe ang dating Young Women general president na si Elaine S. Dalton na nagsasabing ang pinakamahalagang bagay na magagawa ng isang ama para sa kanyang anak na babae ay “mahalin ang kanyang ina,”7 nakadama ako ng lungkot sa pagkatantong ako at hindi ang asawa ko ang dapat makarinig sa mensahe; mas masigasig siya sa pagsasabi sa aking mga anak kung gaano niya ako kamahal kaysa sa akin sa pagsasabi kung gaano ko siya kamahal. Naisip ko na maraming beses akong pumasok sa isang kuwarto at tinanong ng asawa ko ang isa sa aming mga anak, “Alam mo ba?” kung saan ang isa ay sasagot ng, “Alam ko po … mahal ninyo si Inay,” o, “Alam ko po … si Inay ang pinakamatalik ninyong kaibigan,” o “Alam ko po … si Inay ang pangarap ninyong mapangasawa,” o iba pang pagpapahayag na katulad nito na pinagtibay niya sa paglipas ng mga taon. Natanto ko na ang malaking seguridad na nadama ko sa pagsasama naming mag-asawa, na binalewala ko, ang isang tuwirang bunga ng pagpapahayag palagi ng aking asawa ng kanyang pagmamahal, paghanga, at paggalang sa akin sa aming mga anak.

Ang kahalagahan ng turo ni Sister Dalton ay pinagtibay ng propetang si Jacob sa Aklat ni Mormon. Nang pagsabihan Niya ang mga Nephita dahil sa kanilang kasamaan, itinuro niya na, sa kabilang banda, “mahal ng [mga Lamanitang] kalalakihan ang kanilang mga asawa, at mahal ng kababaihan ang kanilang mga asawa; at mahal ng mga ama at ina ang kanilang mga anak” (Jacob 3:7), na pinagtitibay ang ideya na napakahalaga nito sa Panginoon.

Ang Homefront, isang serye ng public service announcement na isinasahimpapawid ng Simbahan, ay may isang popular na TV commercial na tinatawag na “By the Hour,” kung saan sinisikap ng batang lalaki na mapansin siya ng nagtatrabahong ama. Minsa’y sinabi ng ama, “[Kung] hindi magtatrabaho si Itay, hindi babayaran si Itay,” kung saan idinagdag ng ina, “Gustung-gusto ng mga tao ang trabaho ni Itay kaya binabayaran nila siya para doon.”8 Isa ito sa mga paborito kong advertisement, dahil iniiwasan ng ina ang karaniwan at di-epektibong pakikialam ng isang magulang at pagkampi sa anak sa pamamagitan ng pakikipag-away sa nananahimik na magulang. Karaniwan ay nauuwi ito sa pagtatanggol ng magulang sa sarili at nagdudulot ng kalituhan sa bata. Sa positibo at maparaang pahayag, parehong sinuportahan ng ina ang ama at anak sa advertisement. Kumbinsido ako na kung gagayahin ito ng mas maraming magulang sa kanilang mga pag-uusap, gaganda ang kalidad ng pagsasama ng mag-asawa at pamilya.

Mga Mungkahi para Mapaganda ang Kalidad ng Pagsasama ng Mag-asawa

Adult couple in Congo.  They are laughing together.

Ang magandang balita tungkol sa pagpapaganda ng kalidad ng pagsasama ng mag-asawa ay na maaaring magkaroon ng dagliang mga pagbabago sa pamamagitan ng pagdaragdag ng maliliit na pagbabago. Narito ang ilang mungkahi:

Malinaw na ilarawan at ibahagi kung ano ang gusto ninyong kahinatnan ng inyong pagsasama sa darating na 5, 10, o 20 taon. Madalas akong magulat na hindi pinag-uusapan ng maraming mag-asawa ang klase ng pagsasamang gusto nila. Sa pag-uusap na ito napagtutuunan ng mag-asawa ang kanilang pagsasama at lalo pa itong pinatitibay at nangangakong mananatiling tapat sa hinaharap.

Sumulat at magbahagi ng isang magandang alaala sa pagsasama ninyong mag-asawa. Ang mga negatibong damdamin ay kadalasang nananatili at pumapawi ng pag-asa. Kapag iniisip at ibinabahagi ng mga tao ang magagandang alaala, maaari silang makadamang muli ng pag-asa.

Ikuwento ang isang pagkakataon na magkasama ninyong nakayanan ang isang hamon. Ang paggunita sa ganitong mga pangyayari ay isang paraan para magkaisa ang mag-asawa.

Lumikha ng maliliit ngunit makabuluhang mga bagay na nakasanayan ninyong gawin kapag nagkalayo kayo at nagkasamang muli. Tila karaniwan na ito, ngunit madalas malimutan ng mga mag-asawa ang kahalagahan ng inaasahang paghalik, pagyakap, o pagpapahayag ng damdamin na nagpapatibay sa pagsasama ng mag-asawa sa paglipas ng panahon.

Gumawa ng bago at kasiya-siyang bagay sa inyong pagdedeyt. Ayon sa isang pagsasaliksik ang mga mag-asawa na sadyang nagdedeyt sa pamamagitan ng paghahanap ng mga bagong karanasan ay kadalasang napapaganda ang kalidad ng kanilang pagsasama. Nangangailangan ito ng pagkamalikhain at pagsisikap, hindi ng pera.

Sabihin palagi sa inyong mga anak ang hinahangaan ninyo sa inyong asawa. Ito ang paborito ko. Kapag sinunod ng mga mag-asawang pinayuhan ko ang mga bilin ko, nagrereport sila ng agaran at positibong resulta.

Aktibong maghanap ng nagpapasiglang mapagkukunan ng mga paraan para mapatibay ang pagsasama ng mag-asawa. Kabilang dito ang mga aklat at artikulo (print o audio), laro, lektyur, fireside, workshop, kumperensya, at marami pang iba.

Itanong palagi sa isa’t isa kung bumuti o lumala ang inyong pagsasama bilang mag-asawa kaysa rati at pag-usapan kung ano ang magagawa ninyo para mas mapalapit kayo sa isa’t isa. Maaari itong gawin araw-araw, linggu-linggo, o kahit buwanan pa at naglalaan ng paraan upang muling mapagtuunan ang inyong pagsasama.

Sumangguni sa inyong bishop para makahingi kayo ng payo mula sa mga propesyonal kung kailangan. Sa iba’t ibang kadahilanan, madalas ipagpaliban ng mga tao ang paghingi ng tulong. Hindi ko na mabilang ang mga pagkakataon na hiniling ko na sana’y humingi kaagad ng tulong ang isang mag-asawa, bago pa nalason ng labis na pagkapoot ang kanilang pagsasama.

Manalangin. Ipinayo ni Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Ipagdasal na magkaroon ng pagmamahalang magtutulot sa inyo na makita ang kabutihan ng inyong asawa. Ipagdasal na magkaroon ng pagmamahalan na hindi pupuna sa mga kahinaan at pagkakamali. Ipagdasal na magkaroon ng pagmamahalan na ikagagalak ninyo ang galak ng inyong asawa. Ipagdasal na magkaroon ng pagmamahalang magpapagaan sa pasanin at papawi sa kalungkutan ng inyong asawa.”9 Kung tila napakahirap nito, maaaring ipagdasal ng mag-asawa na naisin nilang hangarin ang mga bagay na iyon.

Nais ng Ama sa Langit na Maging Maligaya ang Pagsasama Nating mga Mag-asawa

Ipinahayag ni Pangulong Howard W. Hunter (1907–95) na “anumang patungan ng mga kamay ni Jesus ay sumisigla. Kung ipapatong ni Jesus ang Kanyang mga kamay sa pagsasama ng isang mag-asawa, ito ay sumisigla. Kung tutulutan siyang ipatong ang kanyang mga kamay sa pamilya, ito ay sumisigla.”10 Matibay ang paniniwala ko na nais ng Ama sa Langit na magkaroon tayo ng napakatitibay na pagsasama bilang mag-asawa na may pinakamataas na kalidad at na papatnubayan Niya tayo sa mga pagsisikap nating patibayin ang mga ugnayang iyon para sa kapakanan ng ating pamilya. Ang maliligayang pagsasama ng mag-asawa ay nagdudulot ng malalaking pagpapala sa atin at sa ating mga anak.

Mga Tala

  1. “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Nob. 2010, 129.

  2. Tingnan sa E. Mark Cummings at Patrick T. Davies, Marital Conflict and Children: An Emotional Security Perspective (2010).

  3. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Spencer W. Kimball (2006), 231.

  4. Dallin H. Oaks, “Diborsyo,” Liahona, Mayo 2007, 70.

  5. Russell M. Nelson, “Selestiyal na Kasal,” Liahona, Nob. 2008, 92.

  6. William J. Doherty, Take Back Your Marriage: Sticking Together in a World That Pulls Us Apart, ika-2 ed. (2013), 8, 9.

  7. Elaine S. Dalton, “Mahalin ang Kanyang Ina,” Liahona, Nob. 2011, 77.

  8. Tingnan sa “By the Hour” (video), Homefront TV spots, lds.org/media-library/video/homefronts.

  9. Henry B. Eyring, “Ang Ating Sakdal na Halimbawa,” Liahona, Nob. 2009, 71.

  10. Howard W. Hunter, “Reading the Scriptures,” Ensign, Nob. 1979, 65.