Ang Pagiging Karapat-dapat ay Hindi Pagiging Walang Kamalian
Kapag pakiramdam ninyo ay maraming beses na kayong nabigo sa inyong pagsisikap, alalahanin ang Pagbabayad-sala ni Cristo at ang biyayang idinulot nito ay totoo.
Minsan, nagpadala ako ng mensahe sa aking anak na babae at sa manugang kong lalaki gamit ang voice-to-text feature sa aking cell phone. Sabi ko, “Hey you two. Sure love you.” Ang natanggap nila, “Hate you two. Should love you.” Hindi ba’t nakagugulat na ganoon kadali namamali ang isang mensahe na may positibo at mabuting intensyon? Nangyayari ito minsan sa mga mensahe ng Diyos tungkol sa pagsisisi at pagiging karapat-dapat.
May ilan na ang pagkaintindi sa mensahe ay hindi kinakailangan ang pagsisisi at pagbabago. Ang mensahe ng Diyos ay mahalaga ang mga ito.1 Ngunit hindi ba’t minamahal tayo ng Diyos sa kabila ng ating mga kahinaan? Oo! Minamahal Niya tayo nang lubos. Mahal ko ang aking mga apo sa kabila ng kanilang mga kahinaan, ngunit hindi ibig sabihin niyon ay hindi ko na sila gustong umunlad at maabot ang kaya nilang abutin. Mahal tayo ng Diyos sino man tayo, ngunit labis din ang Kanyang pagmamahal sa atin kaya hinayaan tayo na manatiling ganito.2 Ang pag-unlad sa Panginoon ang layunin ng mortalidad.3 Pagbabago ang layunin ng Pagbabayad-sala ni Cristo. Hindi lamang tayo muling bubuhayin, lilinisin, papanatagin, at pagagalingin ni Cristo, kundi habang nangyayari ang lahat ng ito, mababago Niya tayo upang maging higit na katulad Niya.4
May ilan na ang pagkaintindi sa mensahe ay minsanan lang ang pagsisisi. Ang mensahe ng Diyos ay, tulad ng itinuro ni Pangulong Rusell M. Neslson, “Ang pagsisisi … ay isang proseso.”5 Ang pagsisisi ay maaaring mangailangan ng mahabang panahon at paulit-ulit na pagsisikap,6 kaya nga, ang pagtalikod sa kasalanan7 at maabot ang puntong “wala nang hangarin pang gumawa ng masama kundi ang patuloy na gumawa ng mabuti”8 ay habambuhay na pagsusumikapan.9
Ang buhay ay tulad ng isang paglalakbay sa isang malayong lugar. Hindi natin mararating ang ating patutunguhan gamit ang isang tanke lang ng gasolina. Kailangan nating punuin nang paulit-ulit ang tanke. Ang pagtanggap ng sacrament ay gaya ng pagtigil at pagpapagasolina sa mga gasolinahan. Habang tayo ay nagsisisi at nagpapanibago ng ating mga tipan, nangangako tayo na handa nating sundin ang mga kautusan, at ipagkakaloob sa atin ng Diyos at ni Cristo ang Banal na Espiritu.10 Sa madaling salita, tayo ay nangangakong magpapatuloy sa ating paglalakbay, at nangangako ang Diyos at si Cristo na pupunuin Nila ang tanke.
May ilan na ang pagkaintindi sa mensahe ay hindi sila ganap na karapat-dapat sa mga pagpapala ng ebanghelyo dahil hindi pa nila tuluyang naiwawaksi ang kanilang masasamang gawi. Ang mensahe ng Diyos ay ang pagiging karapat-dapat ay hindi pagiging walang kamalian.11 Ang pagiging karapat-dapat ay pagiging matapat at masikap. Dapat tayong maging matapat sa Diyos, sa mga priesthood leader, at iba pang nagmamahal sa atin,12 at dapat tayong magsumikap na sundin ang mga kautusan ng Diyos at huwag sumuko dahil lamang sa tayo ay nagkamali.13 Sinabi ni Elder Bruce C. Hafen na ang pagsisikap na magkaroon ng mga katangiang tulad ng kay Cristo ay “mas nangangailangan ng pagtitiis at tiyaga kaysa sa pagiging walang kamalian.”14 Sinabi ng Panginoon na ang mga kaloob ng Espiritu ay “ibinigay para sa kapakinabangan ng mga yaong nagmamahal sa akin at sumusunod sa lahat ng aking kautusan, at siya na naghahangad na gumawa nito.”15
Isang binatilyo na tatawagin ko sa pangalang Damon ang sumulat, “Habang lumalaki ako ay nahihirapan akong tigilan ang pornograpiya. Lagi akong nakadarama ng hiya dahil hindi ko magawa ang tama.” Sa tuwing nagkakamali si Damon, tumitindi ang sakit na dulot ng panghihinayang, at malupit na hinuhusgahan ang sarili na hindi karapat-dapat sa anumang uri ng biyaya, pagpapatawad o panibagong pagkakataon mula sa Diyos. Sinabi niya: “Talagang nararapat lang sa akin na magdusa ako sa tuwina. Naisip ko na siguro galit sa akin ang Diyos dahil hindi ako nagsusumikap nang husto na mapaglabanan ito at nang matigil na. Napaglalabanan ko ang tukso nang isang linggo at minsan ay isang buwan, pero umuulit na naman ako at iniisip ko, ‘Hindi ko talaga kaya ito, ano pa ang silbi ng pagsusumikap?’”
Noong sandaling pinanghihinaan ng loob, sinabi ni Damon sa kanyang priesthood leader, “Dapat po siguro hindi na lang ako magsimba. Pagod na akong magkunwari.”
Sumagot ang kanyang lider: “Hindi ka mapagkunwari dahil sa may masama kang gawi na pinagsisikapan mong itigil. Mapagkunwari ka kung itinatago mo ito, kung nagsisinungaling ka tungkol dito o sinusubukan mong paniwalain ang sarili mo na ang Simbahan ang mali sa pagpapanatili ng mataas na mga pamantayan. Ang pagiging matapat tungkol sa iyong mga ginagawa at ang paggawa ng paraan upang sumulong ay hindi pagiging mapagkunwari. Ito ay pagiging isang disipulo.”16 Binanggit ng lider na ito ang itinuro ni Elder Richard G. Scott: “Iba ang tingin ng Panginoon sa mga kahinaan kaysa paghihimagsik. … Kapag nagsalita ang Panginoon tungkol sa mga kahinaan, lagi itong may kahalong awa.”17
Ang gayong pananaw ay nagbigay ng pag-asa kay Damon. Natanto niya na ang Diyos ay hindi nasa langit para sabihing, “Nagkamali na naman si Damon.” Sa halip, sinasabi Niya marahil na, “Malaki na ang ipinagbago ni Damon.” Sa huli, ang lalaking ito ay tumigil nang ikahiya ang kanyang sarili o maghanap ng mga maidadahilan at maikakatwiran. Humingi siya ng banal na tulong sa Diyos at natanggap niya ito.18
Sinabi ni Damon: “Ang tanging ginawa ko lamang noon ay lumapit sa Diyos at humingi ng kapatawaran, ngunit ngayon ay humingi na rin ako ng biyaya—ng Kanyang ‘nagbibigay-kakayahang kapangyarihan’ [Bible Dictionary, “Grace”]. Hindi ko pa nagawa iyon noon. Sa mga araw na ito, hindi na ako nag-uukol ng panahon na kamuhian ang aking sarili para sa mga nagawa ko at mas nag-uukol ako ng mas maraming oras sa pagmamahal kay Jesus dahil sa Kanyang ginawa.”
Kung iisipin ang mahabang paghihirap ni Damon, hindi makatutulong at hindi makatotohanan para sa mga magulang at lider na tumutulong sa kanya na sabihin agad na “huwag mo nang ulitin” o di-makatwirang magtatakda ng pamantayan ng pag-iwas upang maituring na “karapat-dapat.” Sa halip, nagsimula sila sa maliliit at maaabot na mithiin. Tinanggal nila ang ekspektasyon na dapat maging perpekto ka o tuluyan kang walang mararating at nagtuon sa dahan-dahang pag-unlad na nakatulong kay Damon na makabangon sa paunti-unting pagtatagumpay sa halip na mabigo.19 Siya, tulad ng mga tao ni Limhi na inalipin, ay natutuhan na kaya niyang “unti-unting umunlad.”20
Ipinayo ni Elder D. Todd Christofferson: “Upang malutas ang isang [napakalaking] problema, kailangan natin itong lutasin nang paunti-unti sa araw-araw. … Ang pagdagdag ng bago at mabuting pag-uugali sa ating pagkatao o pagwawaksi sa masasamang pag-uugali o adiksyon ay [pinaka] kadalasang nangangahulugan ng pagsisikap ngayon na susundan ng bukas at ng isa pang bukas, marahil ng maraming araw, maging ng mga buwan at taon. … Ngunit magagawa natin ito dahil makahihingi tayo sa Diyos … ng tulong na kailangan natin sa bawat araw.”21
Ngayon, mga kapatid, hindi naging madali ang pandemyang COVID-19 sa sinuman, ngunit ang pagkakawalay dulot ng paghihigpit sa quarantine ang nagpahirap sa ating buhay lalo na sa mga taong nagsisikap na mapaglabanan ang masasamang gawi. Tandaan na ang pagbabago ay posible, ang pagsisisi ay isang proseso at ang pagiging karapat-dapat ay hindi pagiging walang kamalian. Ang pinakamahalaga ay alalahanin na handa tayong tulungan agad ng Diyos at ni Cristo.22
May ilan na ang pagkaintindi sa mensahe ay tutulong lamang ang Diyos pagkatapos nating magsisi. Ang mensahe ng Diyos ay tutulungan Niya tayo habang tayo ay nagsisisi. Ang Kanyang biyaya ay matatanggap natin “saan man tayo naroon sa landas ng pagsunod.”23 Sinabi ni Elder Dieter F. Uchtdorf: “Hindi kailangan ng Diyos ang mga taong walang kamalian. Hinahanap Niya ang mga maghahandog ng kanilang mga ‘puso at may pagkukusang isipan’ [Doktrina at mga Tipan 64:34], at gagawin Niya silang ‘ganap kay Cristo’ [Moroni 10:32–33].”24
Napakarami nang nasaktan dahil sa nawasak at magulong mga relasyon kaya mahirap para sa kanila na maniwala sa habag at mahabang pagtitiis ng Diyos. Nahihirapan silang makita ang Diyos kung sino Siya talaga—isang mapagmahal na Ama na tumutugon sa ating mga pangangailangan25 at alam kung paano “[mag]bigay ng mabubuting bagay sa kanila na humihingi sa kanya.”26 Ang Kanyang biyaya ay hindi lamang gantimpala para sa mga karapat-dapat. Ito ay “banal na pagtulong” na ibinibigay Niya na tumutulong sa atin na maging karapat-dapat. Hindi lamang ito gantimpala para sa matwid. Ito ay “pagkakaloob ng lakas” na ibinibigay Niya na tumutulong sa ating maging matwid.27 Hindi lamang tayo lumalakad papalapit sa Diyos at kay Cristo. Tayo ay lumalakad kasama Nila.28
Sa buong Simbahan, binibigkas ng mga kabataan ang Mga Tema ng Young Women at Aaronic Priesthood Quorum. Mula sa New Zealand hanggang Spain patungong Ethiopia hanggang Japan, sinasabi ng mga kabataang babae, “Aking pinahahalagahan ang kaloob na pagsisisi.” Mula Chile hanggang Guatemala hanggang Moroni, Utah, sinasabi ng mga kabataang lalaki, “Habang sinisikap kong maglingkod, manampalataya, magsisi, at magpakabuti pa bawat araw, ako ay karapat-dapat na tatanggap ng mga pagpapala ng templo at ng walang-hanggang kagalakan ng ebanghelyo.”
Ipinapangako ko ang mga pagpapalang iyon at na ang kagalakan ay totoo at abot-kamay ng mga sumusunod sa lahat ng kautusan at “siya na naghahangad na gumawa nito.”29 Kapag pakiramdam ninyo ay maraming beses na kayong nabigo sa inyong pagsisikap, alalahanin ang Pagbabayad-sala ni Cristo at ang biyayang idinulot nito ay totoo.30 “Ang [Kanyang] bisig ng awa ay nakaunat sa inyo.”31 Kayo ay minamahal—ngayon, sa loob ng 20 taon, at magpakailanman. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.