Ang Pananampalatayang Humingi at Pagkatapos ay Kumilos
Ang pananampalataya kay Jesucristo ang susi sa pagtanggap ng mga paghahayag ng katotohanan.
Mahal kong mga kapatid, nagpapasalamat ako sa pagkakataong magsalita sa inyo sa sesyon sa Sabado ng gabi ng pangkalahatang kumperensya. Sa kanyang paunang mensahe sa kumperensya kaninang umaga, sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson na “ang dalisay na paghahayag para sa mga tanong sa inyong puso ay gagawing makabuluhan at di-malilimutan ang kumperensyang ito. Kung hindi pa ninyo hinangad ang patnubay ng Espiritu Santo na tulungan kayong marinig ang nais ng Panginoon na marinig ninyo sa dalawang araw na ito, inaanyayahan ko kayong gawin na ito ngayon.”1 Hinangad ko ang pagpapalang iyan habang naghahanda akong tumanggap ng paghahayag para sa pagharap kong ito sa inyo. Ang taimtim kong dalangin ay makatanggap kayo ng paghahayag mula sa Diyos.
Ang paraan ng pagtanggap ng paghahayag mula sa Diyos ay hindi nagbago mula pa noong panahon nina Adan at Eva. Gayundin iyan sa lahat ng tinawag na tagapaglingkod ng Panginoon mula sa simula hanggang ngayon. Gayundin ito sa inyo at sa akin. Ito ay laging ginagawa nang may pananampalataya.2
Ang binatilyong si Joseph Smith ay may sapat na pananampalataya na magtanong sa Diyos, naniniwalang sasagutin ng Diyos ang masidhi niyang pangangailangan. Ang sagot na natanggap ay nagpabago sa mundo. Gusto niyang malaman kung ano ang sasapiang simbahan upang malinis sa kasalanan. Ang sagot na natanggap niya ay naghikayat sa kanya na magtanong pa ng mas magagandang tanong at kumilos ayon sa patuloy na paghahayag na nagsimula nang dumaloy.3
Maaaring ganyan din ang maranasan ninyo sa kumperensyang ito. May mga tanong kayo na hinahanapan ninyo ng mga sagot. May sapat na pananampalataya man lamang kayo para umasang makatatanggap kayo ng mga sagot mula sa Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga tagapaglingkod.4 Hindi kayo magkakaroon ng pagkakataon na makahingi ng malakas na mga sagot mula sa mga tagapagsalita, ngunit maaari ninyong tanungin ang inyong mapagmahal na Ama sa panalangin.
Alam ko batay sa karanasan na darating ang mga sagot na aakma sa inyong mga pangangailangan at sa inyong espirituwal na paghahanda. Kung kailangan ninyo ng sagot na mahalaga sa walang hanggang kapakanan ninyo o ng iba, malamang na darating ang sagot. Gayunman, maaaring ang sagot na matatanggap ninyo—tulad ni Joseph Smith—ay ang magtiyaga.5
Kung ang inyong pananampalataya kay Jesucristo ay nakapagpalambot ng puso dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala, mas madarama ninyo ang mga bulong ng Espiritu bilang sagot sa inyong mga panalangin. Personal kong naranasan na ang marahan at banayad na tinig—na totoo—ay malinaw at naririnig sa aking isipan kapag payapa ang aking damdamin at nagpapasakop ako sa kalooban ng Panginoon. Ang gayong pagpapakumbaba ay pinakamainam na mailalarawan nang ganito “Huwag ang kalooban ko ang mangyari kundi ang sa iyo.”6
Ang prosesong ito ng paghahayag ang dahilan kung bakit maririnig ninyong ituturo ng mga tagapagsalita sa kumperensyang ito ang tinatawag na doktrina ni Cristo.7 Dumarating sa atin ang paghahayag batay sa katindihan ng pagnanais nating isapuso ang doktrina ni Cristo at isabuhay ito.
Maaalala ninyo sa Aklat ni Mormon na itinuro sa atin ni Nephi na ang pananampalataya kay Jesucristo ang susi sa pagtanggap ng mga paghahayag ng katotohanan at ang susi sa pagkakaroon ng kumpiyansa na sinusunod natin ang patnubay ng Tagapagligtas. Isinulat ni Nephi ang mga sumusunod na salita daan-daang siglo bago ang pagsilang ni Jesucristo sa mundo:
“Ang mga anghel ay nagsasalita sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo; anupa’t, nangungusap sila ng mga salita ni Cristo. Samakatwid, sinabi ko sa inyo, magpakabusog kayo sa mga salita ni Cristo; sapagkat masdan, ang mga salita ni Cristo ang magsasabi sa inyo ng lahat ng bagay na dapat ninyong gawin.
“Samakatwid, ngayon matapos kong sabihin ang mga salitang ito, kung hindi ninyo naunawaan ang mga ito, iyan ay dahil sa hindi kayo humihingi, ni kayo ay kumakatok; kaya nga, hindi kayo nadadala sa liwanag, kundi tiyak na masasawi sa kadiliman.
“Sapagkat masdan, muli kong sinasabi sa inyo na kung kayo ay papasok sa daan, at tatanggapin ang Espiritu Santo, iyon ang magbibigay-alam sa inyo ng lahat ng bagay na nararapat ninyong gawin.
“Masdan, ito ang doktrina ni Cristo, at wala nang doktrinang ibibigay pa hanggang sa siya ay magpakita ng kanyang sarili sa inyo sa laman. At kapag siya ay nagpakita na ng kanyang sarili sa inyo sa laman, ang mga bagay na sasabihin niya sa inyo ay inyong gawin.”8
Ang Panginoon ay maghahayag ng mga bagay sa inyo at sa akin ngayon at sa mga darating na araw sa pamamagitan ng Kanyang mga tagapaglingkod. Sasabihin Niya sa atin ang mga bagay na dapat nating gawin.9 Hindi sisigaw ng mga utos ang Tagapagligtas sa inyo at sa akin. Tulad ng itinuro Niya kay Elias:
“[At] kanyang sinabi, Humayo ka, at tumayo ka sa ibabaw ng bundok sa harap ng Panginoon. At, ang Panginoon ay nagdaan at biniyak ang mga bundok ng isang malaki at malakas na hangin, at pinagputul-putol ang mga bato sa harap ng Panginoon, ngunit ang Panginoon ay wala sa hangin. At pagkatapos ng hangin ay isang lindol, ngunit ang Panginoon ay wala sa lindol:
“Pagkatapos ng lindol ay apoy, ngunit ang Panginoon ay wala sa apoy: at pagkatapos ng apoy ay isang banayad at munting tinig.”10
Maririnig natin ang tinig na iyan kapag may pananampalataya tayo sa Kanya. Sa sapat na pananampalataya, hihingi tayo ng patnubay na may layuning humayo at gawin anuman ang Kanyang iutos.11 Magkakaroon tayo ng pananampalataya na malaman na anumang iutos Niya ay magpapala sa iba at na tayo ay madadalisay sa paggawa nito dahil sa Kanyang pagmamahal para sa atin.
Dahil ang ating pananampalataya kay Jesucristo ay naghikayat sa ating humingi ng mga sagot sa Ama, ang pananampalataya ring iyon ang magpapadama sa atin ng impluwensya ng Tagapagligtas na sapat para marinig natin ang Kanyang patnubay at masigasig at masabik na sumunod. Pagkatapos ay aawitin natin ang mga titik ng himno nang may galak, kahit mahirap ang gawain: “O kaylugod na gawain.”12
Kapag mas ipinamumuhay at isinasapuso natin ang doktrina ni Cristo, mas nakadarama tayo ng higit na pagmamahal at simpatiya sa mga hindi kailanman nagkaroon ng mga pagpapala ng pananampalataya kay Jesucristo o nahihirapang panatilihin ito. Mahirap sundin ang mga utos ng Panginoon nang hindi sumasampalataya at naniniwala sa Kanya. Sa pagkawala ng pananampalataya ng ilang tao sa Tagapagligtas, marahil ay kukutyain pa nila ang Kanyang payo, at tatawaging mabuti ang masama, at ang masama ay mabuti.13 Upang maiwasan ang nakapanlulumong kamaliang ito, mahalaga na anumang personal na paghahayag na natatanggap natin ay naaayon sa mga turo ng Panginoon at ng Kanyang mga propeta.
Mga kapatid, kailangan ng pananampalataya para maging masunurin sa mga kautusan ng Panginoon. Kailangan ng pananampalataya kay Jesucristo upang mapaglingkuran ang iba para sa Kanya. Kailangan ng pananampalataya para humayo at ituro ang Kanyang ebanghelyo at ialok ito sa mga tao na maaaring hindi nadarama ang tinig ng Espiritu o maaaring itatwa pa ang katotohanan ng mensahe. Ngunit kapag nananampalataya tayo kay Cristo—at sumusunod sa Kanyang buhay na propeta—mag-iibayo ang pananampalataya sa buong mundo. Dahil sa teknolohiya, marahil mas maraming anak ng Diyos ang makikinig at makakikilala sa salita ng Diyos sa katapusan ng linggong ito kaysa sa iba pang dalawang araw sa kasaysayan.
Sa ibayong pananampalataya na ito ang Simbahan at kaharian ng Panginoon sa mundo, mas maraming miyembro ang nagbabayad ng ikapu at nag-aambag upang tulungan ang mga nangangailangan, kahit ang mga miyembrong ito ay may sariling pagsubok ding dinaranas. Dahil naniniwala na sila ay tinawag ni Jesucristo, ang mga missionary sa iba’t ibang panig ng mundo ay nakahanap ng paraan na madaig ang mga hamong idinulot ng pandemya, ginagawa ito nang may lakas-ng-loob at kagalakan. At sa dagdag na pagsisikap nila, mas lumakas ang kanilang pananampalataya.
Ang mga pagsalungat at pagsubok ay nagsilbing punlaan para sa pagpapalago ng pananampalataya. Totoo iyan noon pa man, lalo na sa simula pa ng Pagpapanumbalik at sa pagtatatag ng Simbahan ng Panginoon.14
Ang sinabi ni Pangulong George Q. Cannon noon ay totoo pa rin ngayon at mananatiling totoo hanggang sa dumating ang Tagapagligtas at personal na pamunuan ang Kanyang Simbahan at Kanyang mga tao: “Ang pagsunod sa Ebanghelyo ay lubos na naglalapit at nag-uugnay sa mga tao sa Panginoon. Lumilikha ito ng koneksyon sa pagitan ng mga tao sa lupa at ng ating Dakilang Manlilikha sa kalangitan. Nagdudulot ito sa isipan ng tao ng ganap na tiwala sa Pinakamakapangyarihan at sa Kanyang kahandaang makinig at sumagot sa mga pagsamo ng mga nagtitiwala sa Kanya. Sa mga panahon ng pagsubok at paghihirap, hindi matutumbasan ang tiwalang ito. Dumanas man ng ligalig ang indibiduwal o ang mga tao, magbanta man ang kalamidad at bawat pag-asa ng tao ay tila nagupo na, ngunit kapag ginamit ng mga tao ang mga pribilehiyong dulot ng pagsunod sa ebanghelyo, may matibay silang pagtatayuan; ang kanilang mga paa ay nakatuntong sa bato na hindi matitinag.”15
Aking patotoo na ang bato kung saan tayo nakatayo ay saksi natin na si Jesus ang Cristo; na ito ang Kanyang Simbahan na personal Niyang pinamumunuan; at na si Pangulong Russell M. Nelson ang Kanyang buhay na propeta ngayon.
Si Pangulong Nelson ay humihingi at tumatanggap ng patnubay mula sa Panginoon. Para sa akin siya ay halimbawa ng isang taong humihingi ng patnubay na may determinasyong sundin ito. Ang gayong determinasyon na maging masunurin sa patnubay ng Panginoon ay nasa puso ng lahat ng nagsalita o magsasalita, mananalangin, o aawit sa pangkalahatang kumperensyang ito ng Kanyang Simbahan.
Dalangin ko na ang mga nanonood o nakikinig sa kumperensyang ito sa iba’t ibang dako ng mundo ay madama ang pagmamahal ng Panginoon sa kanila. Sinagot ng Ama sa Langit ang aking panalangin na nawa’y madama ko nang kahit kaunti ang pagmamahal sa inyo ng Tagapagligtas at ang pagmamahal Niya sa Kanyang Ama sa Langit, na ating Ama sa Langit.
Pinatototohanan ko na si Jesucristo ay buhay. Siya ang ating Tagapagligtas at ating Manunubos. Ito ang Kanyang Simbahan. Siya ang namumuno rito. Siya, kasama ang Kanyang Ama sa Langit, ay nagpakita nang personal kay Joseph Smith sa kakahuyan sa New York. Ang ebanghelyo ni Jesucristo at ang Kanyang priesthood ay naipanumbalik sa pamamagitan ng mga sugo mula sa langit.16 Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, alam ko na ito ay totoo.
Dalangin ko na mapasainyo ang gayunding patotoo. Dalangin ko na hihingin ninyo sa Ama sa Langit ang pananampalataya kay Jesucristo na kailangan ninyo sa paggawa at pagtupad ng mga tipan na magtutulot na makasama ninyo sa tuwina ang Espiritu Santo. Iniiwan ko sa inyo ang aking pagmamahal at patotoo sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.