Ang mga Bagay ng Aking Kaluluwa
Ano ang mga bagay na pinagninilayan ninyo? Ano ang mga bagay na talagang mahalaga sa inyo? Ano ang mga bagay ng inyong kaluluwa?
Mga kapatid, habang nakatayo akong muli sa ating pinakamamahal na Conference Center, naalala ko ang mga salita ni Apostol Pedro: “Panginoon, mabuti na tayo ay naririto.”1
Ang mensahe ko ngayon ay nakasentro sa mga salita ng propetang si Nephi, na nag-ingat ng talaan ng kanyang mga tao matapos mamatay si Amang Lehi. Isinulat ni Nephi, “At sa mga ito ay isinulat ko ang mga bagay ng aking kaluluwa.”2
Hindi ko gaanong pinansin noon ang talatang ito, at inisip na ang salitang things [mga bagay] ay hindi napakaringal o napakaespirituwal, hindi kasiya-siya para ipareha sa “aking kaluluwa.” Ngunit nalaman ko na ang salitang things [mga bagay] ay ginamit sa mga banal na kasulatan nang 2,354 beses.3 Halimbawa, sa Moises: “Ako ang Simula at ang Katapusan, ang Pinakamakapangyarihang Diyos; sa pamamagitan ng aking Bugtong na Anak ay nilalang ko ang mga bagay na ito.”4 At sa mga salita ni Nephi: “Masdan, ang aking kaluluwa ay nalulugod sa mga bagay ng Panginoon; at ang aking puso ay patuloy na nagbubulay sa mga bagay na aking nakita at narinig.”5
Mula sa mga salita ni Nephi ay maitatanong “Ano ang mga bagay na pinagninilayan ninyo?” “Ano ang mga bagay na talagang mahalaga sa inyo?” “Ano ang mga bagay ng inyong kaluluwa?”
Ang mga bagay ng ating kaluluwa ay kadalasang nalilinawan at nadaragdagan sa pamamagitan ng pagtatanong.
Sa panahon ng pandemya nakausap ko ang mga kabataan mula sa iba’t ibang panig ng mundo sa maraming debosyonal, sa malakihan at maliitang grupo, sa mga brodkast at social media, at tinalakay namin ang kanilang mga tanong.
Ang labing-apat-na-taong gulang na si Joseph Smith ay may napakalalim na tanong at isinangguni niya ito sa Panginoon. Binigyang-diin ni Pangulong Russell M. Nelson: “Isangguni ang inyong mga tanong sa Panginoon at sa iba pang mapagkakatiwalaang sanggunian. Mag-aral nang may hangaring maniwala sa halip na umasang may makikitang kamalian sa buhay ng propeta o hindi pagkakatugma-tugma sa mga banal na kasulatan. Huwag nang patindihin pa ang inyong pag-aalinlangan sa pagsasabi nito sa … mga nagdududa. Tulutan ang Panginoon na akayin kayo sa inyong paglalakbay sa pagtuklas ng mga bagay na espirituwal.”6
Madalas itanong sa akin ng mga kabataan kung ano ang pinaniniwalaan ko at bakit.
Naalala ko noong makausap ko nang virtual ang isang dalagita sa kanyang tahanan. Itinanong ko kung iyon ba ang unang pagkakataon na may bumisitang Apostol sa kanyang tahanan. Kaagad siyang ngumiti at sumagot ng “Opo.” Maganda ang itinanong niya sa akin: “Ano po ang pinakamahahalagang bagay na dapat kong malaman?”
Sinagot ko ito ng mga bagay ng aking kaluluwa, mga bagay na naghahanda sa akin na makarinig ng mga pahiwatig, na nagpapaganda ng aking pananaw, na nagbibigay ng layunin sa aking gawain sa ebanghelyo at sa buhay ko mismo.
Maaari bang ibahagi ko sa inyo ang ilan sa mga bagay ng aking kaluluwa? Ang mga bagay na ito ay angkop sa lahat ng nagnanais na maging tunay na disipulo ni Jesucristo. Maganda sana kung 10 ang ibabahagi ko dahil mas madaling tandaan ang numerong ito. Ngayon, magbibigay ako ng pito at umaasa na kukumpletuhin ninyo ang pangwalo, pangsiyam, at pangsampu mula sa inyong sariling mga karanasan.
Una, mahalin ang Diyos Ama at si Jesucristo, ang ating Tagapagligtas.
Ipinahayag ni Jesus ang unang dakilang kautusan: “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, at nang buong kaluluwa mo, at nang buong pag-iisip mo.”7
Si Pangulong Nelson ay nagpahayag ng kanyang katapatan sa Diyos, ang ating Amang Walang Hanggan, at sa Kanyang Anak na si Jesucrito, nang siya ay tinawag para pamunuan ang Simbahan ng Panginoon, sinasabing “Kilala ko Sila, mahal ko Sila, at nangangakong paglingkuran Sila—at kayo—sa bawat natitirang hininga ng buhay ko.”8
Kaya ang una, mahalin ang Ama at ang Anak.
Pangalawa, “Ibigin mo ang iyong kapwa.”9
Hindi lamang iyan magandang ideya; iyan ang ikalawang dakilang kautusan. Ang inyong kapwa ay ang inyong asawa at pamilya, mga miyembro ng ward, mga kasamahan sa trabaho, mga kasama sa bahay, mga hindi natin karelihiyon, mga nangangailangan ng tulong, at, mangyari pa, lahat ng tao. Ang pinakadiwa ng “ibigin mo ang iyong kapwa” ay nailahad sa himno na “Mahalin ang Bawat Isa.”10
Ipinaalala sa atin ni Pangulong Nelson na, “Kapag minamahal natin ang Diyos nang buong puso, ibinabaling Niya ang ating mga puso sa kapakanan ng iba.”11
Pangatlo, mahalin ang inyong sarili.
Dito nahihirapan ang marami. Hindi ba nakapagtataka na tila mas madali sa ating gawin na mahalin ang ating kapwa kaysa sa ating sarili? Subalit sinabi ng Panginoon, “Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.”12 Mahalaga sa Kanya ang kabanalang nasa atin, at dapat ay ganoon din tayo. Kapag tigib na tayo ng kamalian, dusa, kakulangan, lungkot, galit, o kasalanan, ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ng Tagpagligtas ang isa sa mga bagay na nagpapasigla ng kaluluwa, ayon sa plano ng Diyos.
Pang-apat, sundin ang mga kautusan.
Nilinaw ng Panginoon: “Kung ako’y inyong minamahal ay tutuparin ninyo ang aking mga utos.”13 Sikapin bawat araw na bumuti at gumawa nang mas mabuti kahit kaunti at patuloy na magpakabuti.
Panlima, laging maging karapat-dapat na pumasok sa templo.
Ang tawag ko rito ay pagiging rekomendado ng Panginoon. Kayo man ay makapupunta sa templo o hindi, kailangan ninyo ng current temple recommend para manatiling nakatuon sa mga bagay na mahalaga, ang landas ng tipan.
Pang-anim, maging masayahin at magalakin.
“Magalak, at huwag matakot,”14 ang sabi ng Panginoon. Bakit? Paano, kung kabi-kabila ang mga hamon natin sa buhay? Dahil sa ipinangako ni Jesucristo: “Ako ang Panginoon ay kasama ninyo, at tatayo sa tabi ninyo.”15
Inilarawan ni Pangulong Nelson ang ipinanumbalik na ebanghelyo bilang “mensahe ng kagalakan!”16 At ipinaliwanag niya, “Ang kagalakang nadarama natin ay halos walang kinalaman sa mga sitwasyon natin sa buhay kundi sa pinagtutuunan natin sa buhay.”17
Pampito, sundin ang buhay na propeta ng Diyos.
Maaaring pampito ito sa listahan ko ng mga bagay, ngunit ito ang pinakamahalaga sa nais kong iparating ngayon.
Mayroon tayong propeta ng Diyos sa mundo ngayon! Huwag ipagwalang-bahala ang kahulugan nito sa inyo. Natatandaan ninyo ang dalagitang binanggit ko sa simula. Gusto niyang malaman kung anong mga bagay ang pinakamahalaga. “Sundin ang buhay na propeta,” ang sabi ko noon at binibigyang-diin kong muli ngayon.
Naiiba tayo sa ibang mga Simbahan dahil pinamumunuan tayo ng mga propeta, tagakita, at mga tagapaghayag na tinawag ng Diyos para sa panahong ito. Ipinapangako ko na habang kayo ay nakikinig at sumusunod sa kanilang payo, hindi kayo maliligaw kailanman. Hinding-hindi!
Nabubuhay tayo sa panahong tayo ay “tinatangay-tangay,”18 kapag kinukutya ang espirituwalidad, kagandahang-asal, integridad, at respeto. Kailangan nating pumili. Naririnig natin ang tinig ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang propeta upang pawiin ang ating takot at pagandahin ang ating pananaw, sapagkat kapag nangusap si Pangulong Nelson, nangungusap siya para sa Panginoon.
Tayo ay binigyan ng mga banal na kasulatan at mga turo na nagpapaalala sa atin, “Ang aking mga pag-iisip ay hindi ninyo mga pag-iisip, ni ang inyong mga pamamaraan ay aking mga pamamaraan, sabi ng Panginoon.”19
Gayon ang nangyari kay Naaman, isang punong-kawal sa Siria, subalit isang ketongin, na sinabihang mapagagaling siya ng propetang si Eliseo. Ipinadala ni Eliseo ang kanyang sugo upang sabihin kay Naaman na maligo nang pitong beses sa Ilog Jordan at ito ay gagaling. Ikinayamot ito ni Naaman. Tiyak na may mas mainam na ilog kaysa sa Jordan, at bakit isang lingkod ang ipinadala gayong ang inaasahan niya ay si Eliseo, ang propeta, na personal na magpapagaling sa kanya? Umalis si Naaman, ngunit nahikayat kalaunan ng kanyang mga lingkod: “Kung iniutos sa iyo ng propeta na gumawa ng mahirap na bagay, hindi mo ba gagawin?”20 Sa wakas ay inilubog ni Naaman ang sarili nang pitong beses sa Jordan at napagaling.
Ang salaysay tungkol kay Naaman ay nagpapaalala sa atin na isang kapahamakan kapag pinipili lamang natin sa mga payo ng propeta ang akma sa ating mga iniisip, mga inaasahan, o sa mga pamantayan ngayon. Patuloy tayong itinuturo ng ating propeta sa ating sariling Ilog ng Jordan upang mapagaling.
Ang pinakamahahalagang salita na ating maririnig, mapagninilay, at masusunod ay yaong mula sa mga inihayag ng ating buhay na propeta. Pinatototohanan ko na nakausap ko si Pangulong Nelson upang talakayin ang mahahalagang bagay ng Simbahan at ng mundo, at nakita kong dumating ang paghahayag sa pamamagitan niya. Kilala niya ang Panginoon, alam niya ang Kanyang mga pamamaraan, at nais niya na ang lahat ng anak ng Diyos ay marinig Siya, ang Panginoong Jesucristo.
Sa maraming taon nakaririnig tayo mula sa propeta nang dalawang beses sa isang taon sa pangkalahatang kumperensya. Ngunit dahil sa masasalimuot na isyu ng ating panahon, mas nagiging madalas ang pagsasalita ni Pangulong Nelson sa ating mga forum,21 social media,22 debosyonal,23 at pati sa mga press briefing.24 Nakita ko ang paghahanda at paglalahad niya ng malalalim na mensahe ng paghahayag na naghikayat sa atin na maging mapagpasalamat, tanggapin ang lahat ng ating kapatid sa mundo, at paigtingin ang kapayapaan, pag-asa, galak, kalusugan, at paggaling sa ating sariling buhay.
Si Pangulong Nelson ay mahusay na tagapagsalita, ngunit higit na mahalaga, siya ay propeta ng Diyos. Kamangha-mangha iyan kung iisipin ninyo, ngunit mahalagang maunawaan na ang kanyang malinaw na tagubilin ay magiging pananggalang natin sa lahat ng panlilinlang, katusuhan, at makamundong gawi na lalo pang nagiging palasak ngayon.25
Ang awtoridad at responsibilidad ng propeta ay ang magbigay ng paghahayag. “Ang Pagpapanumbalik ng Kabuuan ng Ebanghelyo ni Jesucristo: Isang Proklamasyon sa Mundo para sa Ika-200 Taong Anibersaryo,” na ibinigay noong pangkalahatang kumperensya ng Abril 2020, ay nagbibigay-diin na pinamamahalaan ng Panginoon ang gawaing ito. Sa proklamasyong ito, sinabi ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol na: “Malugod naming ipinapahayag na ang ipinangakong Pagpapanumbalik ay sumusulong sa pamamagitan ng patuloy na paghahayag. Kailanman ay hindi na magiging katulad nang dati ang mundo, habang ang Diyos ay patuloy na ‘ti[ti]punin ang lahat ng mga bagay kay Cristo’ (Efeso 1:10).”26
“Ang lahat ng mga bagay kay Cristo”27 at “ang mga bagay ng aking kaluluwa”28 ay ang pinagtutunan ng Simbahang ito, ng ebanghelyong ito, at ng mga taong ito.
Magtatapos ako sa paanyaya para sa bawat isa sa inyo na isaalang-alang ang pitong “bagay ng aking kaluluwa” na ibinahagi ko ngayon: mahalin ang Diyos Ama at si Jesucristo, ang ating Tagapagligtas; mahalin ang inyong kapwa; mahalin ang inyong sarili; sundin ang mga kautusan; laging maging karapat-dapat na magkaroon ng temple recommend; maging masayahin at magalakin; at sundin ang buhay na propeta ng Diyos. Inaanyayahan ko kayo na tukuyin ang inyong pangwalo, pangsiyam, at pangsampu. Isipin ang mga paraan na maibabahagi ninyo sa iba ang inyong mga pinakaninanais na “mga bagay” at hikayatin silang manalangin, magnilay-nilay, at hingin ang patnubay ng Panginoon.
Ang mga bagay ng aking kaluluwa ay mahalaga sa akin tulad din na mahalaga sa inyo ang mga bagay ng inyong kaluluwa. Lahat ng bagay na ito ay nagpapalakas ng paglilingkod natin sa Simbahan at sa lahat ng aspekto ng buhay. Isinesentro tayo nito kay Jesucristo, ipinapaalala sa atin ang ating mga tipan, at tinutulungan tayong mapanatag sa mga bisig ng Panginoon. Pinatototohanan ko na nais Niya na ang ating mga kaluluwa “ay hindi kailanman magugutom ni mauuhaw, kundi mabubusog”29 ng Kanyang pagmamahal habang sinisikap nating maging Kanyang mga tapat na disipulo, maging kaisa Niya tulad Niya sa Kanyang Ama. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.