Personal na Kapayapaan sa Mahihirap na Panahon
Mas mahalaga ngayon ang paghahangad ng personal na kapayapaan.
Kamakailan ay inatasan akong ilaan ang isang bahagi ng makasaysayang Nauvoo. Bilang bahagi ng tungkulin, nabisita ko ang Liberty Jail sa Missouri. Habang minamasdan ko ang piitan, pinagnilayan ko ang mga pangyayaring naging mahalagang bahagi ng kasaysayan ng Simbahan. Nanganib ang buhay ng mga Banal dahil sa utos ng gobernador ng Missouri na patayin sila. Dagdag pa rito, ikinulong nang di-makatarungan si Propetang Joseph at ang ilang tapat na kasamahan sa Liberty Jail. Ang isa sa mga dahilan ng marahas na oposisyon sa ating mga miyembro ay tutol sa pang-aalipin ang karamihan sa kanila.1 Ang matinding pag-uusig na ito kay Joseph Smith at sa kanyang mga alagad ay dulot ng masamang halimbawa ng di-matwid na paggamit ng kalayaang pumili na maaaring makaapekto sa mabubuting tao. Ang pagkakulong ni Joseph sa Liberty Jail ay nagpapakita na ang pagdurusa ay hindi katibayan na hindi nalulugod ang Panginoon, ni hindi ito pagbawi sa Kanyang mga pagpapala.
Labis akong naantig nang mabasa ko ang ipinahayag ni Propetang Joseph Smith habang nakakulong siya sa Liberty Jail: “O Diyos, nasaan kayo? At nasaan ang pabilyon na tumatakip sa inyong pinagkukublihang lugar?”2 Itinanong ni Joseph kung hanggang kailan “magdurusa [ang mga tao ng Panginoon] sa mga kaapihan at hindi makatarungang kalupitang ito.”3
Habang nakatayo ako sa Liberty Jail, labis akong naantig nang mabasa ko ang sagot ng Panginoon: “Aking anak, kapayapaan ay mapasaiyong kaluluwa; ang iyong kasawian at ang iyong mga pagdurusa ay maikling sandali na lamang; at muli, kung ito ay iyong pagtitiisang mabuti, ang Diyos ay dadakilain ka sa itaas.”4 Malinaw na maaari tayong mapadalisay ng oposisyon para sa isang walang-hanggan at selestiyal na tadhana.5
Ang natatanging mga salita ng Tagapagligtas na “Aking anak, kapayapaan ay mapasaiyong kaluluwa”6 ay may malaking personal na kahulugan sa akin at malaking kabuluhan sa ating panahon. Ipinapaalala nito sa akin ang turo Niya sa Kanyang mga dispulo noong Kanyang mortal na ministeryo.
Bago nagdusa si Cristo sa Halamanan ng Getsemani at sa krus, inutusan Niya ang Kanyang mga Apostol na “kayo’y magmahalan sa isa’t isa kung paanong minahal ko kayo”7 at pagkatapos ay pinanatag sila sa mga salitang ito: “Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo, ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo. Hindi gaya ng ibinibigay ng sanlibutan ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag mabagabag ang inyong puso, o matakot man.”8
Ang isa sa pinakamahalagang titulo ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo ay “Prinsipe ng Kapayapaan.”9 Sa huli ay maitatayo ang Kanyang kaharian pati na ang kapayapaan at pagmamahalan.10 Inaasam natin ang paghahari ng Mesiyas sa milenyo.
Sa kabila ng pananaw na ito tungkol sa paghahari sa milenyo, alam natin na hindi laganap ang kapayapaan at pagkakaisa sa mundo sa ating panahon.11 Sa buong buhay ko, ngayon lang ako nakakita ng labis na kalupitan. Inaatake tayo ng galit at masasakit na pananalita at ng nakayayamot at nakapipinsalang mga gawaing sumisira sa kapayapaan at katahimikan.
Ang kapayapaan sa mundo o maging sa ating mga komunidad ay hindi ipinangako o siniguro hanggang sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Sinabihan ng Tagapagligtas ang Labindalawang Apostol na ang Kanyang misyon sa mundo ay hindi maghahatid ng kapayapaan sa buong mundo. Itinuro Niya, “Huwag ninyong isiping pumarito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa.”12 Ang kapayapaan sa mundo ay hindi bahagi ng unang mortal na ministeryo ng Tagapagligtas. Walang kapayapaan sa mundo ngayon.
Gayunman, ang personal na kapayapaan ay maaaring makamtan sa kabila ng galit, pagtatalo, at pagkakawatak-watak na sumisira at nagpapasama sa ating mundo ngayon. Mas mahalaga ngayon ang paghahangad ng personal na kapayapaan. Nakasaad sa isang maganda at paboritong bagong himnong isinulat ni Brother Nik Day para sa mga kabataan ngayon na pinamagatang “Kapayapaan kay Cristo” na, “[Kapag walang kapayapaan sa mundo,] may kapayapaan tayo kay Cristo.”13 Mapalad tayong mapasaatin ang himnong ito bago nagkaroon ng pandemyang COVID-19.
Ipinapakita ng himnong ito sa magandang paraan ang paghahangad sa kapayapaan at angkop na binibigyang-diin na ang kapayapaan ay matibay na nakaugnay sa buhay at misyon ni Jesucristo. Sinabi ni Pangulong Joseph F. Smith, “Ang diwa ng kapayapaan at pagmamahalan ay hindi darating sa daigdig hangga’t hindi tinatanggap ng sangkatauhan … ang katotohanan ng Diyos at ang mensahe ng Diyos, at kilalanin … ang kanyang kapangyarihan at awtoridad mula langit.”14
Bagama’t hindi tayo uurong kailanman sa mga pagsisikap na magkaroon ng kapayapaan sa mundo, tiniyak na sa atin na magkakaroon tayo ng personal na kapayapaan tulad ng itinuturo ni Cristo. Ang alituntuning ito ay nakasaad sa Doktrina at mga Tipan: “Subalit matutuhan na siya na gumagawa ng mga gawa ng kabutihan ay makatatanggap ng kanyang gantimpala, maging kapayapaan sa daigdig na ito, at buhay na walang-hanggan sa daigdig na darating.”15
Ano ang ilan sa “mga gawa ng kabutihan” na tutulong sa atin na lutasin ang mga pagtatalo at bawasan ang alitan at makahanap ng kapayapaan sa mundong ito? Lahat ng turo ni Cristo ay makakatulong sa hangaring ito. Babanggitin ko ang ilan na pinaniniwalaan kong napakahalaga.
Una: Mahalin ang Diyos, Sundin ang Kanyang mga Utos, at Patawarin ang Lahat
Si Pangulong George Albert Smith ay naging Pangulo ng Simbahan noong 1945. Noong siya ay isang Apostol, nakilala siya bilang isang pinunong mapagmahal sa kapayapaan. Sa naunang 15 taon bago siya naging pangulo, ang mga hamon at pagsubok ng matinding pandaigdigang depresyon, na sinundan ng kamatayan at pagkawasak noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ay hindi naging payapa.
Sa pagtatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, sa kanyang unang pangkalahatang kumperensya bilang pangulo noong Oktubre 1945, ipinaalala ni Pangulong Smith sa mga Banal ang paanyaya ng Tagapagligtas na mahalin ang kanilang kapwa at patawarin ang kanilang mga kaaway at saka itinuro, “Iyan ang diwang dapat hangarin ng lahat ng Banal sa mga Huling Araw kung inaasam nilang tumayo balang-araw sa Kanyang harapan at maluwalhati silang tanggapin sa Kanyang tahanan.”16
Pangalawa: Hangarin ang mga Bunga ng Espiritu
Inilahad ni Apostol Pablo sa kanyang sulat sa mga taga Galacia ang pagkakaiba ng mga gawa ng kabutihan na nagpapamarapat sa atin na manahin ang kaharian ng Diyos at ng mga gawa na hindi magpapamarapat sa atin kung walang pagsisisi. Kabilang sa mga nagpapamarapat sa atin ay ang mga bunga ng espiritu na “pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiyaga, [kahinahunan], kabutihan, katapatan, kaamuan, [at] pagpipigil sa sarili.”17 Isinama rin ni Pablo ang pagdadala ng mga pasanin ng isa’t isa at hindi panghihinawa sa paggawa ng mabuti.18 Isinama niya sa mga gawang hindi matwid ang pagkamuhi, poot, at alitan.19
Ang isa sa malalaking aral sa panahon ng Lumang Tipan ay nauugnay kay Amang Abraham. Mayaman sina Abraham at Lot, na kanyang pamangkin, ngunit nalaman nila na hindi sila maaaring manirahan nang magkasama. Para mawala ang alitan, pinayagan ni Abraham si Lot na piliin ang lupaing gusto niya. Pinili ni Lot ang libis ng Jordan, na may mainam na suplay ng tubig at maganda. Kinuha ni Abraham ang di-gaanong matabang lupain ng Mamre. Nakasaad sa mga banal na kasulatan na itinayo roon ni Abraham ang kanyang tolda at nagtayo siya ng “dambana sa Panginoon.”20 Si Lot, sa kabilang dako, ay “[itinayo] ang kanyang tolda [paharap] sa Sodoma.”21 Malinaw ang aral na dapat tayong maging handang makipagkasundo at iwaksi ang alitan tungkol sa mga bagay na walang kaugnayan sa kabutihan upang magkaroon ng payapang mga ugnayan. Tulad ng itinuro ni Haring Benjamin, “Hindi kayo maglalayong saktan ang isa’t isa, kundi ang mabuhay nang mapayapa.”22 Ngunit sa ugaling may kaugnayan sa kabutihan at mga utos sa doktrina, kailangang manatili tayong matatag at hindi natitinag.
Kung nais nating magkaroon ng kapayapaan na siyang gantimpala ng mga gawa ng kabutihan, hindi natin itatayo ang ating tolda paharap sa mundo. Itatayo natin ang ating tolda paharap sa templo.
Pangatlo: Gamitin ang Kalayaang Pumili para Piliin ang Kabutihan
Ang kapayapaan at kalayaan ay magkaugnay bilang mahahalagang bahagi ng plano ng kaligtasan. Tulad ng ipinaliwanag sa paksa ng ebanghelyo tungkol sa “Kalayaang Pumili at Pananagutan,” na “Ang kalayaang pumili ay ang kakayahan at pribilehiyong ibinigay ng Diyos sa atin upang makapili at kumilos para sa ating sarili.”23 Sa gayon, kalayaang pumili ang pinakamahalaga sa personal na paglago at karanasan na nagpapala sa atin kapag sinusunod natin ang Tagapagligtas.24
Kalayaang pumili ang pangunahing usapin sa “premortal na Kapulungan sa Langit” at sa digmaan sa pagitan ng mga nagpasiyang sumunod kay Cristo at sa mga kampon ni Satanas.25 Sa pagwawaksi sa kayabangan at hangaring kontrolin ang lahat ng bagay at pagpili sa Tagapagligtas, mapapasaatin ang Kanyang liwanag at kapayapaan. Ngunit masusubok ang personal na kapayapaan kapag ginamit ng mga tao ang kanilang kalayaang pumili sa nakapipinsala at nakasasakit na mga paraan.
Tiwala ako na ang payapang katiyakang nadama natin sa ating puso ay napatibay ng kaalaman natin kung ano ang magagawa ng Tagapagligtas ng sanlibutan para sa atin. Malinaw itong nakasaad sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo: “Sa pag-asa natin sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, matutulungan Niya tayo na tiisin ang ating mga pagsubok, karamdaman, at sakit. Mapupuspos tayo ng galak, kapayapaan, at kaaliwan. Lahat ng di-makatarungan sa buhay ay maiwawasto sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.”26
Pang-apat: Itayo ang Sion sa Ating Puso at Tahanan
Lahat tayo ay mga anak ng Diyos at bahagi ng Kanyang pamilya. Bahagi rin tayo ng pamilya kung saan tayo isinilang. Ang pamilya ang pundasyon kapwa para sa kaligayahan at sa kapayapaan. Itinuro sa atin ni Pangulong Russell M. Nelson, at natutuhan natin sa pandemyang ito, na ang mga gawaing pangrelihiyon na nakasentro sa tahanan at suportado ng Simbahan ay maaaring “kalagan ang kapangyarihan ng pamilya … [upang gawing] santuwaryo ng pananampalataya ang [ating] tahanan.”27 Kung ginagawa natin ito sa ating tahanan, mapapasaatin din ang kapayapaan ng Tagapagligtas.28 Alam namin na marami sa inyo ang hindi napagpala ng mabuting pamilya at laging nakikipagtalo sa mga taong pumipili sa kasamaan. Mabibigyan kayo ng Tagapagligtas ng proteksyon at kapayapaan na gagabay sa inyo sa huli tungo sa kaligtasan at kanlungan mula sa mga unos ng buhay.
Tinitiyak ko sa inyo na ang kagalakan, pagmamahal, at katuparang nararanasan sa mapagmahal at mabubuting pamilya ay naghahatid kapwa ng kapayapaan at kaligayahan. Pagmamahal at kabaitan ang mahalaga sa pagkakaroon ng Sion sa ating puso at tahanan.29
Panglima: Sundin ang Kasalukuyang mga Payo ng Ating Propeta
Lalong nag-iibayo ang ating kapayapaan kapag sinusunod natin ang propeta ng Panginoon na si Pangulong Russell M. Nelson. Maya-maya pa ay mapapakinggan na natin siya. Inihanda siya mula pa nang itatag ang mundo para sa tungkuling ito. Ang kanyang personal na paghahanda ay lubhang kahanga-hanga.30
Itinuro niya sa atin na “madarama natin ang walang-maliw na kapayapaan at galak, maging sa maligalig na mga panahon,” habang nagsisikap tayong maging lalong katulad ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo.32 Pinayuhan niya tayong “magsisi araw-araw” tanggapin ang “naglilinis, nagpapagaling, at nagpapalakas na kapangyarihan ng Panginoon.” 32 Personal kong nasaksihan na natanggap at patuloy na natatanggap ng ating mahal na propeta ang paghahayag mula sa langit.
Bagama’t iginagalang at sinusuportahan natin siya bilang ating propeta, sinasamba natin ang ating Ama sa Langit at ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Tinutulungan tayo ng Espiritu Santo.
Nagpapatotoo at personal akong sumasaksi bilang Apostol na si Jesucristo, ang Tagapagligtas at Manunubos ng sanlibutan, ang namumuno at gumagabay sa Kanyang ipinanumbalik na Simbahan. Ang Kanyang buhay at nagbabayad-salang misyon ang tunay na pinagmumulan ng kapayapaan. Siya ang Prinsipe ng Kapayapaan. Ibinabahagi ko ang aking matibay at taimtim na patotoo na Siya ay buhay. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.