2021
“Minamahal Mo ba Ako Nang Higit Kaysa mga Ito?”
Nobyembre 2021


13:6

“Minamahal Mo ba Ako Nang Higit Kaysa mga Ito?”

Ano ang mga bagay na magagawa ninyo sa inyong sariling buhay na nagpapakita na inuuna ninyong mahalin ang Panginoon?

Noong Nobyembre 2019, binisita namin ng aking kaibigan ang Banal na Lupain. Habang naroon, binasa naming muli at pinag-aralan ang mga banal na kasulatan tungkol sa buhay ni Jesucristo. Isang umaga, tumayo kami sa tabing-dagat sa hilagang-kanluran ng Dagat ng Galilea sa lugar kung saan maaaring nakasalubong ni Jesus ang Kanyang mga disipulo kasunod ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli.

Matapos ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesus, mababasa natin sa Juan kabanata 21, na magdamag na nangisda si Pedro at ang ibang mga disipulo ngunit wala silang nahuli.1 Kinaumagahan, nakita nila na may isang lalaki na nakatayo sa tabing-dagat na nagsabi sa kanilang ihulog ang kanilang lambat sa kabilang bahagi ng bangka. Nagulat sila nang himalang napuno ng isda ang lambat.2

Kaagad nilang nakilala na ang lalaki ay ang Panginoon, at nagmadali silang puntahan Siya.

Habang hinihila nila sa tabing-dagat ang lambat na puno ng isda, sinabi ni Jesus, “Halikayo at mag-almusal.”3 Itinala ni Juan na “pagkatapos nilang makapag-almusal, sinabi ni Jesus kay Simon Pedro, Simon, anak ni Juan, minamahal mo ba ako nang higit kaysa mga ito?”4

Habang nakatayo ako sa tabing-dagat ding iyon, natanto ko na ang tanong ng Tagapagligtas ay isa sa mga pinakamahalagang tanong na maaaring itanong Niya sa akin balang araw. Halos parang naririnig ko ang Kanyang tinig na nagtatanong, “Russell, minamahal mo ba ako nang higit kaysa mga ito?”

Naiisip ba ninyo kung ano ang tinutukoy ni Jesus nang itanong Niya kay Pedro, “Minamahal mo ba ako nang higit kaysa mga ito?”

Kung iuugnay ang tanong na ito sa ating sarili sa ating panahon, maaaring itinatanong ng Panginoon kung gaano tayo kaabala at kung ano ang maraming positibo at negatibong impluwensiya na umaagaw ng ating atensyon at panahon. Maaaring tinatanong niya ang bawat isa sa atin kung mas mahal natin Siya kaysa sa mga bagay ng daigdig na ito. Ang tanong na ito ay maaaring tungkol sa kung ano ang talagang pinahahalagahan natin sa buhay, kung sino ang sinusunod natin, at kung paano natin pinakikitunguhan ang ating mga kapamilya at kapwa. O maaaring itinatanong Niya kung ano ang talagang nagdudulot sa atin ng kagalakan at kaligayahan.

Ang mga bagay ba sa daigdig na ito ay nagdudulot sa atin ng kagalakan, kaligayahan, at kapayapaan na inialok ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo at Kanyang iniaalok sa atin? Tanging Siya lamang ang nagdudulot ng tunay na kagalakan, kaligayahan, at kapayapaan sa pamamagitan ng pagmamahal natin sa Kanya at pagsunod sa Kanyang mga turo.

Paano natin sasagutin ang tanong na “Minamahal mo ba ako nang higit kaysa mga ito?”

Kapag natuklasan natin ang mas malalim na kahulugan ng tanong na ito, tayo ay magiging mas mabuting miyembro ng pamilya, kapitbahay, mamamayan, miyembro ng Simbahan, at mga anak na lalaki at babae ng Diyos.

Sa edad ko na ito, maraming burol na ang napuntahan ko. Sigurado ako na marami sa inyo ang nakakapansin ng napapansin ko. Kapag ginugunita ang buhay ng pumanaw na miyembro ng pamilya o kaibigan, bihirang banggitin ng tagapagsalita kung gaano kalaki ang bahay ng namatay, ang bilang ng mga sasakyan, o laman ng pera sa bangko. Karaniwang hindi nila binabanggit ang mga post sa social media. Kadalasan sa mga burol na napuntahan ko, nakatuon sila sa mga pakikipag-ugnayan ng kanilang mahal sa buhay, paglilingkod sa iba, mga aral sa buhay at mga karanasan, at ang pagmamahal nila kay Jesucristo.

Sana ay naunawaan ninyo ako. Hindi ko sinasabi na ang pagkakaroon ng magandang bahay o sasakyan o ang paggamit ng social media ay masama. Ang ibig kong sabihin ay sa huli, napakaliit ng kahalagahan ng mga bagay na iyon kumpara sa pagmamahal sa Tagapagligtas.

Kapag minamahal at sinusunod natin Siya, tayo ay may pananampalataya sa Kanya. Nagsisisi tayo. Tinutularan natin ang Kanyang halimbawa at nabibinyagan at tinatanggap ang Espiritu Santo. Nagtitiis tayo hanggang wakas at nananatili sa landas ng tipan. Pinapatawad natin ang mga kapamilya at kapitbahay at inaalis ang mga kinikimkim na hinanakit. Taimtim tayong nagsisikap na sundin ang mga utos ng Diyos. Sinisikap nating maging masunurin. Gumagawa at tumutupad tayo ng mga tipan. Iginagalang natin ang ating mga ama at ina. Iniiwasan natin ang masasamang impluwensiya ng mundo. Inihahanda natin ang ating sarili sa Kanyang Ikalawang Pagparito.

Sa “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol,” mababasa natin: “Darating ang panahon na babalik [si Jesus] muli sa mundo. … Mamamahala siya bilang Hari ng mga Hari at maghahari bilang Panginoon ng mga Panginoon, ang bawat tuhod ay luluhod at ang bawat dila ay magpapahayag sa pagsamba sa Kanya. Bawat isa sa atin ay tatayo upang hatulan Niya ayon sa ating mga gawa at naisin ng ating mga puso.”5

Bilang isa sa mga Apostol na lumagda sa dokumento na “Ang Buhay na Cristo,” masasabi ko na ang malaman na si Jesus “ang liwanag, ang buhay, at pag-asa ng mundo”6 ay nagbibigay sa akin ng mas malaking pagnanais na lalo Siyang mahalin bawat araw.

Pinatototohanan ko na ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay buhay. Nagpapatotoo ako na mahal Nila tayo. Itinuturo ng mga banal na kasulatan na “gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan na ibinigay niya ang kanyang tanging Anak, upang ang sinumang sa kanya’y sumampalataya ay huwag mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”7 Itinuturo din ng mga banal na kasulatan na “gayon na lamang ang pagsinta [ni Jesus] sa sanlibutan na ibinigay niya ang sariling buhay, na kasindami ng mga maniniwala ay magiging mga anak [na lalaki at babae] ng Diyos.”8

Gayon na lamang ang pagmamahal ng Ama sa Langit kaya inihanda Niya ang Kanyang plano ng kaligtasan na ang Tagapagligtas ang nasa sentro. At gayon na lamang ang pagmamahal ni Jesus kung kaya’t nang itanong ng Ama sa Langit sa malaking Kapulungan sa Langit kung “Sino ang isusugo ko?” Si Jesus, na panganay sa lahat ng espiritung anak ng Ama, ay sumagot ng, “Narito ako, isugo ako.”9 Sinabi Niya sa Kanyang Ama, “Ama, masusunod ang inyong kalooban, at ang kaluwalhatian ay mapasainyo magpasawalang hanggan.”10 Si Jesus ay nagkusa na maging ating Tagapagligtas at Manunubos upang tayo ay maging katulad Nila at makabalik sa Kanilang piling.

Ang dalawang banal na kasulatang ito ay nagtuturo din na kailangan nating maniwala upang makabalik sa Kanilang piling. Kailangan nating maniwala kay Jesucristo at sa plano ng kaligayahan ng Diyos. Ang maniwala ay ang mahalin at sundin ang ating Tagapagligtas at sundin ang mga kautusan, kahit may mga pagsubok at alitan.

Ang mundo ngayon ay maligalig. Nariyan ang mga kabiguan, di-pagkakaunawaan, dalamhati, at mga hadlang.

Sa kanyang mensahe noong 2017, binanggit ni Pangulong Dallin H. Oaks ang sumusunod: “Ang mga panahong ito ay mapaghamon, puno ng matinding alalahanin: mga digmaan at alingawngaw ng mga digmaan, mga posibleng epidemya ng nakahahawang sakit, tagtuyot, baha, at pag-init ng daigdig.”11

Hindi tayo dapat mawalan ng pagmamahal at pag-asa kay Jesus, kahit dumaranas tayo ng napakabigat na mga pagsubok. Hindi tayo kalilimutan kailanman ng Ama sa Langit at ni Jesus. Mahal Nila tayo.

Noong nakaraang Oktubre, itinuro sa atin ni Pangulong Russell M. Nelson na mahalagang inuuna natin sa ating buhay ang Ama sa Langit at si Jesucristo. Itinuro sa atin ni Pangulong Nelson na ang isang kahulugan ng salitang Israel ay “hayaang manaig ang Diyos.”12

Itinanong niya sa bawat isa sa atin: “Handa ka bang hayaang manaig ang Diyos sa iyong buhay? Handa ka bang maging pinakamahalagang impluwensya ang Diyos sa buhay mo? Hahayaan mo ba ang Kanyang mga salita, Kanyang mga utos, at Kanyang mga tipan na impluwensyahan ang ginagawa mo sa bawat araw? Mas uunahin mo ba ang Kanyang tinig kaysa sa iba? Handa ka bang unahin ang kailangan Niyang ipagawa sa iyo kaysa sa lahat ng iba pang mga ambisyon mo? Handa ka bang ipasakop ang iyong kalooban sa Kanyang kalooban?”13

Dapat na lagi nating tandaan na ang ating tunay na kaligayahan ay depende sa ating pakikipag-ugnayan sa Diyos, kay Jesucristo, at sa isa’t isa.

Isang paraan na maipapakita ang ating pagmamahal ay ang makiisa sa pamilya, mga kaibigan, at mga kapitbahay sa paggawa ng maliliit na bagay upang higit na mapaglingkuran ang isa’t isa. Gumawa ng mga bagay na magagawang mas mainam na lugar ang mundo.

Ano ang mga bagay na magagawa ninyo sa inyong sariling buhay na nagpapakita na inuuna ninyong mahalin ang Panginoon?

Kapag pinagtuunan nating mahalin ang ating kapwa tulad ng pagmamahal Niya sa kanila, mamahalin na natin nang tunay ang mga nakapaligid sa atin.14

Itatanong kong muli, paano kayo tutugon sa tanong ng Tagapagligtas na “Minamahal mo ba ako nang higit kaysa mga ito?”

Habang pinag-iisipan ninyo ang tanong na ito, tulad nang ginawa ko, dalangin ko na sasagot kayo tulad ng isinagot ni Pedro noong sinauna, “Opo, Panginoon, nalalaman mo na minamahal kita,”15 at pagkatapos ay ipapakita ito sa pamamagitan ng pagmamahal at paglilingkod sa Diyos at sa mga nakapaligid sa inyo.

Pinatototohanan ko na tayo ay pinagpalang magkaroon ng ebanghelyo ni Jesucristo na gumagabay sa atin sa tamang pamumuhay at pakikitungo sa isa’t isa. Dahil sa Kanya, nalaman natin na bawat anak na babae at anak na lalaki ay napakahalaga sa Kanya.

Pinatototohanan ko na si Jesucristo ang ating mahal na Tagapagligtas. Siya ang Bugtong na Anak ng Diyos. At mapagpakumbaba kong ibinabahagi ang patotoong ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.