Muling Magtiwala
Ang tiwala sa Diyos at sa isa’t isa ay naghahatid ng mga pagpapala ng langit.
Minsan, noong bata pa ako, sumaglit sa isip ko na maglayas sa amin. Sa murang isipan ko, nadama kong walang nagmamahal sa akin.
Napansin ito ng aking ina at pinakinggan ako at inalo. Napanatag ako.
Nadama na ba ninyo minsan na parang gusto ninyong magpakalayu-layo? Kadalasan, lumalayo tayo dahil may nasirang tiwala—tiwala sa ating sarili, sa isa’t isa, sa Diyos. Kapag nasira ang tiwala, iniisip natin kung paano muling magtitiwala.
Ang mensahe ko ngayon ay ito, tayo man ay pauwi o pabalik sa ating tahanan, handa tayong tanggapin ng Diyos.1 Masusumpungan natin sa Kanya ang pananampalataya at tapang, karunungan at pag-unawa, na muling magtiwala. Gayundin, iniuutos Niya sa atin na patuloy na mahalin ang isa’t isa, maging mas mapagpatawad at hindi mapanghusga sa sarili at sa iba, upang ang Kanyang Simbahan ay maging lugar na mapapanatag tayo, pupunta man tayo sa unang pagkakataon o magbabalik.
Ang tiwala ay pagpapakita ng pananampalataya. Ang Diyos ay patuloy na nagtitiwala sa atin. Subalit, ang tiwala ng tao ay maaaring manghina o masira kapag:
-
Ang isang kaibigan, kasosyo sa negosyo, o isang taong pinagtitiwalaan natin ay hindi tapat, nananakit, o nagsasamantala sa atin.2
-
Hindi tapat ang asawa.
-
Marahil hindi inaasahang namatay, nasaktan, o nagkasakit ang taong mahal natin.
-
May hindi inaasahang nagtanong sa atin tungkol sa ebanghelyo, marahil may kinalaman sa kasaysayan ng Simbahan o patakaran ng Simbahan, at may nagsabi sa atin na itinago o hindi sinabi ng ating simbahan ang katotohanan.
Ang ibang mga sitwasyon ay maaaring hindi kasing partikular ng mga nabanggit ngunit mahalaga rin.
Marahil hindi natin nararamdaman na para sa atin ang Simbahan, hindi tayo nababagay doon, parang hinuhusgahan tayo ng iba.
O, kahit ginawa na natin ang lahat ng inaasahan, hindi pa rin nangyayari ang gusto nating resulta. Sa kabila ng ating personal na mga karanasan sa Espiritu Santo, hindi pa rin natin tiyak kung alam nating buhay ang Diyos o totoo ang ebanghelyo.
Nadarama ngayon ng marami na kailangang ibalik ang tiwala sa mga pakikipag-ugnayan sa tao at sa makabagong lipunan.3
Kapag pinagninilayan natin ang tiwala, nalalaman natin na ang Diyos ay Diyos ng katotohanan at “hindi maaaring magsinungaling.” Alam natin na ang katotohanan ay kaalaman ng mga bagay sa ngayon, at sa nakalipas, at sa mga darating pa.5 Alam natin na ang patuloy na paghahayag at inspirasyon ay iniaakma ang hindi nagbabagong katotohanan sa nagbabagong mga kalagayan.
Alam nating kalungkutan ang dulot ng mga nasirang tipan. “May nagawa akong masama,” sabi niya. “Mapapatawad mo ba ako?” Ang mag-asawa ay maghahawak-kamay, umaasang magtitiwalang muli. Sa iba pang sitwasyon, nagninilay-nilay ang isang bilanggo, “Kung sinunod ko lang ang Word of Wisdom, wala sana ako rito.”
Alam natin na ang kagalakan sa landas ng tipan ng Panginoon, at ang tawag na maglingkod sa Kanyang Simbahan ay paanyaya na damhin natin ang tiwala at pagmamahal ng Diyos para sa atin at para sa isa’t isa. Ang mga miyembro ng Simbahan, kabilang na ang mga single adult, ay karaniwang naglilingkod sa Simbahan at sa ating mga komunidad.
Sa inspirasyong natanggap, tinawag ng bishopric ang bata-bata pang mag-asawa na maglingkod sa ward nursery. Noong una, nakaupo lang ang lalaki sa sulok, hindi nakikibahagi. Sa paglipas ng mga araw, nagsimula na niyang ngitian ang mga bata. Kalaunan, nagpasalamat ang mag-asawa. Dati, sabi nila, gusto ng babae na magkaanak; pero ayaw ng lalaki. Ngayon, binago at pinag-isa sila ng paglilingkod. Ipinadama rin nito sa kanila ang galak na dulot ng pagkakaroon ng mga anak.
Sa isa pang lungsod, ikinagulat ng isang bata-bata pang ina na may maliliit na anak at ng kanyang asawa nang tawagin siya na maging Relief Society president, pero tinanggap niya ito. Hind nagtagal, nagkaroon ng ice storm at nawalan ng kuryente ang karamihan. Walang mabiling pagkain sa mga tindahan at maraming mga tahanan ang nawalan ng heater o pampainit. Dahil may kuryente at pampainit sila, bukas-palad na pinatuloy ng pamilyang ito ang ilang pamilya at indibiduwal habang may bagyo.
Nagkakaroon ng tiwala kapag ginagawa natin ang mahihirap na bagay nang may pananampalataya. Ang paglilingkod at sakripisyo ay nagdaragdag ng kakayahan at nagpapadalisay ng puso. Ang tiwala sa Diyos at sa isa’t isa ay naghahatid ng mga pagpapala ng langit.
Matapos gumaling sa kanser, isang matapat na kapatid ang nabundol ng sasakyan. Sa halip na malungkot, itinanong niya nang may panalangin, “Ano ang matututuhan ko sa karanasang ito?” Habang nasa intensive care unit, nakadama siya ng pahiwatig na pansinin ang isang nurse na nag-aalala para sa asawa at mga anak nito. Isang pasyenteng nakadarama ng pananakit ang nakahanap ng sagot nang magtiwala siya sa Diyos at magmalasakit sa iba.
Habang ang isang kapatid na may problema sa pornograpiya ay naghihintay sa labas ng kanyang opisina, nananalangin ang stake president kung paano makatutulong. Malinaw na impresyon ang dumating, “Buksan mo ang pinto at papasukin siya.” Taglay ang pananampalataya at tiwala na tutulong ang Diyos, binuksan ng priesthood holder ang pinto at niyakap ang kapatid na ito. Nadama ng bawat isa ang nakapagpapabagong pagmamahal at tiwala sa Diyos at sa isa’t isa. Dahil napatatag, ang kapatid na ito ay makapagsisimula nang magsisi at magbago.
Bagama’t iba-iba ang ating sariling mga kalagayan, ang mga alituntunin ng ebanghelyo at ang Espiritu Santo ay makatutulong sa atin na malaman kung dapat, paano, at kailan magtitiwalang muli sa iba. Kapag nasira ang tiwala, kalungkutan at pagkasiphayo ang iiral; kaya kailangang mahiwatigan kung karapat-dapat na bang manalig at magtiwalang muli sa pakikipag-ugnayan sa kapwa.
Subalit, patungkol sa Diyos at personal na paghahayag, tiniyak ni Pangulong Russell M. Nelson, “Hindi na ninyo kailangang isipin kung sino ang ligtas na mapagkakatiwalaan ninyo.”6 Lagi nating mapagkakatiwalaan ang Diyos. Mas kilala at mas mahal tayo ng Panginoon kaysa pagkakilala o pagmamahal natin sa ating sarili. Dahil sa Kanyang walang hanggang pagmamahal at perpektong kaalaman ng nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap ang Kanyang mga tipan at pangako ay patuloy at tiyak.
Magtiwala sa tinatawag ng mga banal na kasulatan na “sa paglipas ng panahon.”7 Sa mga pagpapala ng Diyos, paglipas ng panahon, at patuloy na pananampalataya at pagsunod, makahahanap tayo ng kalutasan at kapayapaan.
Ang Panginoon ay nagbibigay ng kapanatagan:
“Maaaring magtagal nang magdamag ang pag-iyak, ngunit sa kinaumagahan ay dumarating ang galak.”8
“Sa Panginoo’y idulog ang pasanin at magtiwala palagi.”9
“Langit ay lunas sa bawat lumbay.”10
Magtiwala sa Diyos11 at sa Kanyang mga himala. Tayo at ang ating mga pakikipag-ugnayan ay maaaring mabago. Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo, maiwawaksi natin ang pagiging likas na tao at magiging tulad ng isang bata, maamo, mapagpakumbaba,12 puno ng pananampalataya at nararapat na tiwala. Kapag tayo ay nagsisisi, kapag inaamin at tinatalikdan natin ang ating mga kasalanan hindi na Niya naaalaala ang mga ito.13 Hindi dahil sa nakakalimot Siya, sa halip, sa kamangha-manghang paraan, tila pinipili Niyang huwag nang alalahanin pa ang mga ito, gayundin dapat tayo.
Magtiwala sa inspirasyon ng Diyos upang makaunawa nang tama. Mapapatawad natin ang iba sa tamang panahon at paraan tulad ng sabi ng Panginoon na dapat nating gawin,14 habang nananatiling “matalino … gaya ng mga ahas at maamong gaya ng mga kalapati.”15
Sa panahong labis na bagbag at nagsisisi ang ating puso, doon natin lubos na tinatanggap ang pag-aliw at paggabay ng Espiritu Santo.16 Ang pagkondena at pagpapatawad ay kapwa nagsisimula sa pag-amin ng kamalian. Kadalasan ang pakondena ay nakatuon sa nakaraan. Ang pagpapatawad ay kalayaang inaasam sa hinaharap. “Sapagkat hindi sinugo ng Diyos ang Anak sa sanlibutan upang hatulan ang sanlibutan, kundi upang ang sanlibutan ay maligtas sa pamamagitan niya.”17
Itinanong ni Apostol Pablo, “Sino ang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Cristo?” Sagot niya, “Kahit ang kamatayan man, ni ang buhay, … ni ang kataasan, ni ang kalaliman, … ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos, na na kay Cristo Jesus na Panginoon natin.”18 Subalit, may isang tao na makapaghihiwalay sa atin sa Diyos at kay Jesucristo—at ang taong iyan ay tayo, ang ating sarili. Tulad ng sinabi ni Isaias, “Ang inyong mga kasalanan ay siyang nagkubli ng kanyang mukha sa inyo.”19
Sa pag-ibig at batas ng Diyos, pananagutan natin ang ating mga pinipili at ang mga kahihinatnan nito. Ngunit ang nagbabayad-salang pagmamahal ng Tagapagligtas ay “walang katapusan at walang hanggan.”20 Kapag tayo ay handa nang umuwi, kahit tayo ay “nasa malayo pa,”21 handa tayong tanggapin ng Diyos nang may malaking habag, nagagalak na ibigay sa atin ang pinakamainam na mayroon Siya.22
Sinabi ni Pangulong J. Reuben Clark, “Naniniwala ako na nais ng ating Ama sa Langit na iligtas ang bawat isa sa kanyang mga anak, … na sa kanyang katarungan at awa ay ibibigay niya ang pinakamataas na gantimpala para sa ating mga ginawa, ibibigay sa atin ang lahat ng maibibigay niya, at kabaligtaran nito, naniniwala ako na ipapataw niya sa atin ang pinakamababang kaparusahan na posible niyang maipataw.”23
Sa krus, kahit ang mahabaging pagsamo ng Tagapagligtas sa Kanyang Ama ay hindi walang kondisyong “Ama, patawarin mo sila,” kundi “Ama, patawarin mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”24 Ang ating pagpili at kalayaan ay may kahulugan dahil tayo ay may pananagutan sa Diyos at sa ating sarili sa kung sino tayo, sa kung ano ang alam natin at ginagawa. Mabuti na lamang at mapagtitiwalaan natin ang perpektong katarungan at awa ng Diyos na hahatol nang perpekto sa ating mga intensyon at gawain.
Magtatapos tayo kung saan tayo nagsimula—sa habag ng Diyos sa ating pagbabalik sa Kanya at sa bawat isa.
Naaalala ba ninyo ang talinghaga ni Jesucristo tungkol sa isang tao na may dalawang anak na lalaki?25 Isa sa mga anak ang umalis ng bahay at nilustay ang kanyang mana. Nang siya’y makapag-isip-isip, ninais ng anak na ito na umuwi. Ang isa pang anak, na naniniwalang nasunod niya ang lahat ang utos nang “maraming taon,”26 ay ayaw tanggapin ang kanyang kapatid.
Mga kapatid, maaari bang isipin ninyo si Jesus na nagsasabi sa ating buksan ang ating puso, ang ating pang-unawa, habag, at kapakumbabaan, at tingnan ang ating sarili sa parehong sitwasyon ng magkapatid na ito?
Tulad ng unang anak, maaaring mawalay tayo at magnais na umuwi kalaunan. Naghihintay ang Diyos upang tanggapin tayo.
At tulad ng isa pang anak na lalaki o anak na babae, magiliw na hinihiling ng Diyos na magkakasama tayong magalak sa pag-uwi natin sa Kanya. Inaanyayahan Niya ang ating mga kongregasyon, korum, klase, at aktibidad na maging bukas, tunay, ligtas—isang tahanan para sa bawat isa. Taglay ang kabaitan, pang-unawa, at paggalang sa isa’t isa, bawat isa sa atin ay mapagpakumbabang hinahanap ang Panginoon at ipinagdarasal at tinatanggap ang mga pagpapala ng Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo para sa lahat.
Tayo ay may kani-kanyang paglalakbay sa buhay, ngunit makababalik tayong muli sa Diyos na ating Ama at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak sa pamamagitan ng pagtitiwala sa Diyos, sa isa’t isa, at sa ating sarili.27 Sinabi ni Jesus, “Huwag kang matakot; manampalataya ka lamang.”28 Tulad ni Propetang Joseph, nawa’y walang takot tayong magtiwala sa Ama sa Langit.29 Mahal kong mga kapatid, mga kaibigan, nawa’y hangarin ninyong muli na manampalataya at magtiwala—isang himala na ipinapangako Niya ngayon. Sa sagrado at banal na pangalan ni Jesucristo, amen.