2021
Mas May Mararating kay Cristo: Ang Talinghaga ng Slope
Nobyembre 2021


10:1

Mas May Mararating kay Cristo: Ang Talinghaga ng Slope

Sa itinakdang panahon ng Panginoon, hindi sa kung saan tayo nagsimula, bagkus, kung saan tayo patutungo, ang siyang pinakamahalaga.

Noong bata pa ako, marami akong hinahangad. Isang araw pagkagaling ng paaralan, nagtanong ako: “Nanay, paglaki ko magiging ano po ba ako: isang propesyonal na basketball player o rock star?” Sa kasamaang-palad, si Clark, ang “kahanga-hangang bungi” ay hindi kinakitaan ng magandang kinabukasan sa atletika o musika. At sa kabila ng maraming beses na pagsisikap, paulit-ulit akong tinanggihan sa advanced academic program ng aking paaralan. Sa huli, iminungkahi ng mga guro ko na manatili na lamang ako sa karaniwang klase. Sa paglipas ng panahon, nagkaroon ako ng maayos na mga gawi sa pag-aaral. Gayunman, naramdaman ko lamang na nagsimulang lumutang ang intelektuwal at espirituwal na kakayahan ko noong magmisyon ako sa Japan. Patuloy akong nagsikap. Ngunit sa kauna-unahang pagkakataon sa buhay ko, sistematikong ginawa kong katuwang ang Panginoon sa aking pag-unlad, at ito ang bumago sa lahat.

Si Elder Gilbert noong bata pa
Si Elder Gilbert bilang missionary

Mga kapatid, sa Simbahang ito, naniniwala tayo sa banal na potensyal ng lahat ng anak ng Diyos at sa kakayahan nating mas may marating kay Cristo. Sa itinakdang panahon ng Panginoon, hindi sa kung saan tayo nagsimula, bagkus, kung saan tayo patutungo, ang siyang pinakamahalaga.1

Para maipakita ang alituntuning ito, gagamit ako ng konting basic math. Ngayon, huwag matakot na marinig ang salitang math sa pangkalahatang kumperensya. Sinisiguro sa akin ng ating BYU–Idaho math faculty na mauunawaan ang pinakakonseptong ito, kahit ng isang baguhan. Nagsisimula ito sa pormula para sa isang linya. Para sa ating mga layunin, ang intercept ang simula ng linya natin. Ang intercept ay maaaring may mataas o mababang starting point. Ang slope ng linya ay maaaring positibo o negatibo ang pagkakakiling.

Slopes and intercepts

Lahat tayo ay may iba‘t ibang intercept sa buhay—nagsisimula tayo sa iba’t ibang lugar na may iba’t ibang katayuan sa buhay. May mga taong isinilang na nakaaangat o mataas ang simula, puno ng oportunidad. Ang iba ay nakararanas na magsimula sa mahirap na katayuan at tila hindi makatarungan.2 Pagkatapos, umuusad tayo sa isang slope ng personal na pag-unlad. Ang ating kinabukasan ay malayong mapagpapasiyahan ng ating starting point [o pagsisimula], at mas higit [na mapagpapasiyahan] ng ating slope [o usad ng pag-unlad]. Nakikita ni Jesucristo ang banal na potensyal saan man tayo magsimula. Nakita niya ito sa pulubi, sa makasalanan, at sa may kapansanan. Nakita niya ito sa mangingisda, sa maniningil ng buwis, at maging sa zealot. Saanman tayo magsimula, isinasaalang-alang ni Cristo kung ano ang ginagawa natin sa mga bagay na ibinigay sa atin.3 Bagama’t nakatuon ang mundo sa ating simula, nakatuon ang Diyos sa usad ng pag-unlad natin. Sa calculus ng Panginoon, gagawin Niya ang lahat ng Kanyang magagawa para tulungan tayong ibaling patungo sa langit ang mga usad ng pag-unlad natin.

Ang alituntuning ito ay dapat magbigay-alo sa mga taong nahihirapan, at sandali ng pagninilay sa mga taong tila nakalalamang sa lahat. Hayaan ninyong mag-umpisa ako sa pagbanggit sa mga indibiduwal na nagsisimula sa mahihirap na katayuan, kabilang na ang kahirapan, limitadong mapagkukunan ng edukasyon, at mabibigat na sitwasyon sa pamilya. Ang iba naman ay dumaranas ng mga kapansanan sa katawan, sakit sa pag-iisip, o napamanahan ng karamdamang nananalaytay sa dugo ng pamilya.4 Sa sinumang nahihirapan sa pagsisimula, nawa’y matanto ninyo na alam ng Tagapagligtas ang mga paghihirap natin. “Dadalhin niya ang [ating] mga kahinaan, upang ang kanyang sisidlan ay mapuspos ng awa, … upang malaman niya … kung paano [tayo] tutulungan alinsunod sa [ating] mga kahinaan.”5

Hayaan ninyong magbahagi ako ng dalawang aspekto ng panghihikayat sa mga taong nahaharap sa mahihirap na katayuan sa kanilang pagsisimula. Una, magtuon kung saan kayo patutungo at hindi kung saan kayo nagsimula. Maling ipagwalang-bahala ang inyong mga katayuan—totoo ang mga ito at kailangang harapin. Ngunit ang labis na pagbibigay-atensyon sa isang mahirap na pagsisimula ay maaaring maglimita sa inyo, maging sa puntong mahadlangan ang kakayahan ninyong pumili.6

mga kabataang lalaki sa Boston

Ilang taon na ang nakararaan, naglingkod ako kasama ang isang grupo ng mga kabataan sa loob ng lungsod ng Boston, Massachusetts, na halos mga bago pa sa ebanghelyo at sa mga inaasahan ng Simbahan. Nakatutukso na hangaring ibaba ang mga pamantayan ng Diyos para maipakita ang pagdamay at pagmamalasakit ko sa kanilang sitwasyon.7 Kalaunan, natanto ko na para ipakita sa pinakamabisang paraan ang aking pagmamahal sa kanila ay huwag kailanman ibaba ang aking mga inaasahan sa kanila. Taglay ang lahat ng alam kong gawin, pinagtuunan namin ang kanilang potensyal, at nagsimulang umangat ang usad ng pag-unlad ng bawat isa sa kanila. Ang kanilang pag-unlad sa ebanghelyo ay unti-unti ngunit patuloy. Ngayon, nakapagmisyon na sila, nagtapos sa kolehiyo, ikinasal sa templo, at namumuhay na may mga pambihirang personal at propesyonal na buhay.

ang mga dating kabataan ng Boston na nagkapamilya na

Pangalawa, gawing katuwang ang Panginoon sa proseso ng pag-aangat sa usad ng pag-unlad ninyo. Habang naglilingkod bilang pangulo ng BYU–Pathway Worldwide, naaalala ko na nakaupo ako sa isang malaking debosyonal sa Lima, Peru, kung saan tagapagsalita si Elder Carlos A. Godoy. Habang pinagmamasdan niya ang kongregasyon, tila nag-uumapaw ang damdamin niya sa nakikitang napakaraming matatapat at unang-henerasyong estudyante ng unibersidad. Marahil, naiisip ang sarili niyang landas sa gayong katayuan, madamdaming ipinahayag ni Elder Godoy: ang Panginoon ay “tutulong sa inyo nang higit pa sa matutulungan ninyo ang inyong sarili. [Kaya] gawing katuwang ang Panginoon sa prosesong ito.”8 Itinuro ni propetang Nephi na “naligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya, sa kabila ng lahat ng ating magagawa.”9 Dapat nating gawin ang lahat ng makakaya natin,10 kabilang ang pagsisisi, ngunit makakamtan natin ang ating banal na potensyal sa pamamagitan lamang ng Kanyang biyaya.11

BYU–Pathway devotional sa Lima, Peru
Si Elder Godoy na nagsasalita sa Lima, Peru

Sa huli, hayaan ninyong magbahagi ako ng dalawang aspekto ng pagpapayo sa mga taong nakaaangat ang pagsisimula. Una, maaari bang magpakita tayo ng kaunting pagpapakumbaba sa mga katayuang marahil ay hindi tayo ang may likha? Tulad ng sinabi ng dating BYU president na si Rex E. Lee sa kanyang mga estudyante, “Lahat tayo ay uminom mula sa mga balon na hindi tayo ang naghukay, at pinainitan ang ating sarili sa pamamagitan ng apoy na hindi tayo ang nagsindi.”12 Pagkatapos, nanawagan siya sa kanyang mga estudyante na magsauli at punuing muli ang mga balon ng edukasyon na itinayo ng mga naunang pioneer. Ang hindi pagtatanim na muli sa mga bukid na tinaniman ng iba ay maaaring maging katumbas ng pagbabalik ng isang talento nang hindi nadaragdagan.

Pangalawa, ang pagtutuon sa isang nakaaangat o mataas na pagsisimula ay kadalasang makabibitag sa atin na maramdamang umuunlad tayo, samantalang ang totoo, hindi halos nagbabago ang ating panloob na usad ng pag-unlad. Itinuro ng Harvard professor na si Clayton M. Christensen na ang mga taong pinakamatagumpay ay ang pinakamapagpakumbaba dahil sa sapat ang kanilang tiwala para maituwid at matuto sa sinuman.13 Pinayuhan tayo ni Elder D. Todd Christofferson na maging “[handang humanap ng mga paraan para] tumanggap ng pagtutuwid at hangarin ito.”14 Kahit tila maganda ang takbo ng mga bagay-bagay, dapat tayong maghanap ng mga oportunidad na mas bumuti pa sa pamamagitan ng mapanalanging pagsamo.

Magsimula man tayo na masagana o nasa mahihirap na katayuan, makakamtan lamang natin ang ating tunay na potensyal kapag ginawa nating katuwang ang Diyos. Kamakailan, nakausap ko ang isang bantog na guro sa bansa na nagtatanong tungkol sa tagumpay ng BYU–Pathway. Matalino at tapat siya sa kanyang pagtatanong, ngunit malinaw na gusto niya ng sekular na sagot. Ibinahagi ko sa kanya ang ating mga programa sa retensyon at mga ginagawang pagtuturo. Ngunit nagtapos ako sa pagsasabing, “Lahat ng ito ay mabubuting gawi, pero ang tunay na dahilan kung bakit may progreso ang aming mga estudyante ay dahil itinuturo namin sa kanila ang kanilang banal na potensyal. Isipin na lamang kung sinabihan ka buong buhay mo na hindi ka kailanman magtatagumpay. Pagkatapos, isipin ang epekto ng itinuturo sa iyo na tunay kang anak ng Diyos na may likas na kakayahan.” Natahimik siya, pagkatapos ay simpleng tumugon, “Mabisa nga iyan.”

Mga kapatid, isa sa mga himala nitong Simbahan ng Panginoon ay may mas mararating ang bawat isa sa atin kay Cristo. Wala akong alam na iba pang organisasyon na nagbibigay sa mga miyembro nito ng mas maraming oportunidad na maglingkod, magsauli, magsisi, at maging mas mabubuting tao. Nagsisimula man tayo sa sagana o mahihirap na katayuan, panatilihin natin ang ating mga paningin at ang ating mga usad ng pag-unlad na nakatutok paitaas sa langit. Kapag ginawa natin ito, iaangat tayo ni Cristo sa mas mataas na lugar. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Clark G. Gilbert, “The Mismeasure of Man” (BYU–Pathway Worldwide devotional, Jan. 12, 2021), byupathway.org/speeches. Sa mensaheng ito, tinalakay ko kung paano madalas magkamali ang mundo sa pagsukat sa potensyal ng tao. Kahit ang mabubuting indibiduwal na pinagbabatayan ang mahalagang gawain ng mga nangungunang psychologist na nagtataguyod ng mga konsepto ng grit (Angela Duckworth) at growth mindset (Carol S. Dweck) ay minamaliit ang tunay na kakayahan ng tao kapag umaasa lamang sila sa mga natutuhan nilang huwaran at binabalewala ang ating banal na potensyal kay Cristo.

  2. Tingnan sa Dale G. Renlund, “Nakagagalit na Kawalang-Katarungan,” Liahona, Mayo 2021, 41–45.

  3. Tingnan sa Mateo 25:14–30. Sa talinghaga ng mga talento, tumanggap ang bawat alipin ng iba’t ibang bilang ng mga talento mula sa kanilang panginoon. Ngunit ang hatol ay hindi napagpasiyahan ayon sa natanggap nila kundi kung paano ito pinangasiwaan. Ang naging karagdagan ang nagbunsod sa Panginoon na magsabing, “Magaling, mabuti at matapat na alipin: naging tapat ka sa kaunting bagay, pamamahalain kita sa maraming bagay” (Mateo 25:21).

  4. Tingnan sa Mosias 3:19. Maaaring ang isang implikasyon na ang pagkalantad natin sa hatak ng likas na tao ay maaaring iba-iba dahil sa nananalaytay sa dugo ng pamilya. Tulad ng binigyan ang bawat isa sa atin ng iba’t ibang kaloob, mayroon din tayong iba’t ibang pisikal, mental, at emosyonal na mga hamon na dapat nating matutuhang pamahalaan at daigin.

  5. Alma 7:11–12. Hindi lamang tayo tinutulungan ni Cristo na madaig ang ating mga kasalanan sa pamamagitan ng pagsisisi, kundi alam Niya kung paano tayo aaluin sa mga paghihirap natin sa buhay, dahil sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala nadama at nadaig Niya ang lahat ng pagdurusa ng tao.

  6. Ipinaalala sa atin ni Elder David A. Bednar na tayo ay may kalayaaang pumili at dapat kumilos para sa ating sarili. Kapag iniayon natin ang ating sarili sa mga pamantayan ng mundo, nililimitahan natin ang ating banal na potensiyal, at dahil dito, nalilimitahan ang kakayahan nating pumili. (Tingnan sa David A. Bednar, “At Sila’y Walang Kadahilanang Ikatitisod,” Liahona, Nob. 2006, 89–92.)

  7. Tingnan sa Russell M. Nelson, “The Love and Laws of God” (debosyonal ng Brigham Young University, Set. 17, 2019), speeches.byu.edu. Sa debosyonal na ito ng BYU, itinuro ni Pangulong Nelson na dahil mahal tayo ng Diyos at ng Kanyang Anak, binigyan Nila tayo ng mga batas at inaasahan na tutulong sa atin. “Masasalamin sa mga batas ng Diyos ang Kanyang sakdal na pagmamahal sa bawat isa sa atin. Espirituwal na pinananatili tayong ligtas ng Kanyang mga batas at tinutulungan tayong umunlad magpasawalang-hanggan” (pahina 2).

  8. Carlos A. Godoy, Kumperensya ng BYU–Pathway Connections, Lima, Peru, Mayo 3, 2018.

  9. 2 Nephi 25:23.

  10. Ginawa ng aking mga magulang ang motto na ito para sa buong pamilya Gilbert “GAWIN ANG LAHAT NG MAKAKAYA MO.” Isang paraan na mailalarawan ang talinghaga ng slope ay bigyang-diin na kapag ginawa natin ang lahat ng makakaya natin, mapagtitiwalaan natin ang Diyos na tutulong at gagawa ng kaibhan.

  11. Tingnan sa Clark G. Gilbert, “From Grit to Grace” (BYU–Pathway Worldwide devotional, Sept. 25, 2018), byupathway.org/speeches. Sa mensaheng ito tinatalakay ko ang ideya na kahit kailangan nating matutong magsikap at magkaroon ng epektibong mga huwaran ng pagdidisiplina, upang makamit ang ating tunay na potensyal kay Jesucristo, kailangan nating matutuhang umasa sa Kanyang biyaya.

  12. Rex E. Lee, “Some Thoughts about Butterflies, Replenishment, Environmentalism, and Ownership” (debosyonal ng Brigham Young University, Set. 15, 1992), 2, speeches.byu.edu; tingnan din sa Deuteronomio 6:11.

  13. Tingnan sa Clayton M. Christensen, “How Will You Measure Your Life?,” Harvard Business Review, Hulyo–Ago. 2010, hbr.org. Ang mensaheng ito ay orihinal na ibinigay bilang Class Day address na kaugnay sa pagtatapos sa Harvard Business School. Sa kanyang mensahe, binalaan ni Propesor Christensen ang kanyang mga estudyante laban sa paghiwalay ng tiwala sa pagpapakumbaba, ipinapaalala sa kanila na upang patuloy na magkaroon ng progreso sa buong buhay nila ay kailangan nilang sapat na magpakumbaba para humingi ng pagtutuwid at matuto sa iba.

  14. D. Todd Christofferson, “Ang Lahat Kong Iniibig, ay Aking Sinasaway at Pinarurusahan,” Liahona, Mayo 2011, 97.