2015
Mga Pamilya at Panalangin
September 2015


Mensahe ng Unang Panguluhan

Mga Pamilya at Panalangin

Family kneeling in prayer.  Shot in Ecuador

Minsan, habang magdamag akong nakaupo sa tabi ng kama ng aking ama, nagkuwento siya tungkol sa kanyang kabataan. Ikinuwento niya ang pagmamahal ng kanyang mga magulang sa mahihirap na panahon at ang pagmamahal ng kanyang Ama sa Langit at ng Tagapagligtas. Nalaman ko na mamamatay na siya sa sakit na kanser, kaya hindi ako nabigla na paminsan-minsan ay napaghahalo niya ang kanyang damdamin para sa kanyang Ama sa Langit sa pagmamahal at kabaitan ng kanyang ama sa lupa. Madalas sabihin ng aking ama na kapag nanalangin siya, parang nakikita niya sa kanyang isipan na nakangiti ang Ama sa Langit.

Itinuro ng mga magulang niya sa pamamagitan ng halimbawa na manalangin na para bang kausap niya ang Diyos at na sasagutin siya ng Diyos nang may pagmamahal. Kinailangan niya ang halimbawang iyon hanggang sa huli. Kapag matindi ang sakit, nakikita namin siya sa umaga na nakaluhod sa gilid ng kama. Napakahina na niya para makabalik sa kama. Sinabi niya sa amin na nagdasal siya para itanong sa kanyang Ama sa Langit kung bakit kailangan niyang magdusa nang husto gayong sinikap niya palagi na magpakabuti. Sinabi niya na dumating ang isang magiliw na sagot: “Kailangan ng Diyos ng matatapang na anak.”

At nagtiis nga siya hanggang sa huli, nagtitiwala na siya ay mahal at pinakikinggan ng Diyos, at tutulungan siya. Naging mapalad siyang malaman ito noong bata pa siya at hindi niya nalimutan kailanman na laging malalapitan ang mapagmahal na Diyos sa pamamagitan ng panalangin.

Iyan ang dahilan kaya itinuro ng Panginoon sa mga magulang, “At tuturuan din nila ang kanilang mga anak na manalangin, at magsilakad nang matwid sa harapan ng Panginoon” (D at T 68:28).

Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay naipanumbalik na—kasama ang Aklat ni Mormon at lahat ng susi ng priesthood na magbibigkis sa mga pamilya—dahil ang batang si Joseph Smith ay nanalangin nang may pananampalataya. Natamo niya ang pananampalatayang iyan sa isang pamilyang nagmamahalan at tapat.

Dalawampung taon na ang nakararaan ibinigay ng Panginoon sa mga pamilya ang payong ito sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” mula sa Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang mga matagumpay na buhay mag-asawa at mag-anak ay itinatatag at pinananatili sa mga alituntunin ng pananampalataya, panalangin, pagsisisi, pagpapatawad, paggalang, pagmamahalan, awa, gawa, at kapaki-pakinabang na mga gawaing panlibangan.”1

Dapat tayong magpasalamat nang lubos sa pamilya ni Joseph Smith ang Propeta sa pagpapalaki sa kanya. Hindi lamang ipinakita ng kanyang pamilya ang pananampalataya at panalangin kundi pati na rin ang pagsisisi, pagpapatawad, paggalang, pagmamahal, awa, paggawa, at kapaki-pakinabang na mga libangan.

Ang mga henerasyong susunod sa inyo ay tatawagin kayong pinagpala dahil sa inyong halimbawa ng panalangin sa inyong pamilya. Maaaring hindi kayo makapagpalaki ng isang mahusay na lingkod ng Diyos, ngunit sa pamamagitan ng inyong mga panalangin at halimbawa ng katapatan ay matutulungan ninyo ang Panginoong Jesucristo na makapagbangon ng mabubuti at kasiya-siyang mga disipulo.

Sa lahat ng mapagpapasiyahan ninyong gawin upang tulungan ang Panginoon, panalangin ang magiging pinakamahalaga rito. May mga karaniwang tao na, kapag nanalangin sila, nabibigyang-inspirasyon nila ang iba na maunawaan kung sino ang kausap nila sa kanilang pagdarasal. Maaari kayong maging katulad ng mga taong iyon.

Isipin kung ano ang magiging kahulugan niyon sa mga kasama ninyong lumuluhod sa oras ng panalangin ng pamilya. Kapag nadama nila na kinakausap ninyo ang Diyos nang may pananampalataya, lalakas ang kanilang pananampalataya para makipag-usap din sila sa Diyos. Kapag nanalangin kayo para magpasalamat sa Diyos sa mga pagpapalang alam nilang dumating, lalakas ang kanilang pananampalataya na mahal sila ng Diyos at na sinasagot Niya ang inyong mga panalangin at sasagutin din ang kanila. Mangyayari lamang iyan sa panalangin ng pamilya kapag naranasan ninyo iyan sa personal na panalangin, nang paulit-ulit.

Patuloy pa rin akong pinagpapala ng isang ama at isang ina na nakipag-usap sa Diyos. Ang kanilang halimbawa sa kapangyarihan ng panalangin sa pamilya ay nagpapala pa rin sa mga henerasyong sumunod sa kanila.

Ang aking mga anak at apo ay pinagpapala araw-araw ng halimbawa ng mga magulang ko. Ang pananampalataya na ang mapagmahal na Diyos ay nakikinig at sumasagot sa mga panalangin ay naipasa sa kanila. Makalilikha kayo ng ganitong pamana sa inyong pamilya. Nawa’y magawa ninyo ito.

Tala

  1. “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Nob. 2010, 129.