Matatapang na Halimbawa
Ang Sorpresang Mission Call
Nakangiti si Edwin Dharmaraju habang naglalakad siya palabas ng paliparan patungo sa initan. Nakita niya ang mga puno ng palma na nakahanay sa lansangan at naamoy niya ang mga pampalasa mula sa isang kalapit na palengke. Siya at ang kanyang asawang si Elsie ay nakabalik na sa India! Matagal na silang nakatira sa Samoa, pero ngayon ay narito na silang muli.
Ngunit hindi nagpunta rito sina Edwin at Elsie para lang bumisita. Tinawag silang maglingkod bilang mga missionary para sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Medyo kabado si Edwin. Pero alam niya na tutulungan siya ng Ama sa Langit. Napakaraming beses na silang tinulungan ng Ama sa Langit.
Sina Edwin at Elsie ay ipinanganak sa India. Pero unang narinig ni Edwin ang tungkol sa Simbahan noong nag-aaral siya sa Estados Unidos. Nagsimba siya roon minsan. Binasa pa niya ang Aklat ni Mormon. Pero nang bumalik siya sa India, nakalimutan niya ang tungkol sa Simbahan.
Ilang taon kalaunan, nadama nina Edwin at Elsie na dapat silang lumipat sa Samoa. Si Edwin ay isang bug scientist, at nagtrabaho siya sa isla bilang mananaliksik. Doon nakilala nina Edwin at Elsie ang mga missionary. Nang muling basahin ni Edwin ang Aklat ni Mormon, may nadama siyang espesyal na bagay. Binasa rin ni Elsie ang Aklat ni Mormon. Pinili nilang magpabinyag, kasama ang kanilang mga anak na lalaki at babae.
Matapos sumapi sa Simbahan, ang pinakanais ni Edwin ay matutuhan ng kanyang pamilya sa India ang tungkol sa ebanghelyo. Ang problema lamang ay walang mga missionary sa India na magtuturo sa kanila! Sumulat sina Edwin at Elsie sa punong-tanggapan ng Simbahan para hilinging magpadala sila ng mga missionary sa India.
Ang sumunod na nangyari ay isang malaking sorpresa. Tinawag sila ni Pangulong Spencer W. Kimball na maglingkod bilang mga missionary sa India!
At ngayon, narito na sila.
Ang unang pinuntahan nila sa India ay ang bahay ng kapatid na lalaki ni Edwin. Naroon din ang mga magulang at kapatid ni Edwin. Sinimulan kaagad silang turuan nina Edwin at Elsie. Natuwa ang kanilang pamilya na matutuhan ang tungkol sa ebanghelyo.
Pagkaraan ng ilang linggo, nagtipon si Edwin at ang kanyang pamilya sa paligid ng swimming pool sa bakuran ng kanyang kapatid. Nilinis, pininturahan, at pinuno ng tubig ang pool. Lahat ay nakasuot ng puting damit. Ang mga babae ay nakasuot ng maluluwag na sari na nakabalabal sa kanilang mga balikat. Ang mga lalaki ay nakasuot ng maluluwag na jacket at pantalon na istilo ng India.
Tumayo si Edwin sa pool kasama ang kanyang ama. “Samuel David,” sabi ni Edwin, “bilang naatasan ni Jesucristo, binibinyagan kita sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Amen.”
Masaya si Edwin habang binibinyagan niya ang kanyang ama. Lalo pa siyang naging masaya nang binyagan niya ang kanyang ina pagkatapos. Nang matapos ang maghapon, nakapagbinyag si Edwin ng 18 tao!
Kinabukasan, sumakay ng tren sina Edwin at Elsie para bumiyahe nang anim na oras. Bumisita pa sila sa mas maraming kapamilya at itinuro nila sa mga ito ang tungkol sa ebanghelyo. Bininyagan ni Edwin ang apat pa sa kanyang mga kapamilya sa isang kalapit na ilog.
Sa huli, bumiyahe sina Edwin at Elsie nang 16 na oras sakay ng tren para bisitahin ang mga magulang ni Elsie. Ang ama ni Elsie ay lider ng ibang simbahan. Hindi siya nabinyagan, pero itinuring niya na magandang aklat ang Aklat ni Mormon. Tumulong siya sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon sa wikang Telugu, isa sa mga wika na sinasalita sa India.
Nang matapos nina Edwin at Elsie ang kanilang misyon, sapat na ang bilang ng mga bagong miyembro para masimulan ang isa sa mga pinakaunang branch ng Simbahan sa India! Masaya sina Edwin at Elsie nang bumalik sila sa Samoa. Nagpasalamat sila na ipinadala sila ng Ama sa Langit sa isang misyon! ●