Pagharap sa Ating mga Espirituwal na Bagyo sa Pamamagitan ng Paniniwala kay Cristo
Pinakamahusay nating mahaharap ang ating mga espirituwal na bagyo sa pamamagitan ng paniniwala kay Cristo at pagsunod sa Kanyang mga kautusan.
Sa nakalipas na anim na taon, kami ng mahal kong si Ann ay nanirahan sa Texas malapit sa Gulf Coast, kung saan ang ilan sa pinakamalalakas na bagyo ay tumama sa Estadong Unidos at nag-iwan nang malaking pagkawasak at kamatayan. Ang nakalulungkot, sa nakalipas lamang na mga buwan ay ilang ulit naganap ang mga ganitong pangyayari. Ipinaaabot namin ang aming pagmamahal at mga panalangin sa lahat ng naapektuhan sa anumang paraan. Noong 2017, personal naming naranasan ang Hurricane Harvey na nagdala ng hanggang 60 pulgada (150 cm) na ulan.
Ang mga batas ng kalikasan ang namamahala sa pagbuo ng mga bagyo. Ang temperatura ng karagatan mula sa ibabaw hanggang sa 165 talampakan (50 metro) pailalim ay kailangang nasa 80 degrees Fahrenheit (27 degrees C). Kapag umihip ang hangin sa mainit-init na tubig-dagat, sumisingaw at nagiging hangin ang tubig at umaakyat sa atmospera kung saan ito nagiging tubig muli. Pagkatapos, nabubuo ang mga ulap at umiihip nang paikot ang hangin sa ibabaw ng karagatan.
Napakalaki ng mga bagyo at umaabot sa 50,000 talampakan (15, 240 m) o higit pa sa atmospera at may lawak na hindi bababa sa 125 milya. Ang nakamamangha, kapag ang mga bagyo ay dumaan na sa lupa, nagsisimula na itong humina dahil wala na ito sa ibabaw ng mainit-init na katubigan na nagpapalakas sa mga ito.1
Maaaring hindi ninyo kailanman maranasan ang mapangwasak na bagyo. Gayunpaman, ang bawat isa sa atin ay humarap na at haharap pa sa mga espirituwal na bagyo na nagbabanta sa ating kapayapaan at sumusubok sa ating pananampalataya. Sa mundo ngayon, tila mas dumadalas at lumalakas ang mga ito. Mabuti na lamang, naghanda ang Panginoon ng siguradong paraan upang madaig ang mga ito nang may kagalakan. Sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng ebanghelyo ni Jesucristo, nakasisiguro tayong “t’wing [tayo] rito ay nababagabag at sadyang kaygulo ng lahat, [tayo] ay may pag-asang nakikita.”2
Ipinaliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson:
“Kayang magsaya ng mga banal sa lahat ng sitwasyon. Maaari tayong magalak kahit hindi maganda ang araw natin, o ang linggo natin, o ang buong taon!
“Ang kagalakang nadarama natin ay halos walang kinalaman sa mga sitwasyon natin sa buhay kundi sa pinagtutuunan natin sa buhay.
“Kapag nakatuon ang ating buhay kay … Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo, makadarama tayo ng kagalakan anuman ang nangyayari—o hindi nangyayari—sa ating buhay.”3
Tulad ng pamamahala ng mga batas ng kalikasan sa mga pisikal na mga bagyo, ang mga batas ng langit ang namamahala kung paano madarama ng isang tao ang kagalakan sa oras ng mga espirituwal na bagyo. Ang kagalakan o pighating nadarama natin sa tuwing humaharap tayo sa mga bagyo ng buhay ay nakatali sa mga batas na itinalaga ng Diyos. Ibinahagi ni Pangulong Nelson, “Ang tawag sa mga ito ay kautusan, ngunit ang mga ito ay kasing totoo lamang ng mga batas kung paano umaangat o bumabagsak ang isang bagay at ang batas na namamahala sa pagtibok ng puso.”
Pagpapatuloy ni Pangulong Nelson, “Ito ay mayroon lamang simpleng pormula: Kung nais mong maging masaya, sundin ang mga kautusan.”4
Kabaliktaran ng pananampalataya at kagalakan ang pag-aalinlangan. Tulad ng ang mainit-init na tubig-dagat ang pinagmumulan ng mga bagyo, pinagmumulan ng mga espirituwal na bagyo ang pag-aanlinlangan. Ang pag-aalinlangan, kagaya ng paniniwala, ay isang pagpili. Kung pipiliin nating mag-alinlangan, pinipili nating magpasakop sa kapangyarihan ng kaaway, kaya nagiging mahina at marupok tayo.5
Nais ni Satanas na akayin tayo sa pinagmumulan ng pag-aalinlangan. Nais niyang patigasin ang ating mga puso upang hindi tayo maniwala.6 Ang tila payapa at mainit-init na tubig-dagat na pinagmumulan ng pag-aalinlangan ay maaaring magmukhang kaaya-aya dahil hindi tayo nito inoobligang “mamuhay sa bawat salita na magmumula sa bibig ng Diyos.”7 Sa gayong paraan, tinutukso tayo ni Satanas na pabayaan ang ating espirituwalidad. Ang kapabayaang iyon ay maaaring magdulot ng kakulangan ng espirituwal na paninindigan, kung saan tayo ay nagiging “hindi malamig o mainit man.”8 Kung hindi tayo nakaangkla kay Cristo, ang pag-aalinlangan at ang mga panghihikayat nito ay dadalhin tayo sa kawalan ng pakialam, kung saan hindi tayo makahahanap ng mga himala, nagtatagal na kasiyahan, o ng “kapahingahan para sa [ating] mga kaluluwa.”9
Tulad ng mga bagyo na humihina sa ibabaw ng lupa, napapalitan ng pananampalataya ang pag-aalinlangan kapag itinatayo natin ang ating saligan kay Cristo. Makikita natin ang tunay na katangian ng espirituwal na mga bagyo at ang kapasidad nating madaig ang mga ito ay lalaki. Pagkatapos, “kapag ipinadala ng diyablo ang kanyang malalakas na hangin, oo, ang kanyang mga palaso sa buhawi, … hindi ito magkakaroon ng kapangyarihan … na hilahin [tayong] pababa sa look ng kalungkutan at walang katapusang kapighatian, dahil sa bato kung saan [tayo] nakasandig, na tunay na saligan.”10
Itinuro ni Pangulong Nelson:
Ang pananampalataya kay Jesucristo ang saligan ng lahat ng paniniwala at paraan sa pagtatamo ng banal na kapangyarihan. …
Ang Panginoon ay hindi humihingi ng perpektong pananampalataya para magamit natin ang Kanyang perpektong kapangyarihan. Ngunit hinihingi Niya na maniwala tayo.”11
Simula noong pangkalahatang kumperensya nitong Abril, kami ng pamilya ko ay naghangad na palakasin ang aming pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala upang matulungan kaming “magawang walang kapantay na pag-unlad at oportunidad ang [aming] mga pagsubok.”12
Nabiyayaan ang aming apong si Ruby ng matatag at matinding lakas ng loob. Noong siya ay ipinanganak, ang kanyang lalamunan ay hindi nakadugtong sa kanyang bituka. Kahit na sanggol pa lamang, hinarap ni Ruby, sa tulong ng kanyang mga magulang, ang pagsubok na ito nang may hindi pangkaraniwang determinasyon. Limang-taong gulang na ngayon si Ruby. Kahit napakabata pa niya, naging isa siyang mabuting halimbawa dahil hindi niya hinayaang maging hadlang ang nararanasan niya upang maging masaya. Palagi siyang masaya.
Nitong Mayo, hinarap ni Ruby ang isa pang bagyo sa kanyang buhay at pananampalataya. Ipinanganak din siya na hindi buo ang kamay at kinailangan itong operahan upang maayos. Bago ang maselang operasyong ito, binisita namin siya at binigyan ng isang larawang nagpapakita ng kamay ng isang bata na nakahawak sa kamay ng Tagapagligtas. Nang tanungin namin siya kung kinakabahan ba siya, sumagot siya, “Hindi po, masaya ako!”
Pagkatapos ay tinanong namin siya, “Ruby, bakit ka masaya?”
Buong loob niyang sinabi, “Dahil alam ko pong hahawakan ni Jesus ang kamay ko.”
Tila isang himala ang paggaling ni Ruby at masayahin pa rin siya. Ang dalisay na pananampalataya ng isang bata ay ibang-iba sa kahangalan ng pag-aalinlangang madalas na nadarama natin habang tayo ay tumatanda!13 Ngunit tayong lahat ay maaaring maging katulad ng maliliit na mga bata at piliing isantabi ang ating kawalan ng pananampalataya. Simpleng pagpili lamang ito.
Nagmakaawa ang isang mapagmahal na ama sa Tagapagligtas, at sinasabing, “Kung mayroon kang bagay na magagawa, … tulungan mo kami.”14
At sinabi ni Jesus sa kanya:
“Ang lahat ng bagay ay maaaring mangyari sa kanya na nananampalataya.
“Agad sumigaw ang ama ng bata na sinasabi, “Nananampalataya ako; tulungan mo ang kawalan ko ng pananampalataya!”15
Ang mapagkumbabang amang ito ay naging matalino sa pagpiling magtiwala sa kanyang pananampalataya kay Cristo kaysa sa kanyang pag-aalinlangan. Ibinahagi ni Pangulong Nelson, “Tanging ang kawalang-paniniwala ninyo ang pipigil sa Diyos na biyayaan kayo ng mga himala na malipat ang mga bundok mula sa inyong buhay.16
Napakamaawain ng ating Diyos dahil gumawa Siya ng pamantayan batay sa antas ng ating paniniwala at hindi sa antas ng ating nalalaman!
Itinuturo ni Alma:
“Pinagpala siya na naniniwala sa salita ng Diyos.”17
“[Dahil] ang Diyos ay maawain sa lahat ng naniniwala sa kanyang pangalan; anupa’t ninanais niya, sa unang dako, na kayo ay maniwala.”18
Oo, sa unang dako, ninanais ng Diyos na tayo ay maniwala sa Kanya.
Mas mahusay nating mahaharap ang ating mga espirituwal na bagyo sa pamamagitan ng paniniwala kay Cristo at pagsunod sa Kanyang mga kautusan. Nagbibigay sa atin ang ating paniniwala at pagsunod ng kakayahang madaig “[anuman] ang nangyayari—o hindi nangyayari—sa ating buhay.”19 Oo, “[tayo] ay kaagad … pagpapalain” ng Diyos dahil sa ating paniniwala at pagsunod.20 Sa katotohanan, ang ating kalagayan ay nagiging masaya at “nabubuhay tayo kay Cristo” kapag nananampalataya tayo sa Kanya at sinusunod ang Kanyang mga kautusan.21
Mga kapatid, nawa’y piliin natin ngayong “huwag mag-alinlangan, kundi maging mapagpaniwala.”22” “Ang tamang landas ay maniwala kay Cristo.”23 Tayo ay “inanyuan … sa mga palad ng [Kanyang] mga kamay.”24 Siya ang Tagapagligtas at Manunubos na nakatayo sa mismong harapan ng ating pinto at kumakatok.25 Sa pangalan ni Jesucristo, amen.