2021
Ginantimpalaang Matapat na Paghahanap
Nobyembre 2021


9:4

Ginantimpalaang Matapat na Paghahanap

Inaanyayahan ko tayong lahat na patuloy na palakasin ang ating pananampalataya kay Cristo, na patuloy na binabago ang buhay ng lahat ng naghahanap sa Kanya.

Simula noong 1846, libu-libong kalalakihan, kababaihan, at batang pioneer ang nagpakanluran patungong Sion. Napukaw ng malaking pananampalataya nila ang walang-hangganan nilang katapangan. Para sa ilan, hindi natapos ang paglalakbay na iyon dahil nangamatay sila habang nasa daan. Ang iba, na naharap sa matinding paghihirap, ay sumulong nang may pananampalataya.

Dahil sa kanila, makalipas ang ilang henerasyon, natamasa ng pamilya ko ang mga pagpapala ng tunay na ebanghelyo ni Jesucristo.

Tulad ng isa pang binatilyo, na babanggitin ko mamaya, 14 anyos ako nang pagdudahan ko ang relihiyon at ang aking pananampalataya. Dumalo ako sa simbahan ng ibang relihiyong malapit sa bahay ko, pero hinangad kong bisitahin ang maraming iba’t ibang simbahan.

Isang hapon, napansin kong papasok ang dalawang binatang nakasuot ng itim na amerikana at puting polo sa bahay ng kapitbahay ko. Ang mga binatang ito ay mukhang—espesyal.

Kinabukasan tinanong ko ang kapitbahay kong si Leonor Lopez tungkol sa dalawang lalaking iyon. Ipinaliwanag ni Leonor na mga missionary sila ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Masaya niyang sinabi sa akin na nabinyagan ang kanyang pamilya sa Simbahan noong isang taon. Nang makitang interesado ako, niyaya ako ni Leonor na makipagkita sa mga missionary at magpaturo tungkol sa Simbahan.

Makalipas ang dalawang araw, sinamahan ako ng pamilya Lopez na makipagkita sa mga missionary. Nagpakilala sila bilang sina Elder John Messerly na taga-Ogden, Utah, at Elder Christopher Osorio na taga-Walnut Creek, California. Hinding-hindi ko sila malilimutan.

mga missionary na nagtuturo habang nasa hapag-kainan

Dahil 14 anyos lang ako, iginiit ni Elder Messerly na pumunta kami sa bahay namin para malaman ng nanay ko kung ano ang itinuturo nila sa akin. Doon, ipinaliwanag niya na nagpunta sila para magbahagi ng mensahe tungkol kay Jesucristo at hingin ang kanyang pahintulot na maturuan ako. Pumayag si Inay at sumali pa sa amin habang tinuturuan nila ako.

Hinilingan muna ng mga missionary si Leonor na mag-alay ng panalangin. Lubos akong naantig nito dahil ang kanyang panalangin ay hindi inuulit na sauladong mga salita kundi isang pahayag mula sa kanyang puso. Nadama ko na talagang kausap niya ang kanyang Ama sa Langit.

Pagkatapos ay tinuruan kami ng mga missionary tungkol kay Jesucristo. Nagpakita sila ng larawan Niya na nagustuhan ko dahil larawan iyon ng nabuhay na mag-uli at buhay na Cristo.

Tagapagligtas na si Jesucristo

Patuloy nila kaming tinuruan kung paano itinatag ni Jesus ang Kanyang Simbahan noong unang panahon, kung saan Siya ang pinuno kasama ang labindalawang Apostol. Tinuruan nila kami tungkol sa Apostasiya—kung paano inalis ang katotohanan at awtoridad ni Cristo mula sa lupa nang mamatay ang Kanyang mga Apostol.

Ikinuwento nila sa amin ang isang 14-anyos na batang nagngangalang Joseph Smith na bumisita sa iba’t ibang simbahan noong mga unang taon ng 1800s sa paghahanap sa katotohanan. Sa paglipas ng panahon, lalo pang nalito si Joseph. Matapos mabasa sa Biblia na maaari tayong “humingi sa Diyos”1 ng karunungan, nagtungo sa kakahuyan si Joseph, nang may pananampalataya, upang itanong sa panalangin kung aling simbahan ang dapat niyang sapian.

Binasa ng isa sa mga missionary ang salaysay ni Joseph sa nangyari nang siya’y manalangin:

“Ako ay nakakita ng isang haligi ng liwanag na tamang-tama sa tapat ng aking ulo, higit pa sa liwanag ng araw, na dahan-dahang bumaba hanggang sa ito ay pumalibot sa akin.

“… Nang tumuon sa akin ang liwanag, nakakita ako ng dalawang Katauhan, na ang liwanag at kaluwalhatian ay hindi kayang maisalarawan, nakatayo sa hangin sa itaas ko. Ang isa sa kanila ay nagsalita sa akin, tinatawag ako sa aking pangalan, at nagsabi, itinuturo ang isa—Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!2

Sa lesson na iyon, pinagtibay sa akin ng Espiritu ang ilang katotohanan.

Una, pinakikinggan ng Diyos ang taimtim na mga panalangin ng lahat ng anak Niya, at ang langit ay bukas sa lahat—hindi lang sa iilan.

Pangalawa, ang Diyos Ama, si Jesucristo, at ang Espiritu Santo ay tatlong magkakahiwalay na persona, na nagkakaisa sa kanilang layuning “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao.”3

Pangatlo, tayo ay nilikha ayon sa larawan ng Diyos. Ang ating Ama sa Langit at ang Kanyang Anak na si Jesucristo ay may katawang may laman at mga buto na tulad natin, pero Sila ay niluwalhati at sakdal, at ang Espiritu Santo ay isang personaheng espiritu.4

Pang-apat, sa pamamagitan ni Joseph Smith, ipinanumbalik ni Jesucristo ang Kanyang ebanghelyo at totoong Simbahan sa lupa. Ang awtoridad ng priesthood na iginawad sa mga Apostol ni Cristo 2,000 taon na ang nakararaan ay siya ring iginawad kina Joseph Smith at Oliver Cowdery nina Pedro, Santiago, at Juan.5

Ang huli, nalaman namin ang tungkol sa isa pang tipan ni Jesucristo: ang Aklat ni Mormon. Isinulat ng mga sinaunang propeta, tungkol ito sa mga taong nanirahan sa lupain ng Amerika bago, sa panahon, at pagkatapos ng pagsilang ni Jesus. Nalaman namin mula rito kung paano nila nakilala, minahal, at sinamba si Cristo, na nagpakita sa kanila bilang nabuhay na mag-uling Tagapagligtas.

Lubos akong inantig ng Espiritu nang malaman ko ang pahayag ng Tagapagligtas sa kanila: “Masdan, ako si Jesucristo, na pinatotohanan ng mga propeta na paparito sa daigdig.”6

Binigyan kami ng mga missionary ng sarili naming kopya ng Aklat ni Mormon. Binasa at tinanggap namin ang paanyayang nasa katapusan ng Aklat ni Mormon, na nagsasaad na:

“At kapag inyong matanggap ang mga bagay na ito, ipinapayo ko sa inyo na itanong ninyo sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, sa pangalan ni Cristo, kung ang mga bagay na ito ay hindi totoo; at kung kayo ay magtatanong nang may matapat na puso, na may tunay na layunin, na may pananampalataya kay Cristo, kanyang ipaaalam ang katotohanan nito sa inyo, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.

“At sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, malalaman ninyo ang katotohanan ng lahat ng bagay.”7

Halos 45 taon na mula nang una naming natutuhan ni Inay ang kagalakan at kapangyarihan ng pagsampalataya kay Cristo. Dahil sa kanilang pananampalataya kay Cristo kaya ibinahagi sa akin ng pamilya Lopez ang kanilang bagong pananampalataya. Dahil sa kanilang pananampalataya kay Cristo kaya iniwan ng dalawang missionary na ito ang kanilang tahanan sa Estados Unidos para hanapin kaming mag-ina. Ang pananampalataya ng mga mahal na kaibigang ito ang nagtanim sa amin ng pananampalatayang kasing-liit ng binhi ng mustasa na naging isa nang malaking puno ng walang-hanggang mga pagpapala.

Sa pinagpalang mga taon na ito, nalaman namin, tulad ng ipinahayag ni Pangulong Russell M. Nelson na: “Lahat ng mabuti sa buhay—lahat ng pagpapala na maaaring matamo na may walang-hanggang kahalagahan—ay nagsisimula sa pananampalataya. Ang hayaan ang Diyos na manaig sa ating buhay ay nagsisimula sa pananampalataya na handa Niya tayong gabayan. Ang tunay na pagsisisi ay nagsisimula sa pananampalataya na may kapangyarihan si Jesucristo na linisin, pagalingin, at palakasin tayo.”8

Inaanyayahan ko tayong lahat na patuloy na palakasin ang ating pananampalataya kay Cristo, na nagpabago sa buhay namin ng aking mahal na ina at patuloy na binabago ang buhay ng lahat ng naghahanap sa Kanya. Alam ko na si Joseph Smith ang Propeta ng Pagpapanumbalik, na si Pangulong Nelson ang ating propeta ngayon, na si Jesus ang buhay na Cristo at ating Manunubos, at na ang Ama sa Langit ay buhay at sumasagot sa lahat ng dalangin ng Kanyang mga anak. Pinatototohanan ko ang mga katotohanang ito sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.