Paghahanda para sa Ikalawang Pagparito ni Cristo
Higit kailanman, ngayon ang panahon na mas kinakailangan nating harapin ang katotohanan na mas nalalapit na tayo sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.
Ayon sa nakatala sa Aklat ni Mormon, anim na taon bago isinilang si Jesucristo, nagpropesiya si Samuel, isang mabuting Lamanita, sa mga Nephita na halos lahat ay nag-apostasiya na noon,1 tungkol sa mga tanda na makikita sa pagsilang ng Tagapagligtas. Ang nakalulungkot, hindi pinaniwalaan ng karamihan sa mga Nephita ang mga tandang iyon dahil “hindi makatwiran na isang gayong nilikha gaya ni Cristo ay pumarito.”2
Nakalulungkot din, ayon sa nakatala sa banal na kasulatan, na hindi matanggap ng marami sa mga Judio, sa gayon ding paraan, na ang isang taong nagngangalang Jesus, mula sa di-kilalang bayan ng Galilea, ang pinakahihintay na Mesiyas.3 Si Jesus, na totoong pumarito upang tuparin ang maraming propesiya ng mga propetang Hebreo, ay itinakwil at ipinako pa sa krus dahil, tulad ng itinuro ng propeta sa Aklat ni Mormon na si Jacob, ang mga Judio ay “[naka]tingin nang lampas sa tanda.” Dahil dito, nagpatotoo si Jacob na “inalis ng Diyos ang kanyang kalinawan mula sa kanila, at ibinigay sa kanila ang maraming bagay na hindi nila maunawaan, sapagkat ito ang ninais nila. At dahil sa ito ang kanilang ninais kung kaya’t ginawa ito ng Diyos, upang sila ay matisod.”4
Nakapagtataka na tila walang pagtuturo, walang himala, at walang pagpapakita kahit ng isang angel mula sa langit, katulad ng nasaksihan nila Laman at Lemuel,5 ang nakahikayat sa ilang indibiduwal na baguhin ang kanilang tinatahak, pananaw, o paniniwala na ang isang bagay ay totoo. Iyan ang nangyayari lalo na kapag ang mga turo o himala ay hindi ayon sa nakagawiang mga kapritso, hangarin, o ideya ng isang indibiduwal.
Ikumpara sandali ang dalawang sumusunod na talata sa banal na kasulatan, ang una mula kay Apostol Pablo na binabanggit ang mga huling araw, inilalarawan ang mga ugali ng tao, at ang pangalawa mula sa propetang si Alma na ipinapakita kung paano ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain sa mga tao. Una mula kay Pablo:
“Unawain mo ito, na sa mga huling araw ay darating ang mga panahon ng kapighatian.
“Sapagkat ang mga tao’y magiging maibigin sa kanilang sarili, maibigin sa salapi, mayayabang, mga mapagmalaki, mapanlait, suwail sa mga magulang, mga walang utang na loob, walang kabanalan,
“Walang katutubong pag-ibig, mga walang habag, mga mapanirang-puri, mga walang pagpipigil sa sarili, mababangis, mga hindi maibigin sa mabuti,
“Mga taksil, matitigas ang ulo, mga palalo, mga maibigin sa kalayawan sa halip na mga maibigin sa Diyos; …
“Laging nag-aaral at kailanman ay hindi nakakarating sa pagkakilala ng katotohanan.”6
At ngayon mula kay Alma, na ipinahahayag ang isang alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo: “Ngayon, maaaring akalain mo na ito ay kahangalan sa akin; subalit masdan sinasabi ko sa iyo, na sa pamamagitan ng maliliit at mga karaniwang bagay ay naisasakatuparan ang mga dakilang bagay; at sa maliliit na pamamaraan sa maraming pagkakataon ay lumilito sa marurunong.”7
Nabubuhay tayo sa isang makabagong mundo na puno ng kaalaman at mahuhusay na kasanayan. Gayunman, ang mga kaalaman at mahuhusay na kasanayang ito ay hindi nakatayo sa matibay na pundasyon. Kaya nga, hindi tayo aakayin ng mga ito patungo sa tunay na katotohanan at sa Diyos at sa kapangyarihang tumanggap ng paghahayag, magtamo ng espirituwal na kaalaman, at magkaroon ng pananampalataya kay Jesucristo na humahantong sa kaligtasan.8
Napaalalahanan tayo nang husto ng mga salita ng Panginoon kay Tomas at sa iba pang mga Apostol noong gabi bago ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo: “Sinabi sa kanya ni Jesus, Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay. Sinuman ay hindi makakarating sa Ama kundi sa pamamagitan ko.”9
Para sa may mga matang nakakakita, mga pandinig na nakaririnig, at mga pusong nakararamdam, higit kailanman, ngayon ang panahon na mas kinakailangan nating harapin ang katotohanan na mas nalalapit na tayo sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Totoo, marami pang paghihirap ang darating sa mga naninirahan sa lupa sa Kanyang pagbabalik, ngunit hinggil dito, hindi kailangang matakot ang matatapat.
Ngayon ay magbabanggit ako sandali mula sa Mga Paksa ng Ebanghelyo ng Simbahan sa ilalim ng heading na “Ikalawang Pagparito ni Jesucristo”:
“Sa muling pagparito ng Tagapagligtas, Siya ay darating nang may kapangyarihan at kaluwalhatian upang angkinin ang mundo bilang Kanyang kaharian. Ang Kanyang Ikalawang Pagparito ang magiging tanda ng pagsisimula ng Milenyo.
“Ang Ikalawang Pagparito ay magiging isang nakakatakot at nakakalungkot na panahon para sa masasama, ngunit ito ay magiging araw ng kapayapaan para sa mabubuti. Ipinahayag ng Panginoon:
“‘Sila na matatalino at nakatamo ng katotohanan, at tinanggap ang Banal na Espiritu bilang kanilang patnubay, at hindi mga nalinlang—katotohanang sinasabi ko sa inyo, sila ay hindi puputulin at itatapon sa apoy, kundi mananatili sa araw na yaon.
“‘At ang lupa ay ibibigay sa kanila upang maging mana; at sila ay darami at magiging malakas, at ang kanilang mga anak ay magsisilaking walang kasalanan tungo sa kaligtasan.
“‘Sapagkat ang Panginoon ay nasa gitna nila, at ang kanyang kaluwalhatian ay mapapasakanila, at siya ay kanilang magiging hari at kanilang tagapagbigay ng batas’ (Doktrina at mga Tipan 45:57–59).”10
Sa ating paghahanda para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo, ibabahagi ko ang mahalaga at nakapapanatag na pahayag para sa matatapat mula sa propeta sa Lumang Tipan na si Amos: “Tunay na ang Panginoong Diyos ay walang gagawin, malibang kanyang ihayag ang kanyang lihim sa kanyang mga lingkod na mga propeta.”11
Sa diwang ito, ang propeta ngayon ng Panginoon sa mundo na si Pangulong Russell M. Nelson ay nagbigay sa atin kamakailan ng nagbibigay-inspirasyong payo na ito: “Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay isang ebanghelyo ng pagsisisi. Dahil sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, nag-aanyaya ang Kanyang ebanghelyo na patuloy na magbago, lumago, at maging mas dalisay. Ito ay isang ebanghelyo ng pag-asa, ng paggaling, at ng pag-unlad. Sa gayon, ang ebanghelyo ay isang mensahe ng kagalakan! Nagagalak ang ating espiritu sa bawat maliit na pasulong na hakbang na ginagawa natin.”12
Walang pag-aalinlangan kong pinatototohanan at pinatutunayan na buhay ang Diyos at totoo ang mga himala sa buhay sa araw-araw ng napakaraming tao mula sa mababa at mataas na katayuan sa buhay. Totoo, bihirang banggitin ang maraming sagradong karanasan, dahil sa banal na pinagmulan nito at sa maaaring gawing pangungutya ng ilang taong walang alam tungkol dito.
Sa bagay na ito, ipinaaalala sa atin ng huling propeta sa Aklat ni Mormon na si Moroni:
“At muli, sinasabi ko sa inyo na nagtatatwa sa mga paghahayag ng Diyos, at sinasabi na ang mga yaon ay natapos na, na wala nang mga paghahayag, ni mga propesiya, ni mga kaloob, ni pagpapagaling, ni pagsasalita ng mga wika, at pagpapaliwanag ng mga wika;
“Masdan, sinasabi ko sa inyo, siya na nagtatatwa sa mga bagay na ito ay hindi nalalaman ang ebanghelyo ni Cristo; oo, hindi niya nabasa ang mga banal na kasulatan; kung sakali man, hindi niya nauunawaan ang mga ito.
“Sapagkat hindi ba’t ating nababasa na ang Diyos ay siya ring kahapon, ngayon, at magpakailanman, at sa kanya ay walang pag-iiba-iba ni anino ng pagbabago?”13
Tinatapos ko ang aking mensahe sa lubos na nagbibigay-inspirasyong pahayag ni Propetang Joseph Smith, noong malapit nang matapos ang kanyang ministeryo nang asamin niya ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo: “Hindi ba tayo magpapatuloy sa isang napakadakilang adhikain? Sumulong at huwag umurong. Lakas ng loob, mga kapatid [na lalaki at babae]; at humayo, humayo sa pananagumpay! Magsaya sa inyong mga puso, at labis na magalak.”14 Idinaragdag ko rito ang aking patotoo sa pangalan ni Jesucristo, amen.