2021
Dalisay na Katotohanan, Dalisay na Doktrina, at Dalisay na Paghahayag
Nobyembre 2021


5:27

Dalisay na Katotohanan, Dalisay na Doktrina, at Dalisay na Paghahayag

Nawa ang kumperensyang ito ay maging pagpapakabusog sa mga mensahe ng Panginoon na ibibigay sa pamamagitan ng Kanyang mga lingkod.

Minamahal kong mga kapatid, welcome sa pangkalahatang kumperensya! Nagagalak akong makasama kayo! Halos palagi ko kayong iniisip nitong nakalipas na anim na buwan. Ipinagdasal ko kayo. Sa mga nakaraang linggo, taimtim akong nanalangin na ang kumperensyang ito ay maging oras ng paghahayag at pagninilay sa lahat ng naghahangad ng mga pagpapalang iyon.

Nagagalak kaming muling makapagsalita sa inyo mula sa Conference Center. Halos wala pa rin itong laman, ngunit ang makasama ang ilang miyembro ng Tabernacle Choir ay isang napakagandang pagsulong. Nasaan man kayo, binabati namin kayo sa virtual na kumperensyang ito.

Narito pa rin sa atin ang mga pinsalang dulot ng COVID-19 at ang iba’t ibang anyo nito. Salamat sa pagsunod ninyo sa aming payo at sa payo ng mga eksperto sa medisina at mga opisyal ng pamahalaan sa inyong mga komunidad.

Idinaraos natin ang bawat pangkalahatang kumperensya ayon sa utos ng Panginoon.1 Ang format nito ay nag-iba-iba sa paglipas ng mga taon. Noong bata pa ako, ang kumperensya ay tumatagal nang tatlo o apat na araw. Kalaunan, ang kumperensya ay pinaikli at naging dalawang araw. Bawat mensahe—noon at ngayon—ay bunga ng taimtim na dasal at espirituwal na paghahanda.

Ang mga General Authority at mga Pangkalahatang Opisyal ng Simbahan na magsasalita ay magtutuon sa Tagapagligtas na si Jesucristo, sa Kanyang awa, at sa Kanyang walang hanggang kapangyarihang tumubos. Sa buong kasaysayan ng mundo, ngayon mas mahalaga at mas kailangan sa personal na buhay ng bawat tao ang kaalaman tungkol sa ating Tagapagligtas. Isipin na lamang ninyo kung gaano kabilis malulutas ang mga hidwaan sa buong mundo—at sa personal nating buhay—kung pipiliin ng lahat na sundin si Jesucristo at ipamumuhay ang Kanyang mga turo.

Sa diwang iyan, inaanyayahan ko kayong pakinggan ang tatlong ito sa kumperensya: ang dalisay na katotohanan, ang dalisay na doktrina ni Cristo, at ang dalisay na paghahayag. Salungat sa pagdududa ng ilang tao, talagang mayroong tama at mayroong mali. Talagang mayroong hindi nagbabagong katotohanan—ang walang hanggang katotohanan. Ang isa sa mga salot ng ating panahon ay na kakaunti lamang ang may alam kung saan matatagpuan ang katotohanan.2 Tinitiyak ko sa inyo na ang maririnig ninyo ngayon at bukas ay dalisay na katotohanan.

Makapangyarihan ang dalisay na doktrina ni Cristo. Binabago nito ang buhay ng lahat ng taong nakauunawa rito at hangad na ipamuhay ito. Tinutulungan tayo ng doktrina ni Cristo na matagpuan ang landas ng tipan at manatili rito. Ang pananatili sa makipot at tiyak na landas na ito ay tutulong sa atin na maging karapat-dapat na tanggapin ang lahat ng mayroon ang Diyos.3 Wala nang hihigit pa sa lahat ng mayroon ang Ama!

At sa dalisay na paghahayag para sa mga katanungan ng inyong puso, ang kumperensyang ito ay magiging tunay na nakalulugod at di-malilimutan. Kung hindi pa ninyo hinangad ang patnubay ng Espiritu Santo na tulungan kayong marinig ang nais ng Panginoon na marinig ninyo ngayon at bukas, inaanyayahan ko kayong gawin na ito ngayon. Nawa ang kumperensyang ito ay maging pagpapakabusog sa mga mensahe ng Panginoon na ibibigay sa pamamagitan ng Kanyang mga lingkod. Alamin ninyo kung paano ninyo maipapamuhay ang mga ito.

Ito ay Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Tayo ang Kanyang pinagtipanang mga tao. Sinabi ng Panginoon na mamadaliin Niya ang Kanyang gawain sa panahong ito,4 at pinabibilis pa Niya ito. Mapalad tayo na makibahagi sa Kanyang banal na gawain.

Iniiwan ko ang isang pagpapala sa lahat ng naghahanap ng mas dakilang liwanag, kaalaman, at katotohanan. Minamahal ko ang bawat isa sa inyo, sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.