Pagtalakay sa Kalusugan sa Pag-iisip
Hayaan ninyo akong magbahagi ng ilang obserbasyong nakita ko sa pagdanas ng pamilya ko ng mga pagsubok.
Bagama’t ang pamilya namin ay masaganang pinagpapala habang masayang tinatahak ang landas ng tipan, humaharap din kami sa lubhang matataas na kabundukan. Nais kong ibahagi ang ilang napakapersonal na karanasan hinggil sa kalusugan sa pag-iisip. Kabilang sa mga ito ang clinical depression, malubhang anxiety, bipolar disorder, ADHD—at kung minsan ay kombinasyon ng lahat ng ito. Ibinabahagi ko ang mga sensitibong karanasang ito nang may pahintulot ng mga yaong naapektuhan.
Sa aking paglilingkod, nakatagpo ako ng daan-daang indibiduwal at pamilya na may gayunding mga karanasan. Kung minsan naiisip ko kung ang “mapamanglaw na karamdaman” na bumabalot sa lupa, na binanggit sa mga banal na kasulatan ay kinabibilangan ng mga karamdaman sa pag-iisip.1 Laganap ito sa buong daigdig, binabalot ang bawat kontinente at kultura, at nakaaapekto sa lahat—sa mga kabataan, matatanda, mayayaman, at mahihirap. Kasama na rito ang mga miyembro ng Simbahan.
Samantala, itinuturo sa atin ng doktrina natin na magsikap na maging katulad ni Jesucristo at maging ganap sa Kanya. Kinakanta ng ating mga bata, “sinisikap kong tularan si Jesus.”2 Hangad nating maging ganap tulad ng ating Ama sa Langit at ni Jesucristo na mga ganap.3 Dahil makahahadlang ang karamdaman sa pag-iisip sa ating pang-unawa tungkol sa kaganapan, madalas ay hindi pa rin ito pinag-uusapan. Bilang resulta, may labis-labis na kamangmangan, tahimik na pagdurusa, at paghihirap. Marami ang nag-aakala na wala silang lugar sa Simbahan sapagkat hindi nila naaabot ang mga iniisip na pamantayan.
Upang labanan ang ganitong panlilinlang, mahalagang tandaan na “mahal ng Tagapagligtas ang bawat isa sa mga anak ng Kanyang Ama sa Langit. Lubos Niyang nauunawaan ang sakit at paghihirap na nararanasan ng marami na iba’t iba ang mga problema sa kalusugang pangkaisipan. Siya ay nagdanas ng ‘mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso; … [dinala] niya sa kanyang sarili ang mga pasakit at ang mga sakit ng kanyang mga tao’ (Alma 7:11; idinagdag ang pagbibigay-diin; tingnan din sa Mga Hebreo 4:15–16; 2 Nephi 9:21). Dahil nauunawaan Niya ang lahat ng hirap, alam Niya kung paano ‘[magpagaling ng mga pusong puno ng pighati]’ (Lucas 4:18; tingnan din sa Isaias 49:13–16).”4 Madalas na ipinahihiwatig ng mga hamon ang pangangailangan para sa karagdagang kasangkapan at tulong at hindi ang kakulangan ng isang tao.
Hayaan ninyo akong magbahagi ng ilang obserbasyong nakita ko sa pagdanas ng pamilya ko ng mga pagsubok.
Una, maraming tao ang makikiramay sa atin; hindi nila tayo huhusgahan. Dahil sa malulubhang panic attack, anxiety, at depression, umuwi ang aming anak na lalaki mula sa kanyang misyon pagkatapos lamang ng apat na linggo. Bilang mga magulang niya, nahirapan kaming harapin ang kabiguan at kalungkutan dahil lubos kaming nanalangin para sa kanyang tagumpay. Tulad ng lahat ng magulang, nais naming magtagumpay at maging masaya ang aming mga anak. Ang misyon ay isang mahalagang pangyayari para sa aming anak. Inisip din namin kung ano ang maaaring isipin ng ibang mga tao.
Lingid sa aming kaalaman, ang pagbabalik ng aming anak na lalaki ay lubos na mas mahirap para sa kanya. Unawain na mahal niya ang Panginoon at nais niyang maglingkod, subalit hindi niya magawa dahil sa mga kadahilanang nahihirapan siyang maunawaan. Kalaunan ay lubusan na siyang nawalan ng pag-asa at nabagabag sa pag-iisip na siya ang may kasalanan. Hindi na niya nadama na tanggap siya at manhid na sa espirituwal. Napuspos siya ng paulit-ulit na pagnanais na mamatay.
Habang nasa ganitong hindi maayos na pag-iisip, inakala ng aming anak na ang tanging magagawa na lamang niya ay ang magpatiwakal. Kinailangan ang Espiritu Santo at isang lehiyon ng mga anghel sa magkabilang panig ng tabing upang masagip siya.
Habang siya ay nag-aagaw-buhay at dinaranas namin ang napakahirap na panahong ito, ang aming pamilya, mga lider sa ward, miyembro, at kaibigan ay lubos na nagsumikap na tulungan at paglingkuran kami.
Hindi pa ako nakakita ng ganoong pagbuhos ng pagmamahal. Hindi ko pa nadama nang ganoon katindi at kapersonal ang ibig sabihin ng panatagin ang mga yaong nangangailangan ng kapanatagan. Ang aming pamilya ay palaging magpapasalamat para sa pagbuhos na iyon.
Hindi ko mailalarawan ang mga hindi mabilang na himala na kaakibat ng mga pangyayaring ito. Nagpapasalamat kami na nabuhay ang aming anak, subalit inabot ng mahabang panahon at maraming pag-aaalagang medikal, terapeutikal, at espirituwal upang mapagaling siya at matanggap na siya ay minamahal, pinahahalagahan, at kinakailangan.
Nababatid ko na hindi lahat ng ganitong insidente ay nagwawakas nang tulad ng sa amin. Kasama akong namimighati ng mga nawalan ng mga mahal sa buhay nang napakaaga at ngayon ay nakadarama ng lungkot pati na rin ng mga tanong na hindi pa nasasagot.
Ang susunod kong obserbasyon ay maaaring maging mahirap para sa mga magulang na malaman ang mga paghihirap ng kanilang mga anak, subalit dapat nating pag-aralan ang mga ito sa ating mga sarili. Paano natin malalaman ang pagkakaiba sa pagitan ng mga paghihirap na kaakibat ng karaniwang paglaki at ng mga tanda ng karamdaman? Bilang mga magulang, mayroon tayong sagradong tungkuling tulungan ang ating mga anak sa pagharap sa mga hamon ng buhay; gayunman, kakaunti lang sa atin ang mga espesyalista sa kalusugan sa pag-iisip. Gayunpaman, kinakailangan nating kalingain ang ating mga anak sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila na matutong masiyahan sa kanilang mga taos-pusong pagsusumikap habang nasusumigasig silang maabot ang mga naaangkop na ekspektasyon. Nalalaman ng bawat isa sa atin mula sa mga sariling kakulangan natin na ang espirituwal na paglago ay isang nagpapatuloy na proseso.
Nauunawaan natin na “walang simpleng panlahatang lunas para sa kalusugan ng damdamin at isipan. Daranas tayo ng stress at pagkaligalig dahil nabubuhay tayo sa isang makasalanang mundo na may makasalanang katawan. Dagdag pa rito, maraming bagay ang nagiging dahilan ng pagkakaroon ng karamdaman sa pag-iisip. Anuman ang kalagayan ng ating damdamin at isipan, ang pagtutuon sa paglago ay mas nakabubuti kaysa sa pag-iisip sa ating mga pagkukulang.”5
Para sa aming mag-asawa, ang isang bagay na laging tumutulong sa amin ay ang pananatiling malapit sa Panginoon sa abot ng makakaya. Kung babalikan, nakikita na namin ngayon kung paano kami matiyagang tinuruan ng Panginoon sa mga panahon ng matitinding kawalang-katiyakan. Pinatnubayan kami ng Kanyang liwanag sa bawat hakbang sa pinakamadidilim na oras. Tinulungan kami ng Panginoon na makita na ang kahalagahan ng isang indibiduwal na kaluluwa ay mas mahalaga sa walang hanggang plano kaysa sa anumang gawain o nagawa sa buhay na ito.
Muli, ang mabigyang-kaalaman ang ating mga sarili tungkol sa karamdaman sa pag-iisip ay inihahanda tayong matulungan ang ating mga sarili at iba pa na maaaring nahihirapan. Ang malalaya at matatapat na talakayan sa isa’t isa ay tutulong na mabigyan ng kaukulang pansin ang mahalagang paksang ito. Dahil tunay ngang kailangan ng kaalaman bago makatanggap ng inspirasyon at paghahayag. Ang mga hamong ito na madalas na hindi nakikita ay nakaaapekto kaninuman, at kapag hinaharap natin ang mga ito, parang imposible nating makayanan ito.
Isa sa mga unang bagay na kinakailangan nating matutuhan ay ang katiyakang hindi tayo nag-iisa. Inaanyayahan ko kayo na pag-aralan ang paksang kalusugan sa pag-iisip sa bahaging Tulong sa Buhay sa Gospel Library app. Ang pag-aaral ay nagdudulot ng higit na pang-unawa, higit na pagtanggap, higit na pagkahabag, higit na pagmamahal. Mababawasan nito ang trahedya, habang tinutulungan tayong magkaroon at makagawa ng mga naaangkop na inaasahan at nakatutulong na pakikisalamuha.
Ang aking huling obserbasyon: kinakailangan na walang humpay nating pangalagaan ang isa’t isa. Dapat tayong magmahalan at iwasan ang pagiging mapanghusga—lalo na kapag hindi agad natutupad ang mga inaasahan natin. Dapat nating tulungan ang ating mga bata at kabataan na madama ang pagmamahal ni Jesucristo sa buhay nila, kahit na nahihirapan silang makadama ng pagmamahal para sa kanilang sarili. Si Elder Orson F. Whitney, na naglingkod bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, ay nagpayo sa mga magulang kung paano tutulungan ang mga anak na may mga suliranin: “Ipanalangin ang inyong … mga anak; pangalagaan sila sa pamamagitan ng inyong pananampalataya.”6
Madalas kong pinagninilayan kung ano ang ibig sabihin ng pangalagaan sila sa pamamagitan ng pananampalataya. Naniniwala ako na kinabibilangan ito ng mga simpleng pagkilos na nagpapakita ng pagmamahal, kaamuan, kabaitan, at respeto. Ibig sabihin nito ay hahayaan natin silang lumago alinsunod sa kanilang sariling takdang panahon at magpapapatotoo sa kanila upang madama nila ang pagmamahal ng Tagapagligtas. Kinakailangang mas isipin natin sila at bawasan ang pag-iisip sa ating sarili o sa iba. Kadalasang ibig sabihin nito ay babawasan natin ang pagsasalita at lubos na daragdagan ang pakikinig. Dapat natin silang mahalin, palakasin, at purihin nang madalas sa kanilang mga pagsusumikap na magtagumpay at maging matapat sa Diyos. At higit sa lahat, dapat nating gawin ang lahat ng bagay sa abot ng ating makakaya upang manatiling malapit sa kanila—tulad ng ating pananatiling malapit sa Diyos.
Para sa lahat ng personal na naaapektuhan ng karamdaman sa pag-iisip, mahigpit na kumapit sa inyong mga tipan, kahit hindi ninyo madama ang pagmamahal ng Diyos sa oras na ito. Gawin ang anumang abot ng inyong makakaya at pagkatapos, “[tumayong] hindi natitinag … [upang] makita ang pagliligtas ng Diyos at upang ang kanyang bisig ay maipahayag.”7
Pinatototohanan ko na si Jesucristo ang ating Tagapagligtas. Kilala Niya tayo. Mahal Niya tayo at hindi Niya tayo susukuan. Sa mga pagsubok ng aming pamilya, nalaman ko kung gaano talaga Siya kalapit. Totoo ang Kanyang mga pangako:
Ako’y kapiling, kung kaya’t h’wag mangamba,
Ako’y inyong Diyos na tutulong sa t’wina.
Itataguyod at lakas ay iaalay, …
Kamay ko ang s’yang sa inyo’y maggagabay.
Sapagkat nalalaman natin kung gaano katibay ang ating saligan, nawa’y masaya nating ipahayag magpakailanman:
Ang kaluluwang kay Jesus nagtiwala,
Kahit kailanman ay ’di ko itatatwa.
Pilitin mang s’ya’y yanigin ng kadiliman, …
’Di magagawang talikuran kailanman.8
Sa pangalan ni Jesucristo, amen.