2021
Pananampalatayang Kumilos at Maabot ang Potensyal
Nobyembre 2021


8:40

Pananampalatayang Kumilos at Maabot ang Potensyal

Sa pamamagitan ng panalangin, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at pagkilos, maaari nating mabuksan ang mga pagpapala ng langit at magiging mas mabubuting tagasunod ng Tagapagligtas na si Jesucristo.

Hindi pa nagtatagal matapos akong tawaging maglingkod bilang General Authority, nagkaroon ako ng oportunidad na makausap si Pangulong Russell M. Nelson nang ilang minuto. Hindi planado ang pagkikitang ito sa cafeteria, at napakabait niya na inanyayahan pa kami ni Elder S. Mark Palmer na maupo at saluhan siya sa pananghalian.

“Ano kaya ang mapag-uusapan namin habang nanananghalian kasama ang propeta?” sa isip-isip ko. Kaya nagpasiya akong tanungin si Pangulong Nelson kung may maipapayo o itatagubilin siya sa akin dahil kasisimula ko pa lamang sa aking tungkulin. Napakasimple at direkta ang sagot niya; tumingin siya sa akin at sinabi, “Elder Schmeil, tinawag ka dahil sa potensyal na maaari mong maabot.” Bunga ng karanasang ito, napaisip ako kung ano ba ang nais ng Panginoon na kahinatnan ko. Habang iniisip ko ang tungkol dito, napagtanto ko na nais Niya na maging mas mabuti akong asawa, ama, at anak at isang mas mabuting tagapaglingkod. Pagkatapos, napagtanto ko na maaari kong matupad ang lahat ng ito habang pinagsisikapan kong maging mas mabuting disipulo ng Tagapagligtas na si Jesucristo.

Noong nakaraang pangkalahatang kumperensya, sinabi ni Pangulong Nelson, “Ang gawin nang mahusay ang anumang bagay ay nangangailangan ng pagsisikap. Hindi naiiba diyan ang pagiging tunay na disipulo ni Jesucristo.”1 Inaanyayahan tayo ni Pangulong Nelson na magsikap nang husto na maging mas mabubuting disipulo ni Jesucristo. Sinabi niya sa atin na para maging higit na katulad ng Tagapagligtas, kailangan nating palakasin ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng paghingi, pagkilos, at pag-aaral, bukod sa iba pang mga bagay.

1. Humingi

Sinabi niya, “Humingi ng tulong sa inyong Ama sa Langit, sa pangalan ni Jesucristo.”2 Ang paghingi sa pamamagitan ng panalangin ay isa sa mga susi para malaman kung paano maging mas mabuting disipulo ni Jesucristo.

Sa pagtatapos ng Kanyang ministeryo sa mga Nephita sa Amerika, umakyat sa langit si Jesucristo. Kalaunan, sama-samang nagtipon ang Kanyang mga disipulo, “nagkaisa sa mataimtim na panalangin at pag-aayuno. At [muling] ipinakita ni Jesus ang kanyang sarili sa kanila, sapagkat sila ay nananalangin sa Ama sa kanyang pangalan.”3 Bakit muling nagpakita si Jesus sa Kanyang mga disipulo? Dahil nananalangin sila; humihingi sila.

Pagkatapos ay nagpatuloy Siya:

“At ngayon, ako ay patutungo sa Ama. At katotohanang sinasabi ko sa inyo, anumang mga bagay ang hihingin ninyo sa Ama sa aking pangalan ay ipagkakaloob sa inyo.

“Kaya nga, humingi, at kayo ay makatatanggap; kumatok, at kayo ay pagbubuksan; sapagkat siya na humihingi ay tumatanggap; at siya na kumakatok ay pagbubuksan.”4

Kailangan nating humingi nang may pananampalataya para malaman ang kalooban ng Panginoon, at tanggapin na alam ng Panginoon kung ano ang mas mabuti para sa atin.

2. Kumilos

Ang pagkilos ay isa pang mahalagang susi para maging mas mabuting disipulo ni Jesucristo. Habang kumikilos tayo, gagabayan at papatnubayan Niya tayo sa landas na tinatahak natin. Natitiyak ko na humihingi noon si Nephi ng patnubay mula sa Panginoon para malaman kung paano kukunin ang mga laminang tanso mula kay Laban, gayunman, dalawang ulit na nagtangka sila ng kanyang mga kapatid at nabigo. Ngunit kumikilos sila, at pinapatnubayan sila ng Panginoon sa landas na tinatahak. Sa huli, nagtagumpay si Nephi sa ikatlong pagkakataon. Naalala niya, “Ako ay pinatnubayan ng Espiritu, nang sa simula ay hindi pa nalalaman ang mga bagay na nararapat kong gawin.”5

Ganito ang ginagawa ng Panginoon kapag nagsisikap tayo at kumikilos kahit pa hindi natin malinaw na nauunawaan ang mga kailangang gawin. Sinabi ng Panginoon kay Nephi kung ano ang gagawin: humayo at kunin ang mga lamina. Ngunit hindi Niya sinabi kay Nephi kung paano iyon gagawin. Hinayaan Niya si Nephi na mag-isip at hingin ang tulong ng Panginoon—at ito ang karaniwang paraan na ginagawa ng Panginoon sa ating buhay. Kapag kumikilos tayo nang may pananampalataya, ginagabayan at pinapatnubayan tayo ng Panginoon.

3. Mag-aral

Sa 3 Nephi, binanggit ng mga disipulo sa Tagapagligtas na may mga pagtatalo sa mga tao hinggil sa pangalan ng Simbahan. Bilang tugon, itinuro ng Tagapagligtas ang isang mahalagang alituntunin nang itanong Niya, “Hindi ba nila nabasa ang mga banal na kasulatan?”6 Ang pag-aaral ay isa pang mahalagang susi para maging mas mabuting disipulo ni Jesucristo. Magkaugnay ang panalangin at pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Magkaagapay ang mga ito para sa ating ikabubuti. Ito ang prosesong itinatag ng Panginoon. “Magpakabusog kayo sa mga salita ni Cristo; sapagkat masdan, ang mga salita ni Cristo ang magsasabi sa inyo ng lahat ng bagay na dapat ninyong gawin.”7

Itinuro din ng Tagapagligtas na hindi lamang natin dapat na pag-aralan ang mga banal na kasulatan kundi magturo din mula sa mga ito, gaya ng Kanyang ipinakita sa mga Nephita: “At ngayon ito ay nangyari na, nang maipaliwanag ni Jesus ang lahat ng banal na kasulatan sa kabuuan, na kanilang isinulat, kanyang iniutos sa kanila na kanilang ituro ang mga bagay na kanyang ipinaliwanag sa kanila.”8

Isa ito sa mga dahilan kung bakit napakahalaga para kay Nephi na bumalik at kunin ang mga laminang tanso: kailangan ng kanyang pamilya ang mga banal na kasulatan, hindi lamang para tulungan silang maglakbay patungo sa lupang pangako kundi upang tulungan din silang turuan ang kanilang mga anak. Dapat din tayong humingi ng gabay mula sa mga banal na kasulatan para sa ating paglalakbay, at dapat tayong magturo mula sa mga ito sa ating mga tahanan at tungkulin sa Simbahan.

4. Kumilos para Maabot ang Potensyal

Sa maraming pagkakataon, hindi kaagad dumarating ang mga sagot sa ating panalangin. Ngunit kailangang may pananampalataya tayong magpatuloy, kumilos sa kabutihan, at maging masigasig na katulad ni Nephi noong nagsumikap siyang makuha ang mga laminang tanso. Ipapaalam ito sa atin ng Panginoon nang paunti-unti; habang pinag-aaralan natin ang mga banal na kasulatan, ibibigay sa atin ng Panginoon ang mga sagot o lakas na kailangan para makaraos tayo nang isa pang araw, isa pang linggo, at sumubok muli. Sinabi ni Elder Richard G. Scott: “Magpasalamat na kung minsan ay hinahayaan ng Diyos na mahirapan kayo nang matagal bago dumating ang sagot. Dahil doon ay nadaragdagan ang inyong pananampalataya at umuunlad ang inyong pagkatao.”9

Sa pamamagitan ng panalangin at pag-aaral ng mga banal na kasulatan, palagi akong binibigyan ng Panginoon ng lakas na kumilos at magkapagtiis nang isa pang araw, isa pang linggo, at sumubok muli. Sa maraming pagkakataon, hindi agad na dumating ang mga sagot. May mga tanong ako na hindi pa nasasagot, ngunit patuloy akong humihingi at nag-aaral, at masaya ako na patuloy akong binibigyan ng Panginoon ng lakas na kumilos habang naghihintay ako ng mga sagot.

Sinabi rin ni Elder Scott, “Kapag kumilos kayo ayon sa inyong pagkaunawa [na] hindi kayo tiyak sa gagawin, na nagpapakita ng pananampalataya, kayo ay aakayin sa mga solusyong hindi ninyo matatamo sa ibang paraan.”10

Ang maging mas mabuting tagasunod ng Tagapagligtas na si Jesucristo ay panghabambuhay na paglalakbay, at magkakaiba ang katayuan nating lahat, hindi pare-pareho ang bilis ng pag-usad. Dapat nating isaisip na hindi ito isang paligsahan, at na narito tayo para mahalin at tulungan ang bawat isa. Kailangan nating kumilos upang matulutan ang Tagapagligtas na maging katuwang natin sa ating buhay.

Sinabi ng Panginoon kay Sidney Rigdon ang mga sumusunod: “Pinagmasdan kita at ang iyong mga gawa. Narinig ko ang iyong mga panalangin, at inihanda kita sa isang mas mahalagang gawain.”11 Nagpapatotoo ako na pinakikinggan at dinidinig ng Panginoon ang ating mga panalangin. Kilala Niya tayo, at may mahalagang gawain Siya sa bawat isa sa atin. Sa pamamagitan ng panalangin, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at pagkilos, maaari nating mabuksan ang mga pagpapala ng langit at magiging mas mabubuting tagasunod ng Tagapagligtas na si Jesucristo.

Itinuro ni Elder Dallin H. Oaks na: “Ang Huling Paghuhukom ay hindi lamang pagsusuri ng lahat-lahat ng mabubuti at masasamang gawa—na ginawa natin. Isang pagkilala sa huling epekto ng mga [ginawa at inisip] natin—kung ano ang kinahinatnan natin.”12

Nagpapasalamat ako sa mga propeta, tagakita, at tagapaghayag; sila ang mga bantay sa tore. Nakikita nila ang mga bagay na hindi natin nakikita. Nagpapatotoo ako na sa pamamagitan ng kanilang mga salita, maaari tayong maging mas mabubuting tagasunod ng Tagapagligtas na si Jesucristo at maaabot ang ating potensyal. Nagpapatotoo ako na si Cristo ay buhay at kilala ang bawat isa sa atin. Ito ang Kanyang Simbahan. Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.