Maaari Kayong Magbago
Anuman ang inyong kasalukuyang mga pagkukulang, maaari kayong magpasiya kung paano gamitin ang inyong potensyal sa hinaharap.
Sa seremonya ng pagtatapos sa hayskul, iba’t ibang bagay ang naiisip mo. Ano ang susunod na mangyayari? Handa ka na ba? Patuloy pa rin ba kayong magkukumustahan ng mga kaibigan mo?
Pero ako, hindi ko naitanong ang mga ito. Isa lang ang tanong ko noong oras na para humarap ako sa mga tao habang tinatawag nila ang pangalan ko: ako ba ay talagang magtatapos na?
Hindi ako iyong klase ng taong matatawag ninyo na iskolar. Kahit kailan hindi naging prayoridad sa akin ang pag-aaral. At noong senior year ko napakababa ng marka ko sa isang klase kaya hindi ko alam kung papasa ako. Ang huling pagsusulit isang linggo bago iyon ang magtatakda ng kapalaran ko, pero makukuha pa lang ang grado matapos ang isang linggo.
Kapag bumagsak ako sa klaseng ito, hindi ako makakapagtapos ng hayskul.
Sa huli, muntik na akong bumagsak at himalang nakapagtapos. (Hay!) Nang panahong iyon 14 na buwan pa bago ako mag-19, ang edad na pwede nang magmisyon noon. Balak kong magtrabaho sa panahong iyon para mapag-ipunan ang misyon ko. Alam ko na hindi ako mahusay na estudyante, kaya wala akong balak magkolehiyo.
Ang Panganib ng Pagbibigay ng Limitasyon sa Sarili
Nadama na ba ninyo ito? Na para bang nahusgahan na sa mga nagawa ninyo noon ang lahat ng makakaya pa ninyong gawin?
Huwag kayong maniwala sa ganyang kaisipan. Ito ay isa sa mga pinakamalaking kasinungalingan ni Satanas!
“Sa sandaling isipin ng sinuman sa atin na—‘Ganito na ako talaga,’ isinusuko na natin ang kakayahan nating magbago,” ang turo ni Elder Donald L. Hallstrom ng Panguluhan ng Pitumpu. “Mabuti pa kung gayon na itaas na lang natin ang puting bandila, ibaba ang ating mga sandata, at isuko na ang laban—hindi na umasang manalo pa.”1
Ang pag-aaral ay talagang mas nakakatakot kapag mababa ang mga marka ninyo. Kahit kaunti lang ang mababang marka ninyo, ang dali nang husgahan na talagang iyon lang ang kaya ninyo. Pero hindi iyan totoo.
“Kung may kakulangan tayo ngayon ay hindi palaging gayon” sabi ni Elder Hallstrom.2
Malinis na Simula
Anumang nakakabagabag na pagdududa o kabiguan ang marinig natin, mapipili nating tingnan ang hinaharap at tigilan ang pagkutya sa ating sarili dahil sa nakaraan.
“May isang bagay na hindi kapani-paniwalang maaasam tungkol sa pagsisimula,” ang itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan.3
Kapag nagpasiyang magsimulang muli, huwag kalimutang manalangin sa Diyos para humingi ng tulong. Sabihin sa Kanya na nais ninyong magtagumpay at pagkatapos ay ituon ang pansin sa mga pahiwatig at patnubay mula sa Espiritu Santo at sa inyong mga lider.
Kailangan dito ng pagbabago ng prayoridad. “Ang ating araw-araw na pag-uugali at mga pasiya ay dapat umayon sa ating mga mithiin,” sabi ni Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol. “Maraming desisyon ang hindi naman masama, ngunit kapag ang mga ito ay umubos ng lahat ng ating oras at humadlang sa pinakamaganda nating mga desisyon, kung gayon ang mga ito ay nakasasama na sa atin.”4
Paghahanap ng Bagong Ikaw
Umabante na tayo ng tatlo’t kalahating taon mula sa seremonya ng pagtatapos ko sa hayskul. Nagtrabaho ako nang isang taon at kalahati, nagmisyon nang dalawang taon, at sa huli nagpasiya pa ring subukang mag-aral sa kolehiyo.
Sana’y masabi ko nang nasa edad na ako at handa nang mag-aral, pero hindi totoo iyan. Mas takot ako ngayon kaysa rati. Kung muntiik na akong hindi makapasa noong hayskul, paano ko pa kaya kakayanin sa kolehiyo? Sa pagkakataong ito ipinasiya kong gawin ang lahat ng makakaya ko at hingin ang tulong ng Diyos. Taimtim akong nagdasal na matuto ako ng bago at mas magandang ugali sa pag-aaral.
Laking gulat ko nang mabigyan pa ako ng academic scholarship dahil mahusay kong natapos ang semestreng iyon. Wala nang iba pang mas nagulat kaysa sa akin! Gayon pa man, madali na sa aking balikan ang nakalipas na ilang buwan at makita ang paggabay ng Diyos sa akin habang natututuhan kong maging mahusay na estudyante.
Ang pagkakilala ko sa sarili ko noong hayskul ay hindi totoo. Mula noon at sa tulong ng Diyos, nagawa kong tumahak sa bagong landas na humantong sa pagtatapos ko sa kolehiyo at lampas pa roon.
Kapag hiningi natin ang tulong ng Panginoon sa mga ginagawa natin at nagpasiyang simulan ang anumang aspeto ng buhay, matatamo natin ang tagumpay na hindi natin sukat akalain.