Isang Bahay ng Kaayusan
Masasabi ko na ang “maayos na pagkakasunud-sunod” ay isang simple, natural, at epektibong paraan ng Panginoon para maturuan tayo, na Kanyang mga anak, ng mahahalagang alituntunin.
Sa propesyon ko at sa paglilingkod ko sa Simbahan, libong beses ko nang ginawa ito—wala nga lang noon ang 15 kalalakihan na nakaupo sa likuran ko. Dama ko ang inyong mga dalangin at ang sa kanila.
Mga kapatid, ako ay isinilang sa Kingdom of Tonga sa South Pacific pero lumaki ako sa North America. Dahil sa pandemya daan-daan, o baka libu-libo pa nga na mga batang misyonerong Tongan na naglilingkod sa iba’t ibang panig ng mundo ang hindi makabalik sa kanilang pinakamamahal na inang-bayan dahil isinara ang mga hangganan nito. Ilan sa mga elder na Tongan ay mahigit tatlong taon nang nasa misyon at ang mga sister naman ay mahigit dalawang taon na! Matiyaga silang naghihintay nang may pananampalataya na kilalang taglay ng aming mga kababayan. Kaya sa ngayon, huwag kayong masyadong mag-alala kung ang ilan sa kanila na naglilingkod sa inyong ward at stake ay mas nagiging kamukha ko na—matanda at puti na ang buhok. Nagpapasalamat tayo sa mga missionary saanman sa kanilang tapat na paglilingkod, mas mahaba o mas maikli man ito sa inaasahan nila dahil sa pandemya.
Isang araw ng Linggo, noong deacon pa ako, nasa foyer ako hawak ang tray ng tubig at nagpapasa ng sakramento nang pumasok sa gusali ang isang babae. Bilang pagtupad sa tungkulin, lumapit ako sa kanya para iabot ang tray. Tumango siya, ngumiti, at kumuha ng tubig. Huli na siyang dumating kaya hindi na siya nakakain ng tinapay. Di nagtagal matapos ang karanasang ito, itinuro sa akin ni Ned, na aking home teacher, na marami sa mga aspekto at pagpapala ng ebanghelyo ni Jesucristo ay ibinigay sa atin sa maayos na pagkakasunud-sunod.
Kalaunan nang linggong iyon, nagpunta sa bahay namin si Ned at ang kanyang kasama para ihatid ang di-malilimutang aral. Ipinaalala sa amin ni Ned na nilikha ng Diyos ang mundo nang may kaayusan. Masusing ipinaliwanag ng Panginoon kay Moises ang pagkakasunud-sunod ng paglikha Niya sa mundo. Una, inihiwalay Niya ang liwanag sa kadiliman, at pagkatapos ang tubig mula sa tuyong lupa. Idinagdag niya ang mga halaman at hayop bago ipakilala sa bagong likhang planeta ang Kanyang pinakadakilang likha: ang sangkatauhan, simula kina Adan at Eva.
“Kaya’t nilalang ng Diyos ang tao ayon sa kanyang sariling larawan, ayon sa larawan ng Diyos siya nilalang. Sila’y kanyang nilalang na lalaki at babae. …
“Nakita ng Diyos ang lahat ng kanyang nilikha at ito ay napakabuti” (Genesis 1:27, 31).
Nalugod ang Panginoon. At Siya ay nagpahinga sa ikapitong araw.
Ang maayos na pagkakasunud-sunod ng paglikha sa mundo ay hindi lamang nagpapahiwatig sa atin ng kung ano ang pinakamahalaga sa Diyos, kundi kung bakit at para kanino Niya nilikha ang mundo.
Tinapos ni Ned Brimley ang kanyang magandang lesson sa simpleng pahayag: “Vai, ang bahay ng Diyos ay bahay ng kaayusan. Inaasahan Niya na mamumuhay ka nang may kaayusan. Sa tamang pagkakasunud-sunod. Gusto Niyang magmisyon ka bago ka mag-asawa.” Kaugnay nito, itinuturo ngayon ng mga lider ng Simbahan na “inaasahan ng Panginoon ang bawat may kakayahang kabataang lalaki na maghandang maglingkod. … Ang mga kabataang babae … na nais maglingkod ay dapat ding maghanda” (Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 24.0, ChurchofJesusChrist.org). Nagpatuloy si Brother Brimley: “Nais ng Diyos na mag-asawa ka muna bago magkaanak. At nais Niyang patuloy mong paunlarin ang iyong mga talento habang nag-aaral ka.” Kung pipiliin mong mamuhay nang hindi tama ang pagkakasunud-sunod, mas magiging mahirap at maligalig ang buhay mo.
Itinuro din sa amin ni Brother Brimley na sa pamamagitan ng nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas, tinutulungan Niya tayo na maibalik ang kaayusan sa ating buhay mula sa maligalig na bunga ng mga maling pagpili natin o ng iba.
Mula noon, naging interesado na ako sa “maayos na pagkakasunud-sunod.” Nakagawian ko na ang paghahanap ng pamantayan ng pagkakasunud-sunod sa buhay at sa ebanghelyo.
Itinuro ni Elder David A. Bednar ang alituntuning ito: “Sa ating pag-aaral, pagkatuto, at pamumuhay ng ebanghelyo ni Jesucristo, kadalasan ay nakakapagturo ang pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari. Isipin, halimbawa, ang mga aral na natututuhan natin tungkol sa mga espirituwal na prayoridad mula sa sunud-sunod na mahahalagang pangyayaring naganap nang ipinanumbalik ang kabuuan ng ebanghelyo ng Tagapagligtas sa mga huling araw na ito.”
Inilista ni Elder Bednar ang Unang Pangitain at ang unang pagpapakita ni Moroni kay Joseph Smith bilang pagtuturo muna sa batang propeta tungkol sa tunay na katangian ng Diyos, kasunod ng papel na gagampanan ng Aklat ni Mormon at ng papel ni Elijah sa pagtitipon ng Israel sa magkabilang panig ng tabing sa huling dispensasyong ito.
Si Elder Bednar ay nagtapos sa: “Ang nagbibigay-inspirasyong pagkakasunud-sunod na ito ay nagtuturo tungkol sa mga espirituwal na bagay na nangunguna sa mga prayoridad ng Diyos” (“Ang mga Puso ng mga Anak ay Magbabalik-loob,” Liahona, Nob. 2011, 24).
Masasabi ko na ang “maayos na pagkakasunud-sunod” ay isang simple, natural, at epektibong paraan ng Panginoon para maturuan tayo, na Kanyang mga anak, ng mahahalagang alituntunin.
Naparito tayo sa mundo upang matuto at magtamo ng karanasan na hindi natin magagawa sa ibang paraan. Ang ating pag-unlad ay iba-iba ang antas sa bawat isa sa atin at mahalagang bahagi ng plano ng Ama sa Langit. Ang ating pisikal at espirituwal na paglago ay nagsisimula sa mga yugto at unti-unting umuunlad habang nagtatamo tayo ng mga karanasan ayon sa tamang pagkasunud-sunod.
Nagbigay si Alma ng matinding mensahe tungkol sa pananampalataya—gamit ang analohiya ng binhi, na kung aalagaan nang tama, ay uusbong mula sa maliit na punla hanggang sa maging puno na may masasarap na bunga (tingnan sa Alma 32:28–43). Itinuturo nito na lalakas ang inyong pananampalataya kapag binigyan ninyo ng puwang at inalagaan ang binhi—o ang salita ng Diyos—sa inyong mga puso. Lalakas ang inyong pananampalataya kapag ang salita ng Diyos ay nagsimulang “lumaki sa loob ng inyong mga dibdib” (talata 28). Na ito ay “lumalaki at sumisibol, at nagsisimulang tumubo” (talata 30) ay kapwa naglalarawan at nagtuturo. Naglalarawan din ito ng pagkakasunud-sunod.
Tinuturuan ng Panginoon ang bawat isa sa atin ayon sa ating kakayahan na matuto at paano tayo natututo. Ang ating paglago ay depende sa ating kahandaan, likas na pagkamausisa, antas ng pananampalataya, at pag-unawa.
Itinuro kay Nephi ang matututuhan ni Joseph Smith sa Kirtland, Ohio, mahigit 2,300 taon kalaunan: “Sapagkat masdan, ganito ang wika ng Panginoong Diyos: Magbibigay ako sa mga anak ng tao ng taludtod sa taludtod, ng tuntunin sa tuntunin, kaunti rito at kaunti roon; at pinagpala ang mga yaong nakikinig sa aking mga tuntunin, at ipahiram ang tainga sa aking mga payo, sapagkat matututo sila ng karunungan” (2 Nephi 28:30).
Na tayo ay matututo nang “taludtod sa taludtod, ng tuntunin sa tuntunin, kaunti rito at kaunti roon” ay isa ring pagkakasunud-sunod.
Isipin ninyo ang mga pahayag na ito na madalas nating naririnig: “Unahin ang dapat mauna” o “Painumin muna sila ng gatas bago pakainin ng karne.” Kasama na riyan ang “Matuto muna tayong maglakad bago tayo tumakbo.” Bawat isa sa mga kasabihang ito ay naglalarawan ng pagkakasunud-sunod.
Nagagawa ang mga himala ayon sa maayos na pagkakasunud-sunod. Nangyayari ang mga himala kapag nananampalataya muna tayo. Nauuna ang pananampalataya sa himala.
Ang pag-oorden sa mga katungkulan sa Aaronic Priesthood ay ginagawa rin sa tamang pagkakasunud-sunod, ayon sa edad ng inoordenan: deacon, teacher, at pagkatapos ay priest.
Ang mga ordenansa ng kaligtasan at kadakilaan ay may pagkakasunud-sunod. Binibinyagan tayo bago tumanggap ng kaloob na Espiritu Santo. Gayundin ang mga ordenansa sa templo. At siyempre, tulad ng matalinong pagkaturo ng kaibigan kong si Ned Brimley, ang sacrament ay may ganitong pagkakasunud-sunod—una muna ang tinapay, kasunod ang tubig.
“Habang sila’y kumakain ay dumampot si Jesus ng tinapay, binasbasan niya ito at pinagputul-putol, at ibinigay sa mga alagad, at sinabi, Kumuha kayo, kainin ninyo; ito ang aking katawan.
“At kumuha siya ng isang saro, at nang makapagpasalamat ay ibinigay sa kanila, na nagsasabi, Uminom kayong lahat nito,
“Sapagkat ito ang aking dugo ng tipan, na nabubuhos dahil sa marami, sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan” (Mateo 26:26–28).
Sa Jerusalem at sa Amerika, pinasimulan ng Tagapagligtas ang sakramento sa gayunding pagkakasunud-sunod.
“Masdan, ang aking bahay ay isang bahay ng kaayusan, wika ng Panginoong Diyos, at hindi isang bahay ng kaguluhan” (Doktrina at mga Tipan 132:8).
Ang pagsisisi ay may pagkakasunud-sunod. Ito ay nagsisimula sa pananampalataya kay Cristo, kahit bahagya lamang. Kailangan sa pananampalataya ang pagpapakumbaba, na mahalagang sangkap sa pagkakaroon ng “bagbag na puso at nagsisising espiritu” (2 Nephi 2:7).
Tunay ngang ang unang apat na alituntunin ng ebanghelyo ay magkakasunod. “Naniniwala kami na ang mga pangunahing alituntunin at ordenansa ng Ebanghelyo ay: una, Pananampalataya sa Panginoong Jesucristo; pangalawa, Pagsisisi; pangatlo, Pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog para sa kapatawaran ng mga kasalanan; pang-apat, Pagpapatong ng mga kamay para sa kaloob na Espiritu Santo” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:4).
Itinuro ni Haring Benjamin sa kanyang mga tao ang mahalagang katotohanang ito: “At tiyakin na ang lahat ng bagay na ito ay gagawin sa karunungan at kaayusan; sapagkat hindi kinakailangan na ang tao ay tumakbo nang higit na mabilis kaysa sa kanyang lakas. At muli, kinakailangang siya ay maging masigasig, nang sa gayon siya ay magkamit ng gantimpala, anupa’t ang lahat ng bagay ay dapat na gawin nang maayos” (Mosias 4:27).
Nawa’y mamuhay tayo nang may kaayusan at sikaping sundin ang pagkakasunud-sunod na ibinalangkas sa atin ng Panginoon. Pagpapalain tayo kapag ating inalam at sinunod ang mga huwaran at pagkakasunud-sunod kung saan itinuturo ng Panginoon ang pinakamahalaga sa Kanya. Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.