2021
Wala Bang Pamahid na Gamot sa Gilead?
Nobyembre 2021


10:24

Wala Bang Pamahid na Gamot sa Gilead?

Ang kapangyarihang makapagpagaling ng Tagapagligtas ay hindi lamang ang Kanyang kapangyarihang pagalingin ang ating katawan, kundi marahil ang mas mahalaga, ang Kanyang kapangyarihang pagalingin ang ating puso.

Hindi pa nagtatagal pagkatapos ng misyon ko, habang nag-aaral sa Brigham Young University, nakatanggap ako ng tawag sa telepono mula sa aking ama. Sinabi niya sa akin na nasuri siya na may pancreatic cancer at bagama’t hindi mataas ang tsansa niyang mabuhay, determinado siyang gumaling at bumalik sa mga karaniwang gawain sa buhay. Ang tawag na iyon ay isang malungkot na sandali para sa akin. Naging bishop, kaibigan, at tagapayo ko ang aking ama. Habang pinagninilayan namin ng aking ina at mga kapatid ang hinaharap, tila mapanglaw ito. Nagmimisyon noon ang nakababata kong kapatid na si Dave sa New York at malayo man ay kasama namin siya sa mahihirap na kaganapang ito sa pamilya.

Iminungkahi ng mga doktor ng panahong iyon na magpaopera siya para mabawasan at mapigilan ang pagkalat ng kanser. Taimtim na nag-ayuno at nanalangin ang aming pamilya na humihingi ng himala. Nadama kong may sapat na pananampalataya kami na gagaling pa ang aking ama. Bago ang operasyon, binigyan namin ng basbas ng kuya kong si Norm ang aking ama. Taglay ang lahat ng pananampalatayang maibibigay namin, ipinagdasal namin na gumaling siya.

Tatagal nang maraming oras ang operasyon, ngunit pagkaraan lamang ng maikling sandali, dumating ang doktor sa waiting room upang kausapin ang aming pamilya. Sinabi niya sa amin na nang simulan nila ang pag-oopera, nakita nila na kumalat na ang kanser sa buong katawan ng aking ama. Ayon sa kanilang obserbasyon, ilang buwan na lamang ang itatagal ng buhay niya. Nanlumo kami.

Nang magising ang aking ama mula sa operasyon, sabik siyang malaman kung tagumpay ba ang operasyon. Ibinahagi namin sa kanya ang malungkot na balita.

Patuloy kaming nag-ayuno at nanalangin para sa isang himala. Nang mabilis na humina ang katawan ng aking ama, nagsimula kaming manalangin na hindi na siya makadama ng sakit. Kalaunan, nang lumubha ang kanyang kondisyon, isinamo namin sa Panginoon na kunin na siya kaagad. Ilang buwan lamang matapos ang operasyon, tulad ng sinabi ng surgeon, pumanaw ang aking ama.

Labis na pagmamahal at pagmamalasakit ang ipinadama sa aming pamilya ng mga miyembro ng ward at ng mga kaibigan. Nakapagdaos kami ng magandang libing na nagbigay-parangal sa buhay ng aking ama. Gayunman, sa paglipas ng panahon, naranasan ng aming pamilya ang sakit ng pagkawala ng aking ama, at nagsimula akong mag-isip kung bakit hindi siya gumaling. Napaisip ako kung hindi ba sapat ang lakas ng aking pananampalataya. Bakit nakatanggap ng himala ang ilang pamilya, ngunit hindi ang aming pamilya? Natutuhan ko sa aking misyon na gamitin ang mga banal na kasulatan para makatanggap ng mga sagot, kaya sinimulan kong saliksikin ang mga banal na kasulatan.

Itinuro sa Lumang Tipan ang tungkol sa isang mabangong langis o pamahid, na ginagamit sa pagpapagaling ng mga sugat, na gawa mula sa palumpong na tumutubo sa Gilead. Sa panahon ng Lumang Tipan, ang pamahid na ito ay nakilalang “pamahid na gamot sa Gilead.”1 Nanangis ang propetang si Jeremias sa mga kalamidad na nakita niya sa kanyang mga tao at umasang mapagaling. Tanong ni Jeremias, “Wala bang pamahid na gamot sa Gilead; wala bang manggagamot doon?”2 Sa pamamagitan ng literatura, musika, at sining, ang Tagapagligtas na si Jesucristo ay madalas tawaging Balsamo o Pamahid na Gamot sa Gilead dahil sa Kanyang pambihirang kapangyarihang magpagaling. Tulad ni Jeremias, naisip ko, “Wala bang pamahid na gamot sa Gilead para sa pamilya Nielson?”

Sa Marcos kabanata 2 ng Bagong Tipan, matatagpuan natin ang Tagapagligtas sa Capernaum. Kumalat ang balita tungkol sa kapangyarihang makapagpagaling ng Tagapagligtas sa buong lupain, at maraming tao ang naglakbay patungong Capernaum upang mapagaling ng Tagapagligtas. Napakaraming nagtipon sa paligid ng bahay kung saan matatagpuan ang Tagapagligtas kung kaya’t wala nang lugar para tanggapin Niya silang lahat. Isang lalaking lumpo ang buhat-buhat ng apat na lalaki upang mapagaling ng Tagapagligtas. Hindi sila makadaan sa dami ng tao, kaya tinanggal nila ang bubong ng bahay at ibinaba ang lalaki upang makita ng Tagapagligtas.

Nang mabasa ko ang salaysay na ito, nagulat ako sa sinabi ng Tagapagligtas nang kausapin Niya ang lalaking ito: “Anak, pinatatawad na ang iyong mga kasalanan.”3 Naisip ko na kung isa ako sa apat na lalaking nagbuhat sa lalaking ito, maaaring sinabi ko sa Tagapagligtas, “Dinala talaga namin siya rito para mapagaling.” Sa palagay ko maaaring itugon ng Tagapagligtas, “Pinagaling ko na siya.” Maaari kayang hindi ko lubos na naunawaan—na ang kapangyarihang makapagpagaling ng Tagapagligtas ay hindi lamang ang Kanyang kapangyarihang pagalingin ang ating katawan, kundi marahil ang mas mahalaga, ang Kanyang kapangyarihang pagalingin ang ating puso at ang nagdadalamhating puso ng aking pamilya?

Isang magandang aral ang itinuro ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng karanasang ito, nang kalaunan ay pisikal na pinagaling Niya ang lalaki. Naging malinaw sa akin na ang Kanyang mensahe ay mahahawakan Niya ang mga mata ng mga bulag at makakakita sila. Mahahawakan Niya ang mga tainga ng mga bingi, at makaririnig sila. Mahahawakan Niya ang mga binti ng mga hindi nakalalakad, at makalalakad sila. Mapagagaling Niya ang ating mga mata at ang ating mga tainga at ang ating mga binti, ngunit higit sa lahat, mapagagaling Niya ang ating puso habang nililinis Niya tayo mula sa kasalanan at tinutulungan tayo sa mahihirap na pagsubok.

Nang magpakita ang Tagapagligtas sa mga tao sa Aklat ni Mormon matapos ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, Siya ay muling nangusap tungkol sa Kanyang kapangyarihang makapagpagaling. Narinig ng mga Nephita ang Kanyang tinig mula sa langit, nagsasabing, “Hindi pa ba kayo ngayon magbabalik sa akin, at magsisisi sa inyong mga kasalanan, at magbalik-loob, upang mapagaling ko kayo?”4 Pagkatapos, itinuro ng Tagapagligtas, “Sapagkat hindi ninyo alam kung sila ay magbabalik at magsisisi, at lalapit sa akin nang may buong layunin ng puso, at pagagalingin ko sila.”5 Hindi pisikal na pagpapagaling ang tinutukoy ng Tagapagligtas, kundi espirituwal na pagpapagaling ng kanilang mga kaluluwa.

Nagbigay ng dagdag na pang-unawa si Moroni nang ibahagi niya ang mga salita ng kanyang amang si Mormon. Matapos magsalita tungkol sa mga himala, ipinaliwanag ni Mormon, “At winika ni Cristo: Kung kayo ay magkakaroon ng pananampalataya sa akin, magkakaroon kayo ng kapangyarihang gawin kahit na anong bagay na kapaki-pakinabang sa akin.”6 Natutuhan ko na ang layunin ng aking pananampalataya ay dapat na si Jesucristo at na kailangan kong tanggapin kung ano ang kapaki-pakinabang sa Kanya yamang sumasampalataya ako sa Kanya. Nauunawaan ko na ngayon na kapaki-pakinabang sa plano ng Diyos ang pagpanaw ng aking ama. Ngayon, kapag ipinapatong ko ang aking mga kamay sa ulo ng iba upang basbasan siya, sumasampalataya ako kay Jesucristo, at nauunawaan ko na maaaring pisikal na gumaling at mapagagaling ang isang tao kung kapaki-pakinabang ito kay Cristo.

Ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, na nagkakaloob ng Kanyang nakatutubos at nagbibigay-kakayahang kapangyarihan, ang pinakadakilang pagpapalang inihahandog ni Jesucristo sa lahat. Kapag nagsisisi tayo nang may buong layunin ng puso, nililinis tayo ng Tagapagligtas mula sa kasalanan. Kapag masaya nating isinusuko ang ating kalooban sa Ama, maging sa pinakamahihirap na kalagayan, bubuhatin ng Tagapagligtas ang ating mga pasanin at pagagaanin ang mga ito.7

Ngunit narito ang mas mahalagang aral na natutuhan ko. Mali ang akala ko na hindi naging mabisa ang kapangyarihang makapagpagaling ng Tagapagligtas sa aking pamilya. Kapag ginugunita ko ito ngayon nang may mas malinaw na pananaw at karanasan, nakikita ko naroon ang nakapagpapagaling na kapangyarihan ng Tagapagligtas sa buhay ng bawat miyembro ng aking pamilya. Masyado akong nakatuon sa pisikal na paggaling kaya hindi ko nakita ang mga himalang nangyari. Pinalakas at pinasigla ng Panginoon ang aking ina nang higit pa sa makakaya niya sa mahirap na pagsubok na ito, at siya ay nabuhay nang matagal at makabuluhan. Kahanga-hanga ang naging positibong impluwensya niya sa kanyang mga anak at apo. Biniyayaan ng Panginoon kaming magkakapatid ng pagmamahal, pagkakaisa, pananampalataya, at katatagan na naging mahalagang bahagi ng aming buhay hanggang ngayon.

Ngunit paano ang aking ama? Tulad ng lahat ng magsisisi, siya ay espirituwal na pinagaling dahil humingi at tumanggap siya ng mga pagpapalang matatamo dahil sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Tumanggap siya ng kapatawaran sa kanyang mga kasalanan at naghihintay ngayon sa himala ng Pagkabuhay na Mag-uli. Itinuro ni Apostol Pablo, “Sapagkat kung paanong kay Adan ang lahat ay namamatay, gayundin kay Cristo ang lahat ay bubuhayin.”8 Alam ninyo, sinabi ko noon sa Tagapagligtas, “Isinasamo po naming pagalingin Ninyo ang aming ama,” at malinaw na sa akin ngayon na pinagaling siya ng Tagapagligtas. Ang pamahid na gamot sa Gilead ay naging mabisa sa pamilya Nielson—hindi sa paraang inakala namin, kundi sa mas mahalagang paraan na nagpala at patuloy na nagpapala sa aming buhay.

Sa Juan kabanata 6 ng Bagong Tipan, may ginawang kamangha-manghang himala ang Tagapagligtas. Sa iilang isda at tinapay, pinakain ng Tagapagligtas ang 5,000 tao. Maraming beses ko nang nabasa ang salaysay na ito, ngunit may isang bahagi sa pangyayaring iyon na hindi ko napansin na may malaking kahalagahan ngayon sa akin. Matapos pakainin ng Tagapagligtas ang 5,000 tao, iniutos Niya sa Kanyang mga disipulo na tipunin ang mga piraso na natira, na pumuno sa 12 basket. Napaisip ako kung bakit pinagkaabalahan pa ng Tagapagligtas na gawin iyon. Naging malinaw sa akin na isa pang aral na matututuhan natin mula sa pangyayaring iyon ay ito: Maaari Siyang magpakain ng 5,000 tao at may matitira pa. “Ang aking biyaya ay sapat para sa lahat ng tao.”9 Ang nakatutubos at nakapagpapagaling na kapangyarihan ng Tagapagligtas ay magtatakip sa anumang kasalanan, sugat, o pagsubok—gaano man kalaki o kahirap—at may matitira pa. Ang Kanyang biyaya ay sapat.

Sa kaalamang iyan, makasusulong tayo nang may pananampalataya, nababatid na kapag dumating ang mahihirap na panahon—at tiyak na darating ang mga ito—o kapag nabalot ng kasalanan ang ating buhay, ang Tagapagligtas ay nakatayo “na may pagpapagaling sa kanyang mga pakpak,”10 na nag-aanyaya sa ating lumapit sa Kanya.

Pinatototohanan ko sa inyo ang Pamahid na Gamot sa Gilead, ang Tagapagligtas na si Jesucristo na ating Manunubos, at ang Kanyang kamangha-manghang kapangyarihan na makapagpagaling. Nagpapatotoo ako na hangad Niyang pagalingin kayo. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.